PRINCESS
“Sige na Princess, pumayag ka na, isang gabi lang naman eh. Hindi lang kasi talaga ko makakapasok mamaya si Andy. Kailangan lang talagang may maghost dun sa ‘the love guru’. Unang gabi kasi nung program na yon eh.” Pakiusap sakin ng bestfriend kong si Joel.
“Best naman, ayoko! Ako pa yung ilalagay mo dyan eh alam mo namang wala akong kaexpi-experience sa mga love love na ganyan! Eh di ipostpone nyo muna, pagbalik na lang ni Andy saka nyo i-launch ulit! ” reklamo ko sa kanya.
Heller? NBSB kaya ako. Pero hindi naman ibig sabihin non na hindi pa ko naiinlove. Sa ngayon nga, inlove ako eh, kaso hindi naman alam ng taong yon, manhid kasi eh. Sa iba pa tumitingin, eh nandito naman ako, isang sabi lang nya ng I love you, sasagutin ko agad sya ng I DO.
“Please please please best! Hindi kasi talaga pwede eh, marami nang nag-aabang sa program na yon, gusto mo bang masira yung credibility ng station natin? Promise, gawin mo lang to, ipapadate ko sayo yung hot na chick na nakita natin sa baba kanina.”
Agad ko naman syang tinaasan ng kilay.
“Hoy ilang beses ko ba sasabihin sayo na hindi ako tomboy! Babae ako ok? At wala akong balak magkagusto sa kahit sinong babae!”
“Fine, eh sino bang gusto mong maka-date? Pumayag ka lang, gagawin ko yung lahat para maka-date mo sya.” Pakiusap pa nya.
IKAW. Ikaw lang yung gusto ko.
“Wala. Pero sige, para sayo, papayag na ko. Pero isang gabi lang to ha! Pagkatapos nitong launching ek-ek na to, hindi mo na ko gagambalain ha!”
Duh! Mas gusto kong sa production lang magtrabaho, or kahit taga sulat ng script, pero yung maghost at marinig ng buong Pilipinas yung boses ko, di ko bet yon! Masyado akong mahiyain para don!
Pero eto na naman akong si TANGA, pumayag na naman dahil nakiusap na naman si Joel my labs. Pag-ibig nga naman, hahamakin ang lahat, masunod ka lamang. Kahit magmukha ka ng tanga kakasunod at kaka-asa na mamahalin ka rin nya sa tamang panahon.
“Talaga bestfriend?! Thank you talaga! I love you. I love you. I love you!” masayang sabi nya sabay halik sa pisngi ko.
At para naman akong natuklaw ng ahas sa ginawa nya. Literal na nanigas ako at nawalan ng kulay.
“Btw best, kailangan pala nating gumamit ng ‘voice changer’.” Narinig kong sabi nya kaya bigla akong nagising sa maganda kong panaginip.
“Huh? Bakit?” takang tanong ko sa kanya.
“Hello best?! Lalaki si Andy diba? So ibig sabihin lalaki yung ‘love guru’. Ibig sabihin, kailangan mong magpakalalaki mamaya” nakangiting sabi niya sabay lakad palabas ng office ko.
“Hoy Joel ayoko!”
“Nah, di ka na pwedeng magback-out kase nasabi ko na kay daddy. Nagpapasalamat nga sya sayo eh. Maaasahan ka daw talaga. Love you best!”
OK, at dahil na naman sa I love you na yon. Nawala na naman ako sa huwisyo. At bago pa ko makaangal at makapagback-out, nakalabas na sya ng pinto. At sigurado kong naipagkalat na nya sa buong radio station yung napag-usapan namin.
Naiiyak na naisubsob ko na lang yung mukha sa mga papel na nakakalat sa desk ko. Bakit ba pinipilit ng Joel na yon na gawin akong lalaki? Eh babae nga ako, babaeng-babae, duh! Kung alam lang nya na mula pa noon hanggang ngayon, sya yung dahilan kung bakit hindi pa ko nagkakaboyfriend. Dahil umaasa pa rin ako na baling-araw, makikita nya rin ako, na mapapansin nya rin ako at matututunang mahalin.
At ang hindi ko alam, dahil pala sa programang ‘the love guru’, magsisimula na ang masaya pero masalimuot kong love story.