Chapter Four
AMIR
PAGKAALIS ko pa lang ng pagupitan ay umulan na ng malakas. Ipinagpatuloy ko na lang ang pagmamaneho para maaga na rin akong makauwi ng Calle Adonis. Nagtext sa akin si Pareng Kiel na meron daw part two ang inuman sa bahay nila Pareng Baste kaya’t eksakto ang pag-uwi ko.
Nang baybayin ko ang daan papasok ng Calle Adonis ay may natanaw akong babaeng tila ineenjoy pa ang paglalakas sa daan kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan.
Nang malagpasan ko na ito ay saka lang pumasok sa isip ko ang pamilyar nitong suot.
“Tsk, hindi ba si Ate Mayumi iyon?” inihinto ko ang pagmamaneho at nang masiguro kong siya nga ay bumalik ko para isakay na lang siya.
“Tsk, bakit siya naglalakad sa gitna ng malakas na ulan?” nagtatanong ako sa sarili ko at hindi rin naman ako umaasa ng kasagutan.
Huminto ako sa tapat niya.
“Nag-eenjoy ka ba sa ulan? Parang gusto kitang hagisan diyan ng sabon Ate,” natatawa pa ako sa hitsura niya kasi mukha talaga siyang sira-ulo sa daan.
Hindi siya sumagot sa akin. Naiinis na naman siguro siya. Halata naman ito sa mukha niyang mukha talagang pinagsakluban ng langit at lupa.
“Papunta ka ba kina Ate Ruby?” maya maya ay tanong kong muli.
Nabuhayan naman ako ng loob nang tumango siya. Napipi na ba siya dahil sa ulan?
“Tara na. Doon din ang punta ko. Pero kung ayaw mo, okay lang din,” yaya ko naman sa kanya.
Bigla na lang siyang tumakbo at pumasok sa loob ng tricycle kaya napangiti na lang ako at naisip na hindi nga talaga niya ineenjoy ang paglalakad habang bumubuhos ang malakas na ulan.
“Bakit pala nagpakabasa ka sa ulan?” medyo pasigaw ko na tanong sa kanya dahil mas malakas ang tunog ng ulan na sumasabay pa sa tunog ng tricycle na minamaneho ko.
“Nasiraan yung sinakyan ko. Nagmamadali ako dahil kailangan ko pang bumalik sa opisina. May kukunin lang ako kay Mareng Ruby,” sagot niya.
“Babalik ka pa sa lagay na iyan?”
“Malamang diba sinabi ko nga?”
Abah at nagtaray pa.
“Okay,” ang tangi ko na lang naisagot sa kanya.
NAKARATING na kami kina Ate Ruby at mula sa gate ay tanaw ko na ang mga barkada kong nag-iinuman sa tapat ng bahay nila Pareng Baste. Medyo malakas pa rin ang ulan kaya tumakbo na rin ako papasok habang yakap yakap ko ang bag kong naglalaman ng mga files na ibibigay ko kay Ate Kyla mamaya.
“Oh, bakit basang basa ka naman diyan Mare? Wala ka man lang bang dalang payong?” bungad ni Ate Ruby at nagtataka kung bakit basang basa si Ate Yumi.
“Naglakad kasi ako sa ulan kasi nasiraan yung sinakyan kong tricycle. Tapos yung payong ko naman, naiwan sa opisina. Oh diba malas,”
“Eh nakasakay ka naman sa tricycle ngayon diba?” nagtataka pa rin si Ate Ruby.
“Nadaanan ko lang siya kanina na naglalakad papasok ng Calle Adonis ate kaya isinabay ko na,” ako na ang sumagot sa kanya dahil nangangatog na siya at nanginginig na ang mga labi.
Basa rin ako kaya’t nagtanggal na muna ako ng polo at pantalon. Nanghiram ako ng tsinelas kay Pareng Baste saka ako nagtungo sa banyo nila para maghilamos.
Paglabas ko ng banyo ay naghihintay pala si Yumi na ngayon ay may dalang twalya at pamalit na damit.
“Oh, maliligo ka Ate?” tanong ko.
“Oo, dalian mo, nagmamadali ako,” masungit niyang sabi.
Wala na akong masabi. Tsk. Walang utang na loob.
Lumabas ako ng bahay at nakisalo sa mga barkada ko.
“May part two pala dito?” naupo ako sa tabi ni Pareng Nathan.
“Oo, tamang tama sa pag-ulan. Pampainit,” sagot ni Kuya Arc.
“Mukhang sinadya mong mabasa muna ng ulan yung isang iyon ah,” ani MAcky.
“Hindi. Nadaanan ko lang. Binalikan ko nga lang kasi namukhaan ko,” sagot ko bago tumagay ng Ginebra na kanilang iniinom.
“Binalikan? Tsk. Kung ibang babae yan hindi mo na babalikan,” tugon naman ni Kiel.
“Sus, ayan na naman kayo sa mga kantyaw niyo,” natatawa na lang ako sa kanila.
“Pinopormahan mo na yata eh,” ani Leo.
“Kailangan ko pa bang pumorma?”
“Oo, mukhang bagong gupit ka nga eh,” sabad ni Nathan.
“Ako na naman ang trip ng mga ito,” napapailing na lang ako.
“MAHAL ikuhanan mo nga ng malalaking tshirt diyan si Amir, basa na rin yung sando niya baka malamigan at magkasakit pa, mapasubo pang mag-alaga iyang kaibigan mo,” natatawang utos ni Baste kay Ate Ruby.
“Bakit? Hindi niyo ba ako kayang alagaan?” tanong ko.
“Iba pa rin brad kung babae ang mag-aalaga sayo,” ani Macky.
“Bakit yung asawa ng tatay ko, hindi naman ako inaalagaan?” tanong ko.
“Eh hindi naman yata babae iyon eh,” natatawa namang sabad ni Kiel.
ILANG saglit lang ay iniabot sa akin ni Ate Ruby ang pulang t-shirt kaya’t nagtanggal na ako ng sando at nagpalit nito.
“Salamat Ate,”
“Amir, pwede bang ikaw na lang maghatid kay Yumi sa trabaho? Nagmamadali na kasi siya eh,” ani Ate Ruby.
Hindi naman ako makatanggi sa kanya dahil mabait sila sa akin.
“Ate, okay lang naman. Pero dapat siya ang magsabi sa akin,” natatawa kong sabi.
Natawa rin ang mga barkada ko.
“Pahard to get ka bunso,” inakbayan ako ni Kuya Arc.
“Eh napakasungit sa akin mula kanina eh. Hindi ko naman kasalanan kung bakit siya nabasa,”
Maya maya ay nalaman na siguro niyang nagrerequest ako na siya ang magsabi sa akin kaya’t mas nag-alboroto siya.
“Mag-aabang na lang ako ng tricycle mards. Baka madagdagan pa yung utang na loob ko sa isang iyan,” narinig kong wika niya mula sa loob.
“Hoy, ihatid mo na kasi,” pabulong na wika ni Macky.
Nagkamot lang ako ng ulo ko.
Tsk. Ano ba iyan! Kapag talag bat aka sa barkada, ikaw ang laging utusan.
“Ate, hintayin ko na lang po siya sa labas,” sigaw ko naman para marinig niya.
Tumayo na ako at kinuhang muli ang susi saka ako nagtungo sa kinaroroonan ng tricycle.
Pinaandar ko na ito at saka ako naghintay sa kanya. Ilang saglit pa ay lumabas na siya at nakasuot na lang ng jogging pants at t-shirt. Hindi siya tumitingin sa akin pero ako ay titig na titig sa kanya. Malaki sa kanya ang suot niya kaya’t nagmumukha siyang manang. Napapangiti ako. Manang naman talaga siya para sa akin.
Ngunit imbes na sumakay siya nagsimulang maglakad palabas ng bahay. Agad ko siyang sinundan ng tricycle.
“Hoy Ate. Akala ko magpapahatid ka?”
“Di bale na lang,” deretso pa rin siya sa paglalakad.
“Sinabi ko lang naman po iyon kasi hindi mo ako kinakausap ng maayos,” nakasabay pa rin ako sa kanya at dahan dahan lang ang takbo ng tricycle.
“Ang dami ko nang kamalasan ngayon, pwede huwag ka nang dumagdag,” huminto siya sa paglalakad dahilan para mauna ako ng ilang metro.
Bumaba na rin ako. Salamat naman at patak patak na lang ng ambon ang bumabagsak kaya’t hindi na kami mababasa.
Hinila ko bigla ang kamay niya at wala siyang lakas para manlaban sa pagkakahawak ko.
“Aray naman. Masakit ah,” reklamo niya.
“Mas masasaktan ka kung pipilitin mo ang gusto mo,” doble ang ibig sabihin nito kaya’t ang dalangin ko ay sana maunawaan niya.
“Hindi ko na nga pinipilit diba? Naglalakad na nga ako para hindi na ako makaabala sayo,” pagtataray niya.
“Oh di sige. Maglakad ka na. Sige na,” tinaboy ko na siya. Pinatalikod ko na siya at hinawakan sa dalawa niyang balikat at inilakad siya paalis.
“Bitawan mo nga ako. Kaya kong maglakad,” tinanggal niya ang pagkakahawak ko sa mga balikat niya.
Hinayaan ko na lang siya sa paglalakad. Sa inis ko ay sumakay na ako sa tricycle at tiningnan na lang siyang palayo. Hindi man lang siya lumingon.
Tumingin ako sa orasan ko at mag fo-four thirty na. Aabot pa nga kaya siya?
Nakalayo na siya at lumiko na sa kanto patungo sa sakayan ng tricycle pero sa palagay ko ay walang pila ngayon doon dahil puro pauwi na ang mga galing trabaho.
Pinaandar ko nang muli ang tricycle at nagtangkang bumalik na sa bahay nila Pareng Baste nang bigla na namang umulan.
Tsk. Nakonsensya ako bigla kaya’t imbes na bumalik ay pinaharurot ko ang tricycle at saka humabol sa kanya.
Nakarating na ako sa kurbada ng kanto ngunit may kaaalis lang na tricycle ngunit hindi ko nakita kung sino ang laman nito. Nagpalinga-linga ako sa paligid at nakita ko siyang nakatalungko sa tapat ng hardware nina Pareng Macky. Tila wala ng pag-asang makabalik pa sa trabaho niya.
Pinaandar kong muli ang tricycle at nagtungo sa tapat niya. Nagulat naman siya nang makita ako. Tumingala siya mula sa pagkakaupo niya.
“Halika na. Mahuhuli ka na sa hinahabol mo,” seryoso kong sabi.
“Huwag na. Maghihintay na lang ako dito,” tanggi niya.
“Kapag may nag-aalok sayo ng tulong, huwag mong tatanggihan,” sabi ko pa.
“Hindi na lang kung hindi rin naman bukal sa puso ng nais magbigay ng tulong,” aniya.
“Alam mo, nauubos ang oras mo sa pagmamatigas mo,”
“Bakit ba kasi anong pakialam mo kung malate ako sa pagpapasa ng reports?” tumayo na siya sa pagkakaupo.
“Inutusan ako ni Ate Ruby at nakiusap siya. Kaya’t kung hindi kita maihahatid doon ng tamang oras ay mahihiya ako sa kanya,”
“Yun lang ba?”
“Bakit? Meron pa bang ibang pwedeng maging dahilan?”
“Wala. Kaya hayaan mo na. Ako na ang bahalang magsabi sa kanya na nakapagpasa ako ng on time,”
“Tsk. Halika na kasi ate,” bumaba ako at hinawakan siyang muli sa kamay. Hinila ko siya paikot para pasakayin.
Wala na siyang ibang magawa kundi sumunod sa akin. Nang makasakay na siya ay wala pa rin siyang kibo.
“Huwag kang mag-alala, makararating ka doon ng buhay at maipapasa mo iyang dapat mong ipasa sa tamang oras,” saka ako nagpaandar ng tricycle.
Wala na rin siyang ibang isinagot kaya’t tahimik kaming dalawa habang mas lumalakas ang buhos ng ulan.
MAYUMI
Mas masasaktan ka kung pipilitin mo ang gusto mo…
Pauilit-ulit na umaalingawngaw sa isipan ko ang mga sinabi niyang iyon. Akala niya siguro bobita ako para hindi ko siya maunawaan?
Sabi ko kanina bago kami makarating kina Ruby ay kasabay ng pagbuhos ng ulan ay pagdating ng aking lalaking hahangaan at mamahalin. Pero katulad din ng pagbuhos nito ay ang biglaan din nitong paglalaho.
Umalis ako at iniwan siyang mag-isa sa tricycle. Hindi ko nahabol yung kaaalis lang na tricycle at sa kamalas-malasan ay bumuhos na naman ang malakas na ulan kaya’t naghanap ako ng masisilungan.
Natagpuan ko ang sarili kong nakatalungko sa harap ng hardware. Nawawalan na ako ng pag-asa kaya’t wala na akong magagawa kundi tumahimik at maghintay ng darating na himala.
Ilang saglit pa ay may huminto na namang tricycle sa harapan ko. Mula sa itim na tsinelas ay nakita ko ang malilinis na kuko ng lalaki. Mabuhok ang kanyang mapuputing binti ngunit ibaba lang nito ang nakikita ko dahil sa nakalislis na itim na pantalon. Pagtingala ko ay isang pamilyar na mukha ang nakita ko. Si Amir.
“Halika na. Mahuhuli ka na sa hinahabol mo,” seryoso lang ang mukha niya kaya’t binawi ko rin kaagad ang tingin ko.
Bakit pa siya bumalik? Bakit kailangan niya pang makonsensya? Ramdam kong nakokonsensya siya dahil sa sitwasyon ko ngayon.
Hanggang sa hilahin niya akong muli papasok sa tricycle. Wala na akong lakas para manlaban. Wala na yung Mayumi na lukaret na kayang makipagsabayan ng joke o kaya ay mambwisit ng tao dahil sa sunud-sunod na kamalasan ko today.
Nasa may arko na kami ng Calle Adonis nang mas lumakas ang buhos ng ulan. Nakita kong nababasa na rin siya mula sa kanyang pwesto pero patuloy pa rin siyang sumasagsag kahit na hindi na gaanong makita ang dinaraanan naming kalsada dahil halos zero visibility na sa lakas ng buhos ng ulan.
Naalala ko ang pangako niya kanina.
“Huwag kang mag-alala, makararating ka doon ng buhay at maipapasa mo iyang dapat mong ipasa sa tamang oras,”
Tiningnan ko lang siya mula sa loob at basa na rin ang mukha niya ng ulan. Basa na rin ang harapang bahagi ng katawan niya na makikita sa pula niyang oversized shirt.
Maya maya ay huminto kami.
“Ate, pakilagay mo nga muna sa bag mo itong cellphone ko,” mula sa bulsa niya ay iniabot niya sa akin ang isang touchscreen phone. Oppo ito na medyo latest ang version. Sa palagay ko ay A83.
Pasigaw ang kanyang pagkakasabi dahil sobrang lakas na rin talaga ng buhos ng ulan.
Hindi ako pwedeng magtake risk. Hindi ko siya pwedeng idamay sa kamalasan ko kung sakali mang magpatuloy pa kami sa pag-alis habang halos wala nan makita sa daan. Madulas pa ang kalye kaya’t hindi imposibleng may mangyaring disgrasya lalo na at kurbada ang arko at Accident Phrone Area ito.
“Magpatila muna tayo ng ulan. Delikado,” sabi ko sa kanya.
“Mahuhuli ka na. Mag-aalas cinco na ate,” malakas din ang boses niya.
Basang basa na ang buhok niya at pati ang mukha niya. Dumidikit na sa katawan niya ang pulang t-shirt.
“Huwag mo nang alalahanin iyon. Pakikiusapan ko na lang si boss,” sagot ko.
“Sigurado ka Ate?” nakakunot ang noo niya nang yumuko siya para tingnan ako.
Nagtama ang mga mata naming dalawa at ngayon ko lang napagtanto na bilugan pala ang mga iyon. Matangos ang perpekto niyang ilong at sa tabi nito malapit sa kanang pisngi ay may maliit na nunal. Namumula ang mga labi niya dahil sa lamig na dala ng hangin at malakas na ulan.
“Oo. Sige na. Sumilong na muna tayo sa waiting shed na iyon,” itinuro ko ang waiting shed sa tabi ng arko nga Calle Adonis.
Saka niya pinaandar muli ang tricycle at dinala ito sa may tapat nito.
Patakbo kaming nagtungo sa waiting shed.
Ngayon ay pareho kaming nakatingin lang sa kalsada habang pumapatak sa sahig nito ang mga malalakas na pagpatak ng ulan.
Mula sa peripheral view ko ay nakita kong nagtanggal siya ng pang-itaas at saka ko unti-unting nakita kung gaano siya kakinis. Maputi ang kanyang balat at mukhang alagang alaga ito. Kung titingnan ay kutis mayaman siya kaya’t ang tanging naikintal sa isip ko ay maputi lang siguro talaga ang lahi nila. Nasabi rin kasi ni Ruby sa akin kung ano ang estado ng buhay niya.
Umiwas ako ng tingin nang mamataang lilingon siya sa direksyon ko.
“Punasan mo iyang buhok mo ate at nang di mabasa iyang damit mo,” iniabot niya sa akin ang pulang t-shirt niya.
“Naku huwag na,”tanggi ko.
“Sige na. Basa na rin naman po ito,” at inopo niya na rin ako.
Mapilit siya kaya’t kinuha ko na lang ito. Nagpunas na ako ng medyo mahaba kong buhok at saka ko ito bahagyang piniga. Amoy ko ang sabong ginamit sa paglalaba ng damit na ito. Alam kong hindi ito sa kanya pero tila naiwan ang mabango niyang amoy sa damit na ito. Yung pabango niyang Bench I Rock ay kumapit na rin pala dito.
Nang matapos ako ay saka ko ito muling ibinigay sa kanya.
“Salamat,” sabi ko.
Saka niya isinampay ito sa likod niya na parang kapa. Bumaba ang tingin ko sa dibdib niya. Malaman din ito. Wala siyang abs pero may shape at form ang katawan niya.
Tumingin siya sa malayo saka nagsalita. Tumitig lang ako sa kanya. Matangkad siya kaya’t kitang kita ko rin ang paggalaw ng adam’s apple niya habang nagsasalita siya.
“Siguro galit nag alit ka ngayon sa ulan na ito ano?” seryoso niyang tanong.
“Wala rin naman akong magagawa kung ganito ang gusto ng panahon,” sagot ko.
“Para sa akin blessing ito. Maraming tao ang nananalangin para umulan ng malakas,” aniya.
“At isa ka na siguro doon?”
“Bakit mo alam?” lumingon siya sa akin.
“Mukha kasing masaya ka pa eh,” sagot ko.
“Kapag umuulan kasi may naaalala ako,” binalik niya ang tingin niya sa kalsada.
“Love life?” tanong ko.
“Hindi. Yung nanay ko,” nagpamulsa siya ng kamay at tumingin muli sa akin saka ito binawing muli at tumingin sa kawalan.
Ngumiti pa siya.
“Bakit naman?” tanong ko.
“Ganito rin kalakas ang ulan noong nawala siya sa akin,” mahina iyon pero sapat na para marinig koi to.
Biglang naging seryoso ang usapan naming dalawa.
Wala akong masabi o maisagot man lang. Alam kong wala na rin siyang ina.
“Pakiramdam ko umiyak din ang langit noong mawala ang kaisa-isang taong nagmamahal sa akin ng totoo,” napalunok siya.
Wala pa rin akong maisagot. Ramdam ko ang lungkot sa puso niya. Naiinitindihan ko na ang lahat kung bakit lagi siyang nasa barkada lang at bihira kung umuwi sa kanila.
“Pero masaya ako kapag ganito kasi ito yung pagkakataong naaalala ko siya. Pakiramdam ko hindi ako nag-iisa,” dagdag pa niya.
“Hindi ka naman nag-iisa ngayon ah,” sa wakas ay may naisagot at nasabi ako sa kanya.
Nagkatinginan kaming dalawa. Napakaseryoso ng mga mata niya. Sinusukat nito kung hanggang kailan ako tititig sa kanya ng ganito. Ngunit agad niya itong binawi.
“Humiling ako sa nanay ko dati. Na sana pag bumuhos ulit ng ganito kalakas ang ulan ay sana hindi na ako nag-iisa,”
Wala na naman akong maisagot.
“Pakiramdam ko dininig niya iyon. Kasi kasama kita ngayon habang bumubuhos ang malakas na ulan at sa lugar pa kung saan inabot ng pagsumpong ng sakit ang nanay ko,”
Bigla akong kinilabutan hindi dahil natatakot ako kundi dahil parang nangyayari ang lahat dahil lang sa isang kahilingan niyang iyon.
“Kaya’t salamat po ate, kasi kasama kita ngayon,” ngumiti siya sa akin.
Natutunaw ang puso ko sa pinaghalong lungkot at sayang nararamdaman niya. Sobrang ramdam na ramdam ko lang talaga ang nais niyang ipahatid sa akin. Gusto ko man siyang yakapin pero hindi ko magawa dahil nahihiya ako at naeestatwa ako sa aking kinatatayuan dahil sa mga narinig kong kwento mula sa kanya.
Totoo nga kayang minamalas ako ngayong araw o itinadhanang nandito ako para maging katuparan sa mga kahilingan niya?
Malas nga ba talaga ang ulan ngayong araw?
“Huwag kang magpasalamat sa akin. Maging ako ay hindi ko alam na mangyayari ito,” natagpuan kong muli ang boses ko.
Nakatitig lang ako sa kanya. Hindi na ako nahihiya kung napapalingon siya sa akin dahil wala na akong dapat pang itago sa kanya. Alam niya na ang lahat kaya’t wala ng space pa sa puso ko para magkaila.
“Salamat pa rin kasi nandito ka,” ngumiti siyang muli.
Shems. Mahal ko na ito kaagad. Kahit hindi na ako makapagsubmit ng reports masaya na akong masilayan ang mga ngiting iyon mula sa kanya. Ang pantay pantay niyang ngipin, ang naniningkit niyang mga mata at ang pag aliwalas ng kanyang mukha tuwing ngumingiti ang nagsasabi sa akin na wala na akong dapat pang hanaping kasiyahan pa sa mundo dahil nasa harapan ko na siya.
Binabawi ko na.
Biglaan mang huminto ang ulan kanina, ay bumalik muli ito para sa akin. At nandito siya, hindi ako hinayaang mag-isa. Tumila man ang lahat, ngunit hindi ang pagtingin ko sa kanya.
“Ate, humina na ang ulan. Tara na,” yaya niya sa akin.
“Amir saglit,”
“Po?”
“Mahal na yata kita,”
At hindi ko na nga ito napigilan pa. Tumingin siya sa mga mata ko at ako sa mga mata niya. Kapwa maghahanap ng tyempo para magsalita.
Anong isasagot niya?
End of Chapter Four