Chapter 1
"Anak ng tokwa naman oo!" sigaw ko habang nasa loob ng aking lumang owner jeep.
Umusok na naman ang makina at itinirik pa ako nito sa daan. Inalis ko ang suot kong leather jacket at inihagis iyon sa loob ng sasakyan ko.
Sa inis ay sinipa ko ang gilid ng sasakyan bago ko buksan ang takip ng makina nito sa harapan. Napaubo pa ako sa matinding usok na dala niyon.
"Hindi ka talaga maasahan, thunder!" sigaw ko sa inis habang kinakalampag ang aking paboritong sasakyan.
Huminto sa aking tabi ang isang lalaking naka-hoodie at nakasakay sa motorsiklo na pang-racing.
"Nasiraan ka, Miss?" tanong nito sa akin.
Pinameywangan ko siya. "Halata ba?" naiinis kong tanong.
Alam na nga nito ang sagot tinatanong pa ako. Bumaba ng motorsiklo ang lalaki at tinignan ang makina ng owner kong umuusok.
"Wala na itong pag-asa na maayos pa, Miss. Ang mabuti pa tumawag ka ng gagawa dahil malaki na ang sira ng sasakyan mo," sabi pa ng lalaki sa akin.
Wala pa naman itong maitutulong sa akin. Napasabunot na lamang ako ng buhok kaysa magmura.
Kanina ko pa tinatawagan ang bestfriend kong si Knight pero hindi naman ito sumasagot. Nasaan naman kayang planeta naroon ang aking kaibigan. Panay pa ang pag-vibrate ng isang cellphone ko sa bulsa.
Hindi ko na alam ang uunahin ko ngayon.
"Miss, p'wede kitang ihatid sa---" Hindi pa man natatapos ang lalaki sa sinasabi nito ay sumakay na siya sa motorsiklo nito.
"Halika na. Wala akong pera rito kaya hindi kita mabibigyan ng kahit pang-gas mo man lang. Ililibre na lang kita ng goto sa labas ng apartment ko." Tinapik-tapik ko ang balikat ng lalaki.
Hindi ko siya kilala pero mukha naman siyang mabait at cute.
"Saan ka ba nakatira, Miss?" tanong nito sa akin.
"Sa Pascasio, Barangay Tagayan. Ibaba mo na lang ako sa may tindahan ng goto para maisali kita sa listahan ko kay Aling Marta. Kaya halika na at ihatid mo na ako dahil kanina pa ako naje-jebs!"
Tumawa nang malakas ang lalaki. Tinatawanan ba niya ang sinasabi ko? Masama bang maging prangka lang ako?
Nililibang ko lang ang aking sarili ngayon dahil magkikita na naman kami ng ikalawang anino ko. Ang isang pagkatao kong gusto kong kalimutan pero hindi ko naman p'wedeng takasan.
Bumuga ako nang malalim at tumingin sa daan. Mahusay magpatakbo ng sasakyan ang lalaki.
Ibinaba niya ako sa lugar na sinabi ko. Lumakad ako patungo sa tindahan ng goto ni Aling Marta.
"Shy! Kumusta ka na iha? Isang buwan din noong huli mong uwi dito sa apartment mo. Baka naman magbayad ka na sa mga utang mo? Aba'y mahaba na?" reklamo ng matanda sa kaniya.
"Magkano na ho ba ang utang ko, Aling Marta?"
Tinignan ng matanda ang listahan ng utang ko rito. "Isang daang piso na, Shy!"
Kinindatan ko ang lalaki na nagtanggal ng suot na hoodie jacket. Inakbayan ko siya at nginitian.
"Heto nga pala si Kumpare ko, Si... ano nga ang pangalan mo?" mahina kong tanong dito.
"Dean," sagot naman nito sa akin.
"Si Kumpare Dean ang sasagot sa utang ko Aling Marta kaya iyong dagdag kong order idagdag mo na sa listahan ko. Hindi ba, pare?"
Napailing ang lalaki. "Naisahan mo yata ako. Sinabi mong ililibre mo ako, a."
"Sa ibang araw na lang siguro. Pinag-iisipan kong ibenta iyong bulok kong owner jeep para makabayad sa mga utang ko rito. Halika na magmeryenda na muna tayo bago ka umalis." May kinuha ako sa bulsa ng pantalon ko. "Heto, numero iyan ng cellphone ko. Tawagan mo ako sa numerong iyan kapag sisingilin mo na ako."
Nagugulat si Dean sa aking ikinikilos para kasi akong lalaki.
May iniabot din ito sa akin na isang business card. "Kung wala kang trabaho p'wede kitang tulungan na makapasok sa restaurant."
"Moran's?"
"Apelyido ko," nakangiting sabi nito sa akin.
Itinago ko sa aking bulsa ang business card nito. "Halika na kung ganoon kumain na tayo. Salamat sa libre mo, ha. Hindi ko ito makakalimutan, Dean Moran," mariin kong sabi rito.
"SHY! SAAN ka na naman pupunta?" malakas na tanong sa akin ni Dad na kasunod kong lumabas ng bahay. Nilingon ko siya at saka ngumisi.
"Kumuha ako ng ibang damit. Kayo ano ang ginagawa ninyo dito? Huwag ninyo sabihin na sinusundan ninyo ako?"
Kailan pa ba ito naging concern sa akin? Hindi ko matandaan na maalalahanin pala ang aking ama.
"Kadarating ko lang din dito."
Nginuya ko ang bubble gum na nasa bibig ko at saka iyon pinalobo bago magsalita.
"Ano pa po ba ang gustong ninyong malaman kung saan ako pupunta? Sinabi ninyo na bantayan kong mabuti ang transaction natin ngayon kaya iyon ang gagawin ko."
"Shy, galit ka ba sa akin dahil sa mga ipinagagawa ko sa iyo? Alam mo naman siguro na para ito sa ikakabuti natin. Alam mo na mababa ang tingin ni Damian sa posisyon ko Black Pyramid."
Tinutukoy nito ang rangko nito na mas mahalaga kaysa sa akin. May lahing Russian ang aking ama at dahil sa pagiging associates nito dati ay tumaas ang rangko nito mula sa utusan hanggang sa maging kanang kamay ni Supremo. Si Supremo ang taong kinakatakutan ng lahat. Hindi ko pa siya nakakaharap pero alam ko ang kaya niyang gawin.
"At gusto ninyong patayin ko si David ngayon para wala kayong karibal?" Mapakla akong tumawa.
"Shy!
"Luna, Daddy. Huwag ninyo akong tawagin sa pangalang ibinigay ninyo sa akin sa labas ng bahay na ito. Magtiwala kayo sa akin at magagawa ko ang utos ninyo. Huwag na ninyo akong pupuntahan pa rito sa bahay. Sa cellphone na lang ninyo ako i-update. Hindi ko nakakalimutan ang lahat ng mga usapan natin at mga utos ninyo sa akin."
"I hope you understand. Kabilang na tayo sa Black Pyramid at darating ang panahon na ipapasa ko sa iyo ang rangko na iiwan ko dahil ikaw lang ang tagapagmana ko."
Nagkibit-balikat na lamang ako at hindi ito pinaniwalaan. Hindi niya ako itinuring na anak kahit minsan kaya hindi na ako nabibilog hindi ako anak kun'di isang tauhan.
Ipinanganak yata ako ng nanay ko para pagsilbihan ang aking ama.
Ako ang ipinapain nito sa bawat transaction. At dahil sanay na ako sa masamang gawain ay kaya kong depensahan ang aking sarili mula sa mga kaaway.
Maraming beses ko na itong ginagawa ngunit iba ang ipinapagawa sa akin ngayon ni Daddy. Sa halip na kalaban sa negosyo ng aking ama sa black market ay isang XXX Agent na pakialamero ang aking hahanapin.
Isang lalaking matagal nang umaaligid sa mga negosyo ng Black Pyramid. Malaking tinik na ito sa amin at p'wedeng maminsala anumang oras.
Wala akong dapat na ikatakot dahil magaling ako sa martial arts, limang taong gulang pa lamang ako ay sinanay na ako na depensahan ang aking sarili. Black belter ako sa edad na labing isa. Pinag-aral ako ni Daddy ng Criminology sa ibang bansa at sinanay na humawak ng iba't ibang klaseng armas.
Luna Hidalgo ang tunay kong pangalan. Itinago nila ang ang aking tunay na pagkatao. Walang nakakaalam na anak ako ng isang Mafia Boss paglabas ko ng bahay na ito. Isa lang akong normal na dalaga sa paningin ng lahat.
"Bumili ako ng bagong kotse para may magamit ka," sabi pa nito sa akin.
"Hindi ko iyan kailangan dahil hindi naman ako mayaman sa labas. Kailangan ko lang ng bagong mga baril para kay magamit ako sa taong ipinapahanap ninyo sa akin."
"Pumunta ka sa hide out mamaya, may karagdagang impormasyon si Supremo tungkol sa lalaking hinahanap mo. Malaki ang tiwala niya sa iyo at kailangan mong patunayan na magaling ka para hindi ako mapahiya."
Nagtaas ako ng kamay at inilagay sa aking balikat ang bag ko.
"Hindi ka mapapahiya sa akin, daddy, sabihin mo iyan sa boss mo."
Maangas akong naglakad patungo sa labas ng simpleng bahay na tinitirhan namin noon ng aking namayapang ina. Isinuot ko ang hoodie ko at tuluyang lumakad palayo sa bahay na puno ng masasayang alaala.