“Ayan na! Halika na, Milli! Dali!”
Mariin ngunit halos pabulong na tawag sa kanya ng matalik na kaibigang si Aya. Inis na nilagay ni Millicent ang kanang kamay sa tapat ng ulo para hindi s'ya tuluyang mabasa ng ulan bago tumawid papunta sa isang kubo kung saan malapit sa kulungan ng mga kabayo. Kanina pa sila naghihintay sa rancho ng mga De Ayala at ngayon nga ay inabot pa sila ng ulan sa kakahintay sa lalaking crush na crush nito na matapos mangabayo!
Kung bakit naman kasi kahit masama na ang panahon ay nagawa pa nitong mangabayo!
Hindi n'ya talaga maintindihan kung ano ang ginawa ng lalaking 'yon sa kaibigan n'ya at para itong mamamatay sa tuwing hindi nito nasisilayan ang mukha ng lalaking iyon! At sa tuwing makikita naman nito ang lalaki ay para itong nawawala sa ulirat sa sobra-sobrang kilig! Daig pa nito ang nagayuma sa tuwing masisilayan ang mukha ng lalaki.
Well, I get that he's one of the youngest yet one of the richest here in San Sebastian. Sampung taon halos ang tanda n’ya sa amin pero hindi pa rin maipagkakaila na bata pa ang edad ng lalaking ‘yon kumpara sa karamihan sa mga mayayamang business man dito sa San Sebastian. Pero sapat na ba 'yon para kabaliwan s’ya ng halos lahat ng mga kababaihan dito sa lugar namin? Oo nga at bukod sa likas na ka-gwapuhang taglay n’ya ay matikas talaga ang pangangatawan n'ya at kakaiba ang lakas ng karisma pero hindi pa rin talaga sapat na dahilan 'yon para sambahin s'ya ng lahat ng mga babae! For me, his features were somewhat… common. O sadyang mas type ko lang iyong mga mapuputi at hindi gaanong malaki ang katawan?
Ipinilig n’ya ang ulo dahil sa naisip. Kahit kailan ay hindi s'ya naakit sa angking kagwapuhan ng lalaki. Kahit pa nga at sampu ng mga kaibigan n'ya ay nahuhumaling sa lalaki ay wala na s'yang balak na dumagdag pa sa mga babaeng lihim na pumapantasya dito. Noon pa man ay kakaiba na palagi ang trip n'ya at parati iyong salungat sa gusto ng nakararami. At pati sa pagpili ng lalaki ay kakaiba din ang trip n'ya!
“Holy cow!” mahina ngunit mariin at halos pigil na pigil ang pagtili ni Aya nang sa wakas ay lumabas na galing sa loob ng kulungan ng mga kabayo ang lalaking kanina pa nila hinihintay doon. Halos mangalay na ang mga talampakan n'ya sa pag-upo at sa kakakubli sa kubo na pinagtataguan nila ngayon. “Oh my gosh, Millicent! Feeling ko mahihimatay ako! Alalayan mo 'ko dali! Nanlalambot na naman itong mga tuhod ko dahil kay Randall!” Tila mamamatay na naman sa kilig na bulalas nito kaya halos umikot ang mga mata n'ya habang pinapanood itong halos manginig na sa lamig dahil basang-basa na ang suot na uniporme.
Kasalukuyan silang nasa huling taon sa kolehiyo at parehong kumukuha ng kursong Business Management dahil parehong nagmula sa mga pamilya ng mga negosyante. Kilala ang pamilya nila sa buong San Sebastian at isa ang mga angkan nila sa mga respetado at mayaman na angkan doon. Ngunit ang pamilya ni Randall ang pinaka makapangyarihan dahil bukod sa likas na mayayaman ang angkan ng mga magulang nito ay sikat na artista pa ang mga ninuno nito.
Sa katunayan nga ay dalawa sa mga kapatid nito ay mga sikat na artista sa generasyon nila. Ang sinundan ni Randall na si Ria, na s’yang nag-iisang babae sa tatlo at ang panganay ng mga De Ayala na si Royce, na s’yang lihim naman na hinahangaan n’ya simula pa noong hindi pa ito nagsisimulang sumikat at isa pa lang miyembro ng grupo ng mga mananayaw sa lugar nila. Mula noong mapanood n’ya itong sumayaw sa noong Anniversary ng lungsod nila ay hinangaan na n’ya ito at palihim na sinundan-sundan. Pero mananatiling lihim lang ang tungkol sa pagkagusto n’ya kay Royce dahil wala s’yang balak na ipagsabi ang tungkol doon sa kahit na kanino, kahit pa sa pinaka matalik na kaibigan n’yang si Aya!
Dahil sa kasikatan ng magkapatid na De Ayala, halos walang araw ang lumilipas na hindi dinudumog ng mga tao ang labas ng mansyon ng mga ito. At isa na nga ang kaibigan n'ya sa dumudumog hindi lang sa mansyon kundi pati na rin sa rancho ng mga De Ayala dahil sa kakaabang sa bunsong anak ni Don Rico na si Randall De Ayala! Ang itinuturing na isa sa pinakabatang bilyonaryo sa San Sebastian na naging miyembro ng The Young Bucks Society na kilalang-kilala sa buong bansa dahil walang araw ang lumipas na hindi nakikita ang mukha ng mga ito sa TV o di kaya ay sa kahit saang entertainment portals!
“Talagang manginginig ang mga tuhod mo sa gutom dahil isinakripisyo mo ang pagkain ng tanghalian para lang makasilay sa crush mo!” mahinang bulalas n’ya dito na mukhang hindi naman na nito narinig dahil naging busy na sa kakatingin kay Randall na ngayon ay huminto sa hindi kalayuan sa kubo na pinagtataguan nila para magpaligo ng kabayo na sinasakyan nito kanina.
Panay ang singhap at impit na tili ang naririnig n’ya mula kay Aya habang nakatingin ito sa gawi ng lalaki. Humalukipkip s’ya at inis na tiningnan na lang din ang pinapanood nito.
Randall was only wearing camouflage pants and riding boots. He was topless, flaunting his muscular and tanned body while giving his white horse a bath it deserved after getting wet and muddy in the rain.
At kung bakit naman kasi alam na nitong maulan ang panahon ay itinuloy pa rin nito ang pangangabayo! Nakaramdam tuloy s’ya ng awa sa puting kabayo nito. Puting-puti pa naman iyon at mukhang high breed at mamahalin! Napangiwi s’ya at humalukipkip.
Pagkatapos ay isasabak n’ya lang sa maulan at maputik?
“How inconsiderate!” hindi na napigilang bulalas n’ya na medyo napalakas kaya kitang-kita n’ya ang paglingon ni Randall sa gawi ng pinagtataguan nila ni Aya! Narinig n’ya ang mahinang mura ni Aya nang makita ang ginawang paglingon ni Randall sa gawi nila.
Namimilog ang mga mata at mabilis ang kilos na sumiksik pa s’ya lalo sa gawi ng kubo kung saan sila nagtatago ngayon.
“Anong ginawa mo?!” iritadong saway sa kanya ni Aya na sinamahan pa ng batok sa kanya kaya hindi makapaniwalang tiningnan n’ya ito. Kahit kailan ay hindi pa s’ya napagbuhatan ng kamay nito kaya sa sobrang gulat n’ya ay napatayo s’ya kaagad, dahilan para makita s’ya ng tuluyan ni Randall!
Namimilog ang mga mata ni Aya habang tinitingala s’ya.
“Who are you?”
Isang baritonong boses ang nakapagpatigil sa pagtititigan na ginagawa nila ng kaibigan. Sa gulat ay agad na napalingon s’ya sa gawi ni Randall na kasalukuyang naglalakad na palapit sa kubo na pinagtataguan nila.
Narinig n’ya ang mura ni Aya bago nagmamadaling tumakbo ito palayo doon at iniwanan s’ya. Lalong namilog ang mga mata n’ya at umawang ang bibig habang hindi makapaniwalang sinusundan ito ng tingin palayo sa kanya!
What the hell? Did she really leave without me?! Hindi makapaniwalang sigaw ng utak n’ya nang halos hindi na n’ya matanaw ang likod ng kaibigan dahil sa sobrang bilis ng ginawa nitong pagtakas doon!