Kabanata 3

2221 Words
Bumagal lalo ang takbo ko dahil madulas ang daan. Marami ring puno sa paligid at natatakot akong sa kaunting galaw sa manibela ay lumiko ito at dumiretso sa kakahuyan. Sunod-sunod ang pagpapakalma ko sa sarili dahil unti-unti akong naaabutan ng itim na kotse. Sinubukan kong bilisan ang pagpapatakbo pero nanatili ang distansya nito sa akin, para bang bumibilis din ang andar kung gaano kabilis ang pagpapatakbo ko. Wala nang ibang sasakyan sa likod ng kotseng ‘yon. Naghiwa-hiwalay na ang mga sasakyan nang dumaan kanina sa intersection at mukhang mas marami ang pagawi sa kabila. Lumakas nang lumakas ang ulan. Hindi na kinakaya ng windshield wiper ang buhos nito. Pasado alas-nwebe na at mukhang saglit na lang ay mauubusan na ako ng gas. Hindi pa ako nakakapagpa-gas ulit kahit full tank iyon nang umalis ako sa Manila. Pa-lowbatt na rin ang cellphone ko at nasa bag ko ang powerbank. Nasa backseat iyon at ayaw ko namang huminto ngayon para lang kunin. Baka maabutan ako ng itim na sasakyan. Para makumpirma, saglit kong binagalan ang takbo ng sasakyan ko at inihinto sa bandang gilid. Titingnan ko kung lalagpas ang sasakyan. Baka naman ay sadyang parehas lang ang destinasyon namin. But my heart pounded when it started driving so slow, halatang ayaw akong unahan! Nilingon ko ang likod upang mas malinaw itong makita ngunit sobrang tinted ng salamin nito at nakakasilaw ang liwanag ng head light. “Oh, please,” kabadong bulong ko. Unti-unti na akong pinanlalamigan. Mabilis kong pinaandar ulit ang kotse ko at pinaharurot. Binilisan ko ang takbo para lang malagpasan ang hindi mataong kalsada. Liblib iyon at puro kakahuyan sa magkabilang gilid. Nanlalabo ang paningin ko sa kaba. Dumagdag pa ang malakas na ulan na hinahampas ng hangin sa salamin ng kotse. Hindi ko makita nang maayos ang kalsada. Bumilis din ang takbo ng itim na kotse sa likod ko. Mukhang alam na ng kung sinumang nagmamaneho nito na alam kong sinusundan nila ako. Pilit akong nag-focus. Imposibleng makarating ako sa pupuntahan ko nang hindi nila naaabutan. I’m still two hours drive away! Bumusina ang sasakyan sa gitna ng madilim na kalsada. Napapitlag ako. Hindi ako huminto at mas binilisan ang takbo. The road is so slippery. Ni hindi ko na kinailangang ipaharurot nang husto dahil kusa itong umaandar nang mabilis. Sumusunod ito agad sa kaunting galaw sa manibela. Ilang busina ang narinig ko. Hindi na ako mapakali sa kinauupuan ko habang pilit tinatanaw ang daan. Halos gumewang ang sasakyan kasabay ng pagsigaw ko nang paputukan nito ng bala ang kotse ko! And to my horror, halos sumalpok ako sa isang malaking puno. Mabilis kong nakabig ang manibela at agad bumawi upang diretsong mapaandar ang kotse. “What the f*ck do you need from me?!” Napasigaw na ako sa takot habang pilit pinipigilang maapektuhan ng panginginig ng mga kamay ko ang pagpapaandar sa manibela. Napahiyaw ako nang muli nitong paputukan ng isa pang beses ang likod ng kotse ko. Napapayuko na ako sa takot na matamaan ng bala, but I need to keep my head high so I could see the road! Kapag natamaan ang gulong ng sasakyan, then it’ll be over for me. Ilang sandali pa bago namin maabot ang mga kabahayan at mataong lugar. Hindi ko alam kung paano ako tatagal hanggang sa makarating doon nang hindi nababaril o nakukuha ng sumusunod sa ‘kin, o nang hindi bumabangga! Tumigil ang pagtama ng baril sa sasakyan ko nang malapit na kami sa crossroad. Chineck ko ang location ko at ang layo nito sa main road. Napakagat ako sa labi nang makitang malayo pa ang kailangan kong tahakin, ngunit paglagpas ng crossroad, mayroon nang ilang establisyemento. Hindi nagtagal ng limang minuto paglagpas ng crossroad nang unahan ako ng itim na sasakyan at huminto ito sa tapat ko. Nakaharap sa aking direksyon ang kotse nang mabilis nilang pahintuin. They’re trying to stop me! Habol-habol ko ang hininga nang mabilis na inatras ang kotse at inunahan ito. Pigil na pigil ko ang hininga dahil kahit tinted ang salamin ko at madilim, sa oras na paputukan niya ang driver’s seat, siguradong matatamaan niya ako lalo na at magkaharapan kami. Pinaharurot ko ang sasakyan. Pagewang-gewang na ito. Wala pa ring tigil ang ulan at wala na yatang balak humina pa! “N-No... no!” usal ko nang ayaw umandar ng brake. Napahampas ako sa manibela dahilan para gumewang ang sasakyan ko at kusang huminto sa gilid ng daan. Mula sa pagkakayuko ay inangat ko ang tingin at tuluyan akong pinanlamigan nang makitang muling huminto ang itim na sasakyan sa unahan ko. Kinapa ko ang dashboard at kinuha ang cellphone.. Sinubukan kong tumawag sa kahit kanino ngunit walang signal. Sinubukan ko ulit hanggang sa tuluyang mag-off ang cellphone ko dahil sa pagkaubos ng baterya. Napasinghap ako nang bumaba ang isang lalaking nakaitim mula sa driver’s seat. May suot na sumbrero. At ang nakapanghilakbot sa akin ay ang pagbaba ng isa pang lalaki sa kabilang seat... at sa likod ng sasakyan. Tatlong lalaki ang naroon. Unti-unti silang lumapit patungo sa direksyon ko. Sinubukan kong paandarin ang sasakyan ngunit ayaw nitong gumana. Nakailang tunog ang makina ngunit hindi ito umaandar. Nakita kong nagtawanan ang mga lalaki. Mabilis na lumapit ang isa at kinatok ang bintana sa tabi ko. Napapitlag ako at humigpit ang kapit sa manibela. Sa pagpikit ko ay napahikbi na ako. Tila nawala ako sa sarili nang maglabas ng baril ang lalaking nakasumbrero at mula sa harap ng kotse ay tinutok ‘yon sa ‘kin, na para bang nakikita niya ako mula sa loob. T-The gun was pointing directly at my head! Binaba ko ang bintana ng kotse sa sobrang takot na iputok niya iyon. Agad kong narinig ang tunog ng malakas na ulan, ang boses ng mga lalaki, ang ihip ng hangin, at ang dahon sa mga puno sa paligid. Mabilis na tinutok sa ‘kin ng isa pang lalaki ang kutsilyo. Napalunok ako at nanginginig na umatras. Inabot ng kamay niya ang pinto. Mabilis nila iyong nabuksan at padarag na kinuha ako mula sa loob. I tried to stop them, I tried to beg, pero hinablot ng lalaki ang braso ko at padarag na inilabas sa kotse. “A-Anong kailangan n’yo sa ‘kin? S-Sino ba kayo?!” Pumiglas ako sa mariing kapit sa ‘kin ng lalaki pero mahigpit niya akong hinawakan at nilapit sa leeg ko ang kutsilyo. “Pinapahabol mo pa kami... pero ayos lang, masaya kang habulin, Miss...” Ngumisi ang lalaking humawak sa ‘kin bago ako tinulak patungo sa isang lalaki. Nakaharap ko ang nakasumbrerong lalaki. “Kumusta? Nakatulog ka ba nang mahimbing sa hotel?” kaswal ang boses ng lalaki nang magtanong. Nagtawanan ang dalawa pa. Natulala ako sa lalaki habang unti-unti akong binabasa ng malakas na ulan. “I-I know you... ikaw ‘yong lalaki sa barko! S-Sino ka? What do you need from me?!” sigaw ko at pilit nagpumiglas. “Bitawan n’yo ako! Tulong! Tulungan n’yo ako!” “Ayaw ko sanang galusan ang makinis mong balat, Miss. Kaya tumigil ka sa pagpiglas.” Hinablot ng may hawak sa ‘kin ang buhok ko at napasigaw ako sa sakit. “Bitawan mo ako! Tulong!” Tawanan ang muling pumuno sa malamig na gabi. Maging ang lalaking nakasumbrero ay ngumisi sa sinabi ko. “Huwag ka nang mag-aksayang humingi ng tulong. Walang makakarinig sa ‘yo sa lugar na ‘to!” “Get off me!” Nanlaban ako sa lalaki at nasiko ko siya. Napahiyaw ito sa sakit at agad akong sinampal dahilan para masadlak ako sa basang-basa at malamig na kalsada. Para akong nabingi at nawalan ng lakas. “Dalhin n’yo na ‘yan sa sasakyan. Baka may makakita pa sa atin,” utos ng lalaking nakasumbrero. Binuhat ako ng isa at kahit hinang-hina ay pilit akong nagmakaawa sa kanila. Hindi ito nakuntento at sinikmuraan ako. I started feeling blurry and I am in the edge of losing my consciousness. My tears started to fall down my cheeks. Inangat ako ng lalaki sa basang kalsada at binuhat sa kaniyang balikat. “Paano ang sasakyan, boss?” “Kunin mo ang makukuha at iwan ang sasakyan.” Naramdaman ko ang pagpasok nila sa ‘kin sa loob ng itim na kotse. Hinang-hina ako at nanginginig sa lamig at takot. “Please, p-pakawalan n’yo ako. Kunin n’yo na ang gusto n’yong kunin, p-parang awa n’yo na, pakawalan n’yo ako...” pakiusap ko. Wala akong magawa kundi ang umiyak. “Nakakarindi ang boses mo! Manahimik ka kung ayaw mong matuluyan ngayon dito!” sigaw ng lalaki. Napaubo ako nang makatanggap ng suntok at sabunot. “P-Please, please, parang awa n’yo na.” I cried. Hindi pa rin ako tumigil. Inabot ko ang lalaki sa driver’s seat, ang lalaking nakita ko sa barko. Nanatili ang kaniyang sumbrero at dahil na rin sa hilo ay hindi ko magawang makita kung sino ito. “M-Maawa ka sa ‘kin. Please, l-let me go... please, I’m b-begging,” pagmamakaawa ko. “Nakakarindi! Piringan mo na nga at takpan ang bibig,” asik ng isa. “H-Hindi... huwag! Please! Pakawalan n’yo ako!” sigaw ko. Marahas na pinaikot ng lalaki sa tabi ko ang kapirasong tela sa mga mata ko. Nang magpumiglas ako ay mariin niyang hinablot ang baba ko. Napahiyaw ako sa sakit. Patuloy ako sa pagsigaw hanggang sa tuluyang mandilim ang paningin ko nang muli ako nitong sikmuraan. Hindi ko alam kung gaano katagal akong walang malay. Nagising ako sa lamig at sa mga kamay na humahaplos sa mga hita at binti ko. “Sayang. Hindi pwedeng galawin dahil exclusive para kay Boss,” reklamo ng lalaking nasa backseat. Naramdaman kong nakasandig ako sa pinto ng kotse. “Tangina, Jason. Huwag mong galawin iyan, gago!” asik ng lalaki at binato ang kasama. “Ayos lang iyon. Hindi naman malalaman ni Boss na nahawakan na ang prinsesa.” Malakas na halakhak ang pumuno sa kotse. Nanatiling may takip ang mga mata ko. Ramdam kong umaandar pa rin ang sasakyan nang ilang saglit ay tumigil iyon. Pigil na pigil akong hindi gumalaw at mag-react sa bawat nakakadiring haplos ng lalaking may balbas at bigote. Bigla na lang huminto ang kotse at nagsalita ang nasa driver’s seat. Hayop ang lalaking ‘yon... hayop siya! Anong kailangan niya sa ‘kin at ginagawa nila ito? Mula sa barko ay alam niya ang presensya ko! “Anong nangyari?” “Huminto ang sasakyan. Nasiraan na yata.” “Tanginang babae kasi ito! Nagpahabol pa! Peste talaga, oh, nilalamig na ako!” asik ng lalaki. Halos hingalin ako sa kaba ngunit nagpatuloy ako sa pagpapanggap na wala pa ring malay. “Tingnan mo roon, Jason,” utos ng nasa harap. Naramdaman ko ang pagbaba ng lalaki sa sasakyan. Bumilang ako ng tatlo at malalim na huminga. Dahan-dahan at maingat akong kumapa sa upuan ng lalaking bumaba at halos lumukso ang puso ko nang makapa ang baril sa upuan. Kasunod na bumaba ang nasa driver’s seat dahil tinawag siya ng lalaking unang bumaba. Wala akong makita. Pilit kong pinunit ang tela sa kamay ko. Inabot ko ang telang nakapiring sa ‘kin at pilit inalis. Mahigpit iyon ngunit nagawa kong maibaba. Nahulog ang piring sa leeg ko. Nanlalabo ang mga mata ko at nang mag-adjust ang aking paningin ay napatingin ako sa labas ng sasakyan. Malakas ang ulan at nasa daan pa rin kami. Tanaw pa rin ang mga puno sa paligid at ang kakahuyan. Nakasuot ng earphone ang lalaki sa passenger seat. Kinuha ko ang pagkakataong ‘yon na dahan-dahang bumaba mula sa kabilang side ng kotse kung saan bukas ang pinto, iyon mismo ang katabi ng daan patungong kakahuyan. Pigil na pigil ang bawat paghinga ko. Humakbang ako pababa ng sasakyan at gumawa ng ingay ang sapatos ko nang maitapak ko ito sa tubig sa kalsada. Hindi ako nag-atubiling lumakad kahit nanghihina ako sa takot at pananakit ng katawan. Nasa harapan ng kotse ang dalawang lalaki. Sa likod ng sasakyan ako dumiretso. Tiningnan kong muli ang harapan at napapikit sa lamig ng bawat pagtama ng ulan sa katawan ko. Wala na ang jacket na suot ko kanina at tanging puting dress na lang, dahilan para manuot ang lamig. Sinikap kong mabilis na takbuhin ang kakahuyan. Hindi pa man ako tuluyang nakakalayo ay narinig ko na ang ingay ng mga lalaki. “Nakatakas! Habulin mo!” malakas na sigaw ng isa kasunod ng mga mura. Agad kong narinig ang tunog ng pinto ng kotse. Nagsiklab ang takot sa akin ngunit sinikap kong tumakbo palayo. Sinuong ko ang kakahuyan at halos magkapatid-patid ako sa panghihina. “Isla Laurena!” sigaw ng lalaking humahabol sa akin. Dumagundong ang tinig nito sa tahimik na gubat. Maging ang dalawa pa ay ramdam kong sumusunod na rin para habulin ako. Kilala niya ako! Kilala nila ako! Napakadilim ng paligid. Dikit-dikit ang bawat puno. Maraming tuyong dahon at gumagawa ng ingay ang bawat paghakbang dito. Patuloy ako sa pagtakbo. Basang-basa ako sa ulan. Nanlalabo ang mga mata ko sa bawat patak nito at sa mga luha kong hindi maawat, ngunit hindi ako tumigil sa pagtakbo patungo sa kawalan, sa kung saan ako dadalhin ng mga paa ko. Kasabay ng kulog at mas malakas na buhos ng ulan ay ang sigaw ng mga lalaking pilit akong hinahabol, ang siyang pumupuno sa buong paligid at malamig na gabi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD