ANG NASIRANG bahagi ng mundo, isa na itong patay na lupain sa kasalukuyan. Wala nang sinuman ang sumubok na puntahan ito sapagkat pagkatapos ng insidenteng nangyari noon, ang kalahating bahaging ito ay nabalot ng napakakapal na mga ulap. Walang nakakaalam kung may nabubuhay ba rito o wala. Sa paglipas ng mga taon, ang bahaging ito ay nananatiling misteryo para sa lahat.
Nang minsang may isang grupo ng mga bata ang naglaro sa lugar na malapit dito, nakarinig daw sila ng malalakas na kulog mula roon. Ang lugar na naghahati rito at sa natitirang bahagi ng mundo ay nilagyan nila ng matataas na pader na tila aabot na sa ulap. Ito ang nagsilbing harang mula sa lugar na hindi nila maaaring puntahan.
Minsan namang sinabi ng mga bantay na nasa taas ng pader na iyon na madalas silang nakakaramdam ng malalakas na bugso ng hangin mula roon. May pagkakataon ngang napapatingin sila sa lugar na ito at nakakaramdam sila bigla ng takot na hindi nila maipaliwanag.
Napakadilim dito at hindi na nasisikatan ng araw ang lugar na ito. Tinawag nilang Dead Zone ito. Ang patay na parte ng mundo.
Ilang taon na ang nakakaraan, pumunta rito ang ilang mga Heroes na pinangunahan ng dating number 1 hero. Ilang buwan silang nanatili sa loob ng lugar na iyon kahit na walang kasiguruhan ang misyong iyon. Ang tanging nais nila nang pasukin nila iyon ay ang makakuha ng impormasyon sa kung ano ang narito. Inakala nga ng iba na patay na ang mga ito sapagkat ang napag-usapan nila sa Heroes Assembly ay isang linggo lamang sila sa loob at babalik na muli sila mula rito. Ni wala silang komunikasyon sa kung nasaan na ba ang mga ito. Hindi rin nila magawang magpadala ng back-up dahil wala silang impormasyon sa loob nito o kung buhay pa ba ang mga ito.
Hanggang isang umaga, laking-gulat ng lahat nang magbalik ang mga ito nang hindi inaasahan. Sira-sira na ang mga damit nila at nangangayayat nang makita nila ang mga ito sa itaas ng pader. Tila inakyat lang ng mga ito ang mataas na wall gamit ang kanilang pisikal na lakas sapagkat makikitang ang mga kamay at paa nito ay nababalot ng dugo, at nagtutuklapan na rin ang mga balat nito rito na makikita na rin ang laman. Nakita ng mga bantay na nakadapa ang mga ito at halos hindi na makilala dahil sa kapayatan.
"T-tubig..." Ito ang bulalas ng mga ito matapos nilang magawang makabalik sa liwanag.
Mabilis na tinulungan ng mga nagbabantay ang mga ito. Mabilis din itong nalaman ng Heroes Assembly kaya agad na nakapagpadala ng back-up ang mga ito.
Ilang linggong tulala ang mga ito. Maging ang number 1 hero ay hindi makausap dahil nakatingin lang ito sa kawalan kung pagmamasdan. Sinubukan nilang mapabalik sa wisyo ang mga ito, ngunit tila ba may trauma ang mga nagpunta sa Dead Zone. Ni hindi nga sila makausap dahil tila ba natatakot ang mga ito sa kung ano.
Gusto nilang malaman kung ano ang nakita ng mga ito sa loob ng Dead Zone. Ngunit kung mananatiling ganito ang mga bumalik na heroes ay wala na silang magagawa kundi ang maghintay na bumalik sa normal ang mga ito. Wala itong kasiguruhan, ngunit kailangan nilang hintayin ang araw na iyon.
Lumipas ang isang taon, lahat ng mga nagpunta sa Dead Zone ay namatay dahil sa pangangayayat. Ilang linggong hindi kumain ang mga ito sa hindi malamang dahilan hanggang sa makita na lang nilang wala nang buhay ang bawat isa sa mga kwarto nito.
Ang pangyayaring ito ay hindi pinaalam ng Heroes Assembly sa publiko. Ang sinabi nila sa lahat, namatay ang mga ito dahil sa ekspedisyon nila sa isang lihim na lugar. Dahil doon, isang bagong number 1 hero ang inanunsyo at ilang mga bayani rin ang umangat sa rankings matapos iyon. Magmula noon, hindi na nawala sa pwestong ito ang sinasabing pinakamalakas na bayani sa mundo.
*****
NANG malaman ni Rui Kraizer ang isang gaganaping Tagisan mula sa dalawang bagong estudyante ng Purif School, ipinaalam na agad niya ito sa council.
Pinuntahan niya ang opisina ni Hellio sa Normal Zone upang ipaalam iyon. Naabutan nga niya na kasalukuyan itong nagbubuklat ng mga papel sa mesa nito. Nasa tabi nito ang alalay at palaging kasamang si Grave Zalcis. Isa rin itong malakas na estudyante ngunit wala ito sa Purif 8 dahil mas pinili nitong maging alalay ng number 1 sa Purif 8.
Walang pagkatok na ginawa si Rui at binuksan na lamang ang pinto na sinundan ng mabilis na pagpasok.
"Kailan ka ba matutong kumatok muna bago pumasok?" seryoso agad wika ni Grave. Nakasuot ito ng salamin sa mata at matikas din ang pagkakatayo nito sa tabi ni Hellio.
"Kalma! Hindi ka na nasanay sa akin Grave. Kita mo ang master mong si Hellio, wala lang sa kanya," nakangiting wika ni Rui na mabilis na umupo sa mesa ni Hellio.
Napatigil sa pagpirma si Hellio matapos iyon. Tiningnan niya nang malamig si Rui.
"Ano'ng kailangan mo Kraizer?" sabi nito na humigop ng kape na nasa tabi ng mga papeles na pinipirmahan nito.
"May gaganaping Tagisan bukas. Mula sa mga first years..."
Napatigil sandali ang paggalaw ni Hellio nang marinig iyon.
"Isang Blue Aura ang hinamon ng estudyanteng walang aura..." dagdag pa ni Rui, at tumingin na muli sa kanya si Hellio.
Naalala ni Hellio ang nangyari kanina sa daanang mula sa Hell Dormitory. Ililigtas na sana niya ang kanyang kapatid na si Freya dahil kung mamamatay ito ay mawawalan siya ng paglilibangan ngayong narito na ito sa Purif School. Ngunit bago pa man niya magawa iyon ay may isa nang lalaki ang biglang nagligtas dito.
Ang lalaking walang aura. Nakita ni Hellio na hinigop ng braso at kamao ng lalaking iyon ang Blue Aura ng kanyang kapatid nang patulugin nito ang isang first year na may Green Aura.
"Ano ang kanilang kasunduan?" seryosong tanong ni Hellio habang seryosong nakatingin sa mga mata ni Rui.
"Ang matatalo ay magiging taga-sunod ng mananalo," sabi ni Rui at pagkatapos ay umalis na ito mula sa pagkakaupo sa mesa. Hindi na siya interesado sa magiging reaksyon ni Hellio dahil ang sabihin lang naman ang kanyang nalalaman ang tangi niyang pakay rito.
"Sige, aalis na ako. Gusto ko lang ipaalam sa iyo..." wika pa ni Rui na naglakad na palabas. Hindi na naman nagsalita si Hellio habang papalabas ito.
Sinarhan ni Rui ang pinto.
"Panonoorin mo Hellio?" tanong ni Grave kay Hellio. Pagkatapos ay napansin niya ang kaseryosohan nito kaya agad niyang kinuha ang mga papel na natapos na nitong pirmahan.
"Interesado akong malaman kung ano ang magagawa ng lalaking iyon. Wala siyang aura pero nagawa niyang makapasok dito at mapabagsak ang isang nagtataglay ng mas malakas na aura," sabi ni Hellio at nagpatuloy na ito sa kanyang ginagawa. Sandali ring lumalim ang kanyang pag-iisip hanggang sa iniwaglit na niya ito muli.
*****
NAGSIBALIKAN na ang lahat sa Hell Dormitory at bago pa man sila pumasok sa loob ay sinermonan muna sila ni Leonora. Sa oras daw na maulit muli iyon ay siya na ang magpapaalis dito sa Purif School.
"Huwag ninyo akong subukan dahil binigyan na ako ni Sir Kuro ng karapatang mag-expell ng sinuman sa inyo na gagawa muli noon. Kung mag-aaway kayo o maglalaban, gawin ninyo sa Tagisan!" seryosong sinabi ng matanda sa mga ito na kung titingnan ay parang mga mababait dahil napagsabihan.
Tanging si Beazt lang ang seryosong nakatingin kay Leonora habang nagsasalita ito.
"Sige! Pumasok na kayo. Magpahinga na kayo at sa oras na ika-pito ng gabi, kakain na kayo," wika pa ni Leonora at nagsipasukan na ang mga ito sa loob.
"Luna at Lasty! Samahan ninyo ako sa kusina," sabi pa muli nito at napatingin dito ang dalawang tinawag na agad sinabing "opo".
Pagkapasok ng mga ito ay nakita nila si Freya na nasa loob. Nakaupo ito habang seryosong nagbabasa ng isang librong may asul na pabalat. Tiningnan nito ang mga kasamahan at pagkatapos ay bumalik na muli sa pagbabasa.
Inaasahan na niyang lalapitan siya ng kanyang pinsan para inisin, pero nabigla siya nang bahagya dahil hindi iyon nangyari. Napansin din niyang seryoso ito at tila ba may nangyaring hindi maganda rito. Sandali rin siyang napasulyap sa nasa hulihang kasamahan ng mga ‘yon, si Beazt. Naalala niya ang ginawa nitong pagligtas sa kanya. Hindi niya akalaing ito pa ang magliligtas sa kanya. Kaya isinara niya ang librong binabasa at siya ay tumayo. Naglakad siya palapit kay Beazt.
Kinulbit niya ito. Ayaw niya sanang gawin iyon pero kailangan kasi, ito ay itinuro sa kanya ng kanyang ama. Huminto naman si Beazt sa paglakad at napatingin sa nasa likuran. Napahinto rin si Speed at tiningnan ang kaibigan.
"Gusto ko lang magpasalamat sa pagligtas mo sa akin," wika ni Freya na halata sa itsura na nahihiyang gawin iyon.
Blangko lang ang emosyon ni Beazt habang nakatingin dito.
"Si Speed ang pasalamatan mo," wika ni Beazt at pagkatapos ay tumuloy na ito sa paglakad para pumunta sa kwarto nito.
Hindi tuloy nagustuhan ni Freya ang mabilis na pag-alis ni Beazt sa harapan niya. Naiwan naman si Speed na napapangiti nang pilit sa dalaga. Napakuyom na ng kamao ang dalaga dahil sa inis habang si Beazt ay hindi na talaga siya nilingon pa.
"B-binibining Freya. P-pagpasensyahan mo na si Beazt. G-ganyan lang talaga ang ugali niya," sabi ni Speed na mabilis na humarang sa harapan ni Freya.
Bigla namang may naalala si Freya mula sa pag-uusap nila ng kanyang ama. Pinilit niyang kumalma. Huminga siya nang malalim at bumuntong-hininga. Napatingin naman siya kay Speed na mukhang kinakabahan sa harapan niya. Naalala niya ang sinabi ni Beazt. Naalala rin niya ang sinabi ni Leonora sa kanya na may kinalaman din ang lalaking ito kaya siya iniligtas ng kaibigan nito.
"Salamat. Hindi na mauulit sa sunod ang mga nangyari," seryosong sinabi ni Freya na naglakad na pabalik sa inuupuan nito. Bigla niyang naalala si Bazil. Hindi niya inaasahang magtataglay agad ito ng Green Aura. May kaunting inis tuloy siyang naramdaman pero, hindi raw niya iyon dapat pakaisipin.
"Magbabago rin ang kulay ng aura ko!" sabi ng dalaga sa sarili at nagpatuloy na muli ito sa pagbabasa.
Samantala, sa silid ni Enma, kasama na nito si Mirai na pagkapalit ng damit ay pumunta agad dito. Naabutan nito ang kanyang kuya na kasalukuyang ang dalawang braso ay nasa anyong talim. Seryoso nito iyong iwinawasiwas sa hangin na tila ba may kalaban.
"Kailangan mo ba talaga siyang paghandaan kuya?" tanong ni Mirai na umupo sa kama ng kanyang kapatid.
"Sabi nga ni Sir Shin, hindi natin dapat silang maliitin. Isa pa, kung ang pagtalo sa kanya ay ang magiging paraan para sumama siya sa akin... Tatalunin ko siya bukas," sambit ni Enma na biglang nagliwanag ang katawan dahil sa asul nitong aura.
"Ano ba sa tingin mo ang ability niya? Absorber ba? Nakita ko ang paghigop ng katawan niya sa aura ng anak ni sir Kuro. Dahil siguro roon kaya niya nagawang pabagsakin si Bazil," wika ni Mirai na seryosong pinagmasdan ang maliit na daliring ginawa niyang talim sandali.
"Hihigupin ba niya ang aura ko bukas?" tanong naman ni Enma na sandaling pumikit. Umihip ang hindi kalakasang hangin mula sa kinatatayuan nito. Sa pagmulat ng mata nito ay napatingin naman si Mirai sa tabi niya, katabi na niya ang kanyang kuya.
"Kailangang maging malakas ako lalo. Maraming malalakas sa school na ito..." wika ni Enma habang nakatingin sa malayo.
"Gusto ko kuyang mapunta sa Purif 8," sabi naman ni Mirai at pagkatapos noon ay napangiti ang dalawa.
*****
ISANG meeting ng mga Board of Trustees ng Purif School ang naganap. Naroon si Sir Kuro at ang walong miyembro nito. Pinag-usapan nila ang nangyari kaninang umaga.
"Pagbobotohan natin kung dapat bang ma-expell sa paaralang ito ang estudyanteng si Bazil Eztone. Sa inyo ko ibibigay ang desisyon hinggil sa binatang iyon," wika ni Kuro sa mga kasamahan nito.
Dito na nga isa-isang nagtaasan ang kamay ng mga BOT, maliban sa isa.
"Alam na ninyo ang magiging pasya ko. Ako ang nagpasok sa kanya rito, kaya kung ako ang masusunod ay gusto ko siyang manatili rito..." seryosong sinabi ng lalaking nakasuot ng pulang tuxedo. May kinuha itong maliit na sigarilyo sa bulsa nito at inilagay sa bibig. Sinindihan niya iyon at pagkatapos ay humithit nang bahagya. Tumayo na ito at pagkatapos ay ibinuga nito ang usok sa gitna ng mesa. Sandali itong tumingin kay Kuro.
"Mukhang pinal na ang desisyon kaya iuuwi ko na si Bazil," sabi nito at pagkatapos ay nagpaalam na ito sa lahat. Lumabas na ito ng silid at pagkatapos ay tumingin sa malayo.
Pinuntahan nito si Bazil na nasa isang silid sa loob ng lugar na ito. Napatayo agad ang binata nang may nagbukas sa pinto ng silid na pinaglagyan sa kanya. Dito na nga pumasok ang isang lalaking naka-pula.
"Sumama ka sa akin, hindi ka na maaaring mag-aral sa Purif City," seryosong sinabi ng lalaking iyon.
"H-hindi ko pa nababawian ang sumuntok sa mukha ko... A-ayaw ko pang umalis," pagtutol ni Bazil ngunit nang seryoso siyang pinagmasdan ng lalaking iyon ay agad din siyang naglakad papalapit dito.
Kinuha ng lalaki ang cellphone nito at may tinawagan.
"Leonora, ihanda mo na ang mga gamit ni Bazil. Kukunin ko iyan pagdaan namin mamaya riyan," sabi pa nito at pagkatapos ay pinatay na nito iyon. Seryoso nitong pinagmasdan si Bazil na nakatingin sa malayo.
"Sa muli ninyong pagkikita ng binatang walang aura, gusto kong patayin mo siya... Kaya kailangan mong magpalakas. Magpalakas ka Bazil! Hindi mahina ang Beazt na iyon... Sa tingin ko ay may natutulog siyang kapangyarihan!"
Napatingin bigla si Bazil sa lalaki matapos niyang marinig iyon.
"Kaya pala... Kung ganoon, kailangan ko pang mas maging malakas. Hindi pwedeng malampasan ako ng tulad niya," seryosong sinabi ni Bazil habang nakatingin sa kausap nito na nakatingin naman sa malayo.
"Kailangan mo pa ngang magpalakas. Mabuti pa'y umalis na tayo. Isasama na kita sa Dead Zone para doon magpalakas..." sambit ng lalaking iyon na biglang ngumiti na tila may masamang binabalak.