Chapter 1
“Wow! Congratulations, Isla!” Muntik na akong mapatalon mula sa pagkakaupo nang biglang magpasukan sa loob ng classroom ang mga kaklase ko.
Sino ba naman ang hindi magugulat kung bigla silang sumusulpot? Napahinto tuloy ako sa ginagawang pagsalansan ng mga gamit sa loob ng aking bag.
“Consistent President’s Lister!” Pumailanlang agad ang malakas na boses ni Shiva sa buong silid na siyang nangunguna sa paglapit sa akin. Sinundan naman agad iyon ng ilan pang pagbati mula sa iba pa naming mga kaklase at kaibigan.
Paano nilang nalaman? May list na ba ulit? Hindi pa kasi ako lumalabas mula kanina kaya hindi ko pa nakikita.
Agad din namang nasagot ang tanong ko sa isip nang magsalita si Ingrid. “Naka-post na sa bulletin board! Nangunguna ang pangalan mo! Itayo mo ang bandera ng section natin!” Sinasabayan niya ang matinis na boses ni Shiva.
Lima silang pumasok at sabay-sabay na nagsasalita, kaya ang kaninang tahimik kong mundo ay agad na nabulabog. Mga kaklase ko sila at naging kaibigan na rin. Pare-pareho kaming kumukuha ng kursong edukasyon. Lahat din kami ay nasa huling taon na sa college.
“Ang galing mo talaga!” Itinaas pa ni Ingrid ang kanyang kamay sa harap ko, na waring makikipag-high five kaya itinaas ko na rin ang aking kamay. Tuwang-tuwang pinaglapat niya ang mga palad namin.
Noong makitang nasiyahan na siya ay saka ko ibinaba ang kamay ko at ipinatong sa aking desk.
“Naku, s-salamat…” Hiyang-hiya na nginitian ko silang lahat na nakapalibot sa akin.
“‘Yan ‘yong masasabi mong maganda na, matalino pa! Hindi puro mukha lang!” ani naman ni Jocelyn na nagtataas-baba pa ang kilay habang nakatingin sa akin bago muling sumimsim sa straw ng iniinom na milktea.
Mukhang galing sila sa canteen dahil pare-pareho silang may mga hawak na milktea at sandwich. Break time na rin kasi, pero ako ay sa bahay na lang planong kumain tutal ay tapos naman na ang huling klase para ngayong araw.
“Napakaswerte nga naman nitong si Isla!” maya-maya ay sang-ayon ni Tasha. Kumagat muna siya sa hotdog sandwich na hawak bago muling nagsalita.
“Ayos na nga ‘yong maganda kahit na hindi katalinuhan. Ako nga, hindi na maganda, bobo pa! Sadyang biniyayaan lang ng puké at susó!” walang preno na dugtong pa niya.
Pagkatapos noon ay nabalot ng tawanan ang buong silid mula sa mga kasama ko. Ako naman ay muntik nang masamid kahit na walang iniinom at ramdam ang pamumula ng pisngi habang inaalog-alog pa ng aking kaklase ang kanyang dibdib.
“Pasmado talaga ‘yang bibig mo!” Tawang-tawa na hinampas siya ni Shiva sa braso.
Ang iba naman ay hindi pa nakaka-move on at pulang-pula rin ang pisngi sa paghagalpak sa tuwa.
“Aba hoy! Magaling ding sumubo ‘to!” sagot agad ni Tasha, na nakuha pang imuwestra ang paglalabas-pasok ng hotdog sa kanyang bibig.
“Mataba, maugat, at mahaba… kaya ko hanggang lalamunan.”
Umugong muli ang malakas na tawanan sa loob. Mabuti na lang at kaming anim na lang ang nandito. Ang iba yata ay sa labas na nagpalipas ng break time.
Napapailing na nag-iwas ako ng tingin sa kanila habang mahinang tumatawa. Madalas kong naririnig sa kanila ang mga salitang ito ngunit kung minsan ay hindi ko pa rin maiwasang hindi magulantang.
Si Tasha ay ganoon talaga sa simula pa lang. Kung sabihin nga nila ay taklesa at bastos ang bibig, pero mabait din naman ang kaklase kong ito.
Mabilis siyang nasasabayan ng mga kaibigan namin. Nasa edad na ako para maintindihan ang ganitong mga bagay, pero sadyang hindi lang ako makahabol dahil hindi ko kayang magsalita ng mga ganoong bagay. Nakikinig lang ako at nakikitawa kung minsan, kahit na ang totoo ay naiilang din ako pero marunong pa rin naman akong makisama.
Nakikingisi. Nakikitango kung minsan.
“Minsan nga ay turuan mo akong sumubo! Practice tayo sa jumbo hotdog.” Pakikisakay ni Shiva sa biro ng kaibigan. Muntik pang masamid habang umiinom ng milktea.
Halos naman mamatay katatawa ang iba pa naming kasama. Naghahampasan sila ng mga braso. Nagbaba na lang ako ng tingin at kunwari ay may binabasa sa libro na dapat ay kanina ko pang inilagay sa loob ng aking bag.
“Gusto ng mga lalaki i-déépthróat. Kaya lang minsan, hindi talaga kaya. Pero kapag jútay, walang problema.” Pati si Jocelyn ay nakisali rin.
Nakagat ko ang labi, hindi mapigilang hindi mamula ang pisngi. Mabuti na lang wala nang iba pang nakakarinig sa usapan nila.
“Puro kayo kabulastúgan!” saway sa kanila ni Hilda kaya nag-angat ako ng tingin sa kaibigan na hindi ko alam kung nakakakita pa ba sa sobrang haba ng bangs niya.
“Tigilan n’yo ‘yan at kasama natin si Maria Clara…” tila pasaring na dugtong pa niya.
Sa tinuran niyang iyon ay sabay-sabay na nagtinginan muli sa akin ang mga kasamahan namin, na kanina ay umagwat na sa usapan tungkol sa akin.
“Ay oo nga pala! Mayro’n pang vírgín dito sa atin!” Humagikhik si Jocelyn habang sinusundot ako sa aking bewang.
Napaiktad naman ako mula sa pagkakaupo, pagkatapos ay napapangusong sinulyapan si Hilda na pangisi-ngisi lang sa isang tabi. Siya ang dahilan kung bakit nalipat na naman sa akin ang usapan.
Nananahimik na nga ako. Nakikinig na lang sa biruan nila.
“Hindi pa nga pala natitikman ni Isla ang luto ng diyos.” Sinegundahan agad iyon ni Shiva na malaki ang ngising nakapaskil sa labi.
“Kumbaga, hindi pa nararanasang umungol sa sarap!” Muling umugong ang mapang-asar na tawa ni Ingrid, habang ako ay tila mabibilaukan kahit na wala namang kinakain.
Pagkatapos ay nagsilapitan silang lahat sa akin na animo ay may pagpupulong na magaganap. Pare-parehong iniyuko ang ulo palapit sa akin.
“Bakit ba kasi vírgín ka pa, Is-la?” mahina lang iyon pero dinig na dinig ko kung paano bigkasin ni Jocelyn ang pangalan ko sa maling paraan.
“Ay-la kasi, hindi Is-la…” Napanguso ako.
Kahit ang iba ay nalilito rin kung paano bibigkasin ang pangalan ko, kaya tinatama ko na lang kapag may pagkakataon. Kaya lang kung minsan kapag inaasar ako ng mga kaibigan ay ‘yong tagalog na bigkas sa pangalan ko ang ginagamit nila. Sa halip na Ay-la na siyang tamang pag-pronounce sa pangalan ko ay ginagawa nilang isla, ‘yong kapirasong lupa.
“Whatever! Kahit ano pang bigkas sa pangalan mo…” Biglang inilapit ni Tasha ang mukha sa akin. Muntik pa niya akong mahalikan kung hindi ko naiurong agad ang aking ulo. Mabuti na lang din may humila sa buhok niya palayo kaya napalayo rin siya sa akin.
Kinabahan ako ro’n. Bakit ba kasi para akong nasa hot seat ngayon? Sa pagkakatanda ko ay nananahimik ako rito kanina?
“Bakit nga kasi vírgín ka pa?” tila naiintrigang tanong ni Tasha.
Bago pa ako makasagot ay may tumamang binilot na papel sa kanyang mukha.
“Malamang, e kasi hindi pa bumubukaka tulad mo! Tama ka nga, medyo bóbó ka!” Inakbayan ako ni Hilda. Napansin ko na may hawak siyang papel. Mukhang siya ang nagtapon kay Tasha kanina.
Napabuntong-hininga na lang ako. Big deal ba talaga ang bagay na ‘yon? Kailangan bang sumabay sa trend at kailangan ay hindi ka na vírgín?
“Joke lang, Isla. Siyempre, alam naming Maria Clara ka. Biruan lang ‘yon, ha?” Nag-peace sign sa akin si Tasha habang tumatawa.
Noong una ay akala ko maiinis pa siya at maaasar sa tinuran ng kaibigan pero tinawanan lang niya iyon.
“Sanay na ‘yan sa ating si Isla. Hindi ba, Isla?” Nagtaas-baba ang kilay ni Shiva habang nakangiti sa akin.
Nangingiting tumango rin naman ako. Sanay na ako at alam kong sanay na rin sila sa akin.
Tuluyan ko nang ipinasok sa loob ng bag ang librong kanina ko pang hawak. Malinis na muli ang desk ko. Maya-maya ay magpapaalam na rin ako na uuwi na.
“Oo naman. Pasensya na kayo kung minsan—” Hindi ko na naituloy ang sasabihin nang magsalita muli si Jocelyn.
“Alam naman namin, Ms. Prim and Proper…” Dinugtungan niya iyon ng tawa. “Pasensya na, medyo bulastog lang talaga ang mga bunganga namin.”
Nagtawanan kami pero agad ding naputol nang magsalita si Ingrid.
“Oo nga pala, sama ba kayo mamayang gabi? Mayroon daw party sa bahay nina Loren.”
Agad na nagsitanguan ang mga kasama namin na tinanong niya, habang ako ay nanatiling tahimik.
Si Loren na tinutukoy ni Ingrid ay iyong isa sa mga varsity ng basketball team dito sa school namin. Taga-ibang department siya, pero halos lahat ay iniimbita niya ngayong birthday niya—narinig ko lang din sa usapan ng mga kaklase namin noong isang araw pa kaya updated ako.
“Ikaw, Isla?” baling na tanong ni Shiva sa akin.
“Uhmm… hindi siguro.” Pero ang totoo ay desidido ako na hindi talaga pupunta. Wala naman iyon sa plano ko.
“Ano ka ba naman? Bakit?” Nagulat pa ako nang hampasin ako ni Tasha sa aking braso.
“Siguradong matutuwa si Loren kapag pumunta ka. Crush ka pa naman noon!”
Sa tinuran niyang iyon ay napuno ng tuksuhan sa patungkol sa aming dalawa ng lalaking tinutukoy nila.
Napailing ako. Nagsisimula nang isukbit ang bag sa aking balikat bago pa mapilit nila na sumama sa kung saan. Marami pa akong gagawin sa bahay mamaya. Pasalamat nga ako na maaga ang dismissal ngayon.
“Hindi naman siya magugustuhan ni Isla dahil puro papogi lang siya! Lakad varsity wala namang utak.” Humagalpak sa tawa si Hilda.
“May pasok pa ako mamayang gabi, tapos gagawin ko rin ‘yong activity—”
“Na ipapasa pa next week!” Si Tasha ang nagtuloy sa dapat kong sasabihin.
Ngumiti ako at tumango. Mabuti na ‘yong maagang matapos. Paano kung madagdagan ang gagawin namin? E ‘di natapos ko na ‘yong unang ibinigay.
Kung kailan nasa huling taon na ay saka ba ako magpapatamad-tamad pa?
“Ano ka ba naman, Isla? Loosen up! Kailangan mo ring magliwaliw! Baka naman mabaliw ka niyan kaaaral!” Si Ingrid na pinipilit na magbago pa ang isip ko.
“Pasensya na talaga. May pasok din ako mamaya sa coffee shop.” Humihingi ng paumanhin na nginitian ko silang lahat, na sinagot nila ng sabay-sabay na pagbuntong-hininga.
May part-time job kasi ako sa isang coffee shop na malapit din dito sa school, pero bago iyon ay uuwi muna ako sa bahay dahil hapon pa naman ang duty ko. Alas onse pa lang ngayon.
Sa huli ay tumigil din naman sila dahil mukhang alam nila na hindi na magbabago pa ang isip ko. Hanggang sa pare-pareho na kaming nagpasya na lumabas sa classroom.
Naghiwa-hiwalay rin kami nang makababa sa school ground—ako lang pala dahil ako lang ang pauwi na, habang sila ay magpapalipas ng oras hanggang sa sumapit ang gabi at pumunta sa party ng kakilala.
Habang nasa biyahe pauwi ay hindi ko na napigilang hindi lamunin nang kung ano-anong mga iniisip.
Magliwaliw? Wala yata ‘yon sa bokabularyo ko. Marami pa akong responsibilidad. Hindi ko nga matandaan kung naranasan ko bang makapunta man lang sa party para magsaya, hindi tulad ng mga kaedaran ko. Marami akong kailangan unahing harapin bukod sa pagsasaya.
Pag-uwi ko pa nga lang sa bahay… humaharap na ako sa tunay na hamon ng mundo.