CHAPTER 15

1532 Words
“WHAT do you mean by this?” Kunot na kunot ang noo ni Alexander nang pumasok sa kwarto ni Aliana. Hawak nito sa kamay ang bagong kontrata. Gulat na napatayo si Aliana galing sa pagkakaupo sa harap ng vanity mirror, but she tried to compose herself. “It’s all written in English. I’m sure naiintindihan mo lahat ng nakasulat,” aniya sa tono na ginagamit niya tuwing nasa opisina siya. Bahagyang dumilim ang mukha ni Alexander. “Alam mo ang ibig kong sabihin, Aliana.” Sinalubong niya ang tingin nito. “Gaya ng sabi diyan, I want my space to be respected by my employer. And I guess magsisimula tayo sa pagkatok mo sa pintuan ng kuwarto ko bago ka pumasok.” Gumalaw-galaw ang muscles ng mga panga ng lalaki. Ilang segundo siya nitong tinitigan. “You’re not satisfied with the contract?” mayamaya ay tanong nito. Nagkibit-balikat siya. “I was not satisfied with the first contract. Kaya may pinadagdag lang ako kaunti. Wala naman sigurong masama sa mga idinagdag ko, hindi ba? I just wanted to make sure that we will do everything professionally. After all, hindi basta-basta ang paggawa ng biography mo. I need to make sure na makaka-focus ako ng maayos.” “Galit ka ba na hinihigpitan ko pa rin ang mga kilos mo rito sa isla?” “May karapatan ba akong magalit as your contractual employee?” “You know you’re more than just my employee.” Mas lalong nagpantig ang mga tainga ni Aliana. “Ganoon ba? Kasama na rin ba sa binayaran mo ang serbisyo ko sa ‘yo sa kama kaya malaki ang initial payment na binigay mo? Kung ganoon, bakit hindi mo na rin isama diyan sa kontrata iyon para klaro ang mga kailangan kong gawin?” Kinuyom ni Alexander ang mga kamao. “You’re being unreasonable right now, Aliana.” “Am I?” Nanghahamon ang tingin niya rito. Humugot ng malalim na hininga ang lalaki. “Fine. Kung ito talaga ang gusto mo, then so be it.” Tinungo nito ang vanity table at umupo doon saka pinirmahan isa-isa ang mga pahina sa kontrata. Nang matapos ito ay binigay naman nito iyon kay Aliana. Walang imik na kinuha iyon ng dalaga at pinirmahan din ang bawat pahina. Nang matapos siya ay sinauli niya iyon kay Alexander saka inilahad ang kanyang kanang kamay. “Thanks for choosing me as your writer.” Bagama’t bahagya pa ring magdilim ang mukha ng lalaki ay inabot nito ang kamay niya. “It’s my pleasure to have you on board for this project,” sagot nito sa malamig na boses at lumabas na ng kanyang silid. Napaupo sa gilid ng kama si Aliana nang maisara na nito ng pintuan. Napahawak siya sa dibdib. Kahit nagtapang-tapangan siya kanina sa harap ni Alexander ay sobrang lakas ng kabog ng dibdib niya. After all, puwede itong umatras at kumuha ng ibang writer. Bumuga siya ng hangin. Mabuti na lamang at hindi nito ginawa iyon. …………. NASABI na rin ni Aliana kay Gilbert na ayaw niyang sumabay kay Alexander tuwing meal time dahil hindi rin naman sumasabay ang ibang mga empleyado nito rito. Ang totoo ay ayaw niya lang makita palagi ang binata kung hindi naman kinakailangan. Masyadong malakas ang atraksyon niya rito. Wala siyang tiwala sa sarili. Baka mamaya ay mas mauna pa siyang lumabag sa mga pinadagdag niya sa kontrata. Kaya naman kinabukasan, sa staff’s dining area siya tumuloy para sa kanyang agahan. Ngunit nagulat siya dahil pagpasok niya roon, wala pang katao-tao maliban sa dalawang nagse-serve ng pagkain sa mesa. “Saan na po ang iba? Late na ba ako bumaba?” Salubong ang mga kilay na tanong niya sa dalawa na sa tantiya niya ay pawang nasa forties na ang edad. Napansin niya na isang plato lang ang nakalagay doon kaya mas lalo siyang nagtaka. “Ang iba kanina pa kumain,” sagot ng isang babae. “Ang iba naman, mamaya na lang daw sila.” “Ganoon ba? Saan ako puwede kumuha ng plato?” “Ay, sayong plato ito. Dito ka na umupo,” sabi naman ng isa na hinila pa ang upuan para makaupo siya. “Eh kayo? Hindi pa ba kayo kakain?” “Mauna ka na lang muna. Susunod kami.” “Teka…” Tiningnan niya ang mga ito. “Hindi kayo kakain hangga’t hindi pa ako nakakakain?” Nagkatinginan ang mga ito. “Hindi na ako guest dito sa isla. Contractual employee na din ako ni Sir Alexander. Kaya huwag n’yo na akong tratuhin na parang iba. Hindi n’yo na kailangang i-serve ang pagkain ko. Halina kayo, sabay na tayong kumain.” Muling nagkatinginan ang mga ito. Halatang may pag-aalinlangan sa mga mata. “Saan ba nakalagay ang mga plato?” Tanong niya. Nang hindi sumagot ang dalawa ay tinungo niya ang pintuan na papunta sa kusina. Agad na sumunod ang mga ito sa kanya. “Naku, huwag na, Ms. Aliana. Kami na,” pigil ng isa. Hindi niya ito pinakinggan. Nagpatuloy siya sa pagbukas sa mga drawer at cabinet doon hanggang sa nakita niya ang hinahanap. Kumuha siya ng dalawang plato, kutsara at tinidor saka bumalik sa dining area. “Simula ngayon, kasabay n’yo na akong kakain dito. Hindi niya na ako kailangan pagsilbihan. Sabihin n’yo rin sa ibang staff na hindi na nila kailangang hintayin na matapos ako bago sila kakain. Pantay-pantay lang tayo dito lahat.” “Naku, Miss… Alam naman namin na espesyal ka kay Sir Alex eh,” sabi ng isa. “Hindi po totoo ‘yan. Boss ko na rin si Sir Alex ngayon. Kaya Aliana na lang din po itawag n’yo sa akin. Nakakailang naman po kasi kung masyado kayong pormal sa akin.” Napakamot ng ulo ang isa. Ang isa naman ay napangisi. “Ako nga pala si Senda.” “At ako naman si Fina.” Kinamayan niya ang dalawa. “Mahigit dalawang buwan po tayong magkakasama rito sa isla kaya sana maging kaibigan ko kayong lahat.” “Naku, akala nga namin magiging girlfriend ka na ni Sir Alex eh!” ani Senda. “Ikaw talaga! Napaka-tsismosa mo,” saway ni Fina. “Bakit? Lahat naman tayo dito kinilig no’ng mga nakaraang araw ah?” depensa ni Senda. “Kahit ang gaganda ng mga foreigner na dinadala nila dito noon kay Sir Alex, hindi rin naman papatalo itong si Aliana. Akala talaga namin, masusunkit mo na ang pihikang puso ng boss naming iyon. Muntikan pa nga kaming magpustahan sa ‘yo eh.” Binalingan siya ni Fina. “Huwag mo na lang pansinin ‘yang si Senda. Maingay talaga ‘yan. Kumain na lang tayo.” Ngumiti lang si Aliana. Hindi niya alam pinagtsi-tsismisan na pala siya ng mga staff ng isla nitong mga nakaraang araw. Ngunit sa huli, hindi niya pa rin nakuhang sungkitin ang puso ni Alexander gaya ng mga di na mabilang na mga babae na dinala nito rito sa isla. Siguro magpapasalamat na lamang siya na nakuha niya ang trabaho kahit hindi na ang puso nito. Sila na yata ang pinagtagpo ngunit hindi itinadhana. She just couldn’t have it all. Masyado naman na yata kalabisan iyon. ……….. TATLONG araw silang hindi nagkita si Alexander kahit na nasa iisang bahay lamang sila. Naging abala siya sa pagtapos sa mga proyekto niya sa iba’t ibang news companies and publishing house. Ang binata naman ay naging abala rin sa studio nito. Aaminin ni Aliana sa sarili na sobrang na-miss niya ito. May mga pagkakataon na gustong-gusto na niya itong puntahan ngunit pinipigilan niya ang sarili. Ayaw niyang magmukha siyang katawa-tawa sa harap nito. Paninindigan niya ang sinabi niyang boundaries. Sa ika-apat na araw, nakasalubong niya si Alexander sa hallway nang lumabas na ito galing sa main dining hall pagkatapos nitong kumain ng agahan. Siya naman ay kakain pa lang kasabay ng mga staff na nasanay na rin siyang sabayan at nawala na ang pagkailang sa kanya. Napatigil siya sa paghakbang nang masilayan ang binata na napakaguwapo kahit mukhang hindi pa natutulog. Maging ito man ay natigilan nang makita siya. Kapagkuwan ay namulsa ito saka tumikhim at lumapit sa kanya. “Aliana.” “Sir Alex.” Ngumiti siya ng tipid. “You don’t have to call me sir.” “Mas komportable akong tawagin kang sir.” Namamawis ang mga palad niya. Ngayong ang lapit na lamang nito sa kanya, para na namang may nagda-drums sa loob ng dibdib niya. “Sinabi sa akin ni Gilbert na tapos ka na sa lahat ng previous commitments mo. Shall we do our first interview this afternoon?” “Yes.” Tumango-tango ito. “Good.” Mukhang wala na itong ibang sasabihin pa pero hindi ito humahakbang paalis. Si Aliana rin ay wala na rin naman sasabihin ngunit hindi niya rin magawang umalis. They both stood there awkwardly, waiting for the other to go first. Mayamaya ay tumikhim si Alexander. “I-I’ll see you later,” ani nito. Tumango ang dalaga. “See you.” Nang magsimula nang humakbang ang lalaki paalis, pinigilan niya ang sariling sundan ito ng tingin kahit kating-kati na ang mga mata niyang titigan ito. Hindi siya dapat magpadala sa kahit na anong tukso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD