Chapter 3

2042 Words
Kanina pa ko paikot-ikot sa loob ng kwarto ko. Hindi ko kasi makita ang paborito kong pulang relo. Natatawa ako sa sarili ko. Lahat nga pala ng relo ko kulay pula at iba-iba nga lang ng design. Tinaob ko na ang cabinet, drawers pati ang ilalim ng kama ko pero hindi ko pa rin makita ang relo ko. Halos na halungkat ko na lahat ng pwedeng paglagyan sa kwarto pero hindi ko pa rin makita ang relo ko. Tiningnan ko na rin sa red box ng relo pero bigo pa rin akong makita iyon. Hindi bali na nga lang. Makikita ko rin iyon pag-uwi ko ng bahay. Paalis na sana ako ng bahay nang tawagin ako ni Mom. "Bakit basta ka na lang nag-iiwan ng gamit sa banyo?" Nagtaka ako dahil hindi ko naman dinala sa banyo ang phone ko. Alam mo niyo na... para manood. Isa iyon sa dahilan kung bakit ang tagal tagal ko sa banyo. Minsan na akong nahuli ni kuya pero pinabayaan lang niya ako. Normal lang daw iyon sa binatang tulad ko. May dinukot si Mom sa bulsa niya saka ipinakita sa 'kin. Nanlaki ang mga mata ko. Akala ko ay naiwala ko na ang paborito kong relo. Regalo kasi sa 'kin 'yun ni Dad nang grumaduate ako ng high school. "Sorry Mom nakalimutan ko." Lumapit siya sa 'kin, "Next time anak itabi mo 'to ng mabuti. Lagot ka sa Daddy mo kapag naiwala mo 'to." Ngumiti ako sa kanya at saka nagpaalam para pumasok. "Nak, hindi ba kayo magsasabay ni Cef?" Napatigil ako sa paglalakad. Usually, dumadaan si Cef sa bahay kapag maaga pa para magsabay kaming pumasok sa school since halos pareho lang ang schedule namin. Nagkibit-balikat na lang ako. "Hindi na muna ngayon." Nakita ko kung paano nagbago ang ekspresyon ng mukha niya. Tumango lang si Mom at sinabing mag-iingat ako sa pagpasok. Hindi na siya nagbigay ng anumang komento sa sinabi ko. --- Katatapos lang ng naunang subject kaya papunta na ko sa sunod na klase. Ang daming tao sa hallway. Ang daming tambay. "P're!" nilingon ko kung sinong umakbay sa 'kin. Si Aries pala. Ang naging tropa ko dahil sa paglalaro ng Dota. "May laban daw mamaya. Sama ka?" "Sige ba! Anong oras?" "Hindi halatang excited?" natawa siya. Tinanggal niya ang pagkakaakbay sa 'kin. "Mamaya ko ibibigay ang buong detalye pagkatapos ng klase." Umalis na si Aries at saka dumiretso sa klase niya. Hindi naman kami magkaklase dahil ahead siya ng year level sa 'kin. Nagkakilala kami ni Aries nang magkaroon ng online competition dito sa school para sa fund raising noong foundation day. Mula ng araw na 'yun, naging magtropa na kami. Habang naglalakad ako sa hallway ay nakasalubong ko si Ceferino. Tumingin ako diretso sa mata niya para sana mahuli ko ang tingin niya nang mag-iwas siya ng tingin. For a moment, nakaramdam ako ng lungkot. Hindi ako sanay na ganito kami. Hindi ko namalayan na nakatayo lang pala ako at nilagpasan niya. Nakatulala. Hindi pa ako babalik sa wisyo kung hindi ko naramdaman na nag-vibrate ang phone ko sa bulsa. Ceferino: Hihintayin kita mamaya, after class. Pagkabasa ng text message ay agad kong tinago ang phone ko sa bulsa. Nagtaka ako ng hindi ko siya nakitang pumasok ng classroom. Hanggang mag-lunch ay ni anino niya ay hindi ko nakita. Sumabay na lang ako kila Aries at sa tropa niya kumain ng panghalian. Nagpapaalala pa sila na may laban daw kami mamaya sa mga dayo. Malakas daw ang makakalaban namin at malaki ang pustahan. Putek! Lalo kong ginaganahang maglaro. Natapos na ang lunch break at hindi ko pa rin nakikita si Ceferino. Nagtanong pa ako sa classmates ko kung nakita nila si Ceferino at mabuti na lang ay um-oo sila. Napatunayan kong hindi aparisyon ang nakita ko. Mukhang hindi na talaga papasok si Mokong. Habang nagdi-discuss ang teacher namin ay pasimple kong inilabas ang phone ko sa bulsa. Ingat na ingat ako dahil minsan na kong nahuli ng teacher namin. Ang masaklap no'n, si Mommy pa ang kumuha ng phone ko sa school kaya naman puro sermon ang inabot ko nang makauwi ako ng bahay. Namalayan ko na lang ang sarili kong nagta-type ng message para replyan si Ceferino. Mahaba-haba na rin ang nasulat ko nang maisipan kong burahin ulit. Nakailang sulat-bura ako bago itago ulit ang phone ko. Gusto ko sana siyang i-text na hindi ako makakapunta dahil may lakad ako mamaya. Sayang din kasi, e. Malalakas daw ang makakalaban at hindi mga bano. Nagi-guilty ako kung hindi ko sisiputin si Ceferino. Sa totoo lang, curious din ako kung bakit gusto niyang magkita kami sa old fountain. Hindi ba pwedeng sa canteen, quadrangle, o sa bahay na lang namin? Anywhere, basta sa mataong lugar man lang sana. Ang creepy kasi ng lugar na 'yon. May nagsabing may batang babae raw na nagpapakita doon kapag gabi. Napadiretso ako ng upo nang mapansin ko ang tingin ng professor namin. Nakakunot ang kulubot nitong noo habang nakababa ang salamin sa bandang ilong. Tina-tap niya ang hawak na marker sa white board. Nakatingin din sa 'kin ang buong klase. Para ma-divert ang atensyon nila. Ngumiti ako ng pagkalaki-laki at saka nag-peace sign sa harap nila. Nakarinig naman ako ng tawanan at napansin ko ang pagrolyo ng mga mata ng professor namin. Tumalikod na lang siya at tinuloy ang pagsulat sa white board. Pahamak na Ceferino 'yan! Pati ba naman sa pananahimik ko nanggugulo siya. --- Tapos na ang klase ko. Sakto at nakatanggap ako ng text galing kay Aries. Nando'n na raw sila sa tapat ng gate at hinihintay ako. Pasimple akong lumapit sa pinto at saka tumakbo palabas ng building namin. Kahit madilim na ay maliwanag pa rin sa loob ng campus dahil sa lamp post at ilaw galing sa bawat building. Medyo siksikan na rin dahil sabay-sabay na naglalabasan ang mga estudyante. Papunta ang marami sa gate at ang iba naman ay patungong parking area. Habang naglalakad ako ay naramdaman kong nagba-vibrate ang phone ko. Huminto ako saglit kaya naman nababangga na ako ng mga dumadaan. Tumabi ako sa wala gaanong tao para sagutin ang tawag. I slid it to answer button. "Hello?" Ilang segundo na ang lumipas ay wala man lang akong nakuhang sagot. Tahimik rin sa kabilang linya. "Hello Cef? Nandyan ka ba—" "Pumunta kana dito," bakas ang pagmamadali sa boses niya. "Ngayon na." Call ended. Bwisit 'yan! Ako pa itong pinagmamadali niya o siya nga itong may kailangan. Mabangasan nga kapag nakita ko. Pagkatapos ng tawag ay tiningnan ko ang caller ID. Sigurado naman akong si Ceferino ang naka-usap ko base na rin sa boses niya pero bakit parang hindi siya. Kapag tumawag siya sa 'kin, isang malakas na hello ka agad ang naririnig ko. Kaiba sa narinig ko ngayon lang. May problema na naman ba ang unggoy na 'to? Napansin kong mas malalim ang boses niya at parang namimilit. Galit pa kaya siya sa 'kin? Kapal naman ng mukha ng kutong-lupa! Siya pa talaga ang may karapatang magalit ngayon kahit ako nga itong ninakawan ng halik. Nasampal ko ang sarili ko dahil kung anu-ano na namang pumapasok sa isip ko. Baliw! Baliw! Baliw! Pumunta ako sa lumang fountain na sinasabi niya kung saan ay madadaanan ang dating gate ng school. Maganda daw sanang tambayan iyon sabi ng mga higher year kaso nga lang ay napabayaan ang lugar. Ginawa pa nga raw na dating spot iyon ng mga malalanding estudyante. Sayang at nasira ang lugar. Medyo madilim sa parte na iyon ng school dahil pati ang mga lamp post ay napabayaan na. Kahit nagsisimula nang manayo ang balahibo ko at makaramdam ng hindi maganda ay pumunta pa rin ako. Hindi ko alam ang nagyayari pero biglang lumamig ang paligid. Tuminga ako at nakita ang napakaramint bituin. Sa palagay ko hindi naman uulan. Nasa tapat na ko ng fountain na walang tubig. Nadatnan ko ang tuyo at maruming lugar. Pinadyak ko ang paa sa lupa. Tuyong-tuyo na rin iyon. Nag-text ako kay Cef kung nasaan na siya. Mabuti na lang ay agad naman siyang nagreply. Ceferino: Tumalikod ka. Hindi ko siya sinunod dahil may naalala akong isang scene sa horror movie. Nakalimutan ko ang title—basta Japanese movie 'yon. Kung saan kapag lumingon ay makakakita ng babaeng nakaputi. Nakababa ang mahaba at itim na itim na buhok. Gagapang papunta sa taong nakakita sa multo. Me: Saan ka na kasi?! Nandito na nga ako. Me: Basta! Tumalikod ka. Hala! Galit na si Mokong. Ang kapal talaga ng apog ng isang 'to. Tumalikod ako. Nadatnan ko siya dalawang metro ang layo sa 'kin pero hindi ko masyadong makita ang bulto niya. Dahil madilim kaya kinuha ko ang phone ko at binuksan ang flashlight. Nakasuot siya ng jacket na kulay itim na may hood habang nakataklob iyon sa ulo niya. Tinernuhan niya iyon ng sweat pants na kulay gray at rubber shoes. Pa'no siya nakapasok ng school na ganyan ang suot niya? Aliw sa porma. Lumapit siya sa akin at saka ngumiti. "Bakit hindi ka pumasok?" pagtataka ko. "Ayos ang porma mo, a." "Bakit na-miss mo ba 'ko?" tanong ni Cef habang nakangisi. "Pa-kiss nga ulit best friend." "Sapak gusto mo?" itinaas ko ang kamao ko. "Baka nakakalimutan mo may atraso ka pa sa 'kin, unggoy ka." Binatukan ko pa siya kaya naman gumanti rin siya ng batok sa 'kin. Ang unfair! Mahina lang ang pagbatok ko sa kanya tapos ang lakas ng sa kanya. "Salamat dahil nakarating ka." "Makikipagkita ka na lang dito pa sa madilim. 'Wag mo kong reypin, a." pagbibiro ko pa. "Loko," ngumiti siya na parang aso. "May ibibigay lang ako sa 'yo." Tinignan ko siya na parang: Magbibigay ka lang pala bakit naman dito sa madilim at tagong lugar? Look. "Nasaan na?" Nakasahod na ang kamay ko. Muli kong naramdaman na nag-vibrate ulit ang phone ko. I fished out my phone and I saw Aries' name on my screen. "Wait lang! Tumatawag si Aries." Nagulat ako nang haplutin niya ang phone ko. "Mamaya na 'to" itinago niya iyon sa bulsa ng hoodie niya. Lumapit siya sa 'kin at inakbayan ako. Naramdaman ko na lang ang labi niya sa pisngi ko. Humiwalay naman ako sa kanya at pinunasan ang pisngi ko. "Kadiri naman p're!" tinulak ko siya. Pinunasan ko ang pisngi ko dahil may naiwan pang laway doon. "Baka akalain nila gumagawa tayo ng milagro dito." Tumawa siya. "Sorry na. Hindi naman talaga 'yun 'yun. Ito na promise!" Hinawakan niya ang dalawa kong kamay at saka inilagay sa likod ko, parang 'yung ginawagawa niya kapag pinipilit niya ako sa bagay na ayaw kong gawin. Tulad ng sapilitang pagsama sa gathering at pagsakay sa kotse niya. Hindi ko alam kung ano naman ang pakulo ng isang 'to. "Masakit, p're." Napansin ko na mas humigpit ang paghawak niya sa 'kin. Naiipit na ang ugat ko sa braso. Lalong humihigpit dahil nararamdaman kong nagtatama na ang siko at spinal cord ko. Hindi na 'ko natutuwa. Legit 'yung sakit. Inilapit niya ang bibig niya sa tenga ko habang nasa likod ko siya. "Sorry." "Oo na! Pakawalan mo na 'ko." Hinintay ko ang pagluwag ng hawak niya pero hindi iyon nangyari. Bigla na lang ako nakaramdam na parang may tumusok sa leeg ko. Maya-maya lang ay pinakawalan na niya ako. "Ano 'yun?" habang sinasalat ko ang leeg ko. "Ang sakit, putek!" Kinamot ko ang parte na sumakit. Habang nakatayo kami sa madalim na bahaging iyon ng school, unti-unti akong nakararamdam ng hilo. Biglang bumigat ang pakiramdam ko at parang tinutusok-tusok ang tiyan ko. Kung kanina ay malamig ang hangin, mas dumoble pa ang lamig ngayon sa hindi mapaliwanag na dahilan. "Cef..." Nagulat ako dahil biglang nanuyo ang lalamunan ko. Nangati iyon hanggang sa hindi na talaga ako makapagsalita. Hindi ko alam kung ano ang itinurok niya sa leeg. Suspetya ko ay nalason ako. Alam kong nawawalan na ako ng balanse kaya naman kumapit ako sa kanya. Hindi na rin ko makapagsalita dahil parang binibiyak ang ulo ko. Bago ako mawalan ng malay at bumagsak sa lupa ay narinig ko ang boses ni Cef. "I'm sorry, Vince." rinig ko ang mahihina niyang hikbi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD