Chapter 3.3

1460 Words
Kate's Pov Kung sino pa ang taong pinag-uusapan namin ay siya pang pumasok sa loob ng opisina ng aking superior. Kasama pala ito ng kanyang manager mukhang sa kotse lang nito siya naghintay ngunit nainip kaya sinundan ang kanyang manager dito sa loob. "Mabuti at nandito ka, Clayn. I would like you to meet your bodyguard, Miss Kate Lacsamana," nakangiting pakilala sa akin ng manager ni Clayn sa binata pagkapasok nito. Agad na gumuhit ang pagkadisgusto sa mukha ni Clayn nang malaman na ako ang magiging bodyguard niya. Okay lang iyon. Mas gusto ko nga na tumutol siya at tanggihan ako dahil mas pabor iyon sa akin. Hindi masisira ang tingin sa akin ni Ma'am Tanada dahil hindi naman ako ng tumanggi sa trabahong ito. "Ito? Ang babaeng ito ang magiging bodyguard ko? No way!" matigas na tanggi ni Clayn na agad napalapit sa akin. Lihim ko nang ikinatuwa ang sinabi niya ngunit ikinainis ko rin dahil nakaturo ang kanyang hinlalaki malapit sa mukha ko. "Alisin mo iyang kamay mo dahil nangangagat ako ng daliri," banta ko sa kanya habang nandidilat ang aking mga mata. Muntik ko nang hindi mapigilan ang matawa nang manlaki ang mga mata niya at ibinaba ang kamay niya na tila ba natakot na baka totohanin ko ang aking banta. Itinago niya sa likuran niya ang kanyang daliri at bahagya pang napaatras sa akin ng ilang hakbang. Napailing na lamang ako sa pagiging duwag niya. Kalalaking tao ay takot sa babae gayong ang hilig-hilig niya sa babae. O baka naman hindi babae ang tingin niya sa akin kundi isang tigre na nakahandang lapain siya kapag ginalit niya ako. "Ayokong maging bodyguard ang amasonang iyan, Tita Lucy! Baka ubusin niyang kagatin ang aking daliri kapag nagalit siya sa akin," tigas sa pagtanggi na sabi ni Clayn pagkatapos ay tinapunan ako ng masamang tingin. "Huwag ka nang tumutol, Clayn. Ang katulad ni Kate na matapang at hindi naaapektuhan sa karisma mo ang kailangan natin para maging bodyguard mo," kontra naman ng manager ni Clayn sa anak-anakan nito na parang batang napasimangot nang marinig ang sinabi nito. "Hindi lang daliri ang kinakagat ko kapag nagagalit ako kundi nananakmal din ako ng leeg," pananakot ko pa sa kanya. Ibinuka ko pa ang aking bibig at kunwari ay kakagatin ko siya habang nanlalaki ang aking mga mata. Lalo ko lamang nais matawa nang biglang ngumiwi si Clayn at muling napaatras na tila ba nai-imagine niya ang kanyang sarili na kinakagat ko sa leeg. "Tumigil ka na sa kalokohan mo, Kate," saway sa akin ng aking superior na hindi maiwasang mapailing. "Magmula bukas ay ikaw na ang magiging bodyguard ni Mr. Ibannez. At huwag mo akong ipapahiya sa aking kaibigan," mariing tugon sa akin ni Ma'am Tanada. "Yes, Ma'am," matigas ang boses na sagot ko sa kanya kasabay ng aking pagsaludo. Kapag ganito na kasi ang tono niya ay tiyak na hindi ka na makakaatras pa. "Pero, Tita Lucy. Amasona ang babaeng ito. Paano—" "Stop acting like a spoiled child, Clayn. Hindi tayo naglalaro rito. Buhay mo ang ang nakataya kaya ako ang masusunod sa pagkakataong ito," seryoso ang mukha na kausap ni Ma'am Lucy kay Clayn na biglang natahimik at tinapunan na lamang ako ng masamang tingin. "Pero kung talagang ayaw mo sa kanya ay pagbibigyan kita." Sabay kaming napatingin ni Clayn sa kanyang manager. Naguguluhan ang aking ekspresyon samantalang natutuwa naman ang reaksiyon ni Clayn. "Sabi ko na nga ba at hindi mo ako matitiis, Tita. Kagustuhan ko pa rin ang masusunod," malawak ang pagkakangiti na sabi ni Clayn pagkatapos ay tinapunan akong nang-iinis na tingin at tinaasan ng kilay. "Yes. Ikaw ang masusunod, Clayn. Pero may kundisyon. Titigil ka sa pag-aartista at mananatili ka lamang sa loob ng bahay mo hanggang sa kusang tumigil na ang taong nagbabanta sa buhay mo," naghahamon ang tinig na sabi ng manager ni Clayn. Hindi ko napigilan ang bahagyang mapangiti nang biglang nabura sa mga labi ni Clayn ang matamis na ngiti at napalitan ng pagsimangot. Akala siguro niya ay nanalo na siya sa kanyang manager ngunit nagkamali siya. Dahil base sa impormasyong nabasa ko sa folder na ibinigay ni Ma'am Tanada sa akin kanina ay makikitang mahal na mahal ni Clayn ang trabaho niyang pag-aartista. Kaya nasisiguro ko na hindi ito papayag na basta na lamang titigil sa pag-aartista. Lalo na ang magkulong sa loob ng bahay niya. Paano na siya makapambababae kung hindi siya lalabas ng kanyang bahay? "Sa labas na kita hihintayin," nakasimangot na paalam ni Clayn sa manager niya pagkatapos ay tinapunan ako ng masamang tingin bago lumabas sa opisina ni Ma'am Tanada. "Ikaw na sana ang bahalang magpasensiya sa kanya, Kate. But I know that you can tame my spoiled beloved child," nakangiting sabi sa akin ni Ma'am Lucy. Masuwerte ang Clayn na iyon dahil may manager siya na inaalala ang kanyang kaligtasan at itinuturing siyang tunay na anak. "I will try my best, Ma'am Lucy," matipid kong sagot sa kanya. "Oh please, Kate. Stop calling me Ma'am Lucy. Just call me Tita Lucy. Katulad ng tawag sa akin ni Clayn," saway niya sa akin. Akmang ibubuka ko ang aking bibig para magprotesta ngunit inunahan niya ako sa pagsasalita. "At huwag kang kokontra, okay?" "Kayo po ang bahala," sabi ko na lamang sa kanya. "Good,"nasisiyahang sagot niya sa akin pagkatapos ay hinarap si Ma'am Tanada. "Paano, Agnes? Aalisna ako. And thank you for introducing me your beautiful and brave policewoman. I gotta go," paalam nito sa aking superior pagkatapos ay tiningnan akong muli at kinindatan bago tuluyang lumabas sa opisina ni Ma'am Tanada. "Gusto kong protektahan mong mabuti ang buhay ni Mr. Ibannez, Kate. Dahil mukhang hindi basta-bastang tao ang nasa likod ng pagtatangka sa buhay niya. At huwag kang mag-alala dahil kumikilos na ang ibang team para malaman kung sino ang nagpapapatay kay Mr. Ibannez," kausap sa akin ng aking superior nang makalabas na si Tita Lucy. "Yes, Ma'am," mariin kong sagot sa kanya. Pagkatapos ay nagpaalam na akong lalabas ng opisina niya. Paglabas ko ay sinalubong agad ako nina Faith at Diane para maki-usyoso. Halatadong interesado silang malaman kung ano ang pinag-usapan namin sa loob ng opisina ng aming superior lalo pa at galing din sa loob si Clayn at ang kanyang manager. "Mabuti naman at lumabas ka na, Kate. Akala namin ay kinain ka ng piranha," OA na sabi ni Diane sa akin. Ang tinutukoy niyang piranha ay walang iba kundi si Ma'am Agnes Tanada. Para raw kasi itong piranha na nakakatakot ang hitsura at matulis ang mga ngipin. Kasing-tulis daw ng nguso ni Ma'am Tanada at kasing talim ng ngipin ng piranha ang mga salitang lumalabas sa bibig ng aming superior kapag nagagalit ito. "Sabihin mo sa amin kung ano ang pinag-usapan ninyo sa loob? At ano ang sadya ng sikat na artistang playboy na si Clayn at ang manager niya kay piranha?" excited namang tanong sa akin ni Faith. Halatadong crush na crush nito si Clayn kahit pa alam nitong playboy ang binata. "Paano ko naman masasabi sa inyo kung ano ang mga pinag-usapan namin gayong hindi niyo ako tinatantanan sa kakatanong?" masungit kong sagot sa kanila. "Sorry na po, Ma'am Kate. Sige po. Magsalita na po kayo tungkol sa mga pinag-usapan ninyo sa loob," nakakalokong sabi ni Faith sa akin na ikinatawa namin ni Diane pagkatapos ay biglang sumeryoso ang aking anyo. "Kinuha akong bodyguard ni Clayn ng kanyang manager. Iyan ang sadya nila sa loob ng opisina ni Ma'am Tanada at tungkol diyan ang pinag-usapan namin," bahagyang nakasimangot na sabi ko sa kanila. Nagulat ako nang bigla na lamang magtilian ang dalawa kong hinayupak na kaibigan. Mabilis kong tinakpan ng aking mga kamay ang pareho nilang bibig dahil baka marinig pa kami ni Ma'am Tanada ay masermunan pa kami. "Gusto niyo bang masermunan tayo ng ating superior?" nandidilat ang mga matang tanong ko sa kanila. "OMG, Kate! Amg suwerte mo naman," hindi napigilang bulalas ni Diane na mahahalata ang inggit sa tinig. Katulad ni Faith ay crush din nito ang playboy na iyon. Sa aming tatlo ay ako lang yata ang walang crush at hindi nakakakilala kay Clayn. "Oo nga. Sana ako na lang ang napili nila na maging bodyguard ni Clayn. Hindi lang buhay niya ang babantayan ko kundi pati na rin ang kanyang puso," tila nangangarap namang sabi ni Faith. Napailing na lamang ako sa dalawang kaibigan ko. Kung titingnan kasi silang dalawa ay hindi aakalain ninuman na astig at magaling palang makipaglaban silang dalawa. Mukha kasi silang mga member ng fans club ni Clayn sa halip na isang pulis. Ako? Masuwerte dahil ako ang naging bodyguard ni Clayn? Kung alam niyo lang, Faith at Diane, napapabuntong-hiningang sabi ko sa aking isip. Bukas ay mag-uumpisa na akong makipaglaban. Hindi sa kalaban ni Clayn kundi sa binata mismo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD