bc

Ang Lalaki Sa Library (One Shot)

book_age12+
38
FOLLOW
1K
READ
drama
no-couple
serious
realistic earth
like
intro-logo
Blurb

Na miss ko nang magsulat...

Iyong naipapalabas mo ang iyong mga saloobin o mga eksena na nangyari sa totoong buhay ngunit sana ay nagkaroon ng "...and they lived happily ever after" na ending.

kagaya ng iyong isang eksena ng aking kabataan kung saan ay may matinding crush ako sa isang estudyanteng schoolmate. 18 lang ako noon, wala pang masyadong kalandian at kaharutan sa isip at katawan. Wala pa ring ganyang karanasan sa pag-ibig. Hindi alam kung paano mang-akit, kung paano manligaw, kung paano magpapapansin...

chap-preview
Free preview
Ang Lalaki Sa Library
By Michael Juhagetmybox@hotmail.com ------------------ Na miss ko na ang magsulat... Iyong naipapalabas mo ang iyong saloobin o mga eksena na nangyari sa totoong buhay ngunit sana ay nagkaroon ng "...and they lived happily ever after" na ending. Kagaya ng iyong isang eksena ng aking kabataan kung saan ay may matinding crush ako sa isang estudyanteng schoolmate. 18 lang ako noon, wala pang masyadong kalandian at kaharutan sa isip at katawan. Wala pa ring ganyang karanasan sa pag-ibig. Hindi alam kung paano mang-akit, kung paano manligaw, kung paano magpapapansin. Kapag nagpang-abot kami ng schoolmate kong iyon sa library, lalakas nang lalakas ang kabog ng aking puso. Hindi ko alam kung bakit ganoon. Pero idadaan ko na lang iyon sa pagbabasa, o seryosong pagbubuklat ng mga notebooks bagamat ang hindi niya alam ay siya ang aking lihim na pinagmamasdan. Magme-memorize kunyari ako ng mga topics, at habang mahinang bino-vocalize ito, sa kanya nakatutok ang aking mga mata. Tila hindi ko na ito sinasadya. Parang may magnet ang kanyang mukha na talagang doon lang puwedeng ituon ang aking atensyon. Kapag napansin niyang nakatutok ang paningin ko sa kanya at mapansin kong tila nagtaka siya at lilingon sa kanyang likuran, usisahin sa kanyang likuran kung may iba ba akong tinitingnang tao. Kapag ganoong nahuli niya ako, yuyuko na lang ako, namumula ang pisngi ngunit ang kalooban ay nagtatatalon sa matinding kilig. Minsan ay tatyo ako, pupunta sa shelf na malapit sa kanya at kunyari ay maghahalungkat ng libro. Kapag may nahanap na, seryoso akong uupo sa upuang nakaharap sa kanya. Kapag ganoong napakalapit ko sa kanya, mas seryoso ako sa pagbabasa na kunyari ay talagang inosente, walang pakialam sa mga tao sa paligid, naka-focus lamang sa aking binabasang libro. Ngunit kapag napansin ko namang subsob din siya sa pagbabasa, lihim ko namang tititigan ang mukha niya, inienjoy ang pagnamnam sa sarap ng paghanga sa makinis niyang mukha, sa ganda ng kanyang mga mata at kilay, sa tangos ng kaniyang ilong at gnda ng kanyang mga labi. Kahit ang titulo ng libro ng kanyang binabasa ay kinakabisado ko rin. Matinding kilig ang dulot nito sa akin. Naririnig ko ang pagtitili ng aking buong kalamnan. Ramdam ko ang pagtatalon ng talipandas kong puso at utak. Tila ibinayaw ako sa ilapitong alapaap kung saan man iyon at naririnig ko ang sabay-sabay na pagaawitan ng mga anghel at kerubin. Kapag ako lang ang nag-iisa sa library, hahanapin ko ang librong kanyang binasa nang nakaraan. Kapag nakita ko na ito, "Wow! Ito ang binabasa niya! English!" ang isisigaw naman ng utak ko. Dahil matindi ang tama ko sa kumag, nagresearch ako tungkol sa kanya. Napag-alaman kong Commerce ang course niya at 2nd year, transferee (ako naman ay nasa 3rd year ng Liberal Arts). Inalam ko rin ang mga subjects niya, mga ka-klase. I mean, hindi iyong diretsahang tinatanong, nakakahiya kasi. Sa estado kong iyon na trying-hard to be straight, at demure pa kamo, hindi puwede ang ganoon. Bale ipinapadaan ko ang pagkuha ng ang mga info sa pamamagitan ng pagmanman sa room niya, sa pahapyaw na tanong ng mga kaibigan, like iyong habang naglalakad kami at napadaan sa room niya, itatanong ko, "Ang ganda ng muse nila sa Commerce, no? 'Di ba nasa loob siya ng room na ito? 3rd year Commerce siya, di ba?" Na sasagutin naman ng kaibigan ko na, "Hindi Tol... second year Commerce lang siya." So, nalaman ko na second year Commerce pala siya dahil ang muse na itinatanong ko sa aking kaibigan sa room na iyon, ay kaklase niya. Kahit ano na lang ay itatanong ko tungkol kunyari sa muse nila para lang makahagilap ng collateral info. Parang gago naman ako na ngingiti-ngiti sa bawat biro ng mga kaibigan kong may crush daw ako sa muse nila. Pero okay lang sa akin. Maraming balakid sa landas upang hanapin ang pag-ibig ngunit handa kong tatahakin ang lahat. At least hindi ako nahahalata sa ganoon. Napag-alaman ko ring nasa top 3 siya sa Dean's List nila. Matalino. Imagine, ang Dean's List na iyon ay para sa buong Commerce Dept at pangatlo siya! Napag-alaman ko ring maraming nagka-crush sa kanya. Palibhasa, maliban sa pagiging matalino, matangkad din siya, moreno, may hitsura. Ngunit ang nakakapagbigay sa akin ng intriga ay ang kanyang pagiging tila aloof. Parang wala siyang close na kaibigan, iyong kasa-kasama, kaharutan, kabiruan, kabangkaan. Iyong barkada talaga na matatawag. Kasi kapag nasa library siya, palagi siyang nag-iisa bagamat nakikita ko naman na mabait siya. Kahit ang mga kaklase niya ay halos hindi lumalapit sa kanya. Para tuloy lalo pa akong nabighani dahil sa kanyang misteryo. Sa isip ko lang, "Papatol kaya siya sa kapwa lalaki? May itinatago rin kaya siya na katulad ko?" Ngunit hanggang sa katanungan na lang talaga ako. Bawat araw na pareho kaming naroon sa library, para kaming mga pipi at bingi, minsan ay bulag 'din. At ako naman, bagamat nag-uumapaw ang kilig at hindi maipaliwanag na excitement kapag ganyang nakikita siya roon ay litong-lito kung ano ang gagawin. Ewan. Siguro ay nagtataka rin siya dahil palaging naroon din ako sa library. Ngunit siguro alam din niyang studious talaga ako... kasi pinag-aaralan ko ang bawat kilos at galaw niya - charot. Pero puwera biro, totooo rin naman. Kagaya niya ay Dean's lister din ako. Pero kung nagbabasa siya sa listahan ng mga honors, ewan ko lang kung kilala na rin niya ako. Hanggang sa dumating ang punto na hindi ko na mapigilan ang aking sarili. Gumawa ako ng anonymous na sulat. Sa panahon kasi na iyon, hindi pa naimbento ang internet, at email. At wala pang mobile phones! Noon, ang uso pa lang ay ang love letters. Pagandahan ng papel, sulat, at nilalaman, pabanguhan din ng papel. Alam kong isa itong napaka-drastic na gawain para sa isang katulad kong seryoso, introvert, at mahiyain... Hindi lang iyon, sa panahong iyon ay hindi pa masyadong tanggap ang kabadingan. Hindi kagaya ngayon na lantaran na ito sa mga TV, youtube channel, pelikula, at sa social media. Ngunit siguro dahil matindi na ang tama ko sa kanya at hindi na ako mapakali, kaya kinaya kong gawin iyon. Sinadya kong iwanan ang sulat sa ibabaw ng isa sa mga mesa ng library. Tinabunan ko ito ng librong hindi ko ibinalik sa shelf. Sa sobre ay nakasulat ang pangalan niya. "Mr. Cris Rabara, College of Commerce" at ang nakasulat sa loob ay - "Dear Mr. Cris Rabara: Hi! How are you? I hope you are doing fine. I just would like to congratulate you for being in the Dean's List. Top 3! I hope it won't be too much if I ask to be my friend? Right now I can't tell you my name. I'm actually ashamed. For the time being, just call me Mr. X. But I'm a Liberal Arts student. Like you, I'm also a Dean's Lister and spend most of my vacant time in the library... I'll let you know more about me in my next letter. I hope you won't mind. PS. Welcome to the university!" Nang bumalik ako kinabukasan sa Library, nasaksihan ko pa ang pagtawag ng Librarian sa kanya at ang pag-abot nito ng sulat sa kanya. At nakita ko rin ang pagturo ng librarian sa mesa kung saan nila nakita ang sulat - iyong mesa rin na kasalukuyang ino-occupy ko! At ako lang ang naroon! "Tanginaaaa!!!" ang sigaw ko sa aking sarili. Syempre, tiningnan ni Cris ang mesa kung saan ay naroon ako. Pero, nag-play innocent na lang ako bagamat halos sasabog sa matingding kalampag ang aking dibdib. Bagamat hindi ko kunyari siy tiningnan ngunit sa gilid ng aking mga mata ay nakikinita ko na maliban sa mesa, ako rin ay tinititigan niya. At nang tiningnan ko na kunyari siy, syempre nagkasaluboong ang aming mga tingin! Grabe talaga ang kalampag ng aking dibdib sa sandaling iyon. Ngunit dedma lang kunyari ako. Ako rin ang tumiwalag sa aming titigan at ibinaling ko ang aking paningin sa aking bag. Binuksan ko ito, kinuha ang aking notebook at umarteng napaka-inosente. Kung may award lang siguro sa best acting sa sandaling iyon, ako na ang nanalo nang walang ka-abog-abog. Nang naupo na siya sa kabilang mesa, tinungo niya ang puwesto na nakaharap sa akin at doon naupo. Hindi ko alam kung sinadya ba niya iyon na magharap kami o random lang ang pagpili niya sa puwestong iyon. Lihim kong pinagmasdan ang kanyang kilos. Binuksan niya ang sobre, hinugot ang sulat at binasa iyon. Pigil ang aking paghinga sa pag-aabang sa kanyang reaction. Nang matapos na siyang magbasa, ibinaling niya ang kanyang paningin sa paligid. Ngunit doon niya mas itinutok ang kanyang paningin sa akin. Ramdam kong may paghihinala ang kanyang isip. Matindi ang pagsisisi ko kung bakit pa ako gumawa ng sulat. Syempre, sobrang kaba, takot at hiya ang aking naramdaman. Umiwas ako sa kanyang tingin. Nanatili akong nagkunyari upang hindi niya mahuli na may kinalaman ako sa pesteng sulat na iyon. Maya-maya, nakita ko siyang lumabas, dala-dala pa ang sulat ko. Iniwan lang niya ang kanyang mga notebooks sa mesa. Hindi ko alam kung saan siya tumungo. Dahil natakot ako na baka magsumbong siya sa Dean o sa Student Affairs, dali-dali akong tumayo at tinumbok ang open wall ng library kung saan ay screen lamang ang nakaharang at nakikita mula sa loob ng library ang hallway sa labas. Ngunit lalo pa akong kinabahan nang makita kong ang tinumbok pala niya ay ang ang Bulletin Board kung saan nakapaskil ang mga pangalan ng Honors' List sa semester na iyon! Naalala ko kasi, dalawa lang pala kaming lalaki sa aming department na nasa listahan at ang isang iyon ay madalang lang na nagpupunta ng library gawa ng working student ito! Dali-dali akong bumalik sa aking inuupuan. Nang nakabalik na rin siya sa kanyang inuupuan, tila wala nang nangyari. Ipinagpatuloy ko pa rin ang aking pagiging abala sa pagbabasa. Ngunit tila tinitigan pa rin niya ako. Pagkatapos ay nakita ko siyang tumayo, kumuha ng libro sa shelf at muling umupo at nagbasa. Doon na ako umalis gawa nang hindi ko na nakayanan