How thankful
To my horror, dumating na nga ang araw na kinatatakutan ko.
"Po?!" di makapaniwalang tanong ko.
Napakamot sa ulo niya si Mrs. Paz, "Ayun nga, hindi ka muna magseservice sa hotel this morning. Kailangan ni Mr. Octavio ng assistant for his meeting with a new investor. Kaya sasamahan mo muna siya." at ang tinutukoy niyang Mr. Octavio ay walang iba kundi si Sir Colton.
Ang tanong ko lang naman unang-una ay: Bakit ako? Pangalawa: Bakit ako? At higit sa lahat: BAKIT AKO?
Pero syempre wala naman akong karapatang kwestyunin ang desisyon ng mga boss ko kaya wala na rin akong magawa pa.
Iniisip ko tuloy kung alam kaya ni Sir Colton na ako ang itinakda ni Mrs. Paz na kasama niya ngayon? Pero malamang naman ay hindi. Kasi sa bibig niya na nga mismo nanggaling na ayaw nyang lumalapit ako sa kanya diba?
Hindi ko naman masabi kay Mrs. Paz na kung pwede ay ibang staff na lang ang ipadala dahil mainit ang dugo sakin ni Sir Colton. Mamaya tanggalin niya pa ko sa trabaho pag-nalaman niya lahat ng kapalpakan kong na-witness ni Sir.
Pinoproblema ko tuloy kung paano ko aakto sa harap niya habang inaalala kung paano niya ko tinaboy nung huling kita namin. Iniisip ko na lang na hindi naman siguro namin kailangan sobrang mag-interact sa isa't isa.
Pag hindi hinihingi ang opinyon ko, hindi na lang ako magsasalita at susundin lang nang maayos ang kung anong pinapagawa niya. Tama ganun na lang. You got this, Nari.
Ang bilin sakin ay hintayin na raw si Sir Colton sa labas kung saan naka-abang na rin ang sasakyan niya. Hindi ako mapakali habang naghihintay pero di naman nagtagal ay natanaw ko na rin ang paparating na si Sir Colton.
Hindi ko mabasa ang ekspresyon niya dahil sa suot na itim na shades but his mouth is sporting a straight grim line. Walang anumang bakas ng gulat nang makita na ako ang sasama sa kanya.
Dire-diretso lang ang lakad niya at dinaanan lang ako na parang hangin bago nagsalita, "Let's go."
Tinitigan ko kung paano niya binuksan ang pinto atsaka ginaya iyon sa kabilang bahagi ng sasakyan para makapasok din.
Diretso lang ang tingin niya at hindi pa rin gumagalaw, parang may hinihintay. Nagtiim-bagang siya.
"Wear your seat belt." halos hindi bumuka ang bibig niya habang sinasabi iyon.
Gusto kong mag-'Huh?' pero minabuting huwag na lang siyang kausapin hangga't maaari.
Pinroseso ko ang sinabi niya. Seat belt? s**t ano yung seat belt? Seat- upuan; belt- sinturon.
Tumingin ako sa pagkakaupo niya para kumuha ng ideya. Lumiwanag ang mukha ko nang mapansin na may nakakabit sa katawan niya.
Lumingon ako sa sariling upuan para hanapin din iyon. Nang makita ay agad sinubukang hilahin. Namroblema na ako nang mahirapan akong paabutin iyon sa kabilang bahagi tulad ng kanya.
Narinig ko ang buntong-hininga niya at ang tunog ng pagkalas ng seatbelt niya bago siya lumapit sakin at siya na mismo ang nagsuot noon.
Nahigit ko ang hininga ng bahagyang lumapit ang mukha niya sa mukha ko. Ramdam kong hindi siya natutuwa sa sitwasyon dahil nakakunot ang noo niya.
Jusko ka, Nari. Simula pa lang gumagawa ka na naman ng ikakainis ng boss mo.
Tinanggal niya ang suot na shades bago nagsimulang patakbuhin ang sasakyan. Buong byahe ay walang nagsasalita sa amin.
Isang beses ay naabutan ko siyang nakatingin sakin sa salamin. Mabilis akong nag-iwas at minabuting sa labas na lang tumanaw buong byahe.
Nakarinig pa ko ng ilang tikhim niya bago huminto ang sasakyan, tanda na nakarating na kami sa destinasyon.
Binantayan kong maigi kung paano niya tinanggal ang sariling seatbelt atsaka ginaya iyon.
Mabilis ang lakad niya papasok sa mababang gusali at sinundan ko lamang siya. Dire-diretso ang lakad niya na parang alam na alam na kung saan pupunta.
Natanaw ko na ang isang malaking opisina kung san may sekretaryang naka-pwesto sa labas. Napansin ko ang isa pang lalaking may hawak na kape, tila kakagaling lang sa pantry at pabalik na rin sa opisinang pupuntahan namin
Nang magkalapit sila ni Sir Colton ay narinig kong nagsalita ang lalaki.
"Bro, anong trip to?" tanong niya na parang may nakakatawa. Nakita ko pa ang pagpasada ng tingin niya sakin.
"Shut up." mariing bulong ni Sir Colton bago ako binalingan.
"You.. can wait here for now.." marahang sabi niya sakin habang nakabaling sa mga nakahilerang upuan sa labas ng opisina.
Tumango ako at agad sinunod ang sinabi niya.
Nakita ko pang tumaas ang kilay nung lalaki bago sila pumasok sa opisina.
Ang akala ko'y kakailanganin kong makinig sa pagmi-meetingan at magsulat-sulat ng mahahalagang detalye dahil iyon ang sabi ni Mrs. Paz na karaniwang ginagawa ng mga nag-aassist sa investor's meeting pero hindi pala.
Nakita kong may sinagot na tawag ang sekretarya at napatingin ito sa akin. Pagkababa ng telepono ay agad siyang lumapit sa akin para tanungin kung anong gusto kong kainin ngunit tumanggi naman ako. Sa kabila non ay dumating pa rin siya na may dalang snacks para sa akin.
Matapos ang ilang saglit ay nakatulala na lang ako nang biglang bumukas ang pinto at lumabas mula roon si Sir Colton na may hawak na ilang dokumento.
Nakita kong lumunok siya nang gumalaw ang kanyang adam's apple bago nagsalita.
"Just... alphabetize this." napansin kong bahagyang pumula ang tainga niya. Mabilis ko iyong kinuha at bumalik naman sa loob si Sir.
Konti lang ang mga papeles kaya't natapos ko rin naman iyon agad. Nagdalawang isip pa ko kung papasok ba para iabot iyon ngunit naisip na mas mabuti siguro kung wag na lang dahil wala naman siyang sinabi.
Hindi nagtagal ay lumabas na rin si Sir Colton at nakabuntot pa rin ang lalaki na hanggang ngayon ay parang may nakakatawa. Walang sabi-sabi na inilahad ko ang papel at kinuha rin naman ito ni Sir.
Nakarinig pa ko ng halakhak sa lalaki, minura lang siya ni Sir Colton bago lumakad na rin paalis.
Tahimik akong sumunod. Mga yapak lang namin ang naririnig sa tahimik na lugar.
"You're not talking." nagulat ako nang biglang kausapin ni Sir Colton. Hindi naman siya huminto sa paglalakad.
Nakatingin lang ako sa likod niya at diretso din ang paglakad, "Ah, wala naman po kong sasabihin, Sir." Feeling ko pambobo ang naging sagot ko pero narealize kong bobo nga naman pala ata kasi talaga ko. Ang harsh pero parang totoo naman.
Hindi na siya muling nagsalita pa hanggang makarating kami sa loob ng sasakyan niya. Maayos ko nang nasuot ang seat belt pero hindi pa rin niya sinumulan ang makina ng sasakyan. Napatingin ako sa kanya at diretso lang naman ang tingin niya.
"Give me your hand." biglang sabi niya.
Nagulat ako at hindi alam ang gagawin. Nagcocontemplate pa ko nang lumingon na siya sakin.
Agad kong inangat ang kamay at inilahad sa kanya. Nakita kong may hinugot siya sa bulsa. Mula roon ay nakita ko ang bracelet ko. Halos mapanganga ako.
Nasa kanya pa nga pala iyon!
Kinilabutan ako nang hawakan niya na ang kamay ko at kinabit sa palapulsuhan ko ang bracelet.
Ramdam ko ang pag-iingat sa bawat galaw niya.
"There," sabi niya maya-maya, atsaka pa lang dahan-dahang binitawan ang kamay ko.
Hindi pa ko nakakabawi sa mga nangyari ngunit naisip ko na kailangan kong magpasalamat.
"T-thank you, Sir." nauutal na sabi ko.
Tumaas ang kilay niya. "Really?" tanong niya na hindi ko agad nakuha. "You're thankful?"
Nalilitong tumango naman ako.
"Then show me how thankful you are. Have lunch with me, Nayeli." tila naghahamon na sabi niya at saka matapang na tumingin sa akin.