Chapter 2

1924 Words
PABAGSAK na naupo si Kyden sa labas ng Coffee Shop. Itinapon niya sa gilid ang mga dalang bagahe bago sumandal at ipinikit ang kanyang mga mata. Hindi siya makapaniwala na talagang matutuloy ang pagpunta niya sa Albay. Ilang beses niyang kinausap ang ina hinggil sa pag-alis niya subalit buo na rin ang suporta nito sa kagustuhan ng kanyang ama. Malaki ang tiwala nito na makakatulong ang paglipat niya sa Southland Academy upang ilihis siya sa klase ng buhay na matagal na niyang nakasanayan. Pakikipag basag-ulo, pakikipag-inuman at pakikipag landian. Lahat ng ‘yon ay gustong burahin ng mga magulang sa buhay niya. Duda lang siya kung magtagumpay ba ang mga ito sa gustong mangyari gayong hindi iyon ang nais niya. “Puwedeng-puwede ko pa rin namang gawin ang lahat ng ‘yon kahit nasa Southland ako,” aniya bago iminulat ang kanyang mga mata. Bigla niyang naalala ang sobre na ibinigay ng kanyang ama bago niya lisanin ang mansiyon kanina. Muli niya itong dinukot mula sa bulsa ng kanyang pantalon at palihim na sinilip. “Ay, lintik!” Naitapon niya sa ibabaw ng mesa ang hawak na sobre nang makita ang laman nito. Nanggigigil na dinukot niya ang kanyang cell phone at agad na tinawagan ang mga kaibigan. “Nasaan na kayo?” “Bro, pasensiya na. Hindi ka namin mapupuntahan ngayon. Alam mo bang tinawagan kami ng Daddy mo? Patay raw kami ‘pag tinulungan ka namin.” Nahilot ni Kyden ang kanyang sintido nang marinig ang sinabi ni Beta. Mukhang kontrolado na ng kanyang ama ang lahat ng mangyayari. “Pahiram na lang ng pera, Bro. Ten thousand lang ang ibinigay ni Dad sa akin. Tapos kinuha pa niya lahat ng cards ko kasama na ang susi ng kotse ko. Walang-wala talaga ako ngayon, Bro.” “Bro, isa pa ‘yan. ‘Wag na ‘wag ka raw naming pahihiramin ng pera. Sorry talaga, Bro. Gustong-gusto kitang tulungan kaya lang takot na takot talaga ako sa Daddy mo.” Bahagyang natawa si Kyden sa sinabi ng kaibigan. Talagang nahihibang na ang kanyang ama. Sampong libo lamang ang ibinigay nito sa kanya na kailangan niyang pagkasyahin sa loob ng anim na buwan, tapos pinagbawalan pa nito ang mga kaibigan niya na pautangin siya. Saan siya kukuha ng perang ipanggagastos oras na maubos ang dala niyang pera? Maliban sa lumaki siyang nakukuha ang lahat ng gusto ay wala rin sa bokabularyo niya ang salitang ‘pagtitipid’. Paano siya mabubuhay gayong pinagkakaitan siya ng pera ng mga ito? Paano ang mga luho niya? Hindi lang kalbaryo para sa kanya ang pagpunta sa Southland, mukhang doon na rin siya mamamatay sa gutom. “Bro, sorry talaga.” “Okay lang, guwapo naman ako. Ibebenta ko na lang siguro ang katawan ko para magkapera,” pabiro niyang sabi bago pinatay ang tawag. Humigop siya ng kape at napatingin sa mga dumaraan. Hindi niya napigilan ang mapasipol nang mahagip ng kanyang paningin ang isang magandang babae na nakaangkas sa mamahalin nitong motor. Pinasadahan niya ito ng tingin mula ulo hanggang paa. Agad siyang napatayo nang mapagsino ang babae. “Georgette?” paninigurado niya. Napangiti siya nang masilip ang kabuuan ng mukha nito. Hindi nga siya nagkakamali, si Georgette nga ang babaeng nakaangkas sa motor. Mukhang masuwerte pa rin siya kahit papaano. Ngayon ay may mahihiraman na siya ng pera. Nakilala niya si Georgette dahil madalas siyang isama noon ng kanyang ama sa Pransiya kung saan ito nakatira. Mas bata ng tatlong taon ang dalaga kaysa sa kanya at alam na alam niya kung gaano kayaman ang pamilya nito. Batid niya na malaki ang maitutulong nito sa pangangailangan niya ngayon. “Georgette!” Tinawag niya ito pero mukhang hindi siya nito narinig. Nilapitan niya ang babae pero agad ding natigilan nang bigla itong humarurot palayo angkas ang isang lalaki. Nagmadali siyang habulin ito ngunit mabilis din itong nakalayo. “Anak ng! Hoy, Georgette! Pautang ako! Pist*ng bata! May kasama ka pang lalaki! Isusumbong kita sa Papa mo! Georgette!” Hindi na niya ito nahabol pa. Inis na inis na bumalik si Kyden sa Coffee Shop na pinanggagalingan niya. Natatawa siya sa mga nangyayari sa kanya. Mayro’n pa bang mas malala kaysa sa mga sinapit niya ngayon? “Hay, Georgette. Ikaw na lang ang pag-asa ko pero bakit hindi mo pa ako narinig?” asik niya bago muling humigop ng kape. Masakit pa rin ang ulo niya at kulang pa sa tulog matapos niyang makipag-inuman kagabi. Ngayon, mukhang mauubusan pa siya ng lakas na kumilos matapos siyang palayasin ng sarili niyang mga magulang. Wala siyang reklamo kung may pera lang sana siyang magagamit. Kaso kulang na kulang talaga ang ibinigay ng mga ito para tustusan ang mga pangangailangan niya. “Pera! Kailangan ko ng pera!” malakas niyang sigaw at inumpog ang kanyang ulo sa ibabaw ng mesa. Agad siyang natigilan nang maalala ang sobreng hawak niya kanina. Bumangon siya at agad na sinuyod ng kanyang paningin ang buong lugar. Wala na ang sobreng ipinatong niya kanina sa ibabaw ng mesa. “Nasaan na ‘yon? Nasaan na ang pera ko?” Umikot ang kanyang paningin hanggang sa matanaw niya ang grupo ng mga kalalakihan na naglalakad palayo. Malinaw ang kanyang mga mata kaya agad na nahuli ng kanyang paningin ang sobreng nakaipit sa bulsa ng isa sa mga ito. Hindi siya puwedeng magkamali, sobre niya ang bitbit ng mga ito. Malutong siyang napamura at agad na hinabol ang mga lalaki. “Hoy! Pera ko ‘yan!” malakas niyang sigaw dahilan para mapalingon ang mga ito. “Pera mo? Saan?” Nagtawanan ang mga ito kaya naikuyom ni Kyden ang kanyang mga kamay. ‘Yan na lang ang tanging perang mayro’n siya ngayon kaya hinding-hindi siya makakapayag na mawala pa ito sa kanya. Wala siyang pakialam kung may dumanak mang dugo ngayong araw, pero babawiin niya ang pag-aari niya. “Teka, sandali. Kilala ko ‘yan. Anak ‘yan ng gangster na si Kyser Brent Jimenez!” bulalas ng isang lalaki habang nakaturo sa kanyang mukha. “Tama, siya nga ‘yan. Malaking problema kapag pinakialam n’yo ‘yan. Bahala kayo, basta ayokong madamay!” Nagsipagtakbuhan palayo ang ilan sa mga lalaki. Lima sa mga ito ang nagpaiwan at nilapitan siya. “Gangster, huh. Sige nga, tingnan natin ang galing mo.” Ngumisi si Kyden at agad na ibinulsa ang parehong mga kamay. Tama, gangster nga ang kanyang ama at ito ang kinikilalang Master ng maraming gang sa kanilang Distrito. Kahit ayaw niyang sumunod sa yapak nito ay napilitan siyang magsanay sa pakikipaglaban dahil alam niyang marami itong mga kalaban. Kahit papaano ay kailangan pa rin niyang protektahan ang kanyang sarili. “Hindi dapat kayo nangunguha nang hindi sa inyo. Sige na, alis na.” Sabay silang natigilan nang makita ang biglang pagsulpot ng kanyang Tiyo Terrence. Hinablot nito ang nakaipit na sobre mula sa bulsa ng pantalon ng isa sa mga lalaki at agad na lumapit sa kanyang puwesto. Kitang-kita niya kung paano namutla ang mukha ng mga lalaki habang nakatingin sa kanyang Tiyo. Hindi na nagawa pang makagsalita ng mga ito at agad na nag-unahan sa pagtakbo palayo. “Ano pong ginagawa n’yo rito?” tanong niya nang maiabot ng Tiyo ang hawak na sobre sa kanya. “Kanina pa kita sinusundan. Gusto lang siguraduhin ng Daddy mo na makakarating ka sa Albay,” sagot nito. Naglakad ito pabalik sa Coffee Shop kung saan niya naiwan ang kanyang mga gamit kaya sinundan na rin niya ito. “Alam kong ayaw mong umalis dito pero sundin mo na lang ang inuutos ang Daddy mo. Para din naman sa kabutihan mo ang lahat ng ito. Halika na. Ihahatid na kita.” Naglakad ito palayo kaya dinampot na rin ni Kyden ang iba pa niyang mga bagahe at agad na sinundan ang Tiyo. Makakatipid din siya kapag hinatid siya nito. Naipikit ni Kyden ang kanyang mga mata habang nasa gitna ng biyahe. Kulang na kulang talaga ang kanyang tulog. Medyo mahaba rin ang biyahe nila kaya magpapahinga na muna siya. NAIMULAT ni Kyden ang kanyang mga mata nang maramdaman ang pagdampi ng malamig na hangin sa kanyang pisngi. Dumungaw siya sa bintana ng sasakyan at pinagmasdan ang paligid. Magubat na ang bahagi ng kalsada na tinatahak nila. Matataas ang mga berdeng puno na nakahelira sa gilid ng kalsada. Nawili siyang panoorin ang mga ito habang ninanamnam ang preskong hangin. “Ito na ba ‘yon?” tanong niya nang tumigil ang sasakyan sa gilid ng daan. Bumaba ang Tiyo kaya agad niya itong sinundan. Hindi napigilan ni Kyden ang mapasinghap nang matanaw ang magandang tanawin. They’re standing near a cliff kung saan kitang-kita niya ang ganda ng buong lugar. Ang malawak na taniman ng palay at makapal na talahiban sa ilalim ng bangin ang talagang kumuha sa kanyang pansin. Nagmadali siyang dukutin ang kanyang cell phone at kinunan ng litrato ang buong lugar. Sunod siyang nag-selfie at agad na nag-post sa kanyang social media account. Nagyaya ang kanyang Tiyo na kumain muna gayong alam nito na nagutom siya sa biyahe. Mahigit siyam na oras din ang nilakbay nila. May maliit na kainan sa gilid at hindi napigilan ni Kyden ang mapangiwi nang makita ang mga binebentang pagkain ng mga ito. Bago sa kanyang paningin ang klase ng mga pagkain na naroroon subalit nang matikman niya ang mga ito ay agad din niyang nagustuhan. Pagkatapos kumain ay muli silang nagpatuloy sa biyahe. Medyo may kalayuan pa ang nilakbay nila bago tuluyang nakarating sa Bayan. Agad na ininspeksyon ni Kyden ang buong lugar. Hindi naman nalalayo sa kabihasnan ang lugar na ito. Malaki ang tindahan, may malalaking mall at may mga hotel din siyang natatanaw. Hindi na masama. Mukhang malilibang din siya kahit papaano sa lugar na ito. “Nakikita mo ba ang kantong ‘yan? ‘Yan ang daan papuntang Southland Academy. Bukas ka na pumunta roon. Sa ngayon, maghanap ka na muna ng lugar na matutuluyan mo.” “Sa hotel po muna ako tutuloy,” aniya. “Baka nakakalimutan mong maliit na halaga lang ang ibinigay ng Daddy mo. Magtipid ka kung kinakailangan. I suggest, maghanap ka ng mga apartment na walking distance lang sa eskuwelahan mo.” “No way! Hinding-hindi ako titira sa mga gano’ng ka-cheap na lugar. Ano na lang ang sasabihin ng mga estudyanteng nag-aaral sa Southland Academy oras na malaman nila na ang anak ng may-ari ng school na pinapasukan nila ay nakatira sa isang maliit na apartment? Ayoko, Tito! Hinding-hindi ko gagawin ‘yon.” “Sige, mag-hotel ka. Ubusin mo ang perang ibinigay ng Daddy mo sa ‘yo. Ikaw ang bahala. I’m sure, may alam ka namang paraan para magkapera agad.” “Tito Terrence, baka naman po puwede n’yo akong pautangin d’yan. Kasi ‘yong perang binigay ni Dad—” “Hindi rin kita matutulungan sa bagay na ‘yan, Kyden. Pasensiya na.” “Pero Tito—” “Look for a place to stay. Dumidilim na rin at kailangan ko na umalis. If you’re in danger, you can call us. Pero kung tungkol lang sa pera, huwag mo ng subukan pa. Maraming paraan para mabuhay nang hindi umaasa sa mga magulang mo. Malaki ka na, Kyden. Simulan mo ng tumayo sa sarili mong mga paa,” turan nito bago ibinaba ang kanyang mga gamit. Nagpaalam din agad ito kaya wala ng nagawa pa si Kyden kundi ang panoorin itong mawala sa kanyang paningin. He let out a deep and long sigh. ‘Saan ba ako pupunta?’ bulong niya sa sarili bago hinila ang kanyang mga bagahe.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD