KABANATA 2

1472 Words
Mattea Velia's POV 4 years later... "Ay Diyos ko, Mauvy! Yan na nga ang sinasabi ko sa'yo eh." Kaagad kong pinulot ang aking anak nang madapa ito sa damuhan dito sa isang parke. Pinagpag ko ang kanyang tuhod bago kinuha sa loob ng kanyang bag ang kanyang bimpo atsaka ito pinunas sa kanyang mukha at leeg. "Mama, gusto ko ng ice cream!" Wika nito habang pinupunasan ko ang kanyang likuran. Akala ko ay iiyak ito matapos niyang madapa sa kakatakbo papunta sa mamang nagtitinda ng sorbetes. Halos malaglag ang puso ko sa kaba nang makita ko itong nadapa. "Oh mamaya na, maglaro ka muna doon kasama ang mga kaibigan mo." "Pero gusto ko na po ng ice cream, mama." Bigla niya akong hinarap atsaka hinawakana ng magkabila kong pisngi gamit ang maliliit pa niyang mga kamay. "Please po, hindi na ako magiging makulit ngayong araw." Naningkit ang aking mga mata nang sabihin 'yon ng anak ko. Aba, iba rin kung gumawa ng kasunduan ang batang 'to ah, parang hindi ako makakatanggi. "Magbebehave po ako kapag aalis na kayo para sa trabaho. Promise po!" San ba nakuha ng anak kong 'to ang bigyan ako ng ganyang klaseng kasunduan? Hindi naman ako ganito eh. Baka isa ito sa katangian ng tatay niya. "Sige, bibili tayo ng ice cream basta tutuparin mo 'yang sinasabi mo ha?" Kaagad itong ngumiti sa akin atsaka sunod-sunod na tumango. "Yes! Thank you, mama!" Tumayo na ako mula sa pagkakaluhod atsaka kinuha ang kanyang isang kamay bago kami sabay na naglakad papalapit kay Manong na nagtitinda ng sorbetes. Dalawa ang binili ko para tig-iisa kami. Habang naghihintay na matapos si Manong sa pagkuha ng sorbetes mula sa malaki at nitong lalagyan ay may dalawang babae ang lumapit sa aming mag-ina. "Anak mo?" Napatingin ako sa babae na ngayon ay deretsong nakatingin sa anak ko. "Oo, anak ko." "Kay gwapong bata, nahahalatang anak mo talaga dahil halos magkapareho kayo ng mukha. Hindi ka ba purong Pinay, miss?" Napangiti ako sa kanyang sinabi bago umiling. Ilang beses na ring may lumalapit sa aming dalawa atsaka nila manghang-manghang tititigan ang anak ko. "Hindi po, foreigner ang tatay ko." Pagsasabi ko sa kanila ng totoo. Yun ang sabi ng aking yumaong ina pero kailanman ay hindi ko nasilayan o nakita man lang litrato ng aking totoong ama. Ni hindi ko nga alam ang kanyang pangalan. "Kaya pala... ang tatangos kasi ng mga ilong ninyo." Pagpupuri pa nong isa habang taimtim na nakatingin sa aming dalawa ng anak kong si Mauverick. Titig na titig parin ang dalawang babae sa anak ko na ngayon ay nagpapasalamat kay Manong Sorbetero nang ibigay sa kanya ang isang ice cream. "Hindi kayo magkapareho ng hugis ng mga mata at labi, siguro nagmana sa tatay noh?" Panandalian akong natigilan sa kanyang naging komento tungkol doon. Hugis ng mga mata at labi nga ang pinagkaiba namin ng anak kong si Mauvy. Bilugin kasi ang mga mata ko habang sa kanya naman ay medyo pasingkit. Hugis puso ang labi ko habang kay Mauvy naman ay bow-shaped yung sa kanya. Matagal ko na rin itong napapansin kaya hindi ko rin maiwasang mapaisip na baka nga ay nakuha niya 'to sa tatay niya. "G-Ganon na nga po," sagot ko sa babae bago ako tuluyang napalingon sa anak kong bigla na lang tumakbo. "M-Mauvy! Akala ko ba hindi ka na magkukulit!" Sigaw ko habang tinatanaw itong tumakbo papalapit sa mga kaibigan niya. Nalintikan na! Baka madapa na naman ang batang 'yon. "Salamat po," tugon ko sa Manong nang ibigay niya sa'kin ang sorbetes. Dali-dali ko naman itong kinain upang mahanap ko na ang anak kong bigla na lang nawala. Kaagad kong hinalungkat ang bitbit kong bag ni Mauvy nang may marinig akong pagtunog ng telepono mula sa loob. Kaagad kong inubos ang dulong bahagi ng apa bago sinagot ang tawag. "Hello?" [Mattea! Nasan ka?] "Nasa park ako, kasama ko si Mauvy." Habang nag-uusap kaming dalawa ni Gianna ay abala ang mga mata kong hinahanap si Mauvy. "Bakit ka nga pala napatawag, Gianna?" [Ano kasi Mattea, baka hindi ko pwedeng dalhin si Mauvy dito sa bahay ko. Uuwi kasi ang boyfriend ko, kakasampa lang ng barko nila nong mga nakaraang araw kaya uuwi 'yon ngayon sa bahay.] Nang marinig ko ang balitang 'yon ay kaagad akong napaisip ng panibagong paraan kung saan ko pwedeng ibilin si Mauvy dahil may job interview ako kinabukasan. Kailangan na kailangan ko ang trabahong 'to dahil hihigit pa sa sapat ang magiging sweldo ko rito para sa pang araw-araw na gastusin namin ni Mauvy. Kinailangan ko na ring mag-ipon dahil mag-aaral na si Mauvy sa susunod na pasukan. Matagal ng naubos ang nakuha kong malaking kantidad noon kaya kinailangan kong kumayod. Kahit senior high school lang ang nakaya kong tapusin ay masasabi ko namang magaling akong magtrabaho. "Ganon ba? Sige, gagawa na lang ako ng paraan. Salamat sa pagtawag sa'kin, Gianna." [Pasensya ka na talaga, Mattea. Babawi ako sa susunod. Baka sa susunod na linggo ay pwede kong kunin si Mauvy mula sa'yo.] Kaagad akong napangiti sa kanyang sinabi. Tanging si Gianna lang talaga ang tumulong sa akin mula nong pinagbubuntis ko si Mauvy kaya malaki ang utang na loob ko sa kanya. Hindi nagtagal ay pinutol ko na rin ang tawag atsaka tinuloy ang paghahanap sa anak ko. Marami-rami ang taong narito sa parke ngayon dahil linggo, kaya mukhang mahihirapan akong makita ang batang 'yon. Sana lang ay hindi 'yon tatawid ng kalsada! Nang may mahagip akong batang may kulay puting bimpo sa kanyang likuran at nakatalikod sa akin ay kaagad ko itong tinakbo upang malapitan ito. Nakita ko ang isang matangkad na lalakeng kakatalikod lang matapos niyang yumuko sa aking anak atsaka tuluyang umalis. "Mauvy! Mauvy, anong nangyari?!" Kaagad kong hinawakan ang kanyang magkabilang balikat atsaka ito pinaharap sa akin. Nang makita ko itong nagpupunas ng kanyang luha ay halos mapatayo ulit ako para sugurin ang matangkad na lalake kanina. Anong ginawa niya sa anak ko?! "Mauvy, anak, magsalita ka. Anong ginawa sa'yo ng mamang 'yon?" Hinawakan ko ang medyo matambok niyang pisngi habang pinupunasan ang kanyang mga luha. "N-Natapon ko po ang ice cream ko, mama." Awtomatiko akong napatingin sa damohan at don ko nakita ang natapon niyang sorbetes. "Hindi ko po kasi nakita yung mamah kaya nabunggo ko po ang binti niya. Natapon tuloy ang ice cream." Suminghot ito bago muling pinunasan ang kanyang mga mata. "S-Sinaktan ka ba niya?" Umiling ang anak ko dahilan upang lumuwag ulit ang aking paghinga. "Binigyan niya po ako ng pera mama, tapos may sinabi siya pero hindi ko po maintindihan." Biglang kumunot ang aking noo sa kanyang sinabi. "Bakit? Ano ba ang sinabi niya?" "Sabi niya po, 'buy a new one'. Hindi ko po alam anong ibig sabihin non." Napangiwi ako sa kanyang naging sagot bago tumango. "Sabi niya bumili ka raw ng bagong ice cream." Buti naman at mukhang mabait ang lalakeng 'yon. Akala ko kasi may ginawa siyang masama sa anak ko kaya ito umiiyak ngayon. "Talaga po? Tara, bili ulit tayo mama." Biglang kumislap ang kanyang mga mata nang sabihin niya 'yon sa akin atsaka ipinakita sa akin ang pera na hawak-hawak niya. Halos lumuwa naman ang mga mata ko nang makitang may tatlong libo itong hawak-hawak sa kanyang kamay. Diyos ko, ba't ang laking halaga naman ata nito? Muli kong sinamahan si Mauvy papalapit sa Manong nagtitinda ng sorbetes. Habang naglalakad kami pabalik ay may sinabi ito tungkol sa lalakeng nabunggo niya. "Mama, gusto ko po magpalagay ng itim dito." Tinuro niya ang kanyang braso habang nagsasalita. "Anong klaseng itim ba, anak? Itim na ano?" "Basta yung may lion na kulay itim!" "Huh?" "Mama naman eh! Hindi mo ba ako naiintindihan?" "Hindi ako malilito kung naiintindihan pa kita, Mauvy." "Basta yung kulay itim! Dito banda," aniy sabay turo ulit sa kanyang braso. "May kulay itim din yung lalake kanina dito. Gusto ko rin 'yon, mama." Hay ewan, hindi ko talaga alam kung ano ang pinagsasabi ng batang 'to. Nasa kalagitnaan kami ng paghihintay ulit ng sorbetes nang may isang kulay itim na sasakyan ang biglang nagpaharurot paalis ng parke. Sabay kaming napatingin ni Mauvy sa mamahaling sasakyan na umalis mula sa parking bago naming tinapunan ng tingin ang isa't-isa. "Hambog noh?" Wika ko sa anak ko kahit na hindi ko alam kung sino ang taong nagpapatakbo non. Tumango ito sa akin habang nakanguso. "Hambog nga, mama." Mahina akong napatawa bago ginulo ang kanyang buhok. Buti na lang talaga at may anak ako. Siguro plano rin ng Diyos na ibigay sa akin si Mauvy dahil alam niyan nag-iisa na lang ako sa buhay. "Mama!" Napatingin ulit ako kay Mauvy nang tawagin niya ako sabay hila sa dulo ng aking suot na bestida. "Gusto ko ng itim dito ha?" Aniya sabay turo ulit sa kanyang braso. "Paglaki mo na." Ewan ko talaga kung anong bagay ang tinutukoy niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD