Part 1

2644 Words
NAPAUNGOL si Ailyn sa sunod-sunod na katok sa pinto ng bahay niya. Lalong sumakit ang ulo niya. Hindi siya tumayo sa higaan at itinakip ang isang unan sa ulo niya. Antok na antok pa si Ailyn at wala siyang ibang gustong gawin kundi ang matulog. Pero mukhang wala ring balak tumigil ang kung sino mang taong kumakatok sa pinto ng apartment niya. At kung magpapatuloy ang pagkatok nito, malamang na magising din ang mga kapitbahay ni Ailyn, lalo na ang landlady nila na tiyak na dadakdakan siya. “Buwisit naman, o!” naiinis na sabi ni Ailyn at marahas na bumangon. Tiningnan niya ang alarm clock na nakapatong sa bedside table niya. Alas-singko pa lang ng umaga. Naiinis na umungol siya. Dalawang oras pa lang siyang natutulog. “Sino ba itong hinayupak na ito? Ibabalibag kita kapag walang kuwenta ang dahilan ng pang-iistorbo mo sa tulog ko,” nanggigigil na sabi ni Ailyn habang padabog na tuluyang umalis sa kama.  Hindi na siya nag-abala pang ayusin ang magulo niyang buhok. Wala na ring pakialam si Ailyn kung nakasando at shorts lang siya. Ang mahalaga ay makarating agad siya sa pinto at masigawan ang kung sino man ang sumira ng tulog niya. Nang marating ni Ailyn ang pinto ay sumilip muna siya sa peephole upang tingnan kung sino ang naroon. Dala ng trabaho niya ay nakasanayan na ni Ailyn maging mas maingat sa lahat ng bagay kahit pa nasa sarili niya siyang bahay. Tuluyan nang nagising si Ailyn at lalong uminit ang ulo niya nang makita kung sino ang naroon. Gigil na gigil na inalis niya ang tatlong safety lock ng pinto bago iyon binuksan. “Bakit ang tagal mong magbukas ng pinto?” mahinang sikmat kay Ailyn ng lalaking nasa harap niya bago ito pumasok sa apartment niya hindi pa man niya pinapapasok ang lalaki. Napatiim-bagang si Ailyn. “Ano’ng ginagawa mo rito nang ganito kaaga, Anton?” asik niya sa nakababatang kapatid. Ilang buwan na mula nang huli niya itong makita at sa tuwina ay laging hindi magandang balita ang hatid ng nakababatang kapatid. “Bakit naman ganyan ang tono mo? Masama bang bisitahin kita?” tanong ni Anton sa tonong alam na alam na ni Ailyn na may kailangan ito sa kanya. Napabuga siya ng hangin at isinara ang pinto pero hindi naman lumayo roon. Humalukipkip siya. “Alam nating pareho ang tanging dahilan kung bakit mo ako pinupuntahan, Anton. Pagod ako at gusto kong matulog kaya sabihin mo na agad kung bakit ka nandito,” wika ni Ailyn na pilit pinakakalma ang sarili. Ngumiwi si Anton ngunit agad ding tumigas ang anyo. “Kahit ano pa’ng sabihin mo, tayong dalawa na lang naman ang magkapamilya mula nang mamatay si Papa. Kaya dapat nagtutulungan tayo kapag nasa alanganin ang isa sa atin, hindi ba?” Napabuga ng hangin si Ailyn. Hindi niya itinago ang iritasyon sa kapatid. “Ano na naman ba’ng ginawa mo?” prangkang tanong niya. Kumislap ang inis sa mga mata ni Anton bago marahas na bumuntong-hininga. Marahil ay napagtanto rin ng lalaki na kailangan nitong magpakumbaba. “Napasubo ako sa casino kagabi at malaki-laki ang naipatalo ko. Hindi ko kayang bayaran agad. Hindi ko alam na mga delikadong tao pala ang nakalaban ko kagabi at gusto nilang bayaran ko na sila agad dahil kung hindi ay malilintikan ako. Baka puwede mo naman akong pahiramin ng pera. Last na ito promise.” Pinanlakihan ni Ailyn ng mga mata ang kapatid. “Hindi mo pa nga binabayaran ang inutang mo sa akin noong nakaraang, nakaraang buwan, Anton. Sinabi mo rin noon na last na iyon at titigil ka na sa bisyo mong `yan pero wala ka namang tinupad sa mga pangako mo. Ano ka ba naman? Hindi ka pa ba magbabago?”  frustrated na sabi niya. Hindi alam ni Ailyn kung kailan nagsimula, pero mula nang mamatay ang kanilang ama na isang sundalo noong kolehiyo pa lang sila ni Anton ay unti-unting nalihis ang landas ng lalaki. Namatay sa panganganak kay Anton ang nanay nila kaya tuluyan na silang naulilang dalawa nang pumanaw ang kanilang ama. Subalit kahit ganoon ay pinilit pa rin ni Ailyn itaguyod si Anton kahit nag-aaral pa siya noon ng Criminology. Napilitang huminto sa pag-aaral si Ailyn at nagtrabaho sa isang security agency na pag-aari ng tiyuhin nila para kumita ng pera upang maipagpatuloy ni Anton ang pag-aaral nito. Hindi naman mahirap para kay Ailyn ang trabahong iyon dahil bukod sa natutuhan niya sa eskuwelahan, bata pa lang siya ay tinuruan na siya ng kanyang ama ng iba’t ibang klase ng self-defense. Marunong din si Ailyn na humawak ng baril na bihira naman niyang gamitin dahil hindi pa naman niya iyon kinailangan sa trabaho niya sa awa ng Diyos. Ngunit sa halip na tumino ang kapatid ni Ailyn ay lalo pang napalayo sa kanya ang lalaki nang magtrabaho siya. Lalong nabarkada si Anton at nalulong sa kung ano-anong bisyo. Nagumon ang lalaki sa alak at pagsusugal. Ilang beses nang sinabihan ni Ailyn si Anton na tumigil pero pulos pangako lamang ang sagot sa kaniya ng kapatid. Sinubukan din ni Ailyn ipasok sa rehab si Anton pero pinagtaguan lang siya nito. Mula noon ay parang kabuteng sumusulpot at nawawala si Anton sa buhay ni Ailyn. At tuwing dumarating ang lalaki ay lagi itong may pinagtataguang pinagkakautangan at nanghihiram ng pera sa kanya. Hindi naman mayaman si Ailyn dahil hindi naman malaki ang kinikita niya bilang bodyguard ng mga kliyente ng tiyuhin niya. Sapat lamang ang kinikita ni Ailyn para mabuhay dahil hindi naman siya maluho. Noong huling pumunta si Anton kay Ailyn ay nangako itong magbabago na kaya sa huli ay pinahiram din niya ng pera ang nakababatang kapatid. Isa pa, tama naman si Anton, ito na lang ang nag-iisa niyang pamilya at kahit naiinis si Ailyn sa lalaki ay hindi niya ito kayang tuluyang pabayaan. Subalit hayun na naman si Anton at humihiram na naman ng pera. Walang balak si Ailyn na suportahan ang bisyo ng kapatid dahil alam niyang hindi ito matututo. Namaywang siya. “Wala akong pera.” “Ai, naman. Bubugbugin nila ako kapag hindi ako nakabayad. Babayaran naman kita,” giit ni Anton. Hindi tuminag si Ailyn. “Kung kaunting sakit ng katawan lang ang kapalit para madala ka at tumigil na sa bisyo mo, mabuti pa nga sigurong maranasan mo ang masaktan. Wala akong ipapahiram sa `yo at dapat tigilan mo na rin ang paglulustay ng pera sa mga bisyo mo. Humanap ka ng matinong trabaho. Hindi ka na bata, Anton. Kailangan mo nang maging responsable sa buhay.” Bumalasik ang anyo ng lalaki. “Gusto mo akong masaktan? Anong klase kang kapatid?” Nagpantig ang mga tainga ni Ailyn. “Hindi ba ako ang dapat nagtatanong niyan sa `yo?” nanggigigil na balik-tanong niya rito. Hindi man lang nakaramdam ng guilt si Anton at lalo pang nagalit kay Ailyn. “Kung ayaw mo akong tulungan, eh, di `wag. Wala ka nang pakialam kung may mangyaring masama sa `kin. Hindi na kita kapatid,” angil ng lalaki sa kanya. Bago pa makahuma si Ailyn ay tinabig siya ni Anton at binuksan ang pinto. Mabilis na lumabas ng apartment ni Ailyn ang kapatid niya. Napangiwi siya sa sakit dahil tumama ang likod niya sa pader. Naiinis na sinundan ni Ailyn si Anton pero hindi na niya ito naabutan dahil pababa na ng hagdan ang lalaki. Napabuga siya ng hangin. “Ako pa ang itinakwil. Argh!” Naiinis na ginulo ni Ailyn ang kanyang buhok. Pabalik na siya sa apartment niya nang makarinig siya ng isang tinig. “Hoy ang aga mong ma-badtrip.” Napaigtad si Ailyn at tiningnan ang pinto ng katabing apartment niya. Nakadungaw roon ang kapitbahay at matalik niyang kaibigang si Winnie. Base sa magulong pagkakapusod ng buhok ng babae at suot nitong reading glasses ay sigurado siyang hindi pa natutulog si Winnie. Napangiwi si Ailyn. “Sorry. Dinig ba sa iyo ang ingay namin? Baka naistorbo ko ang pagtatrabaho mo,” hinging-paumanhin niya. Writer si Winnie sa isang news web site na nakabase sa Amerika at isang showbiz Web site sa Pilipinas. Madalas na ganoong oras nagsusulat ang kaibigan ni Ailyn at sa araw naman ay bihirang lumabas ng apartment si Winnie. “Okay lang. Nagbe-break din naman ako habang nanonood ng morning news. Gusto mong magkape?” alok ni Winnie kay Ailyn at nilakihan ang pagkakabukas ng pinto nito. Saglit siyang nagdalawang-isip bago tumango at lumapit sa kaibigan niya. Hindi na rin naman makakatulog si Ailyn at sa mga oras na iyon ay kailangan niya ng kausap. Kahit may pagka-weird si Winnie ay good listener ang babae at magaling mag-analisa ng sitwasyon kaya gustong-gusto niya itong kausap. Hindi pa man nakakapasok si Ailyn sa apartment ni Winnie ay narinig na niya ang tunog ng telebisyon. Nang makapasok siya ay nakita ni Ailyn ang malaking LCD television ni Winnie. Nakapatong ang laptop ng babae sa center table. Pareho lang ang outline ng apartment nila pero kung ikukumpara iyon sa simpleng hitsura ng apartment ni Ailyn ay mas maganda ang apartment ni Winnie. Katabi ng telebisyon ang malaking cd at dvd rack. May built-in bookshelf sa isang bahagi ng pader ng living room na punong-puno ng libro. “Teka ikukuha kita ng kape, upo ka muna diyan. Chill ka lang,” sabi ni Winnie, saka nagtungo sa kusina. Umupo si Ailyn sa sofa at itinutok ang tingin sa telebisyon. Isang lalaking may balbas at nakasuot ng dark shades kahit wala namang araw ang kasalukuyag dinudumog ng press habang naglalakad palabas ng NAIA. Halos hindi maunawaan ni Ailyn ang mga tanong ng reporters dahil sabay-sabay na nagtatanong ang mga ito. Hindi nagsasalita ang lalaki at halatang umiiwas sa media. Binasa ni Ailyn ang crawler sa ibabang bahagi ng screen. Controversial tennis player and the country’s prince of sports Riki Montemayor, nagbalik na sa bansa. Handa na ba siyang sagutin ang lahat ng batikos na ibinabato sa kanya? Napaismid si Ailyn. “Ano na naman kaya ang ginawa ng basag-ulerong ito?” Kilala niya si Riki Montemayor. Wala naman yatang hindi nakakakilala sa binata. Mula si Riki sa isa sa mga pinakamayamang pamilya sa bansa, sikat na atleta at pantasya ng kababaihan. Subalit mainit ang dugo ni Ailyn sa binata kahit hindi pa man sila personal na nagkakakilala. Hindi gusto ni Ailyn ang karakas ni Riki. Naiinis siya tuwing naririnig niya ang magaspang na pananalita ng binata, ang tindig nito na tila ba pag-aari nito ang mundo at ang lahat ng tao ay tagasunod lang nito, ang pagiging bayolente at mabilis na pag-init ng ulo ni Riki, at sa walang tigil na panlalait ng binata sa mga taong hindi nito gusto o kasundo. Naturingang mayaman at may pinag-aralan si Riki pero kung kumilos at magsalita ay parang isang basag-ulerong tambay sa kung saang kanto. Pasosyal lang si Riki dahil mas madalas itong mag-Ingles. “Ah, the center of controversy appears,” ani Winnie na nagpaalis ng tingin ni Ailyn sa telebisyon. May bitbit nang dalawang tasa ng kape ang kaibigan niya. Iniabot ni Winnie sa kanya ang isa pagkatapos ay umupo ito sa sahig at sumandal sa sofa na inuupuan niya. “Bakit ba?” tanong ni Ailyn sa kaibigan. Saglit niyang nakalimutan ang frustration na nararamdaman niya kanina dahil sa napakabait niyang kapatid. “Well, lumaban siya sa US Open Championship. Si Rafael Nadal ang kalaban niya. Magaling na player `yon at ilang beses nang nanalo sa championship. Maganda ang laban. Lamang ng ilang game si Nadal laban sa kanya. Isang game na lang mananalo na si Nadal nang mag-smash si Riki at mabitawan niya ang raketa niya. Tumama sa mukha ni Nadal ang raketa at halos hindi na nito maimulat ang isang mata dahil sa sugat na tinamo nito. Akala ko ihihinto na ang laban pero nagmatigas si Nadal at ipinagpatuloy ang game. Nanalo si Nadal. The fans thought it was an act of aggression on Riki’s part. Sinadya raw niyang bitawan ang raketa para ma-injure si Nadal at para manalo siya,” paliwanag ni Winnie. Napaismid si Ailyn at tumingin uli sa telebisyon kung saan nakapasok na sa itim na SUV si Riki. Sa totoo lang, hindi na siya magtataka kung talagang sinadya ng binata na gawin iyon. Nasa ugali ni Riki ang gagawa ng ganoon kaduming taktika para manalo.  “Nagwawala ang mga netizen at fans sa ginawa niya. May grupo pa na nagpoprotesta, gustong maparusahan siya. Mainit ang isyu sa Amerika kaya `ayan umuwi sa Pilipinas. Akala yata niya matatahimik siya rito. Well, he’s wrong dahil hindi man ganoon kaaktibo ang tennis fans sa Pilipinas iba pa rin kaming magalit,” patuloy ni Winnie. Tiningnan ni Ailyn ang kaibigan. “Kami?” Tumingin si Winnie sa kanya at ngumisi. “Nakikisali lang ako. Kailangan ko `yon para makakuha ng impormasyon sa Internet. May account ako sa iba’t ibang forums at sa mga iyon ako kumukuha ng balita. You know, para sa articles na kailangan kong isulat. He’s a walking piece of gossip and that means he’s a very good source of income for me.” Sa kabila ng lahat ay napangiti si Ailyn sa sinabi ni Winnie. Kapagkuwan ay napabuga siya ng hangin at tumingala sa kisame. “Nakakainggit ang trabaho mo. Hindi mo kailangan umalis ng bahay at puwede mong gawin ang lahat ng gusto mo sa sarili mong oras. Samantalang ako nadadala sa pacing at oras ng binabantayan ko,” aniya rito. “Hmm, pero tingin ko mas okay ka sa trabaho mo kasi kompara sa akin hindi mo matitiis na nandiyan ka lang sa bahay mo. Sa loob ng ilang taong pagiging magkaibigan natin alam kong mas masaya ka kapag mas pisikal ang nagiging assignment mo, hindi ba?” Tiningnan ni Ailyn si Winnie at nagkibit-balikat. “Sabagay, tama ka,” sang-ayon niya. Humigop siya sa kapeng ibinigay ng kaibigan bago niya iniunat ang mga binti. “Siguro dahil pang-alis din ng stress sa akin ang ganito. Argh, naalala ko na naman tuloy ang kapatid ko. Hay naku!” Bumakas ang simpatya sa mukha ni Winnie. Alam ng babae ang kuwento ng buhay ni Ailyn at ganoon din siya sa buhay nito. Ganoon sila kalapit sa isa’t isa. “Don’t worry, Ai, alam kong kaya mo `yang lampasan. You are strong. Kapag kinulit ka uli, idaan mo sa karate nang magtanda,” biro ni Winnie. Natawa si Ailyn at tumango. Hindi ilang beses na sumagi sa isip niyang gamitin ang lahat ng alam niya kay Anton para lang tumino ito. Pero sa tuwina ay naiisip ni Ailyn ang paalala ng kanyang ama noong tinuturuan siya nito ng self-defense. Gagamitin lang daw niya iyon kung kinakailangan at nasa alanganin siyang sitwasyon. Hindi iyon puwedeng gamitin ni Ailyn sa kapatid niya na alam niyang walang laban sa kanya kahit gaano pa pinapasakit ni Anton ang ulo niya. Tapos na ang balita tungkol sa pagdating ni Riki Montemayor sa bansa nang mapatingin uli si Ailyn sa TV. Ipinapalabas naman ang video ng nangyaring “aksidenteng” pagkakabitaw ni Riki sa raketa nito na tumama sa mukha ni Nadal. Ngayong nakita na iyon ni Ailyn ay hindi na siya magtataka kung lalo pang dumami ang galit kay Riki. Whatever, hindi naman makakaapekto sa `kin kung ano man ang mangyari sa anak-mayamang `yan, sa loob-loob niya. Tiningnan ni Ailyn ang oras na nasa ibabang bahagi ng screen at napaungol uli siya. “Pinapapunta nga pala ako ni Tito sa agency nang alas-otso para sa bago kong assignment. Dalawang oras pa lang ako natutulog,” ani Ailyn. Inubos niya ang kapeng laman ng tasa niya at tumayo na. “Salamat sa kape, Winnie,” paalam ni Ailyn sa kaibigan niya. Sumaludo si Winnie sa kanya at ngumisi. Napangiti si Ailyn bago lumabas ng apartment ng babae.                          
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD