Chapter 6 : Mga bagong kaibigan
Pag gising ni Sekani ay nagulat pa siya dahil nakaluto na ng almusal ang nanay niya. Nakita niya sa lamesa na may sinangag na kanin, may hotdot at nilagang itlog. “Saan po galing ang mga ‘yan? Wala naman po ata akong natatandaan na bumili ako niyan sa palengke kahapon?” tanong niya.
“Ah, tinawag ko kasi si Norlan kahapon. Nag-utos ako sa kaniya dahil gusto ko rin na ipaghanda ka sa umaga kapag papasok ka sa work. Siyempre, hindi naman palagi ay puro ikaw na lang ang naghihirap. Ngayong may trabaho ka ng maganda ay dapat lang na pagsilibihan ka rin namin,” sagot ng ina niya kaya napangiti siya. Lumapit siya sa ina at saka niya ito niyakap. “Nay, kapag marami na tayong pera ay bibili ako ng lupa at bahay. Bibigyan ko kayo ng magadang buhay kaya hintay lang kayo ni papa,” sabi niya.
“Salamat, anak. Proud na proud ako sa iyo,” sabi nito sa kaniya kaya muntikan pa siyang maluha.
“Hay! Ang agang drama naman niyan,” sabi naman ng papa niya na kakagising lang. Nakisali naman ito sa yakapin ng mag-ina niya.
Mahirap man sa pera at pagkain sina Sekani ay mayaman naman siya sa pagmamahal ng mga magulang niya.
“Oh, sige na. Tayo’y kumain na at maaga pang gagayak si Sekani,” sabi ng ina niya kaya naupo na sila sa hapagkainan.
**
Nag-aabang na ng tricycle si Sekani nang bigla niyang makita sa tabi niya ang pusang itim. Kinukuskos nito ang buntot sa pantalon niya. “Hey, hindi ka puwedeng sumama sa akin. Papasok na ako sa trabaho,” sabi niya.
May dumating ng tricycle kaya sumakay na siya roon. Tinanaw siya ng pusa habang paalis siya. Nang makalayo na siya ay nakita pa niyang tila bumalik iyon sa bahay nila. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa kaniya kung paano nakarating sa bahay nila ang sapatos na kinuha kahapon ni Emon. Natatakot tuloy siya na baka balikan siya ni Emon gayong nasa kaniya na ulit ang sapatos na binili ni Nitina sa kaniya. Bakit ba? Sa kaniya naman iyon kaya’t bakit siya matatakot?
“Sa tabi na lang po,” sabi niya sa tricycle driver nang makarating na sila sa coffee shop na papasukan niya.
Nakasabay niyang pumasok doon ang ka-workmate niyang si Chadwick. Napatingin ito agad sa suot niyang sapatos. Nakita niyang napakunot ang noo nito.
“Hoy! Paano nabalik sa iyo ang sapatos na iyan?” tanong nito sa kaniya.
“Ah, eh, hindi k—”
“Oh, bakit nasa labas pa kayo?” putol ni Conrad sa sasabihin ni Sekani. Tuloy pasok na sa loob si Chadwick kaya hindi na natuloy ang pagpapaliwanag ni Sekani. Nakaligtas siya dahil sa pagdating ng amo niyang si Conrad.
“Good morning, Sir Conrad,” bati naman niya.
“Magandang umaga rin sa iyo, Sekani. Good luck sa first day mo rito,” nakangiti nitong sagot sa kaniya kaya napayuko si Sekani bilang paggalang dito.
Pinaunan niyang pumasok sa loob si Conrad. Pagkatapos ay saka siya sumunod doon. Sa loob ay nadatnan niyang magkakatabi ang tatlong alagad ni Emon. Lahat ito ay nakatingin sa sapatos niya. Sa bandang huli ay pakiramdam tuloy niya na siya pa ang lumabas na nagnakaw ng sapatos na para naman talaga sa kaniya.
“Hello!”biglang bati ng isang lalaki kay Sekani. Ngayong lang niya ito na-meet kaya ngayon lang din niya ito nakita. “Ako si Landon, barita sa coffee shop na ito,” sabi pa nito.
Ngumiti si Sekani at saka inabot ang kamay nito. “Ako naman si Sekani. Ako ang bagong coffee server dito,” pakilala naman niya kaya nag ngitian ang dalawa.
“Landon, ingat ka diyan. May kamalasang taglay ang isang ‘yan,” sabi ni Chadwick kaya napataas ang kilay nito. Lumapit tuloy si Landon sa kanya para bumulong. “Anong mayroon sa mga ‘yan? Bakit pakiramdam ko ay wala silang magandang gagawin dito?”
Napangisi si Sekani. Mukhang magiging kakampi niya si Landon dahil amoy niyang hindi rin nito gusto ang tatlong alagad ni Emon.
“Bago lang din ang mga iyan. Pero tama ka. Wala talagang magandang gagawin ang mga ‘yan dahil bully sila. Ako ang madalas nilang I-bully,” bulong din niya kaya napatango si Landon at saka tinignan ng masama ang mga ito.
“Oh, hi! May mga bago pala.” Isang lalaki naman ang biglang dumating at saka lumapit kay Landon at Sekani.
“May mga bago nang coffee server, Everett,” sagot ni Landon sa lalaki. “At isa na itong si Sekani,” duktong pa niya. Kinamayan si Sekani ng lalaking iyon na napag-alaman niyang barista rin. Sinabi na rin ni Landon kay Everett ang mga ugali ng tatlong sina Chadwick, Jaxon at Colton.
Natutuwa si Sekani dahil nakuha niya ang panig ng mga baristang iyon. Si Landon at Everett na ang nagturo sa mga dapat gawin ni Sekani. Napag-alaman din niyang kaya mga bago ang coffee server dito ay dahil tinanggal ni Conrad ang mga dati niyang mga tauhan. Mga naglasing ang mga ito dahil isa sa kanila ay nag-birthday. Alam niyang safe siya dahil hindi naman siya umiinom ng alak. Wala nga siyang bisyo.
Bumulong si Sekani kay Landon. “Dapat pagsabihan na ni Sir Conrad ang mga ‘yan,” tukoy niya sa kapwa niyang coffee server na sina Chadwick.
“Bakit? Mga manginginom ba ang iyan?” tanong naman ni Everett na narinig ang binulong niya.
“Oo.” Napangiwi ang dalawang barista.
“Umayos sila! Ayaw na ayaw ni Sir Conrad ng palaging absent at palaging late. Kaya ikaw, Sekani, maging mabait ka,” sabi ni Everett kaya tumango naman siya.
“Hindi mo kailangang pagsabihan si Sekani,” singit ni Conrad na nasa likod pala nila.
“Magandang umaga po,” sabay na bati nila Landon at Everett sa boss nila.
“Kilala ko si Sekani. Mabait at masipag ‘yan,” pagmamalaki ni Conrad sa kaniya kaya napangisi ang dalawang barista.
“Ayos pala. Malakas ka pala kay Sir Conrad, Sekani,” pabirong sabi ni Everett kaya kakamot-kamot ng ulo si Sekani.
Natigil na lang sila sa paghuhunta nang may dumating ng mga customer.
Kaniya-kaniya na silang puwesto.
**
Masaya si Sekani dahil naging maganda ang unang pasok niya sa kaniyang work. Pauwi na siya ngayon at naglalakad habang bitbit ang isang inihaw na manok na binili niya malapit sa coffee shop na pinagtatrabahuhan niya. Gusto niya ulit mag-celebrate dahil alam niyang hindi siya mahihirapan sa work niya dahil sobrang dali lang ng mga gawain niya. Sa totoo lang ay mas madali pa ang trabaho niya roon kaysa sa mga ginagawa niya noon na umaakyat pa ng bundok para kumuha ng gulat at pagkatapos ay saka naman ititinda sa palengke.
Nang padaan na siya sa may madilim na bahagi ng Victoriana Town ay nagulat na lang siya nang biglang may sumipa sa likod niya. Dumausdos tuloy siya sa kalsada. Natama ang baba niya sa simento kaya ramdam niya na nagasgas iyon at nag sugat.
“Totoo nga na nakuha mo ulit ang sapatos. Kaya naman pala nawala iyan sa may kama ng kuwarto ko. Paano mo nagawang pumasok sa amin? Magnanakaw ka palang hayop ka!” sigaw ni Emon na lumitaw sa likod ng malaking puno. Isa-isa na ring lumitaw ang mga kasama nitong tropa na may hawak-hawak pang mga kahot na matataba.
“Magpapaliwanag ako, Emon.” Tumayo si Sekani. “Hindi ko rin alam kung paano bumalik sa akin ang sapatos. Nakita ko na lang din ito sa likod-bahay namin,” paliwanag niya pero hindi na niwala si Emon. Lumapit ito sa kaniya at saka inagaw ang hawak-hawak niyang nakasupot na manok.
“Hindi mo ako maloloko, Sekani! Magnanakaw ka!” Bulyaw nito sa kaniya at saka nilabas ang inihaw na manok na dapat ay ulam nilang buong pamilya. Napangiwi si Sekani nang makita niyang pinangal nito ang manok na binili niya.
“bilang parusa mo sa pagnanakaw ng sapatos, kakainin ko ang masarap ninyong ulam at pagkatapos ay lulumpuhin pa kita,” sabi niya kaya’t lumapit na sa kaniya ng mga kasama nito.
“Please, Emon, tama na. Sa iyo na itong sapatos at pati na rin ang manok na iyan. Tigilan niyo na lang ako at nagtatrabaho ako para sa pamilya ko,” pagmamakaawa niya pero hindi ito nakinig sa kaniya.
Habang kinakain ni Emon ang isang buong inihaw na manok na binili ni Sekani ay pinapanuod pa siya nito kung paano bubugin ng mga alagad niya.
Nakatanggap ng ilang palo sa iba’t ibang parte ng katawan si Sekani. Nabuwal na lang siyang muli sa kalsada dahil sa hirap ng inabot. Nang tuluyan itong mawalan ng malay-tao ay saka lang siya tinigilan at nilayasan ng mga ito.
Kaawa-awa ang inabot ni Sekani. Pakiramdam niya ay hindi na dapat niya palagpasin ang ginawa nila sa kaniya. Dapat na siyang lumaban. Dapat nang putulin ang mga sungay nito lalo na si Emon.