CHAPTER 7
THE MAFIA LADY BOSS
BY: JOEMAR ANCHETA (PINAGPALA)
“Anak, nandoon ka. Alam mong hinihintay kitang lumabas sa pinasukan mong fastfood. Hindi ko magagawa sa Tatay ni Mia ‘yon, anak. Maniwala ka sa akin.”
“Pero kayo ang itinuturo niyang bumaril, Dad. Kayo raw ang nakita niyang pumatay kay Tito Dindo.”
“Paano siya nakasisiguro e napakaraming pulis doon na bumabaril sa grupo nila at ang nakapagtataka, paanong may baril si Dindo? Nakita kong isa siya sa mga nakipagbarilan. Anak, nagkakamali lang si Mia.”
“Matalinong babae si Mia, Dad. Alam kong hindi siya basta-basta mambibintang.”
“Anak, tumingin ka sa mga mata ko, kailan ba ako nagsinungaling sa’yo?”
Huminga ng malalim si Liam habang nakatingin siya sa Daddy niya. “Sorry, Dad. Naniniwala ako sa’yo, Dad pero paano naman si Mia?”
“Tutulungan natin siya at ng Nanay niya anak. Nangyari na ito. Wala na tayong magagawa.”
“Pero bakit kaya kayo ang itinuturo? Naguguluhan ako, Dad. Hindi ko na alam kung sino ang paniniwalaan ko.” Patuloy ang pagbaybay ng luha sa kanyang mga mata. Umiiyak siya para sa kanyang mahal na si Mia.
“Hindi ko alam, nak. Hindi ko rin maintindihan kung bakit ako ang pinaparatangan.”
Biglang binuksan ni Liam ang pinto ng sasakyan nila. “Dad, babalikan ko si Mia.”
“Anak huwag na muna.” Hinawakan ni Jake ang braso ng anak.
“Pero Dad, wala siyang kasama. Hindi ko siya pwedeng iwan at pabayaan ngayon na kailangan niya ng masasandalan. Babalikan ko siya, Dad. Kahit ipagtulakan niya ako. Kahit magalit siya sa akin. Hindi ko siya dapat iwan.”
“Makinig ka sa akin. Liam, huwag na muna ngayon. Galit siya. Emosyonal. Hindi kayo magkakaintindihan.”
“Kaya nga mas kailangan niya ako ngayon.” Tinanggal niya ang kamay ng Daddy niyang humawak sa braso niya.
“Liam, ano ba! Makinig ka nga sa akin! Ang nanay niya ang dapat nating sunduin para siya ang makakatuwang ni Mia. Hindi ikaw.”
Tumigil si Liam. Noon lang siya muli napagtaasan ng Daddyt niya ng boses.
“Bumalik ka rito. Sumakay ka!”
Sumunod si Liam. Kahit pa hindi iyon ang sinasabi ng kanyang kalooban, malaki ang takot at respeto niya sa Daddy niya.
Tahimik siya sa tabi ng Daddy niya.
“Tara na. Higit na kailangan ni Mia ang nanay niya ngayon kaysa sa ikaw.”
Hindi na sumagot si Liam. Nakatingin siya sa labas. Parang napakabilis lahat ng pangyayari at hindi pa rin siya makapaniwalang patay na ang tatay ni Mia. Nasasaktan siya para sa babaeng mahal niya.
**************************************
“Anong sabi mo? Anak dahan-dahan lang. Hindi kita maintindihan?” Gusto ni Tally na makasigurado sa narinig niyang sinabi ng anak niya. “Bakit ka umiiyak? Ulitin mo ang sinabi mo.”
Huminga nang malalim si Mia. Gusto niyang magpakatatag habang sinasabi niya ang masamang balita sa nanay niya ngunit hindi niya kaya. Nanginginig siya.
“Nak, nandiyan ka pa ba?”
“Nandito pa ho.” Humihikbi siya.
“Anong nangyari sa’yo? Nasaan na kayo ni Tatay? Sabi niya daanan ka na lang niya pauwi. Nakapagluto na ako.”
“Nay, wala na ho si Tatay.” Malinaw na niyang nasabi iyon.
“Ano? Paanong wala na? Mia, anong nangyari?” Dinig niya sa boses ng Nanay niya ang impit na pag-iyak.
“Patay na ho si Tatay.”
Hindi kaagad nakasagot si Tally. Pakiramdam niya lahat ng dugo niya ay naipon sa ulo niya at para itong sasabog. Dahan-dahan siyang naupo sa unang baitang ng kanilang hagdanan.
“Nay nasa hospital kami. Pumunta ka rito please. Hindi ko alam ang gagawin ko, Nay. Hindi ko alam ang gagawin ko. kailangan kita, Nay. Please!” Humahagulgol na sinabi ni Mia iyon.
“Patay na ang tatay mo?” inulit ni Tally iyon. Gusto niyang masigurado dahil hindi niya tanggap. Gusto niyang isiping prank lang ng mag-ama iyon. “Hindi! Anak, nagbibiro ka lang. Pina-prank na naman ninyo ako ng tatay mo. Nagpaalam lang siya sa akin kanina. Paanong patay na!”
“Nay, totoo ho. Bakit ko naman ho ipa-prank ang ganito? Patay na si Tatay. Patay na si Tatay, Nay!”
Humahagulgol silang dalawa. Hindi niya alam kung paano niya sasabihin sa cellphone na ang Tito Jake niya ang bumaril sa tatay niya. Gusto ng tatay niya na ilihim lang ang lahat. Hindi niya alam kung kasama sa ililihim niya ang pagkapatay ng Tito Jake niya sa kanyang ama. Ngunit mas gusto niyang pumunta na muna ang Nanay niya sa hospital bago niiya sabihin ang lahat. Kailangan niya ngayon ng karamay. Kailangan niya ang magdedesisyon para sa bangkay ng kanyang tatay.
“Saang hospital kayo, anak? Pupunta na si Nanay ha? Diyan ka lang. Pupuntahan ka na ni Nanay.” Humihikbing sinabi iyon ni Tally. Gusto niyang magpakatatag para sa kanyang anak. Hindi man siya makapaniwala ngunit alam niyang hindi gagawa si Mia ng ganitong biro.
Pinatay niya ang kanyang cellphone. Sandali siyang napatutulala. Hindi niya alam kung ano ang kanyang unang gagawin. Lumabas siya sa pintuan. Naka-short lang siya at nakapambahay. Bumalik siya sa loob. Paikot-ikot. Ano bang nangyayari sa kanya? Bakit naman biglaan ito? Mabilis siyang gumayak para puntahan ang anak sa hospital kung saan dinala ang kanyang asawa. Pagbukas pa lang niya ng pintuan ay naroon na sina Jake at Liam. Duguan ang uniform ni Liam kaya alam na niya na alam ng mag-ama kung ano ang nangyari sa kanyang asawa.
“Sorry. I am sorry for your lost.” Garalgal ang boses ni Jake. Niyakap niya si Tally ng mahigpit. Nakokonsensiya siya. Alam niyang masakit para sa dati niyang kasintahan ang nangyaring pagkamatay ng kanyang asawa ngunit hindi niya kayang aminin at sabihin na napatay niya si Dindo. Napatay at hindi pinatay. Magkaiba iyon. Disgrasiya lang ang nangyari. Hindi niya sinadya dahil hindi naman niya alam na si Dindo iyon kanina.
“Alam nga ninyo. Ibig sabihin totoong patay na ang asawa ko. Patay na si Dindo. Paano na kaming mag-ina ngayon? Paano ko kakayaning buhayin ang anak ko?” humahagulgol si Tally. Nanginginig siya habang yakap siya ni Jake at hinahaplos-haplos ang kanyang likod.
“Ihahatid ka namin sa hospital. Ako na rin ang bahala sa paglalagakan ni Dindo sa lamay niya at sa kung saan siya ililibing.”
“Huwag na Jake. Kami na ng anak ko ang bahala.”
“I insist. Please. Napakabait ninyo sa anak ko. Kahit iyon lang ang maitutulong ko. Sana huwag ninyong tanggihan.”
“Gusto ko lang makita muna sana ngayon ang asawa at makasama ang anak ko. Please?”
“Sige, ihahatid ka namin at ako na ang bahalang aayos sa lahat sa hospital. Kung okey lang?”
“Gusto kong tumanggi dahil nakakahiya…”
“Please, Tally. Kahit ngayon lang. Tanggapin mo naman ang tulong ko.”
Tumango si Tally. Wala siyang panahong makipagtigasan ngayon. Isa pa, alam niyang hindi sasapat ang perang naitatabi niya kung bibigyan niya ang asawa niya ng maayos na lamay at libing. Kailangan nga niya ang tulong.
Pagbaba ni Tally sa sasakyan ay sinamahan siya ni Liam. Hindi na napigilan pa ni Jake ang anak na samahan si Tally at damayan ang kasintahan niya sa pinakamalungkot na bahagi ng buhay nito. Aayusin na lamang niya ang bangkay ni Dindo. Kahit doon lang siya makababawi. Kilala at kaibigan niya ang mga doctors dito at paniguradong pagbibigyan siya lalo na kung makita nila na kasama nina Tally at Mia ang kanyang anak.
Nang makita ni Mia ang Nanay niya kasama si Liam ay agad itong tumakbo palapit sa Nanay niya. Agad silang nagyakapan. Humahagulgol. Parang pinagbagsakan sila ng langit at hindi sila makawala sa pagkakaipit. Ang matayog nilang pangarap ay bigla nalang nawasak. Ang lahat ng kanilan kaligayahan ay bigla na lang nagwakas.
Nang pinuntahan ni Tally ang bangkay ng asawa sa morgue ay nagkaroon ng pagkakataon sina Mia at Liam na muling mag-usap.
“Anong ginagawa mo rito? Umalis ka na! Hindi kita kailangan.”
“Mia, nandito ako bilang ako. Huwag mo naman akong idamay sa kung ano ang nagawa ni Daddy. Mahal kita. Sa tingin mo, kakayanin kong pabayaan ka?”
“Mahal mo ako pero hindi ka naniniwala sa sinasabi ko. Daddy mo ang pumatay sa tatay ko! Galit ako sa daddy mo! Galit na galit ako na gusto ko siyang gantihan!”
“Mia, naririnig mo ba ang sarili mo? Walang kasalanan si Daddy. Kilala ko siya. Hindi niya magagawa ang ibinibintang mo. Hindi siya magsisinungaling sa akin.!”
“At sino ang sinungaling? Ako? Sa tingin mo ako ang gumagawa ng kuwento? Liam, sigurado ako sa nakita ko. Nandoon ako e.”
“Sige, si Daddy na kung si Daddy ngunit anong gagawin ko? Anong gusto mong mangyari? Kamuhian ko ang Daddy ko at kakampihan kita?”
“Hindi ko alam,” humahagulgol si Mia. “Ni hindi ko nga alam kung kaya konng sabihin ito kay Nanay. Kasi alam ko, kagaya mo, may tiwala siya sa Daddy mo at ayaw kong nagsasabi ako na hindi ako pinaniniwalaan.”
“Sa tingin mo, nasa pagkatao ba ni Daddy ang patayin ang tatay mo na wala namang dahilan?”
“Wala noon pero iyon ang nangyari, Liam. Pinatay ng Daddy mo si tatay at kung bakit niya ginawa iyon, hindi ko alam.”
“Nakita ko ang baril ni Tito kaninang nakahandusay siya. Bakit Mia? Bakit siya may dalang baril?”
“Hindi ko alam.”
“Nakipagbarilan siya sa mga pulis. Ibig sabihin…”
“Ibig sabihin ano? Liam, hindi mo naisip na baka proteksiyon lang iyon ni Tatay sa trabaho niya.”
“Anong trabaho? Illegal?”
“Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Patay na si Tatay ta’s pag-iisipan mo pa ng ganyan?”
“Nagtataka lang ako, Bakit napakaraming pulis na bumabaril sa kanila. Gaano ka kasigurado na galing kay Daddy ang bala na tumama sa kanya?”
Huminga si Mia nang malalim habang humihikbi siya. “Umalis ka na! Hindi ka nakatutulong! Ayaw kong makita ang mukha ninyong mag-ama rito.”
Huminga nang malalim si Liam. Hindi nga dapat siya nakikipagtalo kay Mia. Hindi ngayon kung kailan may matindi siyang pinagdadaanan.
Tumahimik na lang din si Mia. Alam niyang kahit anong sabihin niya, hindi siya paniniwalaan ni Liam. Ganoon din ang Nanay niya na noon ay tanaw niyang kausap ang Daddy ni Liam. Parang nanghihina siya. Nakaramamdam siya ng pagkahilo. Galit siya pero hapong-hapo. Nanlalambot siya kaya dahan-dahan siyang napasalambak. Mabilis siyang pinatayo ni Liam at niyakap ng mahigpit.
“Nandito lang ako. Hindi ako mawawala. Hindi kita iiwan. Kung si Daddy ang pumatay kay Tatay, handa akong magbayad ng kanyang pagkakautang pero sana, hayaan mo akong gawin iyon. 14 years old pa lang tayo pero alam mong hindi kita pababayaan kahit anong mangyari. Huwag mo naman sana akong ipagtulakan please?”
“Ang sakit lang. Ang sakit sakit na akala ko, makikita ako ni Tatay na magtagumpay. Gusto ko sanang nandoon siya kapag graduate na ako ng pagkapulis. Gusto ko na naroon siya sa lahat ng mga importanteng bahagi ng buhay ko, na magiging maayos na ang buhay namin nina Nanay. Liam, hindi ko kaya ito. Hindi ko kaya na ako lang.”
“Mia, hindi ka mag-iisa. Tandaan mo, nandito lang ako. Mahal kita. Mahal na mahal at hindi kita iiwan at pababayaan. Kaya natin ‘to. Kapit-kamay nating labanan ang lahat ng pagsubok na ‘to!”
Tumango-tango si Mia. Naiintindihan na niya na walang kinalaman si Liam sa nagawa ng Daddy niya kaya hindi siya dapat nadadamay. Niyakap na rin niya si Liam. Mahigpit. Kahit papaano alam niyang may Liam siyang masasandalan. Buo ang tiwala niyang hindi siya nito iiwan at pababayaan. Naniniwala siyang hindi siya nito bibitiwan. Nakatulong ang mga pangako sa kanya ni Liam para makakita ng pag-asa. Pag-asa na kaya niyang ipagpatuloy ang buhay kahit walang kasiguraduhan.
Ayaw niya munang sabihin kay Nanay niya ang lahat ng nalalaman niya tungkol sa pagkamatay ng tatay niya. Saka na kapag mailibing na ang tatay niya. Isa pa, may bilin ang tatay na huwag nang sabihin pa sa nanay niya ang lahat. Kasama ng mga lihim nila ng tatay niya Sa ngayon, kailangan din siya ng Nanay niya. Kailangan nila ang isa’t isa ngayon. Hindi niya iiwan ang nanay niya. Gagawin niya ang lahat para maibigay niya ang buhay na ibinigay sa kanila ng kanyang tatay.
Ngunit hindi pa man naililibing ang Tatay niya, heto si Liam at siya rin pala ang unang bibitaw at lilisan. Akala niya hindi siya nito iiwan tulad ng ipinangako sa kanya. Dumagsa ang lahat ng pagsubok. May balik pala ang lahat ang sikreto ng trabaho ng tatay niya noon. Binalikan sila ng sindikato na kinabibilangan ng kanyang Tatay at nasa panganib ang buhay nilang mag-ina. Paano na sila ngayong mag-ina kung lahat na ng dating nagsasabing mahal siya, nangakong hindi iiwan at pabayaan ay bigla na lang siyang tinalikuran? Paano nila haharapin ng Nanay niya ang buhay na wala na ang kanyang Tatay?