"TALAGA lang ha? " hindi makapaniwala na react ni Kyzer sa kuwento ni Kylie.
"Kyzer, totoo 'yon. The one who saved me was wearing a nun suit, imposible nga pero nakita ko, nakita ng dalawang mga mata ko kung paano siya nakipaglaban sa kumag na 'yon," tila naiinis na nitong pilit sa kaniya.
Tinitigan lang niya ito ng mataman.
"Hindi na mahalaga kung maniwala man o hindi si Kyzer sa 'yo, hija," boses iyon ng papalapit nilang ama na si Kieran. Sabay silang napatingin dito. "Ang importante ay hindi ka tuluyang napahamak. Next time, you and Mike need to be extra careful. Even though we have blotted the bad guy it doesn't mean p'wede na tayong makampante," dagdag pa nito nang huminto sa kanilang harapan.
Dinala niya ang tingin sa driver ni Kylie na naroon at tahimik na nakamasid sa kanila simula pa kanina.
"Kuya Mike," untag niya rito, "sa susunod doblehin mo ang pag-iingat kay Kylie," bilin niya habang matamang nakatitig dito.
"Yes, Sir Kyzer, pasensya ka na po ulit sa nangyari kanina," pagsang-ayon at paghingi nito ng dispensa.
Si Kylie naman ang binalingan niya pero para tingnan lang ito bago kumilos upang umalis.
"Kyzer, oras na ng dinner. Bakit hindi ka na lang dito kumain? " ang kaniyang ama.
Independent siya at namumuhay ng bukod sa mga magulang niya. Hindi niya masasabi kung ano ang mga maaaring mangyari kung dito siya sisiksik gayong komplikado ang kaniyang trabaho.
"Kailangan ko na umuwi, Dad. Marami pa akong kailangan tapusin," pagtanggi niya sa alok nito at hindi na hinintay na makapagsalita pa ito.
Lumakad na siya palabas sa doorway ng mansion nila habang kinukuha ang lighter at sigarilyo sa bulsa.
Nagsindi siya niyon at hinithit-buga habang patungo sa garage kung saan nandoon ang kotse niya.
•••
NAPATITIG si Kyzer sa TV nang makita ang balita tungkol sa isang malagim na car accident. Bigla ay naalala niya ang aksidenteng naganap sa kanila ni Kylie ilang taon na rin ang nakalipas.
Napasandal siya sa backrest ng sofa habang binubura ang nakaraan sa kaniyang alaala, pinasasakit lang nito ang ulo niya.
Bahagya siyang napakislot at napaangat ang likod nang biglang tumunog ang cellphone niya sa ibabaw ng center table.
Kinuha niya iyon at sinagot nang makitang si Eynon ang tumatawag. "Hmm? " aniya.
"Ano'ng hmm? Huwag mo akong ungulan, Kyzer, hindi ka yummy," bungad nito. "Kanina ka pa namin hinihintay ni Naylor, nakailang rounds na kami sa billiard, naubos na rin namin 'yong beer na in-order namin, anong oras ka pa ba pupunta rito? Kapag pauwi na kami?"
"Eynon, ang totoo n'yan paalis na ako," tugon niya na sinundan ng pagtayo.
"Hay naku! Bilisan mo lang, alam mo naman 'tong isa rito masyadong balisawsawin pagdating sa ganitong lakaran," reklamo nito na ang tinutukoy ay si Naylor.
Tinapos nito ang tawag. Napailing naman siya habang ibinabalik ang cellphone kung saan ito kinuha kanina tapos ay ang sigarilyo at lighter ang dinampot.
Sinindihan iyon at hinithit-buga bago lumakad palabas ng bahay niya.
•••
"KUMUSTA naman si Kylie?"
Napahinto si Kyzer sa gagawin sana niyang pagtumbok sa cue ball nang marinig ang tanong ni Eynon. Tiningnan niya ito ng masama at ito naman ay napangisi sa kaniya.
Si Naylor ay napatingin sa kanilang dalawa at tahimik na nakikinig habang nakamasid.
"Pambihira, masama bang kumustahin si Kylie?" napapailing na tanong ni Eynon sa kaniya.
Dinampot niya ang umuusok na sigarilyo sa ashtray saka hinithit iyon bago iniabot kay Eynon.
Napakunot ang noo nito. "Ano naman ang gagawin ko r'yan?" tanong nito habang paismid na nakatitig sa sigarilyo.
"Baka gusto mong sipsipin o 'di kaya ay nguyain," sarkastikong tugon niya rito.
"Pambihira ka naman, Kyzer. Alam mo namang hindi ako nagyoyosi, 'di ba?" angal nito sa kaniya.
Eksakto, kaya nga ibinigay niya iyon dito para asarin ito.
"Mamili ka, hihithitin mo ito o itong cue stick na hawak ko ang ipapahithit ko sa 'yo?" seryosong tanong niya sa kaibigan.
"Grabe ka naman, Kyzer. Bakit ba kapag si Kylie ang pinag-uusapan natin napakasungit mo sa 'kin, paano magkaka-boyfriend 'yang kapatid mo kung ganiyang binabakuran mo siya?" Habang kinukuha ang yosi sa kamay niya.
"Wala akong pakialam!" inis na tugon niya saka ipinagpatuloy ang ginagawa kanina.
Napailing na lang si Eynon tapos ay sinubukang hithitin ang sigarilyo. Nagkanda-ubo ito at naluha ang mga mata dahil sa pagkasamid sa usok.
Tiningnan niya ito at umiling bago ipinagpatuloy ang pagsipat sa cue ball.
"Sa comfort room ko na lang tatapusin ito," paalam ni Eynon sabay talikod sa kanila.
Noon lang lumapit si Naylor sa kaniya. "Nabalitaan ko ang nangyari kay Kylie, kumusta naman siya?" tanong nito.
Tiningnan niya ito, akala niya ay magpapapanis na lang ito ng laway hanggang sa umuwi sila.
"Mukhang masaya siya," pilosopong tugon niya bago tumayo ng tuwid at tiningnan ito.
Hindi nagsalita si Naylor, halatang napikon sa klase ng tugon niya.
Sumeryoso siya. "Hindi nahuli ng mga pulis ang gagong 'yon." Napabuntong-hininga siya dahil sa pagkadismaya, pagkadismaya na ikinubli niya sa harapan ng kaniyang pamilya. "They failed to obtain the plate number of his vehicle, further complicating the investigation, bukod kase sa hindi malinaw ang CCTV footage ay mukhang gumamit siya ng blankong plaka, ibig kong sabihin, pekeng plaka." Yumukod siya at tinumbok ng hawak na cue stick ang cue ball.
"Hindi ka ba nag-aalala na maaaring maulit ang nangyari sa kaniya?"
Hininto niya ulit ang pagtira matapos makitang pumasok ang bola sa isa sa mga corner pockets.
Tumuwid siya muli ng tayo at humarap ng diretso kay Naylor.
"Sino bang kuya ang hindi nag-alala sa kapatid niya? Naaasar pa nga ako dahil kahit ako nahihirapan ding tukuyin ang identity ng gagong iyon." Hindi niya ikinubli ang inis habang titig na titig dito.
Hindi ito kaagad nagsalita bagkus ay kinuha ang bote ng beer na nakapatong sa gilid ng billiard table. Tumungga ito roon.
"Bakit naman ganoon ka kay Eynon?" tanong na naman ni Naylor sa kaniya matapos ibalik ang bote ng beer sa kinalalagyan. "Kapag nagtatanong siya tungkol kay Kylie?" dugtong pa nito.
Ngumisi siya bago muling tumira at kagaya kanina ay pumasok ulit ang bola.
"Masyado kase siyang makulit," tugon niya habang patuloy sa pagsipat sa sunod na bola.
"Kyzer, maraming naging girlfriend si Eynon pero tingin ko desidido at seryoso naman s'ya kay Kylie."
Inihinto niya ang ginagawa nang marinig ang sinabi ng kaibigan. "Naylor," inis na bigkas niya sa pangalan nito. "Sa totoo lang," pagpapatuloy niya. "Nakikita ko ang sarili ko kay Eynon. Paano ako makakatiyak na hindi niya igagaya ang kapatid ko sa mga naging girlfriend niya?" seryosong tanong niya.
Tiningnan lang siya nito at hindi nagsalita.
Nakita niyang pabalik na si Eynon kaya kumilos siya at ipinagpatuloy ang pagbi-billiard.