EMB 1: Gabby
MALALIM NA PAGHINGA ang paulit-ulit niyang ginagawa. Pinapakalma ni Gabby ang kanyang sarili. Kailangan niyang pumunta sa isang container van na nasa pagitan ng isang puno na kinatatayuan niya ngayon. Matindi na ang pagtagaktak ng kanyang pawis. Patuloy pa ring kumakabog ang kanyang dibdib. Nilalamon siya ng matinding kaba ngunit naroon ang nagliliyab na damdamin sa kanya na mailigtas ang mga babaeng nasa loob ng container van. Alam niya ang takot ng mga ito para sa kanilang sariling buhay. Hanggang kaya pa ng katawan niya, tumatayo pa siya, hindi siya papayag na may mga kababaihang pagsasamantalahan dahil sa kanilang pangangailangan. Ang alam ng mga kababaihang iyon ay waitress sa ibang bansa ang kanilang papasukan ngunit dahil sa mga mapansamantalang tao, nalagay ang mga ito sa kapahamakan.
Nasa liblib na parte ng kagubatan sila ng bayan ng Rumamban. Dito nila natagpuan ang sinasabing container ng isang impormante na matagal ng nagmamanman sa lugar.
“Clear!” sigaw ni Captain Mariano na siyang leader ng operasyong iyon.
Narinig niya ang sigaw ng kapitan kahit pa nakasuot ng earpiece. Dahan-dahan ang naging paglabas ni Gabby sa kanyang pinagkukublihan. Ang kanyang XPR 50 ripple gun ay tumututok sa magkakaibang direksyon upang alamin kung may panganib ddon. Hindi siya nagpapakampante dahil alam niyang may posibilidad na magkaroon ng engkwentro sa pagitan nila at ng mga kalaban.
“Clear!” pangungumpirma din ng isa sa mga kasamahan nila na nasa ibang bahagi ng lugar.
Ganoon din ang sinabi ng iba na naka-assign sa hiwa-hiwalay na bahagi ng perimeter ng lugar.
Tuluyan ng ibinaba ni Gabby ang kanyang baril. Nakahinga na rin siya nang maluwag. Ngunit nang daanan niya ang isang bahagi ng lugar na may hukay, ganoon na lamang ang sunod-sunod na pagpapaputok!
“Ambush!” sigaw ni Gabby. “Ambush!” paulit-ulit niya iyong isinisigaw sa kanyang radyo.
Dali-dali ang kanyang naging pagkilos upang maitago ang sarili sa hindi delikadong bahagi ng lugar. Kapag na-trap siya sa lugar na kinalalagyan, hindi imposibleng ito na ang maging katapusan ng kanyang buhay. Hindi iyon maaaring mangyari! Hindi siya makakapayag!
Dali-dali ang pagtutok ni Gabby ng baril sa mga parteng pinaghihinalaan niyang kinalalagyan ng mga kalaban. Nakikipagpalitan siya ng putok sa mga ito habang patuloy na tumatakbo papalayo sa lugar ng tinambangan siya.
May mga pagkakataon na nagtatago siya sa mga batuhang parte upang gawing kublihan habang patuloy ang pagpapaputok. May mga pagkakataon na bumabagsak na lamang ang kalabang kanyang pinupuntirya. Malaki ang pasasalamat niya sa baril na gamit. Kailanman ay hindi siya binibigo niyon sa bawat pag-atake na kanyang ibinibigay.
“Sergeant Biliagracia, pull back!” utos sa kanya ng kapitan nila.
“I can’t, Sir!” malakas niyang sigaw habang nakikipagpalitan pa rin ng putok ng baril. “They are heading in my direction!”
“Alpha and Bravo Team, support Sergeant Biliagracia!” utos ng kanilang kapitan.
“No sir, we need to focus on our mission!” sigaw muli ni Gabby habang patuloy pa rin sa pakikipagpalitan ng pagpapaputok. Ang nasa kanyang isipan ay ang mga biktima ng sindikato. Kailangan nilang mailigtas ang mga ito bago pa mahuli ang lahat. Masyadong madulas ang sindikatong kanilang minamanman ngayon. Malaki ang posibilidad na mailipat na naman ang mga ito ng lugar. Kapag nangyari iyon, may grupo ng mga kababaihan na naman silang hindi maililigtas. Hindi siya papayag na dahil sa kanya ay magbago ang plano at mapurnada.
Dalawang granada ang tinanggalan ni Gabby ng pin at magkasunod na ibinato sa kanilang mga kalaban. Dali-dali rin ang pagtalon niya sa mas malaking pang hukay upang hindi maapektuhan ng pagsabog. Nagtuloy-tuloy ang paggulong niya paibaba sa lugar ng masukal na parte.
Ganoon na lamang ang sunod-sunod na pagmumura ni Gabby sa isipan nang tumama ang kanyang katawan sa kung saan-saang bahagi.
Nahinto lamang ang patuloy niyang paggulong nang tumama ang kanyang katawan sa malaking puno. Pansamantalang pinakalma ni Gabby ang sarili bago tumayo. Hindi siya kaagad naglakad. Pinakalma niya muna ang sarili dahil sa matinding pagkahilong nararanasan. Sasaglit niya lamang iyong ginawa sapagkat narinig niya na naman ang magkakasunod sa putukan sa itaas na bahagi.
Kailangan niyang magpatuloy muli sa pagtakbo upang puntahan ang kinalalagyan ng container van. Kakaunti lamang ang maiiwan sa area dahil nagpunta ang ibang bahagi ng team sa kanyang direksyon.
Nang makarating sa malawak na field kung saan naroon ang tatlong container van, napahinto si Gabby sa kanyang pagtakbo. Ganoon na lamang din kabilis ang kanyang naging pagtalon na sinundan ng malakas na pagsabog.
Habol ni Gabby ang malalim na paghinga matapos tignan ang bahaging pinagsabugan ng walang pin na granada.
Hindi pa man natatapos ang kanyang kalbaryo nang makarinig si Gabby ng pagkasa ng baril. Sinundan kaagad iyon ng magkakasunod na putukan. Sa pag-aakalang siya ang natamaan, matagal na naipikit ni Gabby ang kanyang mga mata. Naidilat niya lamang iyon nang may humila sa kanya patayo.
Kaagad na ibinaling ni Gabby ang tingin dito. Sunod-sunod ang kanyang paglunok nang makita ang madilim na mukha ni Captain Mariano.
“What’s that, Sergeant Billiagracia?” kaagad na tanong ng kanilang kapitan.
“S-sir I—”
“You’re too full of yourself!” galit na sigaw ng kapitan. “Inilalagay mo ang mga kasamahan mo sa kapahamakan! You’re not taking my orders seriously. Gusto mo bang magpalit na lang tayo ng posisyon? Reflect on yourself, Sergeant Billiagracia,” tuloy-tuloy nitong sabi kasabay ng pagtalikod.
“CUT!” MALAKAS NA sigaw ng direktor.
Nagbago kaagad ang hilatsa ng mukha ni Gabby. Ang kaninang maluha-luha niyang mga mata ay napalitan ng malapad na ngiti. Paborito niya talaga ang salitang ‘cut’ sa lahat ng trabahong ginagawa. Ibig sabihin kase niyon ay matagumpay na nilang natapos ang isang scene at magkakaroon na sila ng break.
“Good job everyone!” saad muli ng direktor. “Good job, Gabby!”
Malapad ang naging ngiti ni Gabby nang tapikin ng direktor ang kanyang balikat. Todo rin ang pasasalamat niya.
Malaking bagay na na-appreciate nito ang ginagawa niya. Siya kase ang uri ng aktres na kapag isinalang sa isang scene, kalilimutan niya nang panandalian ang katauhan, iisiping niyang siya mismo ang karakter at nangyayari talaga sa kanya ang ginagampanan. Kaya may pagkakataon na nasusugatan din siya dahil hindi siya kumukuha ng double. Pati mga delikadong stunt hindi niya inaatrasan.
“Ang galing talaga ng madam!” tila sinisilaban ang pang-upong saad ng kanyang P.A.
Bumunghalit naman ng tawa si Gabby nang tila mangiyak-ngiyak pa ito. “Ano ka ba, Runulfo? Ang OA ha–aray!” lalong lumakas ang tawa niya nang mahina siya nitong sabunutan.
“Ang OA, ‘te?” tanong ng kanyang PA na sinabayan ng pag-irap. “Gaga! Ganyan talaga ang aabutin mo kapag hindi mo tinigilang tawagin ako sa panglalaking pangalan na ibinigay sa akin ng sundalo kong tatay! Ruthy nga kase. RUTHY!” pinakadiinan pa nito ang pangalan.
Malakas ang loob nitong sabunut-sabunutan siya dahil sanggang-dikit sila magsimula nang college. Ito na ang parating kasa-kasama niya sa hirap at ginhawa. Kaso nang lumantad ito sa pamilya ay itinakwil ito ng ama. Magsimula niyon ay hindi na ito bumalik sa pamilya. Nagkataon naman na naging mausbong ang karera niya sa pag-aartista. Kinuha niya iyong pagkakataon upang alukin ang kaibigan na maging assistant s***h manager niya. Ito lang kase mapagkakatiwalaan niya sa magulong mundong ginagalawan niya. Mabilis naman itong pumayag dahil sa mga gwapong lalaking kanyang nakakatrabaho.
“Atsaka ‘te, wala ka bang mga sugat?” tanong muli ng kanyang PA. “Gaga ka! Ang lakas ng loob mong maggulong-gulong sa mga batuhang iyon nang walang double at cut! Tapos may mga matutulis pang sanga. May isang shooting ka pa naman ng commercial na paparating. Skin care iyon at lotion pero iyong may-ari ng katawan, walang care!”
“Gaga, kapag hindi ko ginalingan, mawawalan tayo ng trabaho. Paano na ang pang-boylet mo?” tanong niya sa kaibigan nang nakataas ang kilay. “Ikaw ang nagbuwis-buhay kanina?”
“May point ka diyan, Sis,” sumang-ayon kaagad si Runulfo sa kanya.
“See, kaya huwag ka ng ma-high blood. Alam ko naman ang ginagawa ko.”
“Sinasabi ko na nga ba, ikaw talaga ang lalaki sa ating dalawa. Ninakaw mo lang ang katawan ko,” saad nito habang binubuksan ang van nila.
Umiling na lang siya sa pagpupumilit na teorya ng kaibigan niya.
“Ano, uuwi ka sa inyo?” tanong nito nang makaupo sa kabilang bahagi ng kinauupuan niya.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Gabby. Kailangan niya na namang bumalik sa reyalidad. Wala siya roong magagawa.