Chapter 9 : Bad news
Nang makitang parang hindi na makakatayo si Emon ay pinatigil na niya ang pambubugbog sa rito. Dugu*n ang mukha nito. Kung titignan ay parang hindi na makikilala ang mukha niya. Nagulat si Sekani dahil ang mga matatapang na iyon ay lumuluha rin pala at nagiging duwag. Habang binubugb*g nila Chadwick si Emon ay umiiyak kasi ang mga ito na para bang labag sa loob nila ang ginagawa nila sa amo nila.
“Okay, tigil na, tama na ‘yan,” anunsyo niya kaya natigil na ang tatlo. “Kayo na lang bahalang umalalay sa kaniya kapag umuwi na siya at baka kung saan pa ‘yan pulutin,” utos pa niya. Kitang-kita ni Sekani ang awa ng mga ito sa amo nilang bub*g-sarado ngayon. Tiyak din na kapag naging okay si Emon ay malilintik*n ang mga ito sa kanila kaya parang nakaganti na rin si Sekani sa mga ito kapag sila naman ang binugb*g ni Emon.
Bago umalis si Sekani roon ay pinanuod pa niya kung paano akayin ng mga ito si Emon. Tawang-tawa siya dahil sa wakas ay nakita niya rin kung paano bumagsak at maging talunan ang mayabang na si Emon.
Nang tuluyan nang makalayo ang mga ito ay doon na humiwalay sa katawan ni Sekani ang pusang itim na si Wasuna. Tinignan ni Sekani nang seryoso si Wasuna. Mayamaya ay parehas silang natawa dahil alam nilang naging magandang ang resulta nang plano nila. Tuwang-tuwa tuloy sila pareho habang naglalakad na pauwi sa kanilang tahanan.
“Hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na ito, Wasuna. The best para sa aking ang mapanuod na binugbog ng mga sarili niyang alagad si Emon. Balikan pa kaya niya ako o tuluyan na siyang matakot?”
“Takot na lang niya kapag ginalaw ka pa niya. Nasaksihan naman siguro niya kanina kung paano mo paliparin ang mga kasamahan niya. Para sa akin ay magtitino na iyon. Wala nang gagalaw pa sa iyo.”
Pag-uwi sa bahay ay sinabay pa ni Sekani sa hapunan nila si Wasuna. Aprubado naman na rin sa mga magulang niya na may alaga siyang pusa. Natutuwa pa nga ang mga ito dahil may alaga na silang hayop sa bahay. Nagtitimpi nga lang minsan si Sekani na huntahin si Wasuna. Ang sabi kasi ni Wasuna sa kaniya ay tanging siya lang ang kakausapin niya. Kung sasabihin man daw ni Sekani sa ibang tao na may pusa siyang itim na nagsasalita ay mapapahiya lang siya dahil hinding-hindi siya magsasalita. Ang dahilan niya ay umiiwas lang siyang pagkaguluhan ng mga tao.
“Nabusog ka ba sa binigay ko sa iyong mga gulay?” tanong ni Sekani kay Wasuna. Nakatambay sila ngayon sa likod-bahay nila.
“Oo, napakasarap talaga ng gulay, Sekani.”
“Mabuti naman at nagustuhan mo. Pero maiba tayo. May gusto akong itanong sa iyo. May malalim ka bang dahilang kung bakit bigla kang dumating sa buhay ko? Kung bakit bigla kang narito sa tabi ko? Tapatin mo nga ako, Wasuna.”
Nang itanong niya iyon ay natahimik bigla ang pusang itim. Bigla rin nitong binaling sa iba ang tingin. Para bang ayaw pa niyang sabihin ang totoo sa kaniya pero dahil tapat at ayaw niyang magkaroon sila ng hindi pagkaka-unawaan ay sinagot na rin niya ito.
“Sa mga susunod na araw ay may mga problemang darating sa iyo. Pabigat iyon nang pabigat kaya mag-ready ka na,” sagot nito sa kaniya kaya bigla siyang kinabahan.
“Anong klaseng problema? Tungkol ba sa sarili ko? Magkakaroon ba ako ng malubhang sakit? Mawawalan ba ako ng mahalagang bagay? Lalo ba akong maghihirap sa buhay o problema ito tungkol sa pamilya ko?” tanong pa niya.
“Sekani, matulog na tayo. Masyado pang maaga para ma-stress ka. Mas mabuti pang wala ka munang alam sa ngayon. Mag-enjoy na lang muna tayo habang maayos pa ang lahat,” sagot na lang ni Wasuna at saka ito naunang naglakad papunta sa higaan niya.
Hindi na nangulit si Sekani. Nirespeto niya ang sinabi ni Wasuna dahil alam niyang iyon ang makakabuti sa kaniya. Paghiga niya sa higaan ay nakita niyang nakapikit na si Wasuna. Halatang ayaw na nitong magsalita pa. Gayunpaman ay malakas ang kutob niya na grabeng problema ang darating sa buhay niya. Ngayon pa lang ay parang tutubuan na siya ng anxiety. Sa kakaisip nang kung anu-ano ay nakatulong na lang siya.
**
Pagdating ni Sekani sa coffee shop na pinagtatrabahuhan niya ay nakita niyang ilag na ilag sa kaniya ang tatlong alagad ni Emon. Medyo kabado siya noon dahil wala sa tabi niya si Wasuna. Pero dahil mukhang takot naman ito sa kaniya ay lumakas na rin ang loob niya. Nilapitan niya si Chadwick na nagpupunas ng lamesa. Nang lumapit siya rito ay nakita pa niyang nagulat ito.
“B-bakit, Sekani?” tanong nito agad sa kaniya. Bakas ang takot nito sa kaniya dahil manginig-nginig agad ang boses niya.
“Kumusta ang amo ninyong mayabang? Buhay pa ba?”
“Ayon, hindi makatayo hanggang ngayon. Mahabang paliwanagan din ang ginawa namin kahapon sa mama niya. Pero hindi ka naman namin sinumbong. Ang sabi lang namin ay napag-trip-an kami ng mga dayo. Iyon lang,” sagot nito na para bang gusto na agad siyang layasan.
“Good. Pero sa tingin mo ba ay lalaban pa siya sa akin?” tanong pa niya.
“Hindi na, Sekani. Nang makita kasi namin ang totoo mong lakas kahapon ay nagulat talaga kami. Ang tagal mong tinago sa amin ang ganiyang lakas. Saka, hindi namin alam na may kapangyarihan ka pa pala. Mawalang galang na, Sekani. Gusto ko lang matanong. Tao ka ba o salamangkero?” Gusto sanang matawa ni Sekani sa tinanong nito pero pinili pa rin niyang maging cool sa harap nito.
“May demonyo akong kaibigan. Iyon ang sikreto ko,” sagot na lang niya para lalo itong matakot sa kaniya.
“Kaya naman pala bigla kang naging ganiyan. Aamin ko, ibang-iba na ang tingin ko sa iyo. Ang cool mo na. Hindi ka na iyong dating Sekani na mukhang duwag at lampa,” puri nito sa kaniya kaya hindi na niya napigilang ngumiti kay Chadwick.
“Plastic ka. Umalis ka na nga. Hindi mo mabobola ang ulo ko,” sagot niya kaya agad naman itong lumayo sa kaniya.
Mayamaya ay bigla namang lumapit sa kaniya si Lenon. Binigyan siya nito nang pagtatakang mukha. “Ano iyong nakita ko, Sekani? Bakit parang takot na ata sa iyo ang mga iyon? Bakit parang iwas na iwas sila sa iyo at sa tuwing malalapit sa kanila ay mga nanginginig na agad ang mga tuhod nila?”
“Nagalit na kasi ako. Hindi siguro nila inaakala na kapag ang taong tahimik ay napuno ay magugulat na lang sila kung anong sungay ang maaring lumabas dito. Nagalit na ako kaya isa-isa silang nakatikim sa akin. Pero huwag kang mag-alala dahil sa labas ko naman nakaaway ang mga ‘yan,” pagkukuwento niya kaya biglang namangha si Lenon sa kaniya.
“Sekani?” biglang tawag sa kaniya ni Condrad na kakalabas lang sa office room nito. Ang mukha nito ay para bang namumutla.
“Bakit ho, Sir Conrad?”
“Sekani, tinakbo raw sa hospital si Nitina. Naaksidente ito habang rumarampa sa stage,” balita nito sa kaniya kaya agad siyang kinabahan.
Ang nangyari ay sumama siya kay Conrad papunta sa hospital na pinagdalahan dito. Habang nasa biyahe sila ay biglang pumasok sa isip niya ang mga babala ni Wasuna sa kaniya. Nag-uumpisa na nga ba iyon? Si Nitina na ba ang buena mano?