Kabanata IX

2763 Words
Kabanata IX Paunawa: Ang kwentong ito ay nagtatampok ng mga maseselang eksena at tagpo na hindi angkop sa mga mambabasang may edad 18- pababa at sa mga mambabasang hindi sanay sa erotica. Huwag nang ituloy ang pagbabasa kung hindi rin lang ninyo gusto ang konteksto. KATARINA HINATID AKO NI ROBIN sa boarding house ko at hindi ko ine-expect na makikita ko si Ace na nakaupo sa harapan ng aking pintuan. Naaamoy ko ang alak sa kaniya at nang maaninag ko siya mula sa liwanag ay nakita ko ang duguan niyang labi. Ngingisi-ngisi pa siya ngunit halatang galit siya sa akin. Ang tanging bagay na hindi ko lang maunawaan ay ang pag-iwas niya at ang pagsasabi niya na hindi ako bagay sa kaniya at doon na lamang ako sa lalaking iyon, na tinutukoy si Robin. Gusto ko siyang tulungan o gamutin man lang ngunit heto at pinagsaraduhan niya ako ng pinto. Hindi na ako nakagawa pa ng paraan upang makausap siya kaya naman pumasok na lamang ako sa aking inuupahang kwarto. Curious pa rin ako dahil sa kaniyang mga sinabi. Nanatili akong nakaupo sa tapat ng aking mesa sa maliit kong kusina habang umiinom ng tubig. Nakatulala lang ako at tumititig sa kawalan. Magpaulit-ulit ang kaniyang mga sinabi sa akin kaya naman napailing na lang ako nang mapagtanto ko na siya na pala ang iniisip ko sa mga sandaling ito. Wala na rin akong maisip na iba pang dahilan kung bakit niya iyon nasabi kaya naman sumasakit lang ang ulo ko kapag patuloy kong iisipin ang bagay na iyon. Kaya naman pagkatapos kong uminom ay pumasok na ako sa aking kwarto at saka nahiga sa aking kama. Isang oras lang naman ang pasok ko bukas kaya't marami akong time para magtrabaho sa Jollibee. KINAUMAGAHAN AY MAAGA akong nagising dahil alas syete ang klase ko. Matatapos iyon ng alas otso kaya naman 5:00 pa lang ng umaga ay bumangon na ako. Nagkape at tinapay lang ako para sa aking almusal dahil sanay naman akong minsan lang mag-almusal. Nagawa ko na lahat ang gagawin ko kaya't bago mag 6:30 ng umaga ay lumabas na ako ng aking boarding place. Isinususi ko pa lang ang aking pintuan nang mula sa peripheral view ko ay nakita ko si Ace na papalapit. Siguro ay galing siya sa ibaba. Nakasuot siya ng itim na basketball shorts at sando na itim at halatang pawis na pawis. Nag-jogging siya. Maaga pa naman kaya't pagkakataon ko na rin siguro na kausapin siya. Sinadya kong tumayo lang sa tapat ng aking pintuan at tiningnan siya habang papalapit. Nagulat ako nang makita ko ang mukha niya. Mayroon siyang pasa sa kanang pisngi at basag ang labi niya. Dios ko, ano bang ginawa niya? Kanino ba siya nakipagbugbugan? Nakatitig ako sa kaniya ngunit siya itong hindi nakatitig sa akin. Diretso lang ang tingin niya. Basa ang buhok niya sa pawis at ngayon ay mas lalo ko na siyang nakikita dahil papalapit na siya. Inayos kong mabuti ang suot kong salamin saka akmang kakausapin siya. "Pwede ka bang…," hindi ko natapos ang sasabihin ko dahil nilagpasan niya ako. Hindi na ako lumingon pa sa kaniya hanggang sa padabog niyang isinara ang kaniyang pintuan. Napalingon na lang ako doon nang tuluyan na siyang nakapasok. "Anong problema niya?" Nagtataka pa rin talaga ako sa inaasta niya. Napapailing na lang akong bumaba ng palapag namin at dala sa aking isipan na baka nga mayroon akong maling nagawa na dahilan para maging ganon siya sa akin. Ngunit teka, kailangan ko bang isipin ng mabuti kung mayroon akong bagay na ginawa na ikinagalit niya? Wala naman siyang papel sa buhay ko upang isipin ko iyon para sa kaniya. Kaya't pagkasakay ko ng tricycle ay pinilit kong iwaksi sa isipan ko ang mga bagay na ito. PAGDATING KO sa school ay nakasalubong ko pa si Maxine sa tapat ng gate. "Sis, kumusta ka na? Buti naman at nakapasok ka na!" Agad ko siyang sinalubong at kinausap. "Heto, medyo okay na. Marami ba akong na-miss sa klase?" Tanong niya. Sabay na kaming umakyat sa mataas na hagdang ng San Lorenzo University. "Sa klase, pwede ka namang humabol, ituturo ko na lang sa'yo ang mga bagay na hindi mo nalaman kahapon," sabi ko sa kaniya upang huwag na siyang mag-alala pa ng sobra. Sa kurso kasi namin ay hindi pwedeng petiks petiks lang. Lalo pa at matindi ang salaan ng mga gagraduate sa amin. Mabuti na lamang at hindi natuloy ang aming quiz noong araw na lumiban ako. At katulad ng gagawin ko kay Maxine na magturo ng mga bagay na hindi niya nalaman nang siya ay absent ay ganon din ang ginagawa niya sa akin. Plus, nag-a-advance study talaga ako. MABILIS NATAPOS ang klase namin. Hindi namin kaklase si Robin sa subject namin ngayong araw kaya't wala siya dito. Nakakapanibago namang walang imik ang grupo ni Charlotte na laging gumagambala sa araw ko. Pagkatapos ng lecture ay agad na rin kaming pinauwi ng aming propesor. "Saan ka ngayon?" Tanong ni Maxine. "Sa Jollibee, saan pa nga ba? Sayang din ang oras oh, ang haba. Eh di kung maka 6 hours ako doon ay maaga pa akong makakauwi, diba?" Sabi ko sa kaniya habang naglalakad palabas ng college department building. "Gusto kong pumunta sa National Book Store at mamili ng mga babasahing libro. Gusto kong magbasa, lately," sabi niya. "Sana all nakakapagbasa. Pero hiramin ko na lang pagkatapos mo," sabi ko. Sa totoo lang ay nagtitipid ako kaya't kahit sana gusto kong bumili ay hinahayaan ko na lang na lumipas ang kagustuhan ko. Maya maya ay tumawag si nanay sa akin mula sa cellphone ko. "Saglit lang ha, tumatawag si nanay," sabi ko bago ko sagutin ang tawag. Huminto kami sa lilim ng puno ng Acacia sa loob ng school at doon ko kinausap si nanay. "Hello nay. Bakit po?" "Anak, nandito kami sa bagong nilipatan mo, wala namang tao. Kaya't sa kabilang kwarto muna kami, nakakahiya nga e pero pinapasok naman kami ng kapitbahay mo," sabi ni nanay. What? Sinong kapitbahay? "Nay, sinong kapitbahay?" "Lalaki anak, medyo may pasa sa mukha pero parang mabait naman," sabi pa ni nanay. "Si Aling Cresencia ba iyan? Ikumusta mo naman ako," singit ni Maxine. "Sige nay, pabalik na ako diyan. Wala na akong pasok," nagmamadali akong naglakad palabas. "Sis, bakit ka nagmamadali?" "Si nanay at tatay nandoon sa boarding house," sagot ko. "Ay wow, dinalaw ka," sabi niya. "Ang masaklap, nasa kapitbahay sila ngayon. Nakakahiya," sabad ko. "Anong nakakahiya?" "Hindi kami okay ng kapitbahay ko hindi ba?" "Ah ok! Sorry. Sige, sasama na lang ako sa'yo. Gusto ko din silang makita," aniya. Siguro ay mamayang hapon na lamang ako magduduty. Kailangan kong asikasuhin ang mga magulang ko dahil alam kong malayo ang pinanggalingan nilang lugar. Hindi man lang sila nagsabi na pupunta sila at biglaan pa. PAGKABABA NAMIN ng tricycle sa tapat ng Tita Lola's Boarding House ay nagmadali na kaming umakyat sa taas. Sa dulong bahagi ang aking pwesto, ikalawang kwarto bago ang dulo kaya't medyo mahaba pa ang aming tatakbuhin. Hanggang sa makarating na kami doon. "Nay! Halina kayo. Nandito na ako," kumatok ako sa kwartong iyon sa dulo. Alam kong nandoon si Ace at siya ang tumanggap sa kanila. Nagbukas ng pintuan ang kapitbahay ko at siya nga ang tumambad sa akin. "Ay nay, nandito na pala ang anak ninyo," magiliw na wika niya. Teka lang, nakakapanibago. Ano bang maskara ang nakikita ko ngayon kay Ace at parang ibang tao siya ngayon. "Naku hijo, salamat sa iyong pagpapasok sa amin dito ha? Pasensya ka na at naistorbo namin ang tulog mo sa kakakatok namin sa kabila. Lalabas na kami,"magiliw na wika ni nanay saka akay akay ang aking tatay ka lumabas ng kabilang kwarto. Nanatili namang walang imik si Ace hanggang sa makalabas na ang mga magulang ko. "S-salamat," nauutal kong wika at hindi ako makatingin sa kaniya nang isara niya ang pintuan ng kaniyang kwarto. "Mano po Tita at Tito," naunang nagmano si Maxine sa kanila. "Mano po," at saka ako sumunod. Pagkatapos ay pumasok na kami sa aking silid. "Hindi man lang kayo nagsabi nay na pupunta pala kayo," wika ko nang tuluyan na kaming nakapasok. "Naku hija, sinabihan ko nga itong nanay mo na sabihan ka para naman alam mo pero gusto ka talagang sorpresahin," sabad ni tatay. Naupo kaming apat sa tapat ng maliit kong mesa. "Ano naman itong mga dala ninyo?" Tanong ko. "Mga gulay iyan anak at mga prutas. Iyan lang ang naani namin sa ating bakuran kaya't iyan ang dinala namin sa'yo. Kumusta ka na hija?" Wika at tanong ni nanay sa akin. "Maayos naman po. Kahit papaano ay nakakaraos naman," sagot ko. "Isasanla namin ang sakahan para sa sinasabi mong OJT anak, alam naming kailangan mo iyon para sa iyong pagtatapos," sabad ni tatay. Kinurot ang puso ko dahil sa kaniyang sinabi sa akin. Alam kong hindi nila ako tunay na anak. Inamin nila iyon sa akin nang ako ay nasa grade school pa lamang at namulat na ako sa katotohanan na iyon dahil panay ang tukso sa akin ng mga kabataan nang ako ay bata pa lamang. Laging sagot ng aking mga magulang sa akin sa tuwing magtatanong ako ay galing ako sa puso nila at kahit pa hindi kami magkadugo ay itinuturing na nila akong tunay na anak. At katulad ng laging sinasabi sa akin ni tatay sa tuwing umiiyak ako dahil sa pangungutya ng iba, ipagdasal ko lang lagi sila upang pagpalain pa sila ng Maykapal. Ganito kabait ang aking itinuturing na mga magulang. "Tay, huwag muna. Nag-iipon na ako para doon at iyon na lamang ang natitirang sakahan natin. Huwag na po," sabi ko. "Anak, kung para sa iyong pag-aaral ay bakit hindi namin gagawin? Kaya pa namin ng tatay mo na magtiis sa gulay, kaya't huwag kang mag-alala sa amin," wika naman ni nanay na ngayon ay naglalabas na ng mga dinala nilang gulay at prutas. Niyakap ako bigla ni Maxine dahil sa totoo lang ay nararamdaman niya ako. Sa tuwing kami lang talagang dalawa at nagkakausap kami tungkol sa pamilya ay palagi akong umiiyak sa kaniya. Ngunit ngayon ay ayaw kong umiyak dahil ayaw kong makita akong mahina ng aking mga magulang. "Alberto, tulungan mo nga akong tanggalin ang tali nito," tawag ni nanay kay tatay. "Sis, ako na ang bahala sa kape nila. At home naman ako dito, sige na," sabi pa ni Maxine saka tumayo at nag-prepare ng aming makakain. "Naku nay, huwag na sana kayong nag-abala. Ang bibigat ng mga dala ninyo oh," sabi ko pa na lumapit at tiningnan ang mga karton nilang dala. "Naku Katarina, huwag mo nang intindihin iyon. Ang mahalaga ay nakarating kami dito na dala ang lahat ng ito. Kaysa bumili ka pa hindi ba?" Ani nanay na ngayon ay naglalagay na ng kanilang mga dalang ng gulay sa mesa. DITO NA RIN NANANGHALIAN sina nanay at tatay. Malayo pa ang uuwian nila kaya naman kahit gusto ko pa sanang makasama sila ay hindi na dahil pagkatapos ng tanghalian ay uuwi na rin sila. Bago sila umuwi ay kinuha ko ang itinatabi kong pera na ibibigay ko sana sa kanila pag umuwi ako. Limang libo iyon at kahit paunti unti ay mayroon silang madudukot. Labis ang pasasalamat nila sa akin at nang makaalis na sila ay yumakap ako sa aking kaibigan. "Ooyyy, walang iiyak," sabi pa niya. "Yes sis. Hindi ako iiyak," pinigilan ko ang sarili ko. Umakyat na rin kami nang makalayo na ang tricycle. Pagdating namin sa ikatlong palapag ay nandoon sa tapat si Ace. Nakasuot siya ng ripped jeans at round neck na sandong puti. Nang makalapit na kami ay saka siya nagsalita. "Papasukin mo iyang kasama mo at mayroon akong sasabihin sa'yo," aniya. Hindi man siya nakatingin ay alam kong ako ang kausap niya. Na-gets naman kaagad iyon ni Maxine kaya't siya na ang nagkusang pumasok. Pagkapasok ng aking kaibigan sa loob ay saka siya nagfold ng mga braso at tumitig sa aking mga mata. Ako naman ay nakatingin sa kaniya at mas lalo kong nakita ang mga pasa niya sa pisngi at ang sugatan niyang labi. "Anong sasabihin mo?" Napayuko ako sapagkat hindi ko matagalan ang pagtitig sa kaniya. "Sabi ng nanay mo ay magaling ka raw gumamot. Magpapagamot ako ng sugat mamaya sa'yo," sabi niya. Nagulat ako. Sinabi iyon ni nanay? "At isa pa, sabi niya na humingi raw ako sa'yo ng mangga na dala niya. Kaya't bigyan mo ako ng kalahati ng sa'yo. Ngayon na," utos niya. At aba, napakademanding! "Iyong mangga, okay lang, pero yung paggamot sa sugat mo ay hindi ko maipapangako. Sige, hintayin mo na lang dito at ako na ang kukuha," sabi ko at akmang papasok. "Sinabi rin niya na ako ang mamimili ng gusto kong kunin. Kaya't papasok ako para ako na mismo ang makakuha," aniya. Wala na akong nagawa nang tuluyan na siyang nakapasok sa silid ko at dumeretso na siya sa kusina. Nagulat pa si Maxine at ngayon ay wala siyang kibong pinagmasdan lamang ang papasok na si Ace. "Pengeng plastic," utos ni Ace. Aba, talagang demanding. Sa paglalakad niya pa lang, sa tingin niya at sa pag-arko ng labi niya ay natural na siyang barumbado. At ngayon, puro siya bugbog sa mukha, mas gusto niya pa yatang makipagbasag-ulo kaysa sa mag-almusal. Gangster ang peg ng lalaking ito. "Oh heto," sabi ko at inabot ang supot. "Maliit pa iyan. Hindi lang mangga ang kukunin ko," sabi niya. Bumuntong hininga ako at umirap. "Inirapan mo ba ako?" Masungit niyang tanong. "Oh heto, mas malaki. Kunin mo na lahat ang gusto mo," sabi ko. "Kaso hindi ka kasya sa supot na ito," aniya. "Huh. Funny!" Umirap na naman ako. Ngumiti siya. Alam kong gwapo rin siya kung nakangiti pero sorry, hindi ako affected. "Sige na, bilisan mo na at papasok pa ako sa work. Kunin mo na ang gusto mo," naiinis kong wika. Hindi na siya kumibo. Kumuha siya ng gulay, prutas at iba't-ibang gusto niyang makuha. "Oh iyan lang ba?" Tanong ko pagkatapos. "Okay. Alis na ako," aniya. Hinatid ko siya palabas saka nagbukas ng pintuan. "Thank you ha?" Sarkastiko kong wika sa kaniya. "You are welcome," sabi niya saka kumindat at lumabas. Apaka-feeling ng lalaking iyon. Ang sarap dagdagan ng pasa sa mukha. NAGPLANO KAMING TATLO nina Maxine at Robin na mag overnight sa boarding house para mag-aral. Ang plano ay susunduin nila ako sa work ko mamaya at sabay sabay na kaming uuwi. Hindi naman bawal na magpapasok ako kaya't free lang iyon sa aming land lady, basta't maging responsable lang kami sa mga gamit. NGAYON AY KASALUKUYAN kaming nag-aaral sa mesa nang makarinig ako ng malakas na music sa kabilang kwarto. Naiinis ako dahil tila ba nananadya siya. Wala akong kibong lumabas ng silid at nagtungo sa labas upang katukin siya. "Hoy! Lumabas ka diyan!" Sigaw ko. Huminto ang music at saka nagbukas ang pintuan. "Ops. Bakit? Anong kailangan mo?" Tanong niya. "Nag-aaral kami sa kabila, nakakabulabog ka ng kapitbahay," sabi ko pa. "Ay sorry. Akala ko kasi mahina pa iyon," aniya saka nagpamulsa ng kamay. "Hindi, kaya please lang maging sensitibo ka naman," naiinis kong wika. "Sino na naman iyong isang kasama mo?" Seryoso niyang tanong. "Si Robin, at wala ka na doon," sagot ko. "Isusumbong kita sa land lady, nagpapapasok ka ng lalaki diyan," aniya. "Nagpaalam na ako sa kaniya kaya't wala kang magagawa!" Bwelta ko. "Okay!" Saka siya tumango lang at pinindot ang kung ano sa bulsa niya. Lumakas muli ang tugtugin at saka siya nagba-bye sa akin bago magsara ng pintuan. Nakakainis!!! MAKALIPAS ang ilang sandali ay tumahimik na. Salamat naman kung ganon. Busy pa rin kami sa pag-aaral nang mayroong kumatok sa pinto ko. "Tsk. Sino na naman ito?" Naiinis akong tumayo. "Anong problema mo?" Bungad ko sa kumakatok. Nagulat ako nang ang kumakatok ay ang land lady namin. "Ay ikaw po pala Tita Lusong," sabi ko pa. "Naku hija, sa bisita mo ba ang motor sa ibaba?" Tanong niya. "O-opo!" "Natumba na lang bigla. Tingan niyo at baka nasira ang ibang parte," wika ng matandang babae. Sino na naman ba ang may gawa nito? Maya maya ay mayroong papalapit na pipito-pito sa pasilyo. "Ace, saan ka galing? Gabi na ah," sita ni Aling Lusing. "Sa kanto lang po, bumili ng softdrinks. Ang init po kasi!" Sabi niya saka tumingin sa akin. Siya na naman siguro ang may pakana nito. Naiinis na ako! Pagtatapos ng Ika-Siyam na Kabanata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD