CHAPTER 8
THE MAFIA LADY BOSS
BY: JOEMAR ANCHETA
“Pagkatapos ng libing ng tatay ni Mia, lilipat na tayo ng Cavite.” Iyon ang ibinungad ni Jake sa anak ng bumaba ito para mag-almusal. Gusto ni Jake na makapag-ayos ito ng mga gamit niya. Siya na lag kasi ang hindi niya nasasabihan. Tumutol rin si Gilda na asawa niya ngunit ayaw ni Jake na iwan ang pamilya niya. Gusto niyang kasama niya ang mga ito at sama sama sila sa kung saan man siya maidestino.
“Ho? Paanong lilipat, Dad?”
“Doon na tayo tumira. Doon ka na magpapatuloy sa iyong pag-aaral. Tapos na ang klase ninyo, hindi ba?”
“Oho pero gusto ko ho rito. Hindi ko po pwedeng iwan si Mia na mag-isa, Dad. Hindi ko kayang malayo kami sa isa’t isa.”
“Anak, 14 lang kayo. Masyado pa kayong mga bata para seryosohin ‘yan.”
“Mahal ko siya Dad.”
“Hindi ko sinasabing hindi mo siya mahal. Iba yung mahal sa handa. Hindi ka pwedeng maiwan dito na mag-isa kasama ng mga kasambahay natin. Babalik-balik naman tayo rito e. Magbabakasyon rin.”
“Pero Dad…”
“Nakapagdesiyon na ako. Lilipat tayo sa Cavite. Dapat nga bukas na ang alis natin pero dahil nangyari ito at ayaw ko namang aalis tayo na hindi pa maayos na naililibing ang tatay ni Mia kaya ipinagpaliban ko na ng isang araw. Kaya simulant mo nang ayusin ang gamit mo at magpaalam ka na rin kay Mia.”
“Dad, ayaw ko ho. Nakapangako ho ako kay Mia.”
“Pangako? At anong kaya mong gawin? Nakatapos ka na ba? May sariling pera? Nagtatrabaho? Kung ang sagot mo sa lahat ng iyan ay hindi pa, ibig sabihin, hindi pa kayo nakahanda para seryosohin kung anong meron kayo. Anak, sana maintindihan mo na may pamilya kang dapat samahan.”
Hindi sumagot si Liam. Nanlulumo siya. Parang alam na niya ang mangyayari sa kanila ni Mia kung malalaman nito na aalis din naman siya. Ngunit anong magagawa ng isang 14 years old? Ano ang kaya niyang itulong kung totoo naman ang sinasabi ng Daddy niya na wala pa siyang maipagmamalaki?
Sa araw ng libing ni Dindo ay naroon ang mga kamag-anak niyang galing pa ng Santa Ana, Cagayan. May ilan namang pumunta na kamag-anak at mga kapatid ni Tally na naging mabait sa kanya mula nang bumuti-buti ang kanilang pamumuhay. Umaali-aligid na ang mga ito ng may pera sila at naroon sila para makidalamhati.
Sobrang bigat para kay Mia at Tally nang isasara na ang kabaong ni Dindo. Batid nila na iyon na ang huling pagkakataon na masilayan nila ang mukha ni Dindo. Hindi na nila ito makikita pang muli. Hindi na nila maririnig ang mga biro ni Dindo, hindi na nila ito makakasama pa kahit kailan. Napakalakas ng hagulgol ni Mia lalo pa’t ipinaramdam sa kanya ng tatay niya ang walang kapantay nitong pagiging mabuting ama. Hindi man perpektong ama at asawa si Dindo ngunit ginawa niya ang lahat para mapabuti ang buhay ng kanyang pamilya at iyon ang masakit para kay Tally na tanggapin.
Hinimatay si Tally nang tuluyan nang ilibing si Dindo. Hindi nito kinakaya yung sakit na maiwan ng asawa. Hindi niya alam kung paano niya bubuhayin ang anak. Ang hirap para sa kanyang isipin na sila na lang ni Mia ngayon. Hindi pinabayaan ni Mia ang Nanay niya. Tulad ng pangako niya sa Tatay niya, magpakalakas at magpakatapang siya para sa kanyang ina. Lahat ng sikreto ng Tatay niya ay isasama niya sa libingan niyo. Irerespeto niya ang hiling sa kanya nito bago ito nalagutan ng hininga.
“Paalam Tatay. Alam kong mahirap ngunit hindi ko pababayaan si Nanay. Maipagmamalaki ninyo ako. Makakatapos ako ng pag-aaral Tay. Pangako, hindi ko kakalimutan ang lahat ng bilin ninyo sa akin. Hindi ko kayo kakalimutan kahit kailan, Tay.” Humihikbi niya iyong sinabi habang nakaakbay sa kanya si Liam.
Nilisan nila ang puntod ng tatay niya na mabigat sa pakiramdam. Parang ang hirap magsimulang muli na wala na ang kanyang ama ngunit alam niyang kailangan umusad silang mag-ina. Kailangan niyang ipagpatuloy ang buhay lalo pa’t nandiyan naman si Liam para tulungan siya makabangon muli. Isasantabi niya hangga’t kaya niya yung galit niya sa Daddy nito ngunit hindi iyon mabubura. Gaganti siya kung alam niyang kaya na niya. Alam niyang wala siyang kakayanan ngayon. Hindi niya kayang panindigan ang kanyang sinasabi dahil alam niyang walang tatayong testigo para magpapatunay na nagsasabi siya ng totoo.
“Tita, pwede ho ba kaming mag-usap ni Mia sandali bago ho kayo uuwi sa bahay ninyo?” garalgal ang boses ni Liam na humarap sa noon ay wala sa sariling si Tally. Tumango lang siya. Mabilis na nilapitan ng asawa ni Jake na si Gilda si Tally para sandaling samahan at pagaanin ang kalooban muna nito habang mag-uusap ang kanilang mga anak. Pinalapit siya ni Jake para mag-abot ng kaunting tulong.
Sina Jake at ang bunsong anak ay nasa sasakyan at hinihintay na lang nito ang asawa at anak na makapag-paalam sa mga namatayan. Mabigat kasi sa kanya at nakokonsensiya siya sa nagawa niya pero nangyari na. Hindi na niya maibabalik pa ang buhay ni Dindo.
“Mia, sana maintindihan mo ako at mapatawad.” Alam ni Liam na hindi ito ang tamang pagkakataon dahil kalilibing lang ang tatay ni Mia pero wala siyang magawa.
“Bakit? May ginawa ka ba? Anong gusto mong intindihin ko?”
“Mia, aalis na kami. Pupunta na kaming Cavite.” Garalgal ang boses ni Liam. Pinigilan niyang maluha.
“Iiwan mo ako?” mabilis ang paglakbay ng luha ni Mia. Nanlumo siya sa kanyang narinig kay Liam. Tinitigan pa niya ito. Umaasang magbago ang desisyon ni Liam ngunit nang makita niya ang mabilis na paglakbay ng luha ni Liam, alam niya, hindi na niya kayang baliin pa ang desiyon nito.
“I’m sorry.”
“Nangako ka. Sinabi mo sa akin na hindi mo ako iiwan. Doon ako humuhugot ng lakas e. Iyon ang tangi kong pag-asa na kayanin ang lahat ng ito kasi alam kong nandiyan ka. Pero ilang araw lang mula nang nangako ka, sinira mo agad. Pinagkatiwalaan ko ang sinabi mo. Kung babawiin mo naman pala agad, sana hindi ka na lang nangako. Sana hindi mo na lang ako pinaasa.” Itinutulak niya si Liam habang sinasabi niya ito dahil gusto ni Liam na yakapin siya.
“Gusto ko Mia. Alam ng Diyos, gusto kong manatili sa tabi mo. Gusto kong samahan kita hanggang makalimot ka. Hanggang kaya mo na pero pamilya ko ang nagdesisyon. Wala akong kakayanan na suportahan ang sarili ko at ikaw.” Nilapapitan niya si Mia ngunit sa tuwing ginagaw niya iyon ay umaatras ito palayo sa kanya na para bang ayaw nang pahawak.
“Mahina ka! Hindi kita dapat pinagkatiwalaan. Hindi kita dapat minahal.” Lumayo siya kay Liam. Hindi niya kayang tignan pa ito. Pakiramdam niya, yung kaisa-isa niyang kinakapitan ay bigla na lang naputol at hinayaan siyang mahulog sa kawalan.
“Please Mia, babalik ako. Babalikan kita. Pangako!” Niyakap niya si Mia mula sa likod ngunit mabilis na tinanggal ni Mia ang kanyang kamay.
“Huwag ka nang mangako. Kakalimutan na kita. Huwag ka nang bumalik pa dahil wala ka nang babalikan. Umalis ka na!”
“Alam ko, mali ako. Mali ako na hindi pakita kayang panindigan. Pero Mia, bata pa tayo, bata pa ako. Hindi ko pa kaya ang isang responsibilidad.”
“Bakit? Hinihingi ko ba sa’yong ikaw ang magiging bahala sa akin? Magiging pabigat ba ako? Ang kailangan ko lang Liam ikaw. Ang kailangan ko lang ay yung mahal ko na magpapalakas sa aking kalooban para ipagpatuloy ko ang aking buhay. Hindi ako hihingi ng kahit ano sa’yo? Hindi ako magiging pabigat.”
“Mia, may cellphone, may f*******:. Pwede tayong mag-usap sa tuwing kailangan mo ako. Hindi natin kailangang tapusin an gating koneksiyon.”
“Iba pa rin Liam yung nandito ka sa tabi. Iba pa rin yung kasama kita pero sige, gusto mong umalis? Umalis ka! Iwan mo ako at huwag na huwag ka na sa akin magpaparamdam.”
“Paano ako aalis na ganito tayo?”
“Wala kang maasahan sa akin na pang-unawa dahil hindi ko muna kayang ibigay iyon sa’yo. Makitid na kung makitid na hindi kita maintindihan pero uunahin ko muna ang aking nararamdaman. Huwag kang mag-aalala, kahit wala ka. Lalaban ako. Kaya ko ang sarili ko. Kaya namin ni Nanay ito.”
“Sige, tuloy na ako. Alam kong hindi mo pa ako mapapatawad ngayon pero darating ang panahon na maiintindihan mo rin ako.”
Hindi sumagot si Mia. Tumalikod lang siya. Pinunasan niya ang kanyang luha. Humihikbi. Wala na ngang naiwan pa sa kanya. Wala na ang taong alam niyang huhugutan ng lakas. Wala na ang lahat.
Nang alam niyang wala na si Liam sa tabi niya ay nilingon niya ito. Napakasakit para sa kanyang makita ang lalakig lumalayo sa kanya. Layla yang balikat.
“Liam! Liammmm!” sigaw niya.
Mabilis na lumingon si Liam. Kapwa sila tumatakbo at nang magtagpo sa gitna ay mahigpit ang kanilang yakapan. Walang gustong magsalita. Gusto nilang baunin ang sandaling ito na nagpapaalam sila sa isa’t isa. Hanggang sa bumitaw si Mia.
“Salamat. Mag-iingat ka kung saan ka man pumunta. Huwag kang mag-alala. Kung binigla mo man ako ngayon, kung binitiwan dahil hindi ka pa handa, susubukan kong intindihin hindi dahil iyon ang gusto pero alam kong iyon ang tama. Siguro nga, mga bata pa talaga tayo pero sana kahit saan ka magpunta, tandaan mong mahal kita. Mahal na mahal kaya ako nasasaktan na umalis ka.”
“Mag-iingat ka rin dito. Patawad kasi hindi ko napanindigan ang pangako ko. Alam kong wala ka na sa akin tiwala pero gusto kong mangako sa’yo at sa sarili ko na babalikan kita. Babalik ako sa’yo. Tandaan mo ‘yan.”
Sa kauna-unahang pagkakataon ay hinawakan ni Liam ang kanyang mukha. Nagtama ang kanilang mga paningin. Dahan-dahan, naglapat ang kanilang mga labi. Unang halik na kanilang pagsasaluhan pero halik na iyon ng pamamaalam. Masakit ang halik na iyon dahil maaring hindi na masundan pero kailangan nilang bumitaw. Kailangan nilang tanggapin ang sitwasyon. Sana muli silang magkita. Sana mabuo pa silang dalawa.
Lahat ng mga bisita ay nag-uwain na. May mga sarili silang mga buhay na kailangan harapin. Tapos ang araw na may nakikiramay at ngayong sila na lang dalawa ng Nanay niya ay parang triple na yung lungkot niyang nararamdaman. May mga pagkain sa hapag nila pero hindi sila makakain. Tahimik ang silang umiiyak habang nakatingin silang mag-ina sa pwesto ni Dindo.
“Anak, ikaw na lang ang kumain ha? Magpapahinga na ako.”
“Pero Nay, wala pa ho kayong kinakain.”
“Kakain ako anak kung makaramdam ng gutom. Gusto ko na lang itulog muna ito.”
“Sige Nay. Sabay na ho tayong aakyat.”
“Mauna na ako ‘nak. Huwag mong kalimutang mag-lock ha?”
“Opo. Tatakpan ko lang ang mga pagkain.”
Bago umakyat si Mia ay tinignan niyang mabuti kung sarado na ang pintuan. Nang isara na sana niya ang bintana ay tanaw niya ang kuwarto ni Liam. Patay ang ilaw. Alam niyang hindi na niya makikta pa si Liam araw-araw. Tuluyan na nga silang nagkalayo ng lalaking una niyang minahal.
Nakahiga na sina Mia at ng Nanay niya para magpahinga nang naalala niya ang bilin ng Tatay niya tungkol sa pera. Nilingon niya ang nanay niya at tulog na tulog na. Kailangan niyang bumaba para tignan ang bilin ng Tatay niya na pera na pwede nilang gagamitin ng Nanay niya sa negosyo. Ngayon lang niya naalala iyon. Pinaghandaan talaga ng Tatay niya ang lahat na kahit wala na ito ay may magagamit sila.
Tinungo niya ang pintuan. Dahan-dahan niyang binuksan at isinara iyon. May narinig siyang parang nabasag sa kusina. Hanggang sa parang may tao sa loob ng bahay. Ramdam at dinig niya ang mga kaluskos at parang mga bulong. Inapuhap niya ang switch ng ilaw sa hagdan para makita niya ang kabuuan ng sala at makapunta siya sa kusina kung saan sinabi ng Tatay niya na doon nakatago ang pera na magagamit nilang mag-ina. Nang lumiwanag ang paligid ay nagulat siya. May ilang kalalakihan sa loob ng kanilang bahay. Mga armado at parang may hinahanap. Pabalik na siya sa kuwarto nilang mag-ina sa takot ngunit biglang may tumakip sa kanyang bibig. Hindi siya makasigaw para humingi ng tulong. Nasukol na siya. Hindi pa pala roon natatapos ang mga pagsubok sa buhay nilang mag-ina.
Sabay sabay nating abangan mamaya ang mga pasakit at maaksiyong kaganapan sa buhay Mia.
Please do vote this story po! At pangako, ililibre natin ito hanggang matapos. Napagbigyan ko na ang editor ko at hihingi ako na pagbibigyan tayo sa ating kuwento ngayon na FREE nating mababasa hanggang matapos. Salamat po. Paki-promote na rin poi to please.