Mattea Velia's POV
"Ahhhhh!" Bigla akong napabalikwas sa aking kama atsaka kaagad na kinuha ang kumot bago ito itinakip sa aking katawan.
"W-Wag! Ayoko! M-May anak na ako!" Dagdag ko pa habang nakapikit ang aking mga mata.
"Please, wag! Ayoko! Nagmamakaawa ako, may anak ako--!"
"HOY TIA! Pinagsasabi mo diyan?!" Kaagad akong napasapo sa aking ulo nang may tumamang isang bagay doon. Napangiwi ako habang hinahaplos ko ang aking ulo sabay tingin sa isang boteng lotion na nahulog dito sa tabi ko.
"Kay aga-aga binubulabog mo ang mga kapitkwarto mo." Nang sundan ko ng tingin kung saan nanggaling ang boses ay don ko nakita si Gianna na nakatayo sa bungad ng aking pinto.
Kapitkwarto?
"G-Gianna, bakit ka andito?"Kunot-noo kong tanong sa kanya.
"Na amnesia ka ba? Ngayon ko ibabalik si Mauvy." Kaagad niyang itinapon sa aking ang susi ng apartment ko na kaagad ko namang sinalo.
Ngayon ko lang napansin na umaga na pala. Nang maalala ko ang nangyari kagabi ay awtomatiko akong napatingin sa aking sarili, tila nabunutan naman ako ng pagkalaki-laking tinik nang mapagtanto kong suot-suot ko parin ang damit ko mula pa kahapon.
Pero nang mapansin kong nakabukas ang ilang butones sa aking blouse ay kaagad akong namula atsaka napabalikwas sa aking kama.
Dali-dali kong hinanap ang lalaki sa loob ng aking kwarto, banyo, at pati na rin sa loob ng aking cabinet.
"Tia, ayos ka lang? Napano ka?" Sinusundan ako ng tingin ni Gianna.
Napasuklay ako sa aking buhok nang hindi ko na makita ang lalake. Panaginip lang ba 'yon? Pero parang imposible eh...
"W-Wala..." Tugon ko sa kanya bago inayos ang aking sarili.
"Mama! Tignan niyo po, may binili si Kuya Dexter sa akin!" Awtomatiko akong napatigin sa aking anak nang salubongin niya ako sa sala habang hawak-hawak ang laruan niyang robot.
Dexter ang pangalan ng nobyo ni Gianna.
"A-Ang ganda naman niyan anak, nagthank you ka ba sa Kuya Dexter mo?" Sunod-sunod itong tumango sa akin habang nakatingi.
Sinuklian ko kaagad ng isang ngiti at halik sa noo ang aking anak bago ako pumasok sa banyo para maghilamos.
"Tia! May niluto pala ako rito kanina, ang tagal mo kasing nagising. At mukhang pagod ka rin kaya hindi ka na namin ginising ni Mauvy." Rinig kong wika ni Gianna sa labas ng aking banyo.
"Salamat, Gianna!" Sagot ko sa kanya bago inabot ang isang tuwalya.
Habang pinupunasan ko ang aking mukha ay pilit kong inaalala ang pangyayari kagabi. Mula nong nakita ko ang lasenggerong lalake na ubod ng gwapo hanggang sa isang pangyayaring naganap sa loob ng aking silid.
Awtomatiko akong napapikit ng madiin habang nakahawak sa tuwalya.
"Hindi... Hindi... Siguro panaganip lang 'yon. Oo tama, baka dala na rin 'yon sa pagod ko kaya kung ano-ano na lang ang naiisip ko." Pagkukumbinsi ko sa aking sarili bago ako tuluyang lumabas ng banyo.
Lalapitan ko na sana ang anak ko para yakapin ito ng sobrang higpit dahil 'yan ang palagi kong ginagawa tuwing umaga kapag andito siya. Ngunit napahinto ako nang marinig ko ang pagtunog ng aking telepono.
Kaagad akong pumasok sa loob ng aking silid atsaka sinagot ang tawag. Unregistered number ito kaya hindi ko alam kung sino ang tumatawag sa akin.
"Hello?"
[Good day, is this Ms. Mattea Velia Aguillar?] Bigla akong napaderetso ng tayo nang banggitin niya ang buo kong kailangan.
"Ako nga po, sino po sila?"
[I am Mr. Guinido, the head of the managerial team of Straight Movers Logistics and I call to inform you that you got the job, Ms. Aguillar. Makakapagsimula ka ba ngayon?]
Napasinghap ako matapos kong marinig ang sinabi niya. Kaagad kong inilayo ang telepono sa aking tainga atsaka tumalon-talon dahil sa tuwa. Sumigaw ako na walang boses bago ko muling itinapat ang cellphone sa aking tainga.
[Are you still there, Ms. Aguillar?]
"O-Opo! Pasensya na ho kayo, naexcite lang." Abot langit ata ang saya ko ngayon!
[I see, can you start right away today?]
"Opo! Papunta na po ako diyan, agad-agad!"
Hindi nagtagal ay naputol na rin ang linya. Sa sobrang tuwa ko ay hindi ko maiwasang mapasigaw dahil sa saya.
"Tia?! A-Anong nangyari?!"
"Mama!"
Halos sabay silang pumasok sa loob ng silid na gulat na gulat. Kaagad akong tumakbo papalapit sa anak ko atsaka ito kinarga at tinadtad ng halik sa pisngi.
"H-Hoy, Tia, ayos ka lang ba talaga ngayon? Bakit parang ibang-iba ka ngayong umaga?"
"Gianna! May trabaho na ako!" Masaya kong wika sa kanya habang nanatili paring nakangiti.
"Talaga?! Hoy congrats!" Tumalon-talon kaming dalawa habang yakap-yakap namin ang anak ko.
"Kailan ka raw magsisimula?"
"Ngayon na."
"Ngayon na?!"
"Oo, ngayon na."
"Eh, pano si Mauvy?" Bigla akong natigilan atsaka kami sabay na napalingon sa anak kong karga-karga ko parin hanggang ngayon.
"Mama! Gusto kong pumunta kina Aling Susan!" Nagkatinginan kaming dalawa ni Gianna nang sabihin niya 'yon bago kami sabay na napakibit-balikat.
"BYE MAMA! Galingan mo sa trabaho!" nakangiting saad ni Mauvy habang kumakaway sa ere at may hawak-hawak ng tinapay at ang isang kamay naman nito ay nakahawak sa kamay ni Aling Susan.
"Ayos lang na hindi ka muna umuwi ngayong gabi, Tia--"
"Uuwi ho ako! Salamat po Aling Susan! Mauvy, magpakabait ka ha!" Kumaway na rin ako sa anak ko bago tuluyang pumara ng traysikel.
Kung wala si Gianna, kay Aling Susan ko muna binibilin si Mauvy. Ayos lang naman sa akin ito dahil may apo naman si Aling Susan na kasing-edad lang din ng anak ko kaya may nakakalaro rin ito kahit papano.
Tsaka isa pa, gustong-gusto ni Aling Susan si Maverick at natutuwa rin siya rito dahil madaldal ang anak ko. Hindi nauubusan ng paksa.
DALI-DALI akong pumasok sa loob ng logistics company na pagtatrabahoan ko ngayon. Kabado ako nang makapasok na ako dahil sa aksidenteng naganap kanina kaya bigla nalang bumigat ang daloy ng trapiko.
"Elevator, 5th floor, pinakadulong opisina sa kanan," pagkakabisa ko sa sinabi ni Sir Guinido sa akin kanina kung saan ako dapat na pumunta.
Nakakapagtaka naman, nasa harap na ako ng isang elevator dito pero bakit hindi man lang ito bumababa sa ground floor? Sobrang dami bang gumagamit nito?
Napatingin ako sa isang elevator sa dulo nang bumukas iyon, may nakita akong isang matangkad na lalakeng nakatalikod sa direksyon atsaka ito pumasok sa loob.
Maliit ang elevator na nasa dulong bahagi ng hallway na parang dinisenyo talaga para lang sa isa hanggang tatlong tao.
Pero dahil nagmamadali ako ngayon ay kaagad akong tumakbo papunta sa dikresyon niya.
"T-Teka lang! Teka lang!" Sigaw ko atsaka pinigilan ang elevator na sumara.
"Phew! Buti at nakaabot kaagad." Bulong ko sa sarili bago ko inayos ang suot kong palda at blouse.
Nang sumara ang elevator ay ngayon ko lang napansin ang disenyo nito sa loob.
Taray ha? Parang hindi pangkaraniwang elevator ang nasakyan ko. May maliit itong chandelier sa ceiling at ang mga floor number buttons ay tila gawa sa ginto.
Napakasosyal naman ng elevator na 'to.
Napatitig ako sa isang button na may letrang 'P' dahil ito lang ang nakailaw.
Ano kaya ang ibig sabihin ng 'P'?
"What floor?" Napaderetso ako ng tayo nang marinig ko ang isang malalim at malamig na boses sa aking likuran.
Awtomatiko akong napalingon sa kanya at hindi maiwasang manlaki ang aking mga mata.
I-Ito ang... Ang lalakeng 'to...
"HOY!" Sigaw ko habang nakaturo sa kanyang mukha.
Nakita ko kung paano napakurap ang lalake sa biglaan kong pagsigaw dahilan upang kumunot ang kanyang noo.
"D-Diba ikaw yung lasenggero?! Hoy! Buti at umalis ka kaagad kaninang umaga!" Tinulak ko ang kanyang braso dahilan upang mapaatras ng bahagya ang kanyang pang-itaas na katawan.
"Nagtatrabaho ka rin ba rito?" Tanong ko habang nakasandal na ngayon sa pader atsaka pinagmamasdan ulit ang elevator.
"Alam mo? First day ko ngayon, kaya hindi ko maiwasang kabahan. Ganito ako kapag kinakabahan eh, nagiging madaldal ako. Hindi ka naman siguro naiingayan sa akin noh?" Hindi ito kumibo at nanatili lang itong nakatitig sa maliit na display screen.
Nasa 8th floor na kami.
"Ay hala! Nakalimutan kong pindutin!" Dali-dali kong pinindot ang ikalimang floor. Lumampas tuloy kami pero ayos lang.
"So ayun na nga, diba nalasing ka kagabi? Wala naman sigurong nangyari sa atin hindi ba? Kasi nakadamit pa ako eh." Nakita kong biglang lumipat ang mga mata niya sa akin.
Tanging mata lang talaga nito ang pinapagalaw niya. Nakatayo lang ito, tahimik, nakapamulsa, at pinapalandakan ang gwapong mukha.
Hala s'ya, bakit sobrang iba ata ng persona nito ngayon? Ah! Oo nga pala, may mga tao talagang sobrang professional pagdating sa trabaho, iba siguro ang pag-uugali niya kapag nasa trabaho ito kung ikukumpara sa personal na buhay.
"Naku! Wag kang mahiya. Atin-atin lang naman 'to, tsaka wag kang mag-alala, wala akong sinabihang iba. Naiintindihan kita kasi sobrang lasing na lasing mo kagabi pero hindi ibig sabihin non na pwede mong gawin ulit 'yon sa di mo naman kakilala," sabi ko sabay ngiti sa kanya atsaka ko pabirong sinuntok ang kanyang braso.
Ay, ang tigas ha? Nagi-gym ata to.
"Why would I feel embarrassed to a thing I am really good at?" Sabi niya na walang kaemo-emosyon ang mukha.
Hala s'ya? Ang arogante rin pala nito kahit hindi na lasing. Napakibit-balikat na lang ako atsaka ito pinagsawalang-bahala.
"Ah! Hindi ko pa pala sinabi ang pangalan ko, tama? Mattea nga pala," wika ko atsaka ko inilahad ang aking kamay sa kanya. "Mattea Velia Aguillar," dagdag ko pa.
Ito na rin siguro ang tamang pagkakataon na may makikilala ako rito sa kompanya.
"I know." Tipid nitong sagot dahilan upang mapakurap ako, ni hindi man lang tinanggap ang kamay ko.
"A-Alam mo ang pangalan ko?" Kunot-noo kong tanong sa kanya bago dahan-dahan na binawi ang aking kamay.
"Yeah, I saw a copy of your resume in your apartment earlier and the card of this company," sagot niya.
May itatanong pa sana ako nang bigla na lang bumukas ang elevator. Kaagad akong tumabi nang deretso na itong maglakad atsaka ako nilagpasan.
Nanatili lang akong nakasunod ng tingin sa kanya hanggang sa pumasok siya sa loob ng isang malaking pinto na hindi man lang ako nilingon ulit.
"Tss, gwapo sana ang sungit-sungit nga lang." Bulong ko sa sarili bago tuluyang sumara ang elevator.
Matapos ang ilang segundo ay narating ko na ang fifth floor, pagkabukas mismo ng elevator ay kaagad akong lumabas atsaka lumiko sa kanan.
Ngunit napahinto rin ako nang mapansin ko ang ilang mga pares ng mga matang nakatingin sa akin. Kung makatingin ang mga trabahador dito ay tila nakakita sila ng isang multo.
May dumi kaya sa mukha ko?
"Bago ba 'yan?"
"Parang ganon na nga."
"Alam ba niya kung ano ang ginawa niya?"
"Halata namang wala, papasok ba 'yan sa elevator kapag alam niya?"
"Oo nga, tama."
A-Ano ba ang pinagsasabi nila? Napatingin ulit ako sa direksyon kung saan ako lumabas, nang makita ko ang elevator na nakasara na ay kumunot kaagad ang aking noo.
Ano bang meron sa elevator na 'yan?
Biglang may kumalabit sa aking braso dahilan upang mapatingin ako roon. Nakita ko ang isang babaeng may suot na makapal na salamin bago ako hinila sa gilid.
"Ginamit mo ba ang elevator na 'yon?" Bulong niya bago inayos ang makapal niyang salamin.
"O-Oo, bakit?" Bumilog ang kanyang mga mata sa aking naging tugon.
"A-Anong bakit?! Hindi mo ba alam? Ang presidente lang ng kompanya ang pwedeng gumamit niyan."
Unti-unting bumilog ang aking mga mata sa kanyang sinabi at hindi maiwasang mapatakip sa aking bibig.
"Boss natin ang lasenggerong 'yon?!" Gulat kong saad sa kanya dahilan upang magsalubong kaagad ang kilay niya.
"Lasenggero?" Napakurap ako bago ko dali-daling itinikom ang aking bibig.
"W-Wala! Pasensya ka na, k-kailangan ko ng umalis." Kaagad ko siyang nilagpasan atsaka dali-daling tumakbo sa pinadulo ng pasilyo rito.
Sobrang lakas ng kabog ng aking dibdib, hindi dahil sa nerbiyos kundi dahil sa kahihiyan.
Nakakahiya! Sobrang daldal ko pa naman kanina sa loob!
Kaya ba pinindut niya ang nag-iisang letrang 'P' sa elevator button kanina dahil ito mismo ang palapag kung nasan ang opisina niya?
Napahilamos ako sa aking mukha bago napapikit ng madiin.
Ang galing mo, Mattea, sobrang galing mo talaga!
"Miss Aguillar!" Napaderetso ako ng tayo nang may isanga pamilyar na boses akong narinig.
"S-Sir Guinido?" Saad ko habang nakatingin sa isang lalakeng naglalakad papalapit sa direksyon ko.
"Miss Aguillar, buti at nakarating ka na. Bago kita dalhin sa estasyon mo, pwede mo bang pagtimplahan ng kape si Mr. Gutierrez? He needs his coffee right now and I have no other free employees to do that the moment."
"P-Po? Sino po si Mr. Gutierrez at saan ko po dadalhin ang kape?" tanong ko sa kanya, nakahanda na para sa unang gagawin ko ngayong araw.
"Pasensya ka na, hindi ko pa ba nasabi sa'yo? Mr. Gutierrez is the president of this company and he's in his office right now. President's Floor."
Tuluyan na akong naestatwa sa aking kinatatayuan. Kung hindi pa ako bahagyang tinulak ni Sir Guinido ay baka hindi pa ako makakilos.
"Make it quick, Miss Aguillar, Mr. Gutierrez is an irritable man. Maikli lang ang pasensya nito at hindi mo gugustohing magalit ito sa'yo kaya dalian mo na."
Mahabaging Ama, nawa'y gabayan niyo po ako para sa araw na 'to...