Kagaya ng kanilang pinag-usapan kanina. May waiter na pumasok at nagtanong kung may reservation ba ito. Sinabi niyang mayroon at kaagad na niyang binanggit ang kanyang pangalan. Ngumiti naman ang waiter.
“Sumunod po kayo sa akin, Ma’am,” ani nito at nauna nang naglakad.
Medyo kinakabahan si Vegee. Kahit matagal na siya sa ganitong trabaho ay hindi pa rin mawala sa kanyang sarili ang kabahan. Kapag may bago siyang kliyente ay pakiramdam niya bago siya sa ganitong trabago.
Binuksan ng waiter ang isang pinto. “Pumasok po kayo, Ma’am,” ani nito.
Tumango lang si Vegee. Pagkapasok niya ay kaagad niyang nakita ang isang babae. Maganda, maputi at sobrang yaman nitong tingnan. Mas lalong kinabahan si Vegee. Sa ayos ng postura nito ay pakiramdam niya’y mahirap ang ipapagawa nitong trabaho.
“You must be Vegee?” magiliw nitong tanong. Tumayo ito at nakipagbeso.
“Ako nga,” tipid niyang sagot. Mas lalo siyang kinabahan nang maamoy niya ang mamahalin nitong pabango.
“Umupo ka muna while waiting sa food. Hindi nga ako nagkamaling magpili siya. Ang ibang photo na sinend sa akin ni Dalia ay mukhang mga tipaklong ang mukha. You’re the only one na mukhang butterfly,” mahabang wika ng babae. “By the way, I’m Steffi Marasigan.”
“I’m Vegee Mariano, nice meeting you.”
“You look nervous,” ani nito at ngumiti.
“Ganito talaga ako kapag may bagong kliyente pero masasanay din naman ako Steffi lalo na kapag maganda yong bayad,” aniya.
“Oh, hindi ka lang pala maganda, sigurista ka din pala. I like the attitude. Kung magagawa mo ng maayos at successful ang trabaho mo ay bibigyan kita ng five hundred thousand,” ani ni Steffi.
“Bakit naman hindi, sa gandang kong to wala pa akong pumalya na trabaho. So ano ang gagawin ko,” aniya. Medyo nawala na rin ang kaba ni Vegee. Nagiging mukhang pera na siya.
“Since, ayaw mo namang hintayin na muna ang ating pagkain, well, sasabihin ko na sayo ang gagawin mo,” ani ng babae at may kinuha itong makapal na papel at may kulay ito. “Here, wedding invitation. Hindi ka makakapasok kung wala ka niyan kaya dalhin mo ‘yan during the wedding. Ayaw kong mapakasal sa groom ko. Nasasakal ako sa pagiging good boy niya at ayaw ko nang ganoon. Gusto ko iyong bad boy type na husband. So ito ang gagawin mo sa araw na ‘yan. Papasok ka, at pigilan mo ang kasal namin. Ipapalabas mo na mayroon kayong relasyon ni Gabriel, mag-acting ka at gumawa ka ng eksena. At doon ko na siya sasampalin at maghihiwalay na kami.”
“Iyon lang?” tanong niya. Madali lang para sa kanya ‘yon.
“Of course ‘yon lang kaya ayusin mo,” ani ng babae.
Binasa ni Vegee ang detalye ng kasal nito. Sa susunod na linggo pa ito gaganapin. Alas 3 ng hapon at ang pangalan ng groom niya ay Gabriel Quiros. Sa mukha nilang dalawa na nilagay sa invitation ay bagay naman tingnan ang mga ito. Gwapo ang lalaki at mabait itong tingnan. Ika nga ni Steffi, good boy raw ito.
Napabuntong hininga si Vegee. Another bugbog moment niya na naman siguro next week.
“So ano? Game?”
“Medyo dihado ako sa offer mong one hundred thousand at five hundred thousand if successful. Paano kong patayin ako don? Bugbugin? O kasuhan, wala akong kalaban-laban kung ganoon ang mangyayari sa akin.”
“Gosh, alam ko na kung saan patungo ang sasabihin mo... eight hundred thousand? Okay na ba?”
Medyo nag-isip si Vegee at pumayag na rin siya. “Ganito, one-hundred thousand lang ang ibigay mo kay Dalia. Ang eight hundred thousand, ipasok mo sa aking bangko,” aniya.
“Ohhh, no problem sa akin ‘yan. Ang importante lang ay hindi matuloy ang kasal namin,” ani nito.
“Curious lang ako, bakit hindi ka nalang makipaghiwalay sa kanya?”
“Hindi madali iyon, ayaw kong magmukhang kontrabida sa harap ng pamilya niya at pamilya ko. At sa araw ng kasal ko ibibigay ng mga magulang ko ang pamana nila. Gift raw, bago pa ang kasal pipirma na kami. So iyon lang talaga ang habol ko.”
“Kahit walang ginawang masama ang tao sa’yo?”
“Hey b*tch, hindi ako magi-guilty sa ganyang mga tanong, noh. Kumain na tayo, gutom na ako.”
Hindi na nagtanong pa si Vegee. Wala din naman silang pinagkaiba ni Steffi. Gagawin lang iyon ng babae dahil sa pera at yaman. At siya, para lang din sa pera ang kanyang dahilan.
Nang nandiyan na ang pagkain ay biglang tumayo ang babae. “Nakalimutan kong may family dinner pala kami ngayon. Kung hindi mo mauubos ang pagkain take out mo nalang. Anyway, paid na ‘yan,” ani nito. Akmang lalabas na ng private room si Steffi nang pigilan niya ito.
“Teka,” ani niya at sabay dukot sa maliit na papel. “Dito mo ipapasok ang eight-hundred thousand. Huwag kang mag-aalala. Successful kong gagawin ang misyon ko next week,” paninigurado niya sa babae.
“Okay,” ani nito at umalis na.
Naiwan si Vegee kaharap ang maraming pagkain. Sa dami niyon ay halos patikim-tikim na lamang ang kanyang ginawa. Hindi nagtagal ay nabusog na rin siya. Si Steffi lang yata ang costumer niyang sobrang yaman at determinado talaga itong makipaghiwalay. Naisipan niyang i-take out nalang ang pagkain. Lumabas siya at tumawag ng waiter. Kaagad naman siyang napansin nito at sinabi na gusto na lamang niyang i-take out ang ibang pagkain.
Naghintay lamang siya ng sampung minuto at kaagad na niyang nakuha ang mga pagkain. Bago paman siya makasakay ng taxi ay kaagad niyang natandaan ang gustong ipapabili ni Anna sa kanya. Hindi na siya sumakay ng taxi, naghanap na muna siya ng manga at maraming chili sa merkado. Nang makahanap ay kaagad na rin siyang umuwi dahil gabi na.
Pagdating ni Vegee ay naabutan niya ang kanyang mga kasamahan na sama-samang kumain. Ngumiti ang mga ito nang makita ang dala niyang mga pagkain.
“Hoy Vegee! Swerte ka talaga!” pasigaw na wika Gloria at kaagad nitong kinuha ang mga dala niya.
“Hindi ko naubos kaya dinala ko nalang,” aniya.
“In demand talaga ang ganda mo,” wika naman ni Rosa at tumulong itong ilabas ang mga pagkain sa supot.
“Mabuti nalang at hindi mo nakalimutan ang manga, Vegee. Thank you!” wika ni Anna.
“Kailan ka pa naging mahilig sa maganda at chili?” biglang tanong ni Dalia kay Anna.
“Noon pa, hindi na ako virgin pero hindi ako buntis, noh,” mataray na wika ni Anna kay Dalia.
“Siguraduhan mo dahil dito ka lang kumikita. At saka tigilan mo ‘yan kakasama sa boyfriend mong amoy kanto, hindi yata ‘yon naliligo araw-araw,” wika pa ni Dalia.
“Hay naku, kumain na nga kayo at magpapahinga na muna ako. Kailangan ko pang mag-isip kung ano ang gagawin ko sa bagong trabaho,” wika ni Vegee. Tatalikod na sana siya ngunit nagtanong pa si Dalia.
“Mahirap ba?” tanong nito.
“Hindi naman ngunit sobrang yaman ni Steffi, kailangan ko talagang galingan.”
“Sa bagay, siya palang ang nag-offer ng one hundred thousand na bayad,” pagsang-ayon ni Dalia.
“Bongga ka talaga, Vegee,” wika naman ni Rosa.
“Kaya lage tayong magpasalamat kay Vegee dahil sa kanya nabubuhay pa rin tayo,” ani naman ni Gloria.
“Sige na at pupunta na ako sa kwarto para makapagpalit ng damit,” aniya. Kung tutuusin ay siya talaga ang may maraming kliyente sa kanila. Mabuti na lamang at hindi madamot na tao si Dalia dahil ang kalahating pera na nakukuha nito ay binibili nito ng mga pagkain at iba pang maintenance. Ngunit iyong offer niya kay Steffi. Hindi pwedeng sabihin niya iyon, kailangan niya ng pera para sa kanyang pamilya.