Pitch Black
"Doon sa may The Lodge Miss, i-try mo. Malaki ang resort na yun eh baka mabigyan ka ng trabaho sa maintenance ng hotel." mabait na ngumiti sa akin ang lalaking may-ari ng pinagtanungan kong souvenir shop.
Ngumiti rin ako at nagpasalamat. Binigyan nila ako ng direksyon kung paano makapunta roon.
Malapit na rin naman pala, tanaw ko na mula sa nilalakaran ko ang matayog na building.
Ilang saglit pa ay nakatitig na ko sa mismong harap ng gusali na may nakalagay na 'The Lodge' in bold letters sa bandang taas.
Grabe anlaki. Tatanggapin kaya nila ang isang tulad ko rito?
Bago pa tuluyang kainin ng kaba ay humugot na ko ng malalim na hinga at pumasok. Sa may bukana pa lang ay may mga tauhan nang malugod ang pagtanggap na para bang VIP ako.
Lumapit ako sa may counter kung saan may mga nakaunipormeng empleyadong maaliwalas ang ekspresyon ng muka.
"Good morning, Ma'am, any reservation po?" nakangiting tanong nito sa akin.
Umiling kaagad ako, "Ah.."
"Walk-in po?" dagdag niya pa na nakangiti pa rin.
"Uhm, mag-aapply po sana ng trabaho, Miss.." nahihiyang ngumiti ako.
Dahan-dahang bumuo ng O ang bibig niya at tumango habang tumatagal ang titig sa akin. "Oh.. proceed ka na lang dun sa first room pagkakanan mo sa hallway na yun para sa HR."
Nagpasalamat ako atsaka pinuntahan ang sinabi niya. Bumungad sa akin ang singkit na si Mrs. Paz. Pinaupo niya ako sa harap niya atsaka kinausap.
Hindi ko maiwasang mabilib sa sarili ko sa kung paano ko nakakayang maitawid ang unang karanasan sa pag-aapply na parang normal na tao. Haha.
Tanging birth certificate lang ang maipakita kong papeles dahil yun lang ang meron ako. Nagulat pa si Mrs. Paz ng sinabi kong wala akong educational background. Hindi raw halata sa itsura ko, balak niya pa naman daw bigyan ako ng clerikal na trabaho. Mabilis ko namang sinabi na okay na kong tagalinis o kung ano man dahil hindi rin ako tiwalang magagampanan ko na agad ang kakaibang klaseng gawain.
"Hindi naman talaga urgent hiring ang resort ngayon pero dahil sa paglago ng negosyo at patuloy na pagdagsa ng turista, ang utos ng management ay tumanggap ng paisa-isa o dalawang trabahante para maging sapat sa pagaasikaso ng customers." Kaya maswerte raw ako at tatanggapin niya ako.
Pinaliwanag niya ang trabaho ko bilang resort crew. Sa umaga raw ay magru-room service ako at sa hapon naman ay tutulong sa clubhouse, di kalayuan sa hotel. Ngunit aniya'y kung may biglaang mga gawain ay dapat on call kami.
"Makikiusap na rin po pala ko kung maaari akong pansamantalang tumuloy sa kung saan man pong bodega o tambakan niyo rito, tuwing matutulog lang naman po." nahihiyang tanong ko.
"Huh? Hindi na kailangan! May dorm para sa mga staff dito." Nagningning ang mata ko at napangiti ng malawak sa sinabi niya.
Nagbigay pa siya ng ilang paalala bago sinabing bukas ako pormal na magsisimula sa trabaho. Mabilis akong nabigyan ng uniporme ngunit ang ID ay daanan na lang daw sa opisina bukas ng madaling araw.
"Oh ayan tamang tama, Rafa!" tawag niya sa nakasalaming babaeng pumasok sa pinto.
"I-tour mo itong si Nari sa hotel at sa clubhouse. Bagong kasamahan niyo." dagdag niya.
Tipid akong nginitian ng babae at sinamahan ako palabas ng silid. "Hi! Nari?" paninigurado niya sa pangalan ko.
Masaya akong tumango, "Ikaw si.. Rafa?" tanong ko rin.
"Oo. Ayos lang ba kung kumain muna tayo? Hindi pa kasi ako nagtatanghalian eh." Agad namang sumang-ayon ang sikmura kong kanina pa hindi nalalamanan. Sumunod lang ako sa kanya palabas ng hotel.
Habang naglalakad ay napansin kong may pinagtitinginan ang mga tao ngunit walang naglalakas loob lumapit. Sinundan ko ang tingin nila at nakita ang isang lalaking nakaupo sa may wooden bench habang nakatitig lang sa cellphone. Tumagal ang tingin ko sa mukha niya at napagtantong siya ang lalaking nakabanggaan ko kanina. Seryoso pa rin siyang nakabantay sa cellphone niya na parang may hinihintay.
"Gusto mo magpapicture?" napatingin ako kay Rafa ng bigla siyang magsalita.
"Huh?" takang tanong ko.
Nginuso niya ang lalaki. "Kay sir Colton. Fan ka?" Hindi ko siya masyadong naintindihan pero nakuha kong Colton pala ang pangalan niya. Humindi na lang ako at sinabing hindi siya kilala dahil di ko na alam ang sasabihin.
Saglit siyang napatigil sa paglalakad at naningkit ang mata sa akin.
"Hmm bago 'yan ah! Ganyan ba talaga pag-maganda Hinu-'who you' lang ang mga artista?" natatawang tanong niya bago tumuloy sa paglalakad.
Ah, artista pala siya. Naririnig ko yung salitang yun kay kuya. Sabi niya yung ibang mga nakikita ko sa magazine artista rin daw yun.
Napaisip pa ko kung ikukwento kay Rafa ang sitwasyon ko para maintindihan niya kung bat hindi ko kilala yung lalaki pero naisip na saka na lang siguro kapag kumportable na ko. Sinabi ko na lang na hindi kasi ako nakakanood ng TV.
Nakarating kami sa isang kainan at nagulat siya nang nahihiya kong sinabing baon ko lang ang kakainin ko dahil wala akong pambili. Tumango na lang siya at nangakong sa susunod ay ililibre nya raw ako. Napatawa naman ako.
Habang kumakain ay nabanggit niya na si Sir Colton daw ay anak ng may-ari ng buong resort.
Madalas daw iyon dito kapag walang trabaho sa Maynila dahil dito talaga ang hometown nila kaya't karamihan daw ay hindi na masyadong nasa-Starstruck tuwing nakikita sya dahil sanay na, pwera na lang sa ilang turista.
"Ang alam namin kaya yan nandito dahil simula na ng pormal na training niya para sa pag-turnover sa kanya ng resort bilang tagapagmana pero umaayaw ata dahil mas nais manatili sa Maynila." kibit balikat niya.
Nang matapos ay agad din kaming bumalik sa hotel at sinimulan niya nang ipamilyar sa aking ang mga rooms na lilinisin. Kada-araw daw ay mag-aassign samin ng mga silid.
"Nandito naman sa huling palapag yung opisina ng mga boss. Pero may ilang presidential suites pa rin dito na tinutuluyan ang ilang turista na kailangan ding linisin." ani Rafa.
Tuloy tuloy lang ang lakad namin nang magpaalam siya na magc-CR. Iginala ko lang ang tingin sa paligid habang hinhintay si Rafa.
Nakuha ang atensyon ko ng glasswalls sa dulo ng hallway, iba ito sa pader ng mga silid na nadaanan na namin. Iyun ata ang sinasabi ni Rafa na silid ng mga boss.
Hindi ko namalayang humahakbang na pala ang mga paa ko papunta roon. Marahil dala ng kuryosidad.
"I told you, I won't be here for long. I just have to... confirm something," dinig ko ang pamilyar na boses.
Nang na nasa tapat na ko ay sakto namang lumingon mula sa pagkakatalikod ang lalaking may kausap sa telepono.
Nagtama ang tingin namin.
Those same pair of pitch black eyes.
Nakita ko ang gulat na rumehistro sa mukha niya at ang pag-awang ng kanyang mga labi habang nakatitig sa kabuuhan ko.
"You know what? Forget it. I'm staying." Madiing sabi niya habang nakatitig pa rin sa akin.
Nanuyo ang lalamunan ko sa hindi malamang kadahilanan.
"Nari!" mabilis akong napalingon nang marinig ang boses ni Rafa.
Napalunok ako at dali-daling lumapit sa kanya.
Buti na lang.