Nahihiya akong pumasok sa loob ng VIP Room para i-deliver ang lahat ng blowjob shots na in-order noong mestiso kanina.
“Oh? Sino ang um-order ng mga shots?” tanong noong isa habang nilalapag ko iyon.
“I did guys. You can get yourself a shot.” ngiti noong lalaki at ngumiti sa akin.
Nag-iwas ako ng tingin sa kaniya. Mas guwapo pala siya sa malapitan. Hindi gaya ng birthday celebrant, mas mukhang depina ang mukha niya.
“Miss, heto yung card ko. Everything that my friends will order, please pay with my card.” magalang na sabi niya.
Nahila ko na ata ang lahat ng paghinga ko dahil sa paglalapag niya ng itim niyang card sa palad ko, ay nahaplos niya ng bahagya iyon.
Rough at talagang manly ang kaniyang palad at hugis lalaki ang kaniyang kuko. Hindi ganoon kahaba ang kuko pero napakalinis at binagayan pa ng mamahaling rolex na suot.
Tumango ako at tiningnan ang card niya. May maliliit na pangalan ang nakatatak doon.
Clyde Harris Luna
“Ibabalik ko na lang ‘din agad, Sir. Hold muna po hanggang check-out.” mahinang sabi ko at naghanda ng umalis.
“No, just take your time. It’s okay. Puwede mong isabay kung may iaakyat ka na mga alak rito.” sabi niya at bumalik rin ang atensyon sa mga kaibigan niyang umiinom doon.
Tahimik akong lumabas. Nilagay ko sa bulsa ng uniporme ko ang card sa takot na baka maiwala ko ‘yon. Hindi man sabihin, halata na mayaman rin ang isang iyon.
Clyde Luna? Saan ‘ko nga ba narinig ito?
Sinunod ko ang bilin nito. Kahit na hindi ako mapakali sa pag-iingat ng card ay wala rin akong choice. Mas dumami pa ang tao sa bar at wala pa rin silang in-order muli.
“Kari. Maglinis ka muna noong isang VIP Room. Umalis na ‘yung mga bigtime. May sunod na gagamit.” utos noong General Manager.
Natigilan ako sa sinabi ng manager.
“Boss, iyong mga umorder ng legacy?” tanong ko.
Tumango ang General Manager at binigay sa akin ang plastic bag at gloves. Tinanggap ko iyon. Paano nakapagbayad ang mga iyon, eh nasa akin ang card noong Clyde Harris at kailangan pa niya makipag-transact sa akin para mag-push through ang p*****t?
"Sino po nagbayad ng bill nila?" tanong ko.
Tumingin sa akin si Hubert na nakakunot ang noo.
"Ha? Hindi mo ba sila kilala, Kari? Kaibigan iyon ng owner at kahit na makalimutan magbayad, may tabs sila ritong magpipinsan. I-se-send lang sa secretary nila at sila na ang mag-se-settle noon." paliwanag ni Hubert.
Nanlaki ang mga mata ko. Ganoon naman pala, eh? Bakit binigay noong Clyde ang card niya sa akin?
“Teka,boss naiwa—”
“Eric! Samahan mo rin si Kari. Pagtulungan niyo at may sunod na gagamit.” halos patulak kaming pinaalis ng General Manager.
Kinapa ko ang black card na nasa bulsa ng uniporme ko. Naiwan ni Sir Clyde Luna ang kaniyang card sa akin.
Paano ko siya ma-co-contact para mabalik ito? Halos lumipad ang isipan ko habang nililinis ang mga bote at shot glass na naipon doon. Siguro puwde ko na lang hingin sa management ang numero ng sekretarya ng sa ganoon eh mabalik?
Manghang mangha si Eric sa dami ng bote na na-order nila. Kinalog pa nito ang bote ng legacy at natuwang tikman ang tira noon. Napailing ako sa ginawa niyang iyon.
“Wow! Ang sarap, Kari! Ang mahal nito tapos hindi man lang nila inubos. Grabe talaga ‘yang mga Luna, ano?” tanong ni Eric at nilagay sa itim na plastic bag ang bote.
Mabilisan kong na-disinfect ang mga mesa roon habang tinatapon ni Eric ang mga basura. Bumalik ako sa locker room ko pagkatapos at sinigurado na itago roon ang black card ni Sir Clyde.
Alas tres na ng madaling araw ng matapos ang shift ko. Nag-ayos kami ng gamit para sumakay sa shuttle. Iyon ang maganda sa Twist Me Bar. May shuttle kami dahil palaging wala ng biyahe kung uuwi man kami.
Sumalampak ako sa likuran ng van para makuhang matulog ng kaunting oras. May klase ako mamayang alas otso ng umaga. Nasa third year college na ako sa isang public university kaya naman sinisikap kong balansehin ang pag-aaral at pagpa-part time. Isang cruise line course ang kinukuha ko para makasama ako kay Mama at Ate na nasa Hawaii.
Bagsak agad ako sa kama ko sa maliit na apartment na nakuha ko tatlong kilometro mula sa bar at isa mula sa University. Hindi na ako nakapagpalit ng damit. Kinuha ko ang itim na card sa wallet at hinaplos ang mga letra na nakasulat sa gold capital letters.
“Ang sarap siguro maging mayaman, ano?” bulong ko.
Tama si Eric. Napakasuwerte ng mga mayayaman dahil hindi nila nararanasan ang magtrabaho nang hanggang ganitong oras.
Sa sobrang pagod ko, nakatulog na rin agad ako.
Nagising na lamang ako tama lang sa pasok ko sa University. Mabigat pa rin ang aking ulo, hudyat na kulang pa rin ako sa tulog. Tumayo ako at hindi na ininda pa iyon. Ang mga mahihirap na gaya ko, walang karapatan na makaramdam ng pagod. Hindi rin kasi sapat ang kinikita nina Mama at Ate sa abroad kaya kailangan ko pa ring magtrabaho kahit mahrap. Isa pa, naniniwala ako na mas masarap ang tagumpay kapag alam mong malaking parte noon ay dahil sa pagsusumikap.
Naglakad na lang ako papunta sa university para makatipid. Pawis na pawis ako noong dumating kaya naman sa banyo ako dumiretso bago sa classroom. Marami ang bumati sa akin. Wala ako masiyadong kaibigan dahil una sa lahat, wala naman akong libreng oras para roon. Pinili ko ang mga subjects na hindi ako mababakante para mas maraming oras sa trabaho at makapagpahinga.
Umupo ang sa tingin ko ay isang irregular student sa tabihan ko. Ngumiti siya sa akin at ganoon din ako. Maganda siya at balingkinitan. Halatang galing sa mayamang pamilya dahil sa brand ng dala-dala niyang tumbler.
"Hi, irreg ka rin?" tanong niya.
Ngumiti ako at tumango.
"Oo. Ikaw?" tanong ko pabalik.
"Yes. Higher year na ako pero naiwan ko ang subject na ito last year." sagot niya at inilahad ang kaniyang kamay, "Lianne Fortalejo nga pala."
Tumango ako at tinanggap iyon.
"Kari. Karisa Santos." sagot ko.
Dumating na ang professor namin kaya hindi na kami nakapag-usap pa. Niligpit ko ang mga gamit ko para makapaunta na sa susunod na klase pero dahil sa mga nagmamadali at naghaharutang kaklase ay natabig nila ang upuan ko na dahilan ng pagkasabog ng mga dala ko.
Napamura ako roon. Masama kong tiningnan ang mga ito. Wala ni isa man lang ang tumigil para tulungan ako. Yumuko ako at pinulot na iyon. Hindi naman nagdalawang isip si Lianne na tulungan ako. Pinulot niya ang ilang notebook ko pero tumigil nang mapulot niya ang black card. Gulat na gulat siyang tumingin sa akin at may bahid ng pagtataka.
"Bakit nasa 'yo ang black card ng pinsan ko?" tumaas ang boses niya.
Nanlaki ang mga mata ko. Tiningnan ko ang kaniyang kamay na hawak-hawak iyong card ni Sir Clyde.
"Nai–"
"He told us na baka nanakaw ang card niya. Did you steal it?" tanong niya, halata na ang iritasiyon.
Umiling ako at sinubukan na kunin iyon pero iniwas niya.
"Teka, Miss. Hindi ko ninakaw 'yan. Naiwan lang sa akin 'yan." sabat ko.
"I don't believe you. I've never seen you before kaya imposible na kaibigan ka ni Clyde. Isa pa, mas matanda siya sa atin, so you're a big no. Kaya hindi ako maniniwala na iniwan niya ito sa'yo." saad niya.
Kinagat ko ang labi ko.
"Puwede bang makinig ka muna–"
"Wait, I will call my cousin. Dito ka lang." sabi niya at hinawakan ang braso ko.
Pumiglas naman ako roon pero talagang mahigpit ang pagkakabaon ng kuko nito sa braso ko. Gumapang ang hiya at galit sa aking sistema dahil may ilang tao pa sa classroom at nakatingin sa amin, lalo na sa akin. Na para bang magnanakaw ako na nahuli.
Bakit niya iisipin na ninakaw ko iyon? Dahil ba mahirap lang ako? Umiling siya at agad na kinuha ang kaniyang cellphone para mag-dial doon. She looked at me with judgement bago siya nagsalita.
"Hello, Clyde? I found the thief who stole your card. She's my classmate. Come here, quick! Dadalhin ko siya sa disciplinary office." sabi niya at pinatay ang tawag.
Ano? Disciplinary Office?
"No way, may exam ako ngayon sa susunod na subject." pagtanggi ko.
Tumaas ang kilay nito.
"Karisa, right?" tanong niya at huminga nang malalim, "You don't know my cousin. Itong card na 'to? Kalingkingan pa lang ito ng yaman niya. You should cooperate kung gusto mo na maging lenient kami sa'yo." banta niya.
Naiiyak na ako sa galit. Paano ba ako napunta sa ganitong sitwasyon? At bakit ba sinabi ng Clyde na iyon na ninakaw ang card niya? Iresponsable na ba siya para makalimutan na ginamit niya pangbayad ang card niya kagabi? O talagang matapobre lang siya?