PROLOGUE
First year highschool ako noong una ko siyang makita. Wala namang espesyal sa kanya maliban sa guwapo niyang mukha, towering height, galing sa basketball at sa billiards. Ngunit hanggang tanaw ko lang siya. Paano ba naman kasi sa itim kong ‘to alam ko hindi niya rin naman ako magugustuhan?
Paano nga ba niya malalaman kung hindi man lang niya alam na nag-eexist ako sa mundong ‘to? Hanggang second year ako, siya pa rin ang gusto ko.
***
One time, habang nanonood ako ng training nila sa COCC (basic army training para sa mga gustong maging Citizenship Army Training Officers), sinundot ako sa tagiliran ng kaklase kong si Mark.
"Oi Elaijen! Alam ko kung sino ang crush mo!” sambit nito sabay tawa. Napatingin naman ako sa kanya nang may nagtatanong na mga mata.
“Si Andrei ng III-B!" tudyo niya. Bumilis pa ang t***k ng puso ko. Natumbok kasi niya agad.
"Hmp! Paano mo naman nasabi ‘yan?" patay-malisya kong tanong.
"Eh pa’no lagi kang nakatitig pag nagte-training sila," natatawa nitong tugon.
"Hmp! Hindi ah!" tanggi ko. Hindi ko alam kung naniwala siya basta nanahimik na lang siyang bigla sa tabi ko at nakipanood na rin.
Harap lang kasi ng classroom namin ang school quadrangle kaya kitang-kita namin habang nakalinya sila at nagmamartsa hawak ang kani-kanilang rifle na gawa sa kahoy.
Si Mark Quinzon ang naging bestfriend ko na lalaki sa classroom. Siya ang nakakausap ko kapag napapagod kami ng pangtitrip ng mga barkada kong girls.
Buong second year life ko nabuhos lang sa pagtanaw at pagtitig kay Andrei mula sa malayo.
***
"Alam mo girl it’s about time na ipakilala mo ang sarili mo kay Andrei. Ga-graduate na siya this year and before you know it, wala na siya!” saad ni Charm, isa sa mga barkada ko habang nakatambay kami sa gilid na bahagi ng school canteen at tanaw si Andrei.
"Oo nga gurl!" sulsol naman ni Anne isa din sa barkada ko.
"Alam ko na girl idaan mo na lang sa love letter, " wika ni Anne sabay tawa nakipag-apir pa ito kay Kaye, isa din sa barkada namin. Napailing na lang ako bilang pagtanggi. Si Allene naman na pinakamaganda sa amin ay tumatawa lang.
"Ganito na lang girl kung ayaw mong magmukhang naghahabol, gumamit ka na lang ng codename para at least siya na ang bahalang maghanap sa ‘yo at para din malaman niya na someone is dying to be with him. Oh, ‘di ba bongga? English ‘yon ha," mahabang saad ni Kaye na pumapalakpak pa.
Ganito talaga ang mga barkada ko laging nangti-trip. Lima kaming magbabarkada. Si Anne na girly pumorma, si Allene na maganda maputi at sexy, si Charm na siga, si Kaye na medyo shy at petite, at ako nga si Elaijen.
Naubusan na yata sila ng mabubuska kaya kami ni Andrei ang napagti-tripan nila. May kami talaga eh ‘no? Haha!
Ganito talaga kami kapag vacant time nakatambay sa canteen hindi dahil masiba kaming kumain pero dahil nag-aabang na naman ang mga ‘to ng mapagtatawanan.
Paborito naming araw ng pagtambay kapag wednesday kasi naka-civilian dress ang mga estudyante at siyempre tumitingin na naman ng mga jologs pumorma. Ang sama lang. Hehe!
Si Mark siyempre kasama din niya ang iba naming classmates na lalaki. Kahit friends kami may sarili din siyang circle of friends na classmates din namin. Sila ang samahan ng mga pogi at mapormang Third year section A.
Yes section A kami kung nasaan ang top 45 ng batch namin. Hindi nga lang halata! Hehe! Since first year kaming magkaka-klase maliban kay Mark kasi transferee lang siya noong second year. Mataas kasi ang average niya kaya sa A siya napunta.
Nababawasan at nadadagdagan lang kami kapag may taga ibang section na makakasingit sa top 45 at the end of school year.