“T*NG INA! HINDI KA BA TALAGA TITIGIL SA KAKAHINALA?”
“AT BAKIT AKO TITIGIL HUH? GABING-GABI KA NA UMUWI? ANO SA TINGIN MO ANG IISIPIN KO?”
“F*CK! SINABI KO NA SAYONG NAGO-OVERTIME AKO SA TRABAHO AT HINDI NAMBABABAE! ILANG BESES KO BANG PAULIT-ULIT NA IPAPAINTINDI IYON SAYO?!!!”
“SO KASALANAN KO KAYA AKO NAG-IISIP NG GANITO, HA?! HOY LALAKI! BAKA NAKAKALIMUTAN MO, ILANG BESES NG TUMAMA ANG MGA HINALA KO KAYA HINDING-HINDI MO NA AKO MALOLOKO PA!!!”
“BAHALA KA!!!”
“BWISIT KA!!!”
“MAS BWISIT KA!!!”
“PINAKABWISIT KA!!!”
“MAS BWISIT KA PA SA BWISIT!!!”
“IKAW ANG PINAKABWISIT NA LALAKI SA BALAT NG LUPA!!!”
Hay! Ayan na naman sila. Kung hindi dahil sa pera, babae naman ang dahilan nang pagsisigawan nila sa kabilang kwarto. Ewan ko ba kung bakit hanggang dito sa kwarto ko ay tagos ang sigawan nila gayong gawa naman sa bato ang pader na pumapagitan sa mga kwarto namin.
Napahilot ako sa sentido ko. Hindi na ako makapag-concentrate dito sa ginagawa ko. Kung may alam lang sana akong ibang lugar na tahimik, doon ko na tatapusin ito pero wala naman akong alam.
Tuloy pa rin ang sigawan ng mag-asawa sa kabila. Actually, live-in sila at hindi kasal pero kung mag-away sila, daig pa ang totoong kasal. Napangisi ako. Mabuti na rin siguro na hindi sila kasal kasi hindi malayong sa hiwalayan din ang bagsak nila. Tsk!
Bumuntong-hininga ako. Naisip ko lang, limang buwan na din pala ako dito sa syudad at tumitira sa kwartong ito at natitiis ang sigawan ng mag-asawa sa kabila na kahit ang kalagitnaan ng gabi ay hindi nila pinalagpas para lang maibuhos ang galit sa isa’t-isa.
Napailing-iling na lamang ako.
Rinig ko pa rin ang sigawan ng dalawa na hindi ko na lamang binigyang pansin. Itutuloy ko na sana ang pagta-type ko sa keyboard ng laptop pero napatingin ako sa cellphone ko na de keypad na nasa tabi ng laptop ko at nasa gilid naman ng mesa dahil tumunog iyon. Kinuha ko at nakita ko sa screen na nagtext si Rico, ang classmate ko s***h best friend ko na rin.
“Hellion, natapos mo na ba iyong report sa Accounting 1? Kung oo, textback ka o kung hindi pa, ibigay mo na lang sa akin ‘yung hindi mo pa natatapos at ako na lang ang gagawa.”
Paano akong matatapos kaagad sa ginagawa ko may istorbo sa kabilang kwarto? Ayun at nagdadabugan pa. Kung ano-ano na yatang gamit ang nasisira. Tsk!
Magrereply na sana ako sa text ni Rico pero…
TOK! TOK! TOK! TOK! TOK!
Napatingin ako sa pintuan ng kwarto ko kasi sunod-sunod iyong katok na naririnig ko.
“Hay! Sino na naman ba iyon?” nagtatakang tanong ko sa hangin.
Sa totoo lang, naiinis na ako nga ako sa istorbo sa kabilang kwarto, mas lalo pa akong nainis dahil may kumakatok. Ayoko pa naman ng may istorbo pero wala, dito ako nakatira sa bahay na ito.
Isang ancestral house ang bahay na ito na sa aking palagay ay itinayo pa mula nung panahon ng kastila. Ginawang paupahan ng may-ari dahil malaki naman ito kahit isang palapag lang. Silong na kasi iyong sa ibaba kung saan pinapaupahan naman iyon para sa mga negosyanteng gustong magtinda ng kung ano-ano. May walong kwarto ang bahay na ito, isa na nga ang inuupahan ko. Kalimitan ay estudyanteng gaya ko o di kaya ay mag-asawa ang umuupa dito kagaya nung nasa kabilang kwarto. Ewan ko nga kung bakit hindi pa napapaalis ang mga iyon gayong laging ang ingay-ingay. Ireklamo ko na kaya?
Anyway, nakatayo ito sa isang eskinita, hindi naman iskwater area kaya ligtas sa lugar namin.
Mura lang ang upa dito at kasama na ang kuryente at tubig. Saktong-sakto para sa isang gaya kong kapos. Kung hindi nga lang dahil sa scholarship, malamang hindi na talaga ako makakapag-aral. Mabuti na nga lang at naihabol ko pa. 22 na ako nang pumasok sa kolehiyo limang buwan na ang nakakaraan at kasalukuyang nasa 2nd sem ng unang taon sa kursong accounting.
Oo nga pala, kwarto lang itong inuupahan ko. Nilagyan ko lang ng kusina. Mesa lang saka cabinet at lumang refrigerator na naiwan ng dating umuupa at pinahiram ng may-ari ng bahay para paglagyan ng natira kong pagkain. May kusina sa labas kung saan doon ako naghuhugas ng pinagkainan ko pero madalang lang din naman akong pumunta doon kasi sa styro ako laging kumakain. ‘Yung kusina sa labas ay para sa lahat ng nangungupahan dito at malaki naman iyon. May dalawang banyo, isa para sa babae at isa para sa lalaki at dahil isa akong estudyante. Dapat lang na lagi akong maagang magising para mauna doon dahil tiyak na late ang aabutin ko.
Oo nga pala, may kumakatok! Muntik ko nang makalimutan.
Nilapag ko sa mesa ang cellphone ko saka kaagad na tumayo at pinuntahan ang pinto.
Sa pagbukas ko ng pinto, nakita ko ang batang si Night na ang lungkot ng mukha at nakanguso pa habang nakatingin sa akin. Six years old na siya at ang taba ng pisngi. Mestiso mana sa ina pero hindi maikakailang mas nagmana siya sa ama pagdating sa itsura. Ang cute-cute niya sa totoo lang.
“Oh, Gabi-”
Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko kasi bigla siyang tumakbo palapit at yumakap sa mga binti ko. Hay! Anak siya nung mag live-in partner sa kabila na nag-aaway. Sa tuwing magbabangayan ang mga iyon, pumupunta sa akin ang batang ito. Ewan ko, baka natatakot.
“Huwag ka nang matakot Gabi,” pagpapakalma ko sa kanya. Hinaplos ko ang ulo niya. Ang lambot ng buhok niya. Alagang conditioner. Gabi ang tawag ko sa kanya. Night ang pangalan, e.
Simula nung tumira ako dito, ganito na siya. Mas nauna kasi sila kaysa sa akin. Nung unang beses nga, nagulat pa ako dahil akala ko naiwang bata pero iyon nga, nalaman kong anak siya nung taga-kabilang kwarto.
Hindi ko man lang naisip na siya ‘yung kumakatok kanina eh laging sa akin ang punta nito kapag nag-aaway ang mama at papa niya.
Pinapasok ko na lamang si Gabi sa loob ng kwarto ko. Sinara ko ang pinto saka binuhat siya at dinala sa kama. Inupo ko siya doon.
“Huwag kang iiyak. Alam mo naman na ayaw ni Kuya ng batang umiiyak, ‘di ba?” tanong ko.
Tumango-tango siya. Pinigilan niya ang maiyak kahit na nangingislap na ang mga mata niya.
Ngumiti ako. Kinurot ko nang marahan ang pisngi niya. Hindi halatang mahilig ako sa bata, ‘no? Nag-iisa lang kasi akong anak kaya nung bata ako, nasabik rin ako magkaroon ng kapatid pero hindi lang napagbigyan ni Inay at Itay.
Oo nga pala, magsasaka si Inay na nasa probinsya ngayon. Si Itay, wala na. Nangibang bahay siya. Ewan ko kung saan at hindi ko na rin inalam pa pero ang huling sabi sa akin ni Inay, nasa Mindanao daw dahil nandoon ang bagong pamilya. Simula nun hindi na rin namin siya napag-usapan at wala ng naging pakiealam.
Wala naman akong galit kay Itay. May isip na ako nung iniwan niya kami at bilang nakakaintindi naman ako, inintindi ko na lang. Sabi nga sa nabasa kong libro, ang lahat ay may katapusan, bagay man ‘yan o nararamdaman. Siguro ganun din ang inisip ni Inay kaya naintindihan niya rin si Itay at wala naman siyang galit rito.
Muli akong tumingin kay Gabi at ang pucha! Hindi ko man lang namalayang humiga na at natulog. Natawa ako saka napailing-iling.
“Hay! Kawawang bata,” naaawang sabi ko. Siya ang naiipit lagi sa pag-aaway nung magulang. Wala pang magawa para pigilan ang mga ito. Ang tanging nagagawa lang ay tumakbo palayo.
Bumuntong-hininga ako. Tumingin ako sa mesa ko.
Napansin kong tumahimik na sa kabila. Owwww! Tapos nang mag-away ang dalawa. Muli akong napatingin kay Gabi. Siguradong kukunin na siya maya-maya ng tatay niya dito. Alam naman kasi nito kung saan pumupunta ang anak kapag nag-aaway sila ng asawa niya. Mabuti nga at hindi lumalabas ang batang ito at tatakbo sa kalsada dahil tiyak na kung gagawin niya iyon, pwede siyang mapahamak.
At iyon na nga, pamaya-maya ay may kumakatok na sa pinto.
Tumayo ako mula sa kama at pinuntahan ang pinto. Binuksan ko iyon at nabungaran ko ang tatay ni Night. Mataman siyang nakatingin sa akin habang kunot ang noo.
“Kukunin ko si Night,” walang ganang sabi niya. Buo at ang lamig ng boses.
Napatango-tango ako. Umiwas ako nang tingin sa kanya at ngumuso ako sa kama kung nasaan si Night.
Siya lang naman ang laging kumukuha kay Night dito sa kwarto ko.
Tumango-tango siya. Binigyan ko siya ng daan at pumasok siya sa kwarto ko.
Walang damit pang-itaas si Troy at nakasuot ito ng jersey short. Oo, ‘yun ang pangalan niya. Kita ko ang katawan niyang tama lang ang laki para sa tangkad niyang sa tantya ko ay 5’9. Mas matangkad kasi siya sa akin dahil 5’7 lang ako. May tattoo siya sa likod, sa kaliwa bandang itaas, mukha ng anak niya. Undercut ang style ng buhok na bagay naman sa hulma ng kanyang mukha.
Binuhat niya si Night na tulog na tulog. Humarap siya sa akin. Lumabas ang muscles niya sa braso dahil sa pagbuhat niya sa kanyang anak. Hindi naman kasi siya payatot, wala lang siyang taba lalo na sa tiyan. May abs nga siya kaya minsan naiinggit ako dahil wala ako nun. Hindi rin naman kasi ako mahilig mag-exercise, minsan lang kapag sinipag. Sa pag-aaral lang kasi ako masipag pero sa ibang bagay, olats.
Nakatingin na naman sa akin ang mga mapupungay niyang mata. Seryoso ang maamo nitong mukha. Oo, maamo ang mukha niya pero maangas ang ugali. Sa totoo lang, gwapo si Troy at moreno ang balat. Hindi ko masisisi ang asawa niya kung maghinalang may babae ito dahil may ipagmamalaki naman at natitiyak kong napapatingin din ang ibang babae sa kanya.
“Salamat,” sabi niya nang walang kagana-gana.
Napatango-tango na lamang ako. ‘Yan lang ang lagi niyang sinasabi sa akin kapag kinukuha niya ang anak mula sa kwarto ko. Takte! Hindi pa ako nakatikim ng kahit libre mula diyan o sa asawa niya samantalang si Night, minsan inubos pa iyong hapunan ko! Nagpa-alaga na nga, nanlimas pa ng pagkain kaya ang ending, gutom na gutom ako at kailangan ko pang lumabas para lang bumili muli nang kakainin ko.
Naglakad si Troy patungo sa akin, I mean sa pinto. Hindi na siya nagsalita nung tuluyan na siyang nakalabas.
Nakasunod ang tingin ko sa kanila hanggang sa makapasok na sila sa kabilang pinto. Bumuntong-hininga ako.
“Hay salamat at tahimik na,” sabi ko. Nakahinga na ako ng maluwag.
Matutuloy ko na ang ginagawa ko kahit disoras na ng gabi. Okay lang, sanay naman ako sa puyatan.
----------------------------------------
Nakatayo ako sa tapat ng full body mirror ko. Tinitingnan ko ang sarili ko doon. Tanging boxer lang ang suot ko.
Isa ba kayo sa mga taong naiinis kapag sinasabihang may itsura?
Ako kasi… minsan oo at minsan hindi.
Ewan ko ba kung matutuwa ako o maiinis dahil may itsura lang ako. Kumbaga, maihahalintulad sa isang softdrinks, sakto lang. Hindi ako gwapo at hindi rin ako pangit. Sakto lang talaga.
Mabuti na lang at maputi ako. Natawa ako, naalala ko kasi ‘yung kanta na narinig ko nung isang araw habang naglalakad ako papunta sa sakayan ng jeep…
Makinis, maputi siya pero bat ganun…
Lintik!
Oo, makinis at maputi naman ako kahit galing akong probinsya. Minsan lang din kasi akong pagsakahin ni Inay kahit gusto kong full time na tumulong. Nung tumigil naman ako sa pag-aaral ng ilang taon, naging tindero ako sa gulayan ni Aling Pacing na matatagpuan sa palengke at kahit papaano ay nakaipon para sa pag-aaral ko. May bubong dun kaya hindi rin naman ako naarawan.
Mas gusto niya kasi na pagbutihin ko ang pag-aaral ko kaya naman ginagawa ko ang lahat para maging mataas ang grades ko at makatapos rin ng pag-aaral para balang araw ay makaahon din kami.
Pero iyon nga, sakto lang ang itsura ko. May kahabaan ang buhok ko na pataas ang ayos. Makapal ang kilay ko. Medyo bilugan ang aking mga mata. Medyo matangos lang ang ilong, tipikal na ilong ng mga Pilipino at manipis ang aking labi na natural naman ang pagkapula.
Sa katawan naman, sakto lang din. Hindi malaki at hindi rin payat. May muscle-muscle naman pero hindi kagaya kay Troy na medyo batak. Sabi ko nga, wala akong abs pero wala akong taba sa tiyan.
Hay! Bakit ko ba pinoproblema ngayon ang itsura ko? Alam ko sanay na ako dito, e. Natawa na lamang ako. Bigla-bigla kasi ay nagiging conscious ako sa itsura ko.
Umalis ako sa tapat ng salamin saka pumunta sa cabinet para kumuha ng damit na susuotin ko sa pagpasok. Isa pa ito sa problema ko, wala kaming uniporme sa school kaya naman laging naka-civilian. Minsan nga nag-uulit na lang ako ng damit at okay lang naman iyon dahil nilalabhan ko naman. Ewan ko lang kung okay sa paningin ng iba lalo na at hindi rin naman ordinaryong school ang pinapasukan ko, isa iyon sa sikat na unibersidad dito sa syudad.
-----------------------------------------------
“Ito na,” inaabot ko ang USB kay Rico. Naglalaman iyon nang ginawa kong report sa accounting. Ako ang tumapos nito dahil nakakahiya naman sa kanya. Ginawa niya ang parte niya kaya naman ginawa ko ang akin ng walang tulong niya.
Napangiti sa akin si Rico saka kinuha ang USB mula sa kamay ko.
“Akala ko hindi mo matatapos.”
Napangiti ako. Umupo ako sa upuan na gawa sa bato na nasa harapan niya. Bale nasa gitna namin ang mesa na gawa din sa bato.
Nandito kami sa school garden kung saan napagpasyahan naming puntahang lugar para magkita. Maraming mga puno at halaman sa paligid kaya ang presko ng hangin dagdagan pa na humahalimuyak ang bango ng mga bulaklak.
“Oo nga pala, isosoli ko na ‘yung laptop na pinahiram mo sa akin,” sabi ko. Oo, sa kanya ‘yung laptop na gamit ko.
Napatingin siya sa akin matapos niyang itago ang USB sa bagpack niya. Kumunot ang noo niya.
“Oh? Bakit ganyan ka makatingin?” nagtatakang tanong ko.
“Sabi ko bigay ko na iyon sayo,” sabi niya na ikinagulat ko.
“Ha? Seryoso ka ba dun?” tanong ko. Akala ko kasi nagbibiro siya.
“Oo naman.”
“Pero Rico, nakakahiya naman-”
“Huwag ka ngang mahiya, magkaibigan tayo, ‘di ba?” tanong niya kaagad. “Saka isa pa, hindi ko na rin naman ginagamit iyon at sayang lang kung matatambak sa bahay.”
“Pero-”
“Wala ng pero-pero,” sabi kaagad ni Rico saka ngumiti. Hindi ko matuloy-tuloy ang sasabihin ko.
Nag-aalangang napangiti na lamang ako. Nakakahiya naman. Akala ko kasi talaga pinahiram lang niya.
Hindi ko mapigilang matitigan si Rico. Simula ng magsimula ang klase, naging kaibigan ko na siya. Actually, nakilala ko siya nung enrollment ng dahil sa ballpen. Wala kasi siyang dala kaya nanghiram. Ang yaman-yaman tapos walang ballpen. Hahaha!
Nag-iisang kaibigan ko si Rico dito sa school. Kahit na alam niyang mahirap lang ako, okay lang sa kanya hindi katulad ng ibang estudyante rito na nangmamata ng mga katulad kong scholar. Hindi ko na lang pinapansin. Ganun yata siguro ‘yung ibang mayaman. Saka as long na hindi naman ako sinasaktan ng pisikal, okay lang pero kung kakantiin ako kahit dulo ng daliri ko, ay ibang usapan ‘yan! Makakatikim sila sa akin kapag nagkataon.
Mayaman si Rico. Kilala ang pamilya Dela Torre lalo na sa mundo ng business. Bukod sa may sarili silang kumpanya, franchise owner rin sila ng isang sikat na fast food chain at hindi lang basta isa, kundi trenta na nakakalat sa buong bansa ang branch. Minsan nga dinala niya ako sa pinakamalapit na branch na pagmamay-ari nila at nilibre ako ng fries at kung ano-ano pa.
Mabait si Rico. Sobra. Bagay na bagay sa maamong mukha niya ang kabaitan niya. Mestiso ang balat na sobrang kinis. Halatang mayaman dahil nagpapa-derma hindi kagaya ko na mestizo at makinis lang. ‘Yung balat niya kasi, parang kumikintab na diyamante. Ganun! OA bang pakinggan? Pero iyon kasi talaga ang totoo.
Maraming nagkaka-crush kay Rico lalo na sa klase namin. Gwapo naman kasi ang mokong. Asset niya ‘yung makapal na kilay niyang pataas ang dulo. Ewan ko nga ba kung bakit ang amo ng mukha niya pero ganun ‘yung kilay niya. Parang laging nantataray. Chinito ang mata, Matangos ang ilong at manipis ang cherry-like colored lips niya.
Sa katawan naman, halos magkasingkatawan kami. Matangkad lang siya sa akin dahil 5’8 siya. Mahilig siya sa basketball at anime.
May utak din naman si Rico. Kung masipag nga lang ito ng husto ay hindi rin malayong maging scholar siya. Pero dahil may pera naman sila pang-tuition, okay lang din na maging tamad siya hahahaha!
Sa halos lahat ng subject, classmate kami kaya hindi rin kami mapaghiwalay, minsan lang kapag may kanya-kanyang gagawin.
“Oh? Bakit ganyan ka makatingin?” nagtatakang tanong ni Rico. Pamaya-maya ay ngumiti siya ng nakakaloko. “Huwag mong sabihing gwapong-gwapo ka sa akin. Naku! Baka nai-inlove ka na sa akin, a,” nakakalokong sabi pa niya.
“Hahahahaha! Gag*!” napamura tuloy ako. Kalokohan kasi nito.
“Malay ko naman na gwapong-gwapo ka sa akin,” sabi niya saka mas lalong napangiti.
“Oo gwapo ka at aminado naman ako dun pero ‘yung gwapong-gwapo at mai-inlove sayo? Malabo iyon pare!”
Tinawanan ako ni Rico.
“Oo nga pala, ayaw mo na ba talagang isoli ko sayo ‘yung laptop mo?” tanong ko.
“Oo nga,” sabi niya. “Isipin mo na lang tulong ko iyon sayo,” dugtong niya pa.
Napanguso ako.
“Huwag ka ngang ngumuso,” sabi ni Rico. “Mas lalo kang nagmumukhang bata.”
Natawa ako.
“Kasalanan ko ba kung baby face ako?” tanong ko saka ako ngumiti.
Ngumiti si Rico.
“Eh di ikaw na ang mukhang baby,” sabi niya. “Amoy lungab ka nga eh, hahahaha!”
“Gag*!” mura ko sa kanya. Ang bango-bango ko kaya.
Mas matanda ako kay Rico pero mas mukha akong bata sa kanya. Disi-nuwebe pa lang siya.
“Tara kain tayo,” pag-aaya ni Rico.
Napatingin ako sa wrist watch na suot ko. Nabili ko lang ito sa daan para may orasan ako.
“Sige, may one hour pa,” sabi ko. Ang haba naman kasi ng break namin.
“Edi go!” sabi ni Rico saka tumayo na ito mula sa pagkakaupo. Kahit pagtayo, nagsusumigaw ang kagwapuhan at pagiging mayaman dahil sa porma. Minsan nga nakakahiyang tumabi sa kanya kasi branded ang damit niya samantalang iyong akin, nabili ko lang sa ukay.
Napangiti na lamang ako saka tumayo na rin at sabay kaming nagpunta sa cafeteria.
----------------------------
Ilang araw na ang nakakalipas at nagtataka lang ako.
Nagkaroon ba ng himala?
Paano naman kasi, ilang araw ng tahimik ang buhay ko. Wala nang nagsisigawan sa kabilang kwarto.
Nakakapagtaka man pero masaya ako. Siyempre makakapag-concentrate na ako sa pag-aaral ko.
Pero sa totoo lang, may bahagi sa aking namimiss rin ang ingay sa kabila. Isa pa sa namimiss ko ay ‘yung pagpunta ni Night dito sa kwarto ko. Ilang araw na rin kasing hindi pumupunta ‘yung bata sa akin. Saka iyong tatay niyang si Troy, hindi ko masyadong nakikita. Lalo na iyong nanay niya na minsan ko lang din naman talaga makita.
Anyway, basta masaya ako kasi tahimik na. Baka naman nagkaayos na ang dalawa kaya ganun.
Nakaupo ako sa upuan, nasa harapan ng laptop na nakapatong sa study table ko. Wala akong magawa kasi natapos ko na iyong dapat gawin at dahil hindi pa malalim ang gabi kaya naman nag-scroll na lang ako sa Picbook at nagtitingin-tingin sa newsfeed.
“Wow! Ang ganda nito,” namamanghang sabi ko ng may makitang sapatos. “At ang mura pa, 300 lang,” siguro madali lang itong masira. Pero ang ganda talaga. Mahilig pa naman ako sa black and white.
Pinindot ko ‘yung picture saka tiningnan ‘yung iba’t-ibang anggulo.
Ay! Natutukso akong bumili. Minsan talaga pahamak ang tumingin sa mga ganito. Dapat pala hindi ko ni-like ‘yung mga online store sa Picbook.
Naalis ang tingin ko sa screen ng laptop saka kinuha ang bagpack ko na nakalapag sa sahig. Kinuha ko sa loob ang wallet ko at tiningnan ang laman.
“May one thousand pa ako,” pang-isang buwan kong allowance. Naibukod ko na rito ‘yung pambayad ko sa renta at iba pang gastusin. Siyempre kailangan magtipid lalo na at pinaghihirapan ni Inay ‘yung perang ipinapadala sa akin. Hindi rin naman ganun kalaki iyong nakukuha kong allowance sa school.
Pero natutukso talaga ako sa sapatos. Muli ko iyong tiningnan. Napailing-iling tuloy ako. Tiningnan ko ulit iyong pera ko. Napakagat-labi ako.
“Hay! 300 lang naman! Saka tatagal naman siguro sa akin ‘to,” sabi ko. Kahit mura lang iyong gamit na nabibili ko eh medyo tumatagal naman dahil maingat akong gumamit.
Sa huli ay hindi na ako nagpapigil at nakipag-usap na ako sa seller thru chat.
“Hello, available ba ito,” type ko sa chatbox at sinama iyong picture nung sapatos.
“Yeah,” ang tipid namang sumagot. Parang ayaw magbenta. Naalala ko tuloy ‘yung sales lady sa mall na walang ganang magbenta.
“300 lang iyong sapatos, ‘di ba?” tanong ko. Tanga rin eh ‘no? Naka-post na nga. Hahaha! Siyempre naninigurado lang dahil baka mamaya typo error, 3000 pala. Whoooo! Wala akong 3,000 pesos kaya kailangang manigurado.
“Yeah,” sagot ulit ng kausap ko.
“Mm, sige pabili ako isa.”
“Isa lang?”
Kumunot ang noo ko. Parang ayaw niya na isa lang ang bibilhin ko.
“Oo,” sagot ko. “Ako lang kasi ang gagamit,” sabi ko pa.
“Dapat dalawa, ‘di ba? Dalawa kaya ang paa mo.”
Pucha to! Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis eh! Pilosopo ang seller na ito.
“Isang pares,” sagot ko. Mabuti na lang at mahaba-haba ang pisi ko.
“Ahhh…” sagot niya. Napailing-iling na lang ako.
“Meet up, Pwede?” tanong ko. Minsan kasi ayoko nung COD.
“Yeah.”
“Okay, saan?” tanong ko.
“Ikaw ang bahala. Huwag lang sa Mars,” sabi niya.
Natawa ako. Puchang seller ‘to.
“Okay-okay. Hindi naman sa Mars-”
“Send mo na lang ang details mo saka kung saang lugar tayo magkikita,” chat kaagad niya. Ayaw nang makipag-usap? Nagmamadali?
“Okay,” sagot ko na lang.
Nag-seen lang siya at hindi na sumagot. Langya!
Sinend ko na lang ang details ko sa kanya kasama ang size ng paa ko saka kung saan kami magkikita. Siguro naman pwede na sa plaza? Malapit lang naman dito iyon, hindi na ako mahihirapan. Saka sabi niya kahit saan basta huwag lang sa Mars. Bahala na siya kung malayo sa kanya ‘yung plaza basta hindi iyon sa Mars.
Sineen lang niya ulit ‘yung chat ko. Nagulat naman ako saka kaagad na napatingin sa pinto dahil may kumakatok. Nangunot tuloy ang noo ko sa pagtataka.
“Sino iyon?” wala naman kasi akong inaasahang bisita.
Tumayo ako sa inuupuan ko saka pumunta sa pinto.
Sa pagbukas ko ng pinto, bahagya pa akong nagulat dahil nasa harapan si Troy. May hawak siyang kahon sa isang kamay niya. Iyong isa, hawak ang smartphone niya.
“Oh, order mo,” sabi niya na ikinalaglag ng panga ko.
Nakatingin lamang ang mga nanlalaki kong mata kay Troy na seryoso lang ang mukhang nakatingin sa akin.
“Order mo, saka ‘yung bayad mo,” sabi niya pa.
Ibig sabihin…
“Ikaw iyong online seller ng sapatos?” tanong ko.
Wala siyang kagana-gana na tumango-tango.
“Pero… may trabaho ka, ‘di ba?” tanong ko. Sa pagkakaalam ko, isa siyang electrician ng isang electric company. Tapos naman kasi siya ng pag-aaral.
“Nag-resign na ako.”
Ay ganun?
“Kunin mo na at nangangawit na ako. Saka ‘yung bayad mo, i-abot mo sa akin,” sabi niya na hindi inaalis ang mata niya sa akin.
“O-okay,” bwisit at nautal pa ako. Tinalikuran ko na lamang siya at kinuha ang wallet ko.
Hindi ko akalain na siya pala iyong pilosopong kausap ko sa chat. Bwisit!
Binalikan ko si Troy. Mabuti na lang at hindi buong isang libo ang pera ko.
“Oh,” sabi ko saka inabot ang saktong bayad sa kanya.
Kinuha niya iyon sa akin, inabot naman niya ang kahon ng sapatos pala ang laman. Kinuha ko iyon.
“Kung may problema ka diyan sa sapatos, ibalik mo at papalitan ko,” sabi ni Troy saka tinalikuran na ako at bumalik sa kwarto nila. Hindi man lang nagpasalamat na bumili ako. Grabe! Kakaibang seller siya ah.
Nakasunod naman ang tingin ko kay Troy. Napailing-iling na lamang ako saka tiningnan ang hawak kong kahon.
Napangiti ako ng buksan ko ang kahon.
“Wow! Ang ganda!” namamanghang sabi ko. Kahit mura lang siya, okay na lalo ang itsura.
Sinara ko ang pintuan saka umupo sa kama ko. Sinukat ko iyong sapatos at sinubukang ilakad-lakad. Ang ganda. Ang hilig ko rin talaga sa rubber shoes kaya nung nakita ko sa online, natukso ako.
Iyon nga lang, malambot iyong swelas, halatang madaling masira. Pero okay lang, minsan ko lang naman gagamitin.
Naisip ko bigla si Troy, hindi ko talaga akalain na online seller na siya ng sapatos ngayon. Hindi ako makapaniwala pero kunsabagay, pwede naman niya talagang gawin iyon. Natawa tuloy ako dahil naalala ko kung paano siya makipag-usap sa akin.
Ganun din kaya siya makipag-usap sa ibang customer niya?