Episode 7

1358 Words
Nais man akong ihatid ni Hanzo sa bahay ay may natanggap na naman siyang tawag mula kung kanino. Hinatid niya na lang ako sa malapit at saka na siya nagpaalam At mabuti na lang talagang hindi niya na ako hinatid pa. Ayoko rin naman na kasing makita pa siya ng mga kapitbahay ko lalo na ni Aling Matring. Baka mamaya pagkakita niya kay Hanzo ay anu-ano pa ang mga sabihin niya at mapahiya na naman ako. Kilala ko si Aling Matring na walang preno ang bibig kaya nararapat lang na ako na ang umiwas. Kung pwede lang talaga ay ibenta ko na ang lupa at bahay namin ay gagawin ko na talaga para makaalis sa ganung ka toxic na lugar. Malakas pa naman makahawa ang bad vibes na siyang pinapakita ni Aling Matring sa araw-araw na buhay. Ngunit naroon ang mga alaala ni nanay kaya hanggat kaya ko ay magtitiis na lang ako. Isa pa, hindi ko rin naman maiiwan si Nanay Palo. Nag-iisa na lang kaming pareho ay iiwan ko pa ba siya? Pagdating ko nga sa banda na sa amin ay naabutan ko na naman si Aling Matring kasama ang mga anak niya na nasa harap ng bahay nila. Nakaipon sila at nagkukutuhan. Tanghaling tapat na kasi at mainit na sa loob ng bahay nila kaya nasa labas na sila hanggang mamayang takip-silim. Wala silang kuryente ngunit nagagawa nilang makatulog sa gabi dahil pagsapit ng dilim ay tina-tap na nila ang wire ng kuryente para may gamitin na sila sa mga appliances nila tulad ng electric fan. Ilang beses na silang nahuli at napagsabihan ng pamunuan ngunit tuloy lang sila sa mga ilegal na gawain nila at wala talagng pakialam sa batas ng tao o kung nakakaperwisyo sila sa pagnanakaw nila ng kuryente. Maging sa tubig ay wala silang sariling metro kaya kapag wala silang pambili ng tubig ay kahit maghilamos ng mga mukha ay hindi man nila magawa. Walang magawang maawang kapitbahay sa kanila dahil nga sa ugali nila na hindi pa marunong makisama. Kaya talagang aksaya ng panahon ang pakikipagtalo kay Aling Matring at kahit sino sa pamilya niya “Talagang iba ang alagang DOM! Parating pa lang humahalimuyak na ang pamumukadkad!” pagpaparinig agad ni Aling Matring ng makita ako. “Hahanap daw ng trabaho? Ang bilis namang nakahanap? Manager yarn?” dagdag niyang pagpaparinig at saka sila nagtawana ng mga anak niya at mga apo. May mga dala akong pagkain na sadyang pinatake-out sa akin ni Hanzo para raw ibigay ko kay nanay Palo at sa iba pang mga kapitbahay. Kaya naman isa-isa kong kinatok ang mga kapitbahay na abala na sa panunuod ng paborito nilang noontime show at saka ko inabot ang mga pasalubong ko. Ewan ko na lang talaga kung hindi umusok sa galit at inggit si Aling Matring kasama ng buong pamilya niya. Kung sanang naging mabait sia ay sila sana ang unang aabutan ko ng mga dala-dala ko. Hindi ko ugali ang magdamot lalo na ang mang-inggit ng kapwa pero dahil nakakapikon naman talaha si Aling Matring ay sorry na lang at sa iba ko na lang ibibigay sa halip na sa kanila ng pamilya niya. “Grabe ka naman pa ayuda, Zhang! Baka naman ma-spoiled na kami niyan?” si Aling Virgie na mortal na kaaway ni Aling Matring. “Ang sarap kaya ng pagkain sa restaurant na ito! Sa mahal ng presyo ay sulit na sulit naman sa lasa! Baka kahit mga shells ng seafood ay kainin ko na!” ani pa ng asawa ni Aling Virgie na talagang nilakasan ang boses para innggitin sina Aling Matring na nakikinig. “Opo, galing po kasi ang pinambili ko riyan sa matandang mayaman na madaling mamamatay,” pagsakay ko pa sa biro ng mag-asawa. Kahit naman maingay din sila ay marunong mga makisama hindi katulad nila Aling Matring. “Sana all na lang, Zhang! Mabuti ka pa ay nagpapalaganap ng good vibes sa pag-share ng mga blessings mo. Samantalang ang iba riyan ay maaga pa lang ay nagpapalaganap at naghahasik na ng lagim at ng kasamaan!” sabay tawa ni Aling Virgielyn. “Mas masama ang mukha mo!” hindi na nakatiis na singhal ni Aling Matring. Heto na naman ang bangayan. Kanina pag-alis ka ay napakaingay. Ngayon ay ganito pa rin ang senaryo pag-uwi ko. “Kuh! May sinabi akong pangalan para mag-react ka, Matring? Palibhasa kilala mo ang sarili mo kaya kahit wala namang tinukoy na pangalan ay sinalo mo na.” Inilabas ni Aling Virgie ang isang pasalubong ko sa kanya. “Kita niyo to?!” aniya sabay bukas pa sa lalagyan kung saan makikita ang mga sugpo at alimango. “Masarap ang mga ito. Kaso lang hindi niyo matitikman!” sabay malakas na halakhak ni Aling Virgie.. “Ay! Meron din kami!” sagot ng isang kapitbahay na binigyan ko rin. “Ganyan talaga kapag sumobra ang kasamaan. Nalalayo na lang sa biyaya!” Kumatok naman ako sa pinto ng bahay ni Nanay Palo para ibigay naman ang pasalubong ko sa kanya. Isang manganagalakal si Nanay Palo at nag-iisa na lang sa buhay ngunit kapag pumasok ka sa loob ng bahay niya ay napakalinis at maaliwalas. “Ang sarap naman nitong pasalubong mo, zhang! Salamat at kahit paano ay nakakatikim ako ng masarap na pagkain.” Masayang pagpapasalamat ni Nanay Palo na nag-umpisa ng kumain. “Kamusta naman ang paghahanap mo ng trabaho?” tanong ng mabait na matanda sa akin. “Mamamaya po ay may pupuntahan po ako kasama si Hanzo.” Napatingala si nanay sa akin.. “Hanzo? Iyong tumulong din sa pagpapalibing sa nanay mo?” Tumango ako habang nakangiti. “Siya nga po, nay. Nagkita po kami sa daan at nasabi ko ang paghahanap ko ng tranbaho. Sakto naman po na may kakilala siyang businessman at iyon po ang kakausapin namin mamayang gabi pag-uwi nito sa bahay.” Kwento ko na kay nanay. Wari namang nag-isip ang matanda. “Hindi kaya may gusto sayo ang lalaking yan, Zhang?” Napaisip ako. Kung gwapo ay gwapo talaga si Hanzo lalo na kung aalisin ang makapal na salamin sa kanyang mga mata. Kanina ay nag-holding hands kami pero at kung tutuusin ay nag-date kaming dalawa ngunit wala naman akong naramdaman maliban na lang sa nahihiwagaan ako sa mga titig at pananalita niya. Iyong mga mata niya, malamlam na may halong lungkot at may sumisilip na galit. Ang tinig niya ay paiba-iba ng timbre. Malambing ngunit madalas na may diin na para ba siyang may lihim na galit. Idagdag pa ang opinyon sa mga taong scammer. Sabagay, kahit siguro ako na magkaroon ng close friend na nagpakamatay dahil na scam ay ganun din ang magiging saloobin ko. Galit na galit siya habang nagbabanta kanina sa scammer na nanloko sa kakilala niya. “Nay, kailan lang po kami nagkakilala ni Hanzo. At nagkakataon lang po siguro na hawak niya po ang sulosyon sa problema ko at hindi pa siya madamot.” Wala naman sigurong espesyak na pagtingin na ganun kadali. Matulungin lang talaga si Hanzo. “Dalawa lang naman ang pwedeng maging dahilan kung bakit siya ganyan kabait sayo, Zhang. May gusto siya sayo o kaya ay may iba siyang motibo kaya ganyan siya kabait.” “Hindi naman ako nambibintang pero mas mabuti na ang laging nag-iingat, Zhang.” Paalala ni Nanay Palo. “Minsan ka ng naloko, na scam kaya maging maingat ka pa lalo sa sarili mo at sa mga taong nasa paligid mo at maraming naglipanang mga manloloko.” “Minsan din naging anghel sa langit ang demonyo kaya huwag basta maniniwala kabaitan na pinapakita.” Dagdag pa na payo ni Nanay Palo. Bigla tuloy akong naguluhan kong sasama ba ako mamaya kay Hanzo. Pero wala naman talagang ginagawang masama si Hanzo para maging alanganin ako sa kanya. Nangako siya sa pagtulong na tinupad naman niya ng agaran. Magdadasal na lang ako at hihingi ng gabay. Hindi ko rin naman pwedeng balewalain ang sapantaha ni Nanay Palo. Sa panahon naman talaga ngayon ay mahirap ng piliin kung ano ang tunay sa peke. Kailan nga lang ay nakuhanan ako ng malaking halaga ng pera na naglagay sa akin sa matinding kahihiyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD