CHAPTER 2

3283 Words
  NAGMAMADALI siyang pumunta sa departure waiting area. Kanina pa siya paikot-ikot sa paghahanap pero hindi niya makita ang lalaki, kaya tinawagan na niya ito at ipinaalam na naroon siya. May limang minuto din siyang naghintay sa waiting area at mayamaya lang ay nakita na niya si Ivan kasama ng isang babae na sa palagay niya ay si Cassandra. Agad itong lumapit sa kanya at niyakap siya. Samantalang nakatingin lamang sa kanila ang kasama nitong babae. “Hon, this is Cassandra. Cassy, si Camille, girlfriend ko.” Makikipag-beso sana siya sa babae pero kumaway lang ito sa kanya. “Nice to meet you, Camille!” anitong tipid na ngumiti. “Nice to meet you too, Cassy,” tugon niya. “’Hindi ka na sana pumunta, ‘ayan tuloy napagod ka lang. Babalik naman ako agad, eh?” anang lalaki na inakbayan siya. “Pinuntahan na nga kita ganyan ka pa. Alam mo bang napaka-traffic kanina buti naabutan pa kita?” pagmamaktol niya habang yumakap sa katawan nito Ngumiti ang lalaki. “Mismo, at ayokong napapagod ka. In four days nandito na ulit ako.” “Four days? Antagal naman,” umalma siya. “Mabuti nga kung four days lang baka humirit pa sina Tita at Tito, ngayon lang kasi ulit kami magkikita-kita. Nakasimangot na siya ibig sabihin ay puwede pang magtagal doon ang lalaki. Hindi na nga siya nagreklamo dahil hindi pa nila nai-celebrate ang kanilang first year anniversary. Kung tutuusin dapat ay bumawi sa kanya ang lalaki pero heto at aalis na naman. Hindi na siya umimik. Pakiramdam niya ay mas mahalaga pa si Cassandra kaysa sa kanya. Masyado na talaga siyang nagtatampo.   “Hmm…I know what you’re thinking, Hon. Don’t worry pagbalik ko babawi ako, promise, okay?” bulong nito sa kanya sabay kinintalan siya nito ng halik sa noo. Tumikhim si Cassandra na tila hindi komportable na nakatunghay sa kanilang ka-sweet-an. “Baka ma-late na tayo, Ivan. Kailangan na nating pumasok sa loob,” ani Cassandra. Napatingin si Camille kay Cassandra, “Kayo lang ba ang magkasama o may iba pa kayong kasama sa loob?” “Kaming dalawa lang kasi nauna nang umuwi ang ibang relatives niya,” ani Ivan. Mayamaya pa ay tumingin ito sa relo at nagpaalam na sa kanya. “Sorry, pero kailangan na namin pumasok sa loob. Ingat ka sa pagda-drive pauwi,” sabay kinintalan muli siya ng halik sa pisngi. Bumitiw na rin siya sa kamay nito. “Sige, ingat kayo. Tawagan mo na lang ako kapag nandoon na kayo, ha?” Ngumiti at tumango ang lalaki. “Sure, Hon. Sige pasok na kami.” Kumaway na ito sa kanya. Hindi pa rin siya umaalis sa kinatatayuan hangga’t hindi tuluyang nakakapasok ang mga ito sa loob. May kung anong kirot ang kanyang naramdaman sa kanyang puso habang pinagmamasdan niya ang dalawa na magkasama. Nagseselos na naman ba siya? Hindi niya dapat maramdaman iyon dahil tiwala siyang mahal na mahal siya ni Ivan. Iwinaglit niya sa kanyang isipan ang hindi magandang saloobin na iyon.     KATATAPOS lang ng pag-uusap nila ni Ivan sa cellphone. Sinabi nitong maayos naman ang naging biyahe at naroon na nga raw ang mga ito tumuloy sa isang hotel kung saan idadaos ang kasal. Kahit panay ang sorry nito sa kanya, hindi pa rin mawala ang tampo niya sa lalaki. Kanina lang ay tinanong siya ng kanyang mommy nang makausap niya sa telepono kung sino ang kanyang boyfriend, siyempre pulos magagandang katangian ang sinabi niya patungkol kay Ivan. Sa katunayan, gusto raw makilala ng mga ito ang lalaki kapag nakabalik na sa Pilipinas. Kasalukuyang nasa Singapore kasi ang kanyang mommy at daddy. Isang buwan mananatili ang mga ito roon sa kanyang Ate Candice. Ang ate niya ay may asawa na rin at kapwa permanent residents na ng Singapore. Hindi na niya pinigilan ang mga magulang na magbakasyon muna dahil gusto rin niyang maranasan ng mga ito ang mag-relax. Kapag nasa Pilipinas lang kasi ang mga ito ay puro negosyo lang ang inaatupag. Isa pa, kayang-kaya naman niyang hawakan ang maliit na coffee shop kahit wala ang mga ito.     MAAGANG pumasok si Camille sa coffee shop. Agad na sinalubong siya ng kanyang empleyadang si Grace, ngiting-ngiti ito. Masayang ibinalita nito na kasalakuyang kumakain si Izaiah na tinawag pa nitong “Crush”. Napapailing lang si Camille kay Grace dahil halatang kilig na kilig ito kay Izaiah. “Ganun ba, good for you, Grace. Siguradong kahit hindi ka na mananghalian ay busog na busog na mata mo katitingin sa lalaking ‘yan,” nakangiting turan niya. “Ma’am, sure ka po, hindi ka attracted sa kanya?” pabulong na sabi ni Grace sa kanya. Ganito talaga sila ka-close ni Grace hindi siya ang tipo ng amo na hindi nakikipagkaibigan sa mga empleyado. Pero sa lahat ng kanyang empleyado ay si Grace ang pinakamalapit sa kanya. Madalas din kasi itong mag-open ng problema sa kanya lalo na pagdating sa pamilya at sa lovelife.  “At bakit naman ako maa-attract sa lalaking ‘yon? Aber? Isa pa may boyfriend akong tao hindi ko ugali ang lumandi pa sa iba,” turan niya “Wala namang masama, Ma’am, kung sakaling humanga ka sa iba kahit may boyfriend ka, hindi naman ibig sabihin nun, eh, nagtaksil ka na agad.” “Ah, basta. Sige bumalik kana sa trabaho mo at pagsilbihan mo si Crush, tanungin mo baka may order pa siyang iba.” Napailing siya nang makaalis si Grace.     Nang lumabas siya para mag-observe sa kaha ay natanaw niya sina Izaiah. Seryoso itong nakikipag-usap sa kasama nito. Pihadong tungkol sa negosyo o trabaho ang pinag-uusapan ng mga ito. Nakita pa niyang may mga dala itong dokumento na pinapakita sa kausap. Pinagmasdan niya ang lalaki. Tama nga si Grace, guwapo naman talaga ito. May kahabaan na ang wavy hair nito na bumagay naman sa hugis ng panga nito. Medyo may kaputian ang makinis nitong balat, parang young version ito ng artistang si Ian Veneracion. Maganda ang mga mata nitong may mahahabang pilik mata at makakapal na kilay. Dahil balbon ito bakas pa rin ang balbas at bigote kahit naka-ahit ito. Mapupula ang mga labi nitong tila may kakaibang karisma kapag ngumiti. Naipilig niya ang kanyang ulo. Hindi naman sa pinagnanasahan niya ito, curious lang siya.     Magda-dalawang oras na yatang nakikipag-usap si Izaiah sa isang engineer ng project na kasalukuyan niyang hinahawakan, sa wakas ay nagkasundo rin sila. Napasulyap siya sa kaha kung saan naroon si Camille alanganing ngumiti sa kanya ang babae. Kumaway siya at nginitian ito, hindi niya mayayang magkape ang dalaga dahil abala siya sa pakikipag-usap kay Froilan. Pumayag kasi itong magkasama silang kakain next time, nagmamadali ito noong huli nilang kita. Gusto lang niya maging kaibigan itong babaeng sumampal sa kanya. Lihim siyang napangiti sa naalala. “Izaiah?” ani Froilan na pumitik sa tapat ng kanyang mukha na animo’y pinababalik siya sa kanyang ulirat. “Yes, Froilan?” muli niyang itinuon ang mata sa kausap. “Pre, lumilipad na naman ba isip mo, o nahuhumaling kana d’yan sa babaeng tinatanaw mo? Mag-asawa ka na kasi,” kantyaw nito, “Teka, bakit nga pala hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nag-aasawa? It’s been three years na wala na si Amber. Maybe it’s time for you to be happy.” Natigilan siya at biglang napainom ng tubig. Nagiging sensitive kasi siya kapag ang yumaong asawa na ang pinag-uusapan. Biglang nalungkot ang kanyang mga mata. Kabisado na siya ni Froilan dahil sa matagal na niya itong kasama sa industriya at naging kaibigan na rin niya. Isa ito sa mga naging saksi ng kanyang mga kabiguan at tagumpay. “Sino ba ang ayaw sumaya?” Napayuko siya habang nakatitig lang sa hawak na baso “Yun naman pala, eh. Bakit hindi ka maghanap ng mapapangasawa? I mean sayang naman ng lahi mo kung tatanda kang ganyan, Pre.” Napangiti na rin siya dahil madalas din niya itong marinig kahit sa kanyang mommy at daddy at sa iba pa niyang mga kaibigan. Masyado lang talaga siguro siyang nasaktan sa biglaang pagkawala ng asawa’t anak. Habang buhay ay dadalhin niya ang alaala ng mga ito. Wala na yata siyang makikitang babaeng kagaya ni Amber. Bukod sa maganda, mabait, sobrang mapagmahal at maalaga na asawa, bagay na hinahanap-hanap niya. Masasabi niyang perfect ang kanilang pagsasama. Pero wala pang isang taon mula nang ikasal sila ay kinuha na agad ito sa kanya. Hindi man lang niya naranasan masilayan at makarga ang kanyang anak na kasamang nasawi sa sinapupunan nito. “I’m sorry, Pre. So, okay na ba itong shopdrawing natin? Ito na ang isu-submit ko sa owner?” pag-iiba ng usapan ni Froilan nang makita nitong biglang natahimik si Izaiah. “Yah, and that’s all for today’s meeting. See you next time, Pre.” anito sa kausap.   Tinapik siya nito sa balikat at kinamayan.   Bago sila lumabas ng coffee shop ay binalikan ng kanyang tingin ang babaeng nasa kaha. Nginitian niya ito. Tumango naman ito sa kanya. Nakita pa niya ang isang babae na female crew na kumaway din sa kanya. Siniko siya ni Froilan, “Pre, mukhang andami mong fans? Baka puwede mo silang isama sa mga pagpipilian mo?” “Ikaw talaga puro ka kalokohan,” tugon niyang napangiti na rin. “Pre, yung babaeng nakatayo malapit sa kaha maganda siya. Seriously, parang may resemblance sila ni Amber. Opps, sorry!” anang si Froilan. Nagulat din siya sa sinabi ni Froilan akala kasi niya siya lang ang nakapansin noong unang kita pa lang niya kay Camille. Akala niya ay dala lang iyon ng kanyang pangungulila kay Amber. “Hindi naman nakapagtataka ‘yon, marami naman talagang magkakamukha. Sa totoo lang parang nagiging magkamukha na nga tayo sa dalas ng pagkikita natin. I’m afraid na magkapalit na tayo ng mukha, Pre,” pagbibiro niya. Tumawa si Froilan, “Aba! Hindi ako magpo-protesta d’yan sa palit mukha, Pre, kaso baka magkaproblema si Misis sa’kin, marami siyang magiging karibal,” sabay nagtawanan sila.     NALUNGKOT si Camille nang sabihin sa kanya ni Ivan na malilipat na ito ng project next month. Lalo siyang nanlumo sa nalaman tiyak ay mawawalan lalo ito ng panahon sa kanya. Ngunit nagpasalamat na rin siya dahil bumawi naman ito sa kanya nang bumalik ito galing ng Cebu. Namasyal sila ng tatlong araw sa Tagaytay. Celebration na rin iyon ng kanilang first year anniversary. Tatlong araw sila roon na silang dalawa lang. Pakiramdam niya ay kay Ivan na lang umiikot ang kanyang mundo mula nang may nangyari sa kanila sa Tagaytay. Wala siyang pagsisisi na ibinigay ang sarili sa lalaki dahil mahal na mahal naman niya ito.     “Make sure na madi-deliver n’yo ang cake on time.” “Yes, Ma’am, don’t worry malapit naman po dito ang venue, asahan n’yo pong madi-deliver namin ang cake ahead of time.” Huminga siya ng maluwag nang maibaba ang telepono malapit sa kaha. Tila napakasungit ng customer na iyon. Noong isang linggo pa na-order ang cake na three layers. Pasadya ang disenyo ng nasabing cake dahil iyon ang request ng customer. Napalingon siya sa lumapit na si Grace. “Ma’am, may nagpapabigay ng invitation sainyo, party po yata,” anang si Grace na inabot sa kanya ang isang peach envelope. Sino naman kaya ang magbibigay sa kanya ng invitation? Wala naman siyang alam na magdaraos ng karaawan o okasyon sa kanyang mga kaibigan at mga kalapit na kaanak. Agad binuksan niya ang envelope.   “You’re invited! It’s my birthday! Your friend, Cassandra “Ivan will be here tonight, see you!”   Itiniklop niya ang envelope. Bakit hindi sa kanya nabanggit ni Ivan kung totoo mang birthday ni Cassandra at pupunta ito? Hindi niya alam kung bakit parang kinabahan siya. Kinukutuban siyang may tinatago talaga sa kanya si Ivan. Agad niyang dinukot ang kanyang cellphone sa kanyang clutch bag at tinawagan ang lalaki. Panay lang ang ring nito. Sinubukan niyang tawagan ulit pero cannot be reach na. Tumahip ang kaba sa kanyang dibdib. Pakiramdam talaga niya ay baliktad ang sitwasyon. Siya itong kaibigan ng lalaki at parang si Cassandra ang girlfriend. May mali, hindi siya mapakali, pupuntahan talaga niya ito sa party. “Ma’am, ayos ka lang po?” tanong ni Grace na nakatitig lang sa namumutla niyang mukha. “Ha? O-okay lang ako, Grace. Ikaw na ang bahala rito, ha. May pupuntahan lang ako. Ikaw na rin ang bahalang mag-ayos ng mga orders,” balisang bilin niya. “Yes, Ma’am, ako na po ang bahala.”     Agad siyang umuwi ng bahay at naghanda ng damit na kanyang isusuot. Isang burgundy wine color dress, above the knee ang kanyang suot na mas lalong lumitaw ang kanyang kaputian at makinis na balat. May maliit din itong strap at malalim na neckline. Hindi naman sa nakikipag kompetensya siya kay Cassandra, kundi gusto lang niya maging maganda sa paningin ni Ivan kung totoo mang pupunta ito roon.   