ang sobrang hiya. Sa mga sumunod na eksena namin sa library ay tila walang nagbago. Maliban na lang sa minsanang nahuhuli ko siyang tumitingin sa akin. Ngunit dahil naunahan na ako ng matinding hiya dahil sa sulat, ako naman itong dedma lang at biglang yuyuko kapag ganyang nagkasalubong ang aming mga tingin. Ngunit patago ko pa rin siyang tinitingnan. Dahil nagka-phobia na ako sa sulat na iyon, hindi ko na itinuloy pa ang balak kong pagsulat muli sa kanya. May isang beses, habang nasa ganoon kaming pag-aaral sa loob ng library, nagkasalubong ang aming mga paningin. Hindi ko inaashan ang sunod niyang ginawa. Bigla siyang ngumiti! Dahil nalito ako kung ako ba talaga ang nginitian niya, hindi ko sinuklian ang kanyang pagngiti. Bagkos ay lumingon ako sa aking likuran kung may ibang tao ba roon na nginitian niya. Ngunit wala. Nang tiningnan ko siyang muli, nakayuko na siya at nagbabasa. Ewan ko. Marahil ay sa isip niya ay suplado ako at napahiya rin siya sa hindi ko pagganti sa kanyang ngiti. Kaya siguro dedma na lang din siya at hindi na muling tumingin pa sa akin. Ngunit sa isang banda, hindi ko rin talaga alam kung para sa akin ba ang pagngiti niyang iyon, kung dahil ba ito sa kanyang binabasa, o may naalala lang siyang nakakatawa. Tila gusto kong tumayo at lapitan siya upang itanong kung bakit siya ngumiti. Kung ordinaryong kaibigan lang iyong ngumiti sa akin, bale wala lang iyon sa akin. Ngunit dahil nanggaling ito sa kanya, tila napakalaking bagay at palaisipan nito. Ganyan namantalaga siguto kung sobrang crush mo ang isang tao o iyong feeling mo ay umiibig ka na. Kahit maliit na bagay na ginaya niya ay napakalaking issue na nito sa iyo. Parang ikamamatay ko kung hindi ko malaman ang dahilan ng kanyang pagngiti habang nakatingin sa akin. Ngunit ano ba ang magagawa ko? Hindi na rin siya tumingin sa akin, dinedma na niya ako. Kaya nagpatuloy na lang ako sa pagbabasa bagamat malaki ang panghinayang ko sa ngiti niyang hindi ko nasuklian. Isang araw na nasa library uli ako, nagulat na lang ako nang bigla syang dumating at sa harap pa ng mismong mesang inuupuan ko ay inilatag niya ang kanyang mga notebooks sabay tumbok sa shelf sa gilid ng mesa upang kumuha ng libro. Halatang nagmamadali siya. Ngunit tila na-disappoint siya nang hindi niya mahanap-hanap doon ang librong gusto niyang basahin. Nang tiningnan niya ako, bigla siyang umupo sa upuang nakaharap sa akin. Hindi siya nagsasalita, pansin kong tiningnan niya ang librong binasa ko. Doon ko naalala na minsan ko na palang nakita ang librong iyon na siyang binabasa niya. Huminto ako sa pagbabasa. "I-ito ba ang hinahanap mo?" ang pag-aalangan kong tanong. "O-oo sana, bro," ang sagot naman niya. "Final test ko kasi after an hour, at may isang chapter pala diyan na kasali sa test ko," ang pag-aalangan ding sabi niya. God! Parang kiniliti ang tinggil ko sa pagkarinig sa kanyang boses! Boses pa lang ay makalaglag brief na at parang nagwi-wet na ang aking junjun! "E di s-sige, ikaw muna ang magbasa," ang sagot ko habang nagmamadaling inabot sa kanya ang libro. Tinanggap niya ang libro. "Salamat bro..." ang sagot niya sabay abot sa kanyang kanang kamay, "Cris Rabara pala..." ang sambit niya. At nagpakilala pa talaga siya! Ang laki lang talaga ng ngiti ko sa sandaling iyon. Parang gusto ko nang mamatay sa sobrang tuwa. "Michael Juha." ang sagot kong wala nang pakipot pa. Ngumiti siya. "Okay, basa muna ako bro..." sagot niya. At doon na ako muntik mawalan ng malay sa matinding l***g, este saya. Habang seryoso siyang nagbabasa, ako naman ay hindi magkamayaw sa patagong pagtititig sa kanya. Hanggang sa natapos siya at ibinalik ang libro sa akin. "Maraming salamat bro! See you around!" ang sambit niya habang nagmamadaling lumabas ng library. Napa-"awts!" na lang ako sa panghihinayang na hindi man lang siya nanatili man lang nang sandali. Ngunit sobrang saya ko pa rin naman dahil sa tagpong iyon. Dahil sa tagpong iyon ay inaasahan ko na ang sunod na mangyayari. Ramdam kong iyon na ang simula ng aming pagiging magkaibigan. Maraming plano ang pumasok sa aking isip. Isa na roon ay kapag nagkita kaming muli sa library na iyon, kusa ko na siyang lalapitan, magkipagkamay, kumustahin siya. Makipagkuwentuhan. "Musta Cris? Anong balita? Kumusta ang test mo?" Tapos, syempre, itatanong kung taga-saan siya, bakit siya lumipat ng eskuwelahan, itanong ang mga paborito niya, mga ayaw niya, mga hilig niya... at ishare ko naman ang mga detalyo ko sa kanya, ang mga hilig, ang mga plano, mga pangarap. Kaibiganin, maging sweet sa kanya, hanggang magiging close, pagkatapos kapag may chance, aakitin, magparamdam hanggang sa mahulog ang loob niya sa akin. Akala ko ay tuloy-tuloy na ang tagpong iyon at maisakatuparan na ang aking minimithi sa kanya. Ngunit ang hindi ko pala alam ay iyon na ang huli naming pagkikita. Final test na pala niya iyong araw na hiniram niya ang aking libro sa library at hindi na siya bumalik muli ng eskuwelahan. Bumalik siguro siya upang kunin ang kanyang grado, ngunit hindi na kami nagkita pa. Napag-alaman kong lumipat siya ng ibang school, sa isang state university malayo-layo sa aming lalawigan.Syempre, hindi ko na siya masusundan pa roon. Mahirap lang kami at ipagpalit ko ba ang 3rd year na natapos ko sa school upang sundan lamang siya sa bagong unibersidad? Baka hindi na ako makapag-aral kung ganoon. Kaya walang na akong nagawa kundi ang tanggapin na sa isang iglap ay bigla siyang naglaho. Nakapanghihinayang lang. Kasi, huli na nang makipagkilala siya sa akin. Marahil ay kung may social media lang noon, nahahanap ko pa rin siya, o 'di kaya ay may contact pa rin kami. O baka rin ay naging kami. Ngunit iba noon. Once na malayo na sa iyo ang taong gusto mo, maliit na lang ang tsansa na magkikit apa uli kayo. Madali ko rin naman siyang nalimutan. Ngunit minsan ay naitatanong ko lang kung paano kaya kung sinulatan ko pa rin siya kahit nasa bago sa siyang university? Sasagot kaya siya? Siguro ay may pagkukulang  din ako sa parteng iyon. Siguro, kung saan man siya napadpad ngayon, malamang ay successful na siya sa buhay. Kasi naman ay matalino siya, masipag mag-aral... at may porma. Siguro kung gagawan ko ng kuwento ang eksenang ito ng aking buhay, gawin kong sa bandang huli ay nagkita rin kaming muli. Gagawan ko ng kuwento ang hiwalay na mga pinagdaanan namin sa buhay ngunit sa bandang huli ay magkakaroon pa rin ng katuparan aking minimithing maiparating sa kanya ang lihim na naramdaman ko. Then the rest will be... and they lived happily ever after.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Brotherhood Billionaire Series 6: Honey and the Beast

read
81.4K
bc

The Reborn Woman's Revenge: WET & WILD NIGHTS WITH MY NEW HUSBAND

read
140.5K
bc

PARAUSAN NG BILYONARYO

read
55.1K
bc

NINONG HECTOR (SPG)

read
56.8K
bc

MAGDALENA (SPG)

read
22.3K
bc

The Father of my Child- (The Montreal's Bastard)

read
184.0K
bc

The Real About My Husband

read
24.6K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook