"Nanay, nandito na po ako!" masaya niyang bati pakarating na pakarating sa kanilang tahanan.
Isang maaliwalas at masayag ngiti ang agad na bumungad kay Jordan mula sa kanyang ina na abala pa rin na nagwawalis ng bakuran.
"Oh anak, inumaga ka nanaman," natatawang saad na lang nito.
Dali-dali na lang siyang humalik sa pisngi ng ina pakalapit. "Nagreview po kasi kami kina Andrew," magiliw niyang paliwanag.
"Ah ganoon ba, mabuti naman, baka pagod ka, magpahinga ka na muna kaya may pasok ka pa mamaya diba," alalang turan nito habang papasunod sa kanya papasok.
"Hindi po nay, nakatulog naman po ako, heto po o, ipinagbalot ko po kayo ng mga pagkain." Labas niya kaagad ng ilang supot mula sa kanyang bag na talagang inihanda pa ng mga kaibigan.
"Naku anak, hindi ka na sana nag abala pa," masayang saad ng kanyang ina nang makita ang ilang masasarap na putaheng inilalaba niya na.
"Baka kasi hindi pa kayo nag-aalmusal," magiliw niyang saad dito habang inililipat ang mga pagkain sa plato.
"Ito talagang anak ko oh, ang lambing-lambing," pisil na lamang nito sa kanyang pisngi, "siya nga pala, pinapapunta ka na ng papa mo sa kanila, may allowance ka na yata." masayang saad ng kanyang ina habang papaupo.
Bahagya siyang napasimangot pero pinigilan niya iyon at pinanatili na lang ang ngiti para na rin hindi masira ang araw nila.
"Bakit hindi niya na lang po ipadala?" mahinahon niyang saad.
Napangiti na lang ng matipid ang nanay niya sa kanya. "Anak, alam mo naman ang sitwasyon natin diba, hindi tayo pwedeng mag-inarte," malambing nitong haplos sa pisngi niya.
"Sige po nay, pupunta na lang po ako doon mamaya." sagot niya na lang habang hinahainan ito ng pagkain.
Doon na ito napangiti ng mas matamis sa kanya, kaya naman nagsimula na silang kumain ng agahan na masaya at nagkwekwentuhan.
Tulad ng normal na nilang nakagawian ay tumuloy na sa trabaho ang kanyang ina matapos noon, habang siya naman ay naiwan na upang magligpit ng kanilang pinagkainan at makapag-ayos na rin para sa kanyang pagpasok sa eskwelahan.
Sa sobrang pagmamadali niyang lumabas ay muntik niya ng mabanggan ang babaeng pakatok pa lamang sa gate ng kanilang tinitirahan.
“Ay ano ba iyan!” sita na lang nito habang papaatras.
Nanlalaking matang napalunok na lamang siya nang masilyan ang suot nito na napakaiksing shorts at spaghetti straps, ilang saglit rin siyang napatulala sa mabibilog na dibdib ng babae dahil na rin sa pagkakabalandra nito.
Nabalik lang siya sa ulira nang ibaba na nito ang suot na shades at muntik na siyang matamaan ng hawak nitong payong.
"Mam Marie, kayo po pala, bakit po?" bati niya na lang kaagad dito.
Napahawak na lamang ito sa suot na shades para ibaba upang mas matingnan siya ng mabuti mula ulo hanggang paa.
"Jordan, ikaw pala, grabe ang tangkad mo na ah!" magiliw nitong bati. "Nandiyan ba ang nanay mo?" muling baling na lang nito sa kanilang bahay.
"Naghatid po ng mga labahin," agad niyang sagot.
Napabuntong hininga na lamang ito bago siya muling balingan. "Sabihin mo naman sa nanay mo magbayad na ng upa, magtatalong buwan na akong walang singil sa inyo, nagagalit na iyong asawa ko," nanghihina nitong sambit.
Napalunok na lamang siya muli ng malalim dulo’t ng kung anong kaba, sigurado niyang hindi maganda kapag nagkataon na ang asawa na nito ang maningil.
"Ganoon po ba, magkano ho ba iyong utang namin?" pilit ngiting saad na lang niya.
"Bale nasa dise-otso mil na." Buntong hininga na lamang nito habang tinitingnan sa hawak na notebook.
"Pwede po bang ideposito ko na lang po sa inyo mamaya? Kukunin ko pa lang po kasi iyong pera ko," baka sakali niya na lamang dahil alam niya naman na sasapat ang perang makukuha sa ama.
"Sigurado mo iyan ah," seryosong titig na lang nito.
“Opo, ako na pong bahala,” Pilit ngiti na lamang niya dito habang patango-tango na lang.
Wala na rin naman itong nagawa kung hindi ang umalis dahil na rin wala naman doon ang kanyang nanay.
Kaya naman kahit hindi niya man gusto at labag sa kanyang kalooban ay wala siyang nagawa kung hindi magtungo sa tinitirhan ng ama. Hindi niya pwedeng tanggihan ang ibinibigay nito dahil na rin sa mga gastusin nila ng kanyang nanay. Maliban roon ay malaking bagay rin iyon sa kanyang pag-aaral pa dahil medyo malaki pa rin ang kanyang tuition kahit nakakuha pa siya ng scholarship sa pinapasukan.
Isang malalim na hininga ang pinakawalan niya bago pindutin ang button ng malaking bahay. Ilang saglit pa at nadinig niya na ang ilang mga yapak mula sa loob bago magbukas ang gate.
"Oh bunso, ikaw pala!" masayang bati sa kanya ng lalake na nagbukas sabay gulo sa kanyang buhok.
"Kuya Jayce, uhm, ano kasi, sabi sa akin ni nanay tumawag na raw si papa, pwede ko na raw kunin iyong allowance ko?" hindi niya mapakaling saad habang napapayuko-yuko pa dahil na rin sa pagkailang dito sa nakatatandang kapatid.
"Ah yeah, sandali, dito ka na lang, nandiyan kasi si mommy, ako na lang kukuha." Tapik na lang nito sa kanyang balikat.
"Salamat kuya," paalam niya bago ito tumalikod.
Isang tipid na ngiti lamang ang sinukli nito nang bumaling sa kanya bago magtuloy-tuloy sa pagpasok. Ilang saglit lang ay halata ang patago at nagmamadaling paglabas nito na may dalang isang sobre at isang backpack na kulay itim.
"Oh heto iyong allowance mo, tapos sa iyo na lang ito, may nagsabi kasi sa akin na nakasama ka raw sa varsity, baka kailangan mo ng bagong sapatos at jersey, isang beses ko lang iyan nagamit kaya bago pa, may mga pang-alis din diyan na binili ni kuya Jasper, pabirthday niya na raw sa iyo," masayang saad nito habang iniaabot sa kanya ang bag.
Ganoon na lamang ang tuwa niya habang inaabot ang ibinigay nito, pero ang galak na iyon ay mabilis na napalitan ng takot at panlalamig nang masilayan sa bintana ang asawa ng kanyang ama na nakatingin na sa kanila, ganoon na lang ang panlilisik ng mga mata nito nang makita siya.
"Jayce, anong ginagawa mo riyan!" nanggagalaiting singhal na lamang ng babae pakalabas sa terrace.
"Mommy naman!" maktol na lang ni kuya Jayce niya rito bago siya muling balingan, "sige na Jordan, umalis ka na bago pa bumaba si mommy." Pagtutulak na lamang nito.
"Salamat kuya," yuko niyang paalam bago dali-daling naglakad palayo roon.
"Ang kapal rin naman ng mukha mong magpakita dito, bastardo ka!" sigaw ng babae sa kanya nang makababa na ito, mabuti na lamang at nakalayo na siya sa naturang bahay.
Hindi niya napigilan ang lumingon dito at ganoon na lamang ang kaba niya nang makitang nasa labas na ito at hawak-hawak ng mga kuya niya dahil sa tila gusto pa siyang sugurin.
"Sabihin mo riyan sa nanay mo, magtrabaho! Hindi iyong puro asa sa amin, ang kapal rin ng pagmumukha niyo!" Subok pa nitong bato ng tsinelas sa kanya.
"Mommy, tama na!" awat na lamang ni Kuya Jayce niya kasama na rin nito ang kanyang kuya Jasper na humahatak na rito papasok.
Napatakbo na lang tuloy siya ng wala sa oras dahil sa matinding takot at hiya. Naroon kasi ang kakatuwang tingin ng ilang mga tao na nakakasalubong niya, maliban pa sa ilang mga kapitbahay na sumisilip sa kani-kanilang bintana dahil na rin sa walang patid pa rin ang pagwawala ng asawa ng kanyang ama.
Napapayuko na lamang si Jordan upang itago ang kanyang pagluha dahil na rin sa sikip ng kanyang dibdib ng mga oras na iyon sa sobrang panliliit. Hindi niya mapigilan ang pag-iinit ng kanyang mata dahil na rin sa katotohanan ng bagay na iyon.
Hanggang sa makapasok siya sa eskwelahan ay dala niya ang bigat ng pakiramdam at sama ng loob dahil sa nangyari.
Napilitan lamang siyang umayos nang makitang papasalubong ang mga barkada, kaya ganoon na lamang ang dali-dali niyang pagpupunas ng mata bago buong lapad na ngumiti nang makalapit na ang mga ito. Pinilit niya na lamang ipagkibit balikat ang nararamdaman lalo pa at hindi niya na gustong dagdagan ang kahihiyan sa harap ng mga kaibigan.
Mabuti na lamang at buong maghapon ay mukhang hindi naman napansin ng mga ito ang bigat na dinadala ni Jordan dahil na rin sa pananatiling maloko at makulit ng binata.
"Tol! Anong plano natin mamaya?" Masayang akbay ni Luke sa kanya habang nagliligpit siya ng mga gamit.
Kakatapos lang nilang magpraktis para sa araw na iyon kaya naman halos wala na silang gagawin pakatapos.
"Huh? Ano, pass muna pare, wala kasi akong budget ngayon," pasintabi niya na lamang sa kaibigan.
"Hala, ano kaya iyon, birthday na birthday walang inom?" singit naman ni Andrew dito.
"Sorry talaga mga tol, babawi na lang ako sa susunod." Natatawang kamot niya na lang sa batok.
Hindi niya mapigilan ang manliit sa mga ito dahil na rin sa katotohanan na sapat lamang ang perang ibinigay ng ama para ipambayad sa upa nila sa bahay, halos kaunti na lang rin ang matitira para sa kanya kapag nagbayad na siya ng kanyang matrikula.
"Mauna na ako, magbabayad pa kasi ako sa bangko!" paalam niya na lang bago agad na takbo paalis upang umiwas na sa mga ito.
Gustuhin niya man ay hindi sapat ang pera niya, maliban doon ay eksakto lang ang natitirang bigay ng ama niya para mga susunod na araw ng pasok niya sa eskwelahan.
"Hoy Jordan!" habol na lang ni Raymond ng tawag pero medyo nakalayo na ang binata.
"Where's he going?" takang tanong na lang ni Vincent nang makalapit sa mga kabarkada.
Nagkatinginan na lang ang mga ito na puno ng pagtataka habang pinagmamasdan si Jordan na tumatakbo palayo sa court.
Halos dapit hapon na rin nang makauwi siya dahil sa sobrang haba ng pila sa bangko. Dumaan rin siya sa isang malapit na tindahan para bumili ng mamon, dahil kahit papaano ay gusto niya pa rin naman na ipagdiwang ang kanyang kaarawan kahit na silang dalawa lang ng ina.
"Nanay, nandito na ako!" masayang saad niya pakapasok.
Napakunot na lamang siya ng noo nang makita ang ina na sinasalok ang kaserola ng pansit.
"Oh anak, bakit ngayon ka lang, nasaan iyong mga kaibigan mo? Tawagin mo na sila at maluluto na itong pansit," masayang bati nito sa kanya.
Napangiti na lamang siya ng mapait sa tinuran ng ina, nilapag niya na lang muna ang dala sa lamesa upang tulungang ito.
"Mama naman, wala naman po akong bisita, tsaka saan po kayo nakakuha ng pera na pang pansit?" puna niya na lang habang inaamoy ang mabangong luto nito.
"Huh? Eh nandiyan lang kanina iyong mga kaibigan mo eh, sila nga nagdala nito para lutuin," kunot noong sambit na lamang nito sa kanya."Sabi nila may bibilihin lang daw sila sandali," dugtong nito bago muling balingan ang paghahalo sa niluluto.
Napasalubong na lamang siya ng kilay sa narinig. "Po?" Dali-dali na lang siyang napapunta sa may pinto nang madinig ang ingay ng isang sasakyan na pumaparada
Ganoon na lamang ang bugso ng tuwa sa kanyang dibdib nang makita si Luke na may hatak-hatak na isang case ng beer na may kahon pa ng alak sa ibabaw, kasunod nito si Raymond na may dalang ilang supot ng lechon manok, kahon ng inihaw na bangus, bagong lutong sisig at crispy pata.
"Uy tol, happy birthday!" Masayang tapik sa kanya ni Raymond pakapasok sa loob, dali-dali itong nagtungo sa mama niya para ibigay ang mga pinamili.
"Tita, pahingi po ng plato," magiliw nitong saad sa kanyang ina, halata naman ang pagkasorpresa ng mama niya sa mga dala ng kaibigan.
"Ang dami naman nito!" sita na lang ng kanyang ina sa kaibigan.
"Naku tita, kaya natin ubusin iyan," ngiting saad ni Raymond.
"Tita, palagay muna po nitong yelo sa ice box," paalam naman ni Luke pakapasok, mukhang doon palang siya nito napansin at halatang nagulat pa ito. "Uy pare, nandiyan ka na pala!" natatawang saad nito sa kanya.
Parang nasamid na lang siya dahil sa kakaibang bugso ng galak dahil sa pag-aabala ng mga ito, hindi niya napigilan ang mapaluha habang napapangiti ng malapad dahil sa sorpresang nadatnan, kaya ganoon na lamang ang pananahimik niya sa isang tabi dahil na rin sa hindi niya nais na mapansin ng mga ito ang pigil niyang paghikbi sa tuwa.
"Oh pare, ipinaalam ka na namin kay tita, pwede ka nanaman daw uminom kasi legal ka na din naman eh," biro na lang ni Luke habang inaayos ang yelo sa lagayan nito.
"Oh ano naman iyan!" gulat na sambit na lamang ng mama niya nang pumasok naman si Andrew na may bitbit na ilang plastik ng groceries.
"Tita, hindi ko po kasi alam iyong kailangan niyo, kaya binili ko na lang iyong sinabi ng sales lady," hiyang saad nito habang inilalapag ang mga supot.
"Pare, baka naman hindi ka nakabili nang buto na pang bulalo!" siyasat ni Luke sa mga dala nito.
"Kailangan ba noon?" Napakamot na lamang sa ulo si Andrew.
"Hala ka!" Napahalungkat na lang rin kaagad si Raymond sa mga supot.
"Sabi kasi noon sales lady iyan na daw iyong kailangan." Natatawang kamot na lang muli ni Andrew sa batok.
"Bakit ang dami niyong binili!" sita na lang muli ng nanay niya nang makita ang dami ng laman noon, kaya naman natawa na lang ang mga kabarkada niya.
"Tita, wala na po iyong gusto niyong macaroni, kaya lasagna na lang po binili ko." Saad naman ni Vincent pakapasok, may dala itong ilang kahon ng pizza, lasagna, barbecue at mga softdrinks.
"Hey dude, happy birthday," bati nito nang mabatid siya doon.
Hindi niya na napigilan ang tuloy-tuloy na pagluha habang pinagmamasdan ang salo-salo na inihahanda ng mga ito para sa kanya, napatigil lang siya nang madama na lang ang siko ni Luke sa kanyang tagiliran.
"Tita anak niyo nagdradrama," asar na lang nito sa kanya.
"Hindi, napuwing lang ako!" hikbing saad niya na lang.
Napatawa na lamang ang mga kaibigan at ina niya sa kanya kaya naman ganoon na lang din ang ginawa niya.
Naghapunan muna sila bago uminom, wala naman naging problema iyon sa kanyang mama dahil na rin sa kaarawan niya, ito pa ang nag-asikaso sa mga inumin at pagkain nilang lahat.
Matapos ang halos ilang oras na walang patid na alak at pagkain ay mukhang tinamaan dahil na rin sa pagsisimula ng pagiging makulit ng mga ito.
"Why did she have to do that, why!" maktol na hagulgol na lamang ni Raymond.
Natatawa na lamang si Jordan sa mga kaibigan dahil halatang mga lasing na ang kasama. Ilang bote na lang ng beer ang naroon at naubos na rin nila ang mga alak, kaya naman nagkwekwentuhan na lamang sila ng mga sandaling iyon.
"Dude, you're drunk." tusok ni Vincent ng daliri sa pisngi nito.
Pinaningkitan na lang ito ni Raymond ng mata. "No I'm not!" hampas nito sa kamay ni Vincent, "I thought you could understand me since we're on the same boat!" tampong maktol nito sa kaibigan nila.
Nawala lang ang atensyon niya sa dalawa nang bigla siyang akbayan ni Andrew. "Tol, mamaya kapag hindi na ako nahihilo, punta tayo doon sa ano, doon..." natatawang bulong nito sabay lagok sandali sa bote, "sa may mga chikas, tapos ihahanap ka namin ng sexy, iyong malupit, para naman mabinyagan ka na," tataas-taas kilay na saad nito.
"Hey, hey, Luke! Why don't you take Jordan to that..." singit kaagad ni Vincent pero natigil na ito sa pagsasalita nang bigla na lang salpakan ni Luke ng lechon manok sa bibig.
"Shhh, Vincent kumain ka na lang," natatawang saad ni Luke. Hindi naman pumalag si Vincent at nilantakan na lang ang itinakip ng kaibigan dahil halatang wala na rin ito sa sarili.
Napatawa na lang siya sa mga kaibigan, kahit papaano ay matino pa naman siya dahil na rin sa hindi siya masyadong nakainom dahil na rin sa pag-aasikaso sa mga ito nang umakyat na ang kanyang mama para matulog.
“Tol, tol! Halika rito,” masayang tawag ni Luke na may inaabot sa bag nito.
“Bakit?” sambit nang makatabi na rito sa upuan.
“Heto, regalo namin sa iyo, alam ko naman kasi na naiilang ka pa rin dahil sa nangyari noon nakaraan, kaya heto na muna, sure ako magugustuhan mo iyon nasa centerfold niyan,” ngising-ngising turan nito.
Napangiti na lamang siya ng tipid nang makita ang mamahalin na magazine na ibinalot pa ng mga ito at dahil na rin sa pangungulit ni Luke ay napilitan siyang buksan iyon para tingnan ang sinasabi nito.
“Oh diba ang ganda niya!” malokong sambit ni Luke.
Ganoon na lamang ang panlalaki ng kanyang mata at butas ng ilong, dahil sa bigla na lamang pag-iinit ng buo niyang katawan nang masilayan ang magandang dilag sa nasabing babasahin.
Nakaluhod ito pero tila nang-aakit ang mag mata at mapupula’t malapuso nitong labi sa litrato, tanging salawal lamang ang suot ng babae at natatakpan lamang ng mahaba nitong buhok ang mga dulo ng dibdib, kaya naman ganoon na lamang ang paggising ng kanyang dugo.
“A...anong pangalan niya?” tanging sambit na lang niya.
“It’s Cassady Del Cielo, sumisikat pa lang siya kaya hindi pa masyado kilala, sabi ko na nga ba magiging type mo eh, marami pa siyang litrato riyan,” maloko nitong sambit.
“Salamat dito tol!” Natatawang sambit na lang niya.
Mukhang kilala na talaga siya ng kaibigan dahil na rin sa pilit nitong pagpapalakas ng kanyang loob dahil sa nagawang kapalpakan noon.
Nawala lang muli ang atensyon niya nang marinig na lamang ang malakas na paglagapak sa sahig. Pagtingin niya roon ay nakasubsob na ang mga kaibigan niya at wala ng malay roon.
Napapigil na lamang siya ng tawa dahil sa pagsisiksikan ng mga kasama niya sa kutson na inilatag.
Habang inaayos ang mga barkada ay walang patid ang pasasalamat niya sa mga ito, dahil tila ba pinupunan ng mga kaibigan ang isang bagay na tila kinukulang sa kanyang buhay.
Dahil na rin sa hindi pa makatulog ay napagdesisyunan niyang muling silipin ang iniregalo ang mga ito. May kung anong kakaibang siyang pakiramdam ng mga oras na iyon habang binabalingan ang naturang litrato ng dilag, naroon kasi ang kakatuwang bugso sa kanyang dibdib na hindi tumitigil dahil na rin sa tila ba pagkahipnotismo niya sa kakaibang ganda ng nasa larawan.