Papunta na siya sa nasabing venue nang biglang huminto ang makina ng sasakyan. “Ahhh! Ano ba naman! Ngayon ka pa talaga nasira?” Napapasigaw siya sa inis nang biglang tumirik ang kanyang kotse sa kalagitnaan ng kalsada. Kung sinu-sino na ang kanyang tinatawagan para tumulong sa kanya pero ni isa  ay hindi available. Kaya naisipan niyang tawagan si Grace alam niyang nasa coffee shop pa ito. “Please, papuntahin mo na kung sino ang puwedeng tumulong diyan. Bigla na lang namatay ang makina ko ‘di ko alam ang problema nitong lolo kong kotse,” pakiusap niya kay Grace. “Yes, Ma’am, ako na po ang bahala may kakilala po ako na pwedeng tumulong sa’yo. Hintayin n’yo na lang po. Saan po ba kayo banda?” Agad na binaba niya ang tawag nang maibigay na niya kay Grace ang detalye. Lumabas siya ng sasakyan, hindi mapakali at palakad-lakad sa gilid ng kalsada malapit sa tumirik niyang kotse. Maraming beses na niyang tinatawagan si Ivan pero hindi na niya ito makontak. Humanda ito sa kanya kapag nagkita sila mamaya sa party aawayin na talaga niya ito. Halos dalawampung minuto siyang naghintay nang may tumigil sa harap niya na isang sports car at may kasunod itong car hauler. Napatingin siya sa lalaking lumabas sa itim na sports car. “Izaiah, a-anong ginagawa mo dito?!”gulat na tanong niya pero tila nabuhayan siya ng loob. Ngumiti ang lalaki at tiningnan ang kanyang kotse. “You need help right? That’s why I’m here,” napataas pa ang dalawang kilay nito. “Ah, napadaan ka lang?” tanong niya. “Nope. Pinuntahan talaga kita kasi sinabi sa’kin ni Grace.” Napakagat labi siya. Ibig sabihin ay inabala ni Grace ang customer na si Izaiah. Malamang kasalukuyang kumakain siguro ito o may kausap nang abalahin ni Grace. Bigla tuloy siyang nahiya pero napanatag na siya at may tutulong na sa kanya. “Si Grace talaga…” usal niya. “Anong  nangyari sa kotse mo?” “Ewan ko ba basta na lang tumirik ayaw nang umandar. Naku! Pasensya kana talaga pero salamat at dumating ka.” Pinagsaklop pa niya ang dalawang palad niya sa sobrang pasalamat sa lalaki. “You’re welcome. Don’t worry sila na ang bahalang magdala ng kotse mo para maayos, they’re my employees. Itinuro nito ang driver ng car carrier at dalawang iba pa. “Thank you,” ang tanging nasabi na lang niya. “Sige na sakay kana,” anitong pinagbuksan siya sa passenger seat. Tatanggi pa sana siya at gusto na lang niya mag-taxi pero nahiya na siya dahil tinulungan siya nito,  mag-iinarte pa ba siya? “Saan ba ang punta mo?” mayamaya na tanong ng lalaki nang maikabit na nito ang seatbelt. “Actually may party sana akong pupuntahan pero mukhang late na yata baka wala na akong abutan pa.” Pero gusto talaga niyang pumunta para kausapin si Ivan. “No problem, ihahatid na lang kita,” anang lalaki. “Sure ka? Hindi ka ba busy?” tanong niya. Hindi niya alam kung bakit sa tuwing ngingiti ang lalaki ay tila nakakalimutan niyang may importanteng lakad pala siya. “Hindi naman. Actually pauwi na rin ako and don’t worry about your car ako na ang bahala dun ibabalik ko na lang sayo kapag naayos na.” “Naku! Nakakahiya naman sayo,” turan niya. “Wala ‘yon. Hmm…Sabihin na lang natin it’s kind of friendship offering?” Tumango na lang siya mukha namang mabait si Izaiah.   Habang nasa biyahe sila ay hindi niya maiwasan ang sulyapan ito. Marami na rin silang napag-usapan at tila unti-unti na niya itong nakikilala. Nasa iisang building lang pala sila ng pinagtatrabahuan kaya pala madalas ito sa kanilang cafe. Kahit papaano ay panatag na ang loob niya. “Excuse me, kailangan ko lang sagutin,” anang lalaki na inilagay ang airpod. Habang patuloy ito sa pagmamaneho ay naririnig niya sa usapan ang tungkol sa trabaho ng lalaki. Napaka-professional nitong magsalita at mahahalatang isang smart at matalinong tao. Tila marami din itong alam pagdating sa negosyo. Nang matapos ito sa pakikipag-usap ay humingi naman ito ng paumanhin sa kanya dahil importante lang daw at kinailangan niyang sagutin ang tawag.     SA ground floor at party hall ng Metro Bayview Hotel ang nasabing party. Ipinakita niya sa staff ang kanyang invitation at agad naman siyang in-assist papasok sa hall. Sa bandang unahan siya pinaupo ng isang staff sa isang bakanteng mesa. Pagpasok pa lang niya ay si Ivan na ang hinahanap ng kanyang mata. Napatingin siya sa stage nang biglang mag-announce ang host ng toast para sa newly engaged couple. Napatingin siya kung sino ang tinutukoy ng host na nakaupo sa ‘di kalayuang mesa sa kinaroroonan niya. Nagtaka siya. Nagkamali ba siya ng napuntahan? Bakit naging engagement party? Pagkakaalam niya ay birthday party ito. Nagpalakpakan ang mga tao nang tumayo ang nasabing couple at humarap sa karamihan. Nakita niya si Cassandra na naka-abresiyete sa kanyang boyfriend na si Ivan. Kinusot niya ang kanyang mga mata baka nagkakamali lang siya nang tingin sa lalaki pero si Ivan talaga iyon. Parang sinaksak ang kanyang dibdib nang dumako ang tingin nito sa kinaroroonan niya. “Ivan…” sambit niya na tila siya lang ang nakarinig. Hindi n’ya napigilan nang lumandas ang kanyang mga luha. Maraming katanungan ang nagsusumiksik sa kanyang isipan pero malinaw ang mensahe nito sa kanya. Ipinagpalit na siya ni Ivan sa bestfriend nitong si Cassandra. Nagsinungaling sa kanya si Ivan. Niloko siya nito at pinagmukha siyang tanga. Ang sakit-sakit. Bakit kailangan pang ipamukha sa kanya ang lahat? Nagawa pa talaga ng mga ito na imbitahin siya. Tumakbo siya palabas at hindi niya alam kung saan siya pupunta basta ang gusto lang niya ay makaalis sa lugar na iyon. Malayo sa mga tao. Malayo kay Ivan. Hindi na rin niya ito bibigyan ng pagkakataong magpaliwanang sapat na ang kanyang nakita. Bumuhos ang kanyang mga luha habang tinatahak ang daan patungong kalsada. Dahil sa tila maulap ang kanyang mga mata sa luha ay hindi niya nakita ang lalaking nakasalubong niya, tuloy ay natipalok siya. Agad naman siya nitong nasalo at nahawakan sa siko kaya hindi siya bumagsak.  “Camille?!” gulat na sambit nito. Agad siyang napatingala sa lalaking hawak-hawak siya sa braso. “I-Izaiah?!”     NAGISING si Camille na mugto ang mga mata. Hindi na rin niya natanong kung bakit nandoon pa si Izaiah kagabi nang lumabas siya sa hotel na iyon. Matapos siya nitong tanungin kung saan siya ihahatid ay hindi na sila nagkaroon ng pag-uusap pa dahil panay pa rin ang iyak niya. Naubos na niya ang tissue sa loob ng kotse nito hanggang sa inabutan na lang siya nito ng panyo. ”Hindi ko pa masyadong nagamit ‘yan.” Ang naalala niyang sabi nito. Tinatanong siya nito kung anong nangyari. Kung bakit umiiyak siya? Pero hindi niya magawang magkwento sa lalaki hanggang sa maihatid siya nito sa bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD