Prologue - KIDNAPPED
"Mama! Andito na school bus ko! " Sigaw ng dose anyos na si Analiza mula sa labas ng kanilang bahay.
Kanina pa siya alas siyete naghihintay, nayayamot na nga siya dahil maaga siyang ginising ng mama niya. Antok na antok pa siya kakapanood ng episode ni Detective Conan kagabi. Mahilig kasi si Analiza sa anemy at libangan niya iyon madalas kapag walang pasok sa skwela.
"Iyong baon mo? Andyan na ba?"Balik sigaw ng ina mula sa loob at nagmamadaling lumabas ng bahay.
"Opo! Bye ma!" Aniya bago sumampa sa pinto ng bus at kumaway sa ina na nakangiting nakatingin sa kanya.
Ngiting-ngiting siya habang naghahanap ng pwestong mauupuan. Nagdrawing pa siya ng bilog bilog doon sa bintana nang bus na puno ng alikabok. Maraming sakay ang bus na katulad niya studyante. Pawang may ngiti sa mga labi ng bawat isa at halatang excited na pumasok sa skwela.
Walang kamalay-malay na may trahedyang naghihintay sa kanila ng mga oras na iyon. Ilang sandali lang ay gumiwang ng kaunti ang bus na sinasakyan nila, kinabahan siya at napakapit ng mahigpit sa kinauupuan. At dahil nasa may bandang likuran siya nakaupo ay kitang-kita niya ang high ace van na sumusunod sa kanila, Nahintakutan siya ng makitang may lalaking lumabas sa bintana ng puting van at may dalang baril na nakatutok sa bus. Ilang putok ang kanilang narinig dahilan upang mag-panick ang mga studyanteng sakay ng bus na iyon. Sumigaw ang driver ng Buss.
"Magtago kayo sa ilalim!"
Sumisigaw na ang iba at may umiiyak. Ligmak na rin ng luha ang mukha ni Analiza at hindi alam kung saan magtatago kaya sumiksik siya sa ilalim ng upuan ng bus.
Mas domoble ang sigawan ng biglang sumitsit ang gulong ng bus at gumiwang-giwang. Muntik na siyang masuka sa pinagtataguan dahil nahihilo na siya sa galaw ng bus. Hanggang sa bigla nalang huminto dahil nabangga pala sila sa isang napakalaking kahoy. Ilang beses niyang naramdaman na umalog ang utak niya at nabagok ang ulo niya sa metal na upuan.
Himala at buhay pa siya dahil nakakarinig siya ng ingay.
Pinilit niyang idilat ang isang mata kahit masakit ang buong katawan. May mga naririnig siyang boses ng mga lalaki. Mga malalaking tunog na naglalakad paakyat sa bus. Bigla siyang napapikit ulit ng makita niyang may mga lalaki sa loob ng bus at may dalang malalaking baril.
Muntik na siyang maihi sa suot niyang palda sa sobrang takot na nararamdam.
"Kunin niyo ang mga dalagita." Narinig niyang utos ng isa sa mga lalaki. Pigil hininga siyang nagkunwaring walang malay. Takot na takot siya at hindi alam ang gagawin. Lihim siyang nanalangin sa diyos na sana iligtas sila sa mga lalaking ito.
"Walo ang dalagita boss." Muntik pa siyang mapabalikwas ng maramdaman niyang may humawak sa ulo niya.Gusto na niyang bumunghalit ng iyak dahil sa matinding nerbyos.
"Dalhin nyo silang lahat sa sasakyan." Dinig niyang utos ng isang lalaki.
Ilang sandali lang ay may narinig siyang ingay na galing sa mga dalagitang katulad niya na sakay ng school buss na iyon. May nagwawala at umiiyak. May narinig siyang sumigaw at mukhang kinagat pa ang isang lalaki kaya nakatikim ito ng suntok dahil narinig niya itong umungol sa sakit.
Maya-maya lang ay naramdaman niyang may bumuhat sa kanya. Gusto niya sanang umiyak at magsisigaw ngunit natatakot siya baka patayin siya ng mga ito.
Hindi niya alam kung saan sila dadalhin ng mga lalaking ito at kung anong gagawin ng mga ito sa kanila. Basta ang alam lang niya ay masasama itong tao dahil kaya nitong pumatay.
Isinakay sila sa isang puting van kasama ng walong dalagita. Doon na siya dumilat at nakita niya ang mga mukha ng lalaking dumukot sa kanila. Nakakatakot ang mga mukha na isang tingin mo palang ay hindi na gagawa ng mabuti.
Umiiyak ang mga kasama niya sa van. Pati siya ay hindi na napigilang umiyak din.
"Tumahimik kayo! Ang ingay-ingay niyo! Gusto niyo barilin ko kayo isa-isa?" Malakas at galit na sabi ng lalaking kasama nila sa van. Umaandar na ito ngayon at hindi nila alam kung saan sila papunta.
Dalawa ang lalaking kasama nila sa loob hindi kasali ang driver. Puro mga goons at malalaki ang katawan na kaya silang ibalibag kapag hindi sila tumigil.
"Parang awa niyo na po.. Pakawalan niyo na po kami.." Biglang sabi ng katabi niyang babae. Malakas ang boses nitong humihikbi at nakasiklop ang kamay na nagmamakaawa.
Pero nagulat siya ng bigla itong sinampal ng lalaking may baril. Napaigtad si Ana dahil katabi niya lang iyong babae. Dahil sa lakas ng sampal nito ay nawalan ng malay ang katabi at napahiga sa sahig ng sasakyan. Nilukob siya ng matinding takot.
Napasinghap din ang iba nilang kasama sa nasaksihan. Kita niyang nangnginig ang mga ito at takot na takot. Maging siya ay ganoon din. Ang suot niyang uniform ay may mga bahid ng dugo at madumi. May sugat din siya sa noo at bibig dahil nalasahan niya ang dugo sa labi.May mga pasa din siya sa iba't ibang bahagi ng katawan. Napunit na din ang suot niya sa bandang tiyan at ang laylayan ng kanyang damit.
Sa isip niya ay nananalangin si Ana na sana ay may magligtas sa kanila. Kung alam lang niyang ganito ang mangyayari ay sana hindi nalang siya pumasok.
Bigla niyang naalala ang mga magulang. Ang mama at papa niya. Napahikbi siya sa isiping baka hindi na niya makita ang mga ito. Siguro sa mga oras na iyon ay aakalain ng mga itong nasa loob siya ng paaralan. Walang kamalay-malay na nasa ganito na siyang sitwasyon.
Graduating na siya sa elementarya ngayong taon sana. Napatingin siya sa mga kasamang babae. Pawang mga kaedad lang niya ang mga ito.
Anong panama ng dose anyos na dalagitang tulad nila sa mga lalaking may hawak na malalaking baril at malalaking katawan?
Tanging ang mga hikbi ng mga kasama niya ang naririnig sa loob ng van. Takot din ang mga itong umiyak ng malakas at baka matulad sa katabi niyang walang awang sinampal.
Tahimik lang din ang lalaking kasama nila. Maya-maya lang ay may tumawag sa telepono nito. Agad din nitong sinagot.
"May nakuha na kami Boss. Walo lahat to at may iba pa sa grupo ni Barok. Magaganda at saktong sakto sa hinahanap niyo boss." Malaki ang ngisi ng lalaki na nakatingin sa kanila habang kausap ang sino'man sa telepono nito.
Sila naman ay tahimik lang pero mas dumoble ang takot na nararamdaman.
Nakatingin lang siya sa labas at nagbabaka-sakaling may himalang tulong na darating. Pero imposible ata iyon dahil mga malalaking puno lang ang dinadaanan ng sasakyan nila at parang wala siyang tao o bahay man lang na nakikita.
Hanggang sa nakatulog na siya sa sobrang takot at pagod.
.