12 – Mystery Isang maginhawa at payapang umaga ang bumungad sa akin dahil hindi ko kailangang makita ang tarantádo kong amo. He’s currently out of town. Ang sabi niya sa akin ay tatlong araw siyang mawawala dahil opening daw ng resort niya. Akala ko pa nga’y isasama niya ako, pero mabuti na lang talaga at hindi. Sinabihan niya rin ako na huwag nang mag-report sa office at gawin na lang ang ipinapagawa niya sa akin—ang hanapin ang sarili ko at ang anak naming dalawa. Kaya heto ako ngayon at naghahanda na kasama si Eros para puntahan ang bar kung saan ako nagtrabaho rati. Hindi ko na sana balak pang dalhin ang anak ko dahil may kalayuan ‘yon mula sa tinitirhan namin, but I have no choice. Wala akong mapag-iiwanan sa kanya. Ayoko na ring iwan ang bata sa Tita Jen niya dahil nahihiya na ako.