Every pain gives a lesson and every lesson changes a person.
Blurred ang buong paligid. Dalawang pamilyar na mukha ang nasa aking harapan. Mukha iyon ng aking namayapang mga magulang.
"Mama!" sigaw ko na mahigpit siyang niyakap.
Naghuhuramentado sa bilis ang t***k ng aking puso. Hindi ko maipaliwanag ang sakit at sayang nararamdaman.
"Aira..." nakangiting ganti niya sa akin ng yakap.
"Mama..." nagsimulang bumagsak ang aking mga luha, "Huwag niyo po akong iwan dito ni Pala." samo ko sa nanginginig na tinig.
"Alagaan mo ang sarili mo ha?"
"M-Mama hindi!" lalo pang humigpit ang yakap ko sa kanya, pamilyar ang amoy ng kanyang pabango. It feels home. "H-hindi mo ako muling iiwan, hindi mo ako iiwan..." iling ko habang nalulunod sa sariling mga luha.
"Anak, kailangan mong maging matatag." malungkot niyang ngiti sa akin, "Mula ngayon ay ikaw nalang ang mag-aalaga at magmamahal sa iyong sarili."
"Mama no, huwag kang umalis!" sigaw ko, "Huwag mo akong iwan Mama! I-Isama niyo ako ni Papa, p-pakiusap..." hagulhol ko.
"A-Aira.." si Papa.
"Papa pakiusap, huwag niyo po akong iwan."
"Magkikita tayong muli, magkakasama tayong ulit."
Kinalas ni Mama ang kanyang yakap, hinaplos ni Papa ang aking buhok bago nila ako tuluyang tinalikuran. Humakbang na sila palayo, habang unti-unting naglalaho.
"Mama hindi! Papa no! Hindi!" sigaw ko habang malakas na umiiyak.
Agad akong napabalikwas ng bangon. Isa na namang malungkot na panaginip. Panaginip ng aking nakaraan, panaginip na ilang beses kong hiniling na sana ay totoo nalang. Sana ay hindi lang 'yon isang panaginip, sana ay totoo ito at maranasan ko sa totoong mundo.
"Calm down...Aira." bulong ko habang pinapalis ang aking mga luha.
Umingit ang papag na yari sa kawayan nang bumaba ako dito. Nagpakawala ako ng ilang malalim na mga bumuntong-hininga. Gamit ang de bateryang flashlight ay lumabas ako ng silid, tinahak ang makipot na daan patungo sa madilim na kusina.
"Umaga na ba?" tanong ko sa aking sarili, sumilip sa labas. "Malapit na pala."
Maingay na ang mga hayop sa paligid. Umaawit ang mga ibon sa sanga ng punong mangga. Panaka-naka ang kahol ng mga aso sa malayong bahay ng aming mga kapitbahay. Ang panggabing kuliglig ay isa-isa ng natutulog. Mahina ang kaluskos ng mga tuyong dahon ng punong niyog na sa bubungan na hinihipan ng pang-umagang hangin. Malapit ng sumikat ang haring araw na ipinapakita ng liwanag sa labas.
"Hindi pa rin nagbabago ang amoy ng umaga," ngiti kong hinila na ang pintuan ng kusina na yari sa kawayan, "Sa kabihasnan o probinsya man."
Kung hindi lang sana naging malupit sa akin ang mundo wala ako dito ngayon. Kung hindi lang sana ako paulit-ulit na sinubok at sinaktan ng tadhana, sigurado akong masaya pa rin ako hanggang ngayon. Kung hindi lang sana ako sinaktan ng taong aking labis na pinagkakatiwalaan.
"Kumusta na kaya si Mommy?" tanong ko habang kumukuha ng tubig sa sinaunang banga ng tahanang ito, "Si Daddy?" tuloy-tuloy kong nilagok ang tubig, "Hinahanap pa rin kaya nila ako hanggang ngayon?"
Siguro, oo.
Siguro, hindi na.
O siguro, nakalimutan na nila ako.
Pagkababa ng ginamit na baso sa banggerahan ay bumalik akong muli sa aking silid. Malaking aparador lang at durabox ang namamagitan sa silid ng tunay na may-ari ng bahay. Maingat kong binuksan ang bintana at dumungaw dito. Mula sa aking kinaroroonan ay matatanaw ang malawak na bukirin na kasalukuyang niyayakap ng makapal na hamog.
Hinawakan ko ang aking bibig, impit na pinipigilan na humalay sa paligid ang aking munting mga hikbi. It's been a year, pero dama ko pa ang sakit.
"Miss ko na si Samantha..." bulong ko na dinala lang ng hangin, "Miss ko ng mabuhay bilang Samantha, miss ko na ang aking mga kaibigan at si Ate."
Nasa gitna ako ngayon ng isang nayon na matatagpuan sa pusod ng kagubatan ng mga bukirin at taniman. Walang kuryente, hindi pa uso ang TV, ang cellphone at ang internet. Bago palang umaasenso ang kanilang bayan na unang dine-develop ng lokal nilang pamahalaan. Wala dito sa aking nakakakilala at nakakaalam ng aking ginagamit na pangalan.
"Aira..." anang tinig ng aking kasama na inaantok pa, mabilis kong pinalis ang aking mga luha, maliit na ngumiti bago siya nilingon. "Gising ka na pala hija," hikab nito sabay pasada ng kamay sa kanyang mukha. "Bakit ang aga mo na namang gumising?"
Siya si Nanang Grasya. Ang dumalo at nakakita sa akin. Walang malay, puno ng mga sugat at galos ang aking braso at basang-basa ako ng ulan.
"Tutulong po akong kumuha ng mais na gagawin nating agahan, Nanang."
Maliit siyang ngumiti, sandaling binuhay ang solar panel na may switch ng ilaw. Agad na niyakap ng puting liwanag ang kanyang munting tahanan.
"Hija, makati pa ang mga dahon ng mais nang dahil sa hamog."
Tumayo ako sa pagkakaupo at sumunod sa kanyang humakbang na patungo sa kusina. Bakas pa ang antok sa kanyang mabagal na lakad.
"Ika nga po Nanang daig ng maagap ang masipag." ngiti ko.
"Oo na, magtitimpla ako ng ating kape."
Marami akong natutunan sa tahanang ito, mula sa kanya. Sa mga taong tagarito na aking nakasalamuha sa loob ng mahabang isang taon. Natuto akong uminom ng kape sa umaga na dati ay nakasanayan kong gatas. Kumain ng mga gulay na noon ko palang nakita, natuto ng gawaing bahay.
"Mas masarap po yata iyong kapeng bigas ngayon, Nanang?"
Mahina siyang tumawa, nilingon ako gamit ang nagbibiro niyang mga mata.
"Talaga?"
"Sa tingin ko lang po."
"O sige." aniyang binuhat na ang takuri na naglalaman ng sinunog niyang bigas kahapon, "Magpapaningas lang ako ng kalan."
Kumuha ako ng dalawang tasa sa lalagyan nito, walang imik na nilagyan iyon ng asukal. Sa bagay na ito sanay na sanay na ako, hindi na ako bago.
"May nilaga pa diyang kamote, masarap iyan sa kapeng bigas."
Tumango ako at kumuha ng plato at tinidor, tinusok ang kamote at inilagay sa hawak na plato. Maliit akong napangiti sa aking ginagawa.
"Aira, huwag mo sanang mamasamain pero pilit mo na naman bang inaalala ang iyong nakaraan?" tanong niya, humihigop na kami ng kape.
Nasa harapan na kami ng bahay, magkaharap na nakaupo sa kubong yari sa kawayan ang mga upuan. Sa aming harapan ay ang kamote at baso ng kape. Ini-enjoy namin ang malamig na hamog na patuloy na kumakalat pa.
"Wala pa rin po akong maalala, Nanang." sanay na akong magsinungaling.
Tumango siya sa amin at ngumiti, naiintindihan ang ibig kong sabihin.
"Sa makalawa ay magtutungo ako ng bayan, gusto mong sumama?"
Napipilitan akong ngumiti at tumango sa kanya.
"Sige po."
Natigilan siya sa napipintong paghigop ng kanyang kape.
"Aira, sasama ka sa akin sa bayan?"
Muli akong tumango. Gusto ko sanang paulit-ulit na umiling at muling tumanggi na palagi kong ginagawa, sa loob ng isang taon. Iniisip ko na maaaring may makakilala sa akin doon. Maaaring patuloy pa rin nila akong hinahanap. O baka naman isiniwalat na ng taxi driver kung saan ako dinala.
"Sigurado ka diyan hija?"
"Opo, gusto ko rin pong maabot ang inyong bayan."
Napagtanto ko ngayon na isang taon na ang nakakalipas, kaya posibleng wala na ang isyu ng aking pagkawala. Natakpan na 'yon ng bagong isyu ng ating bansa. Sigurado rin akong nakalimutan na ako ng lahat, walang makakakilala sa akin kahit na nakita nila ako noon sa TV. Malaki na rin ang pagbabago sa kulay ko. Maikli na rin ang tabas ng aking buhok na noon ay mahaba. Nadagdagan na rin ang aking taas kaya hindi nila aakalaing ako ang dalagang noon ay napabalitang nawawala.
"Masaya ako na tinanggap mo ang aking alok na pumunta ng bayan, Aira." aniyang lalo pang lumawak ang ngiti, "Anuman ang dahilan mo dati ay naiintindihan ko iyon hija."
Maliit akong ngumiti sa kanya.
Matatag at medyo maayos na po ako ngayon Nanang. May bahid pa rin ng galit pero hindi na kagaya noon. Natanggap ko na ang lahat ng nangyari. Mga salitang hindi ko masabi sa kanya dahil sa takot.
"Salamat po Nanang."
Natatakot akong muling bumalik ang sakit, ang kirot ng kahapong pilit ko ng kinakalimutan. Ang kabiguan sa kahapong lumipas na. Ang kabiguang nagdala sa akin sa piling ni Nanang. Habang nakatitig ako sa mga mata niya ay hindi ko maiwasang gunitain ang aking nakaraang buhay noon.
Bilang isang Samantha Thompson na spoiled sa lahat ng bagay.
Payak at simple ang pamumuhay sa probinsya. Alam ko iyon dahil doon rin mismo ako lumaki. Subalit ang liblib na lugar na ito ay malaki ang kaibahan sa lugar na aking kinalakihan. Maliban nalang sa sariwa nitong hangin. Ganunpaman may mga oras minsan na gusto ko iyong balikan at muli sanang maranasan.
Gusto ko ulit maramdaman ang pagmamahal ni Timothy noon na hindi huwad.
Iyon rin ang pahina ng aking buhay na nais ko ng ibaon sa limot at tuluyan nang kalimutan. Kahit pa malalim ang aming pinagsamahan, kahit pa sobrang mahal ko siya. Gusto ko na itong kalimutan at sinimulan ko na iyon sa pamamagitan ng paglimot sa aking ginagamit na pangalan at hindi na pagpansin sa pagmamahal na sa taong iyon ay aking nararamdaman. Dahil alam kong sa bandang huli ay paulit-ulit niya pa rin akong masasaktan kahit na hindi namin parehong gustuhin.