15. Farewell

2840 Words
LUMIPAS ang gabing iyon. Ni isa’y walang nakakaalam sa nangyari kay Beazt. Ang kanyang silid sa dormitoryo ay nanatiling sarado at sa pagsapit ng umaga… dito na napansin ng mga narito na hindi pa siya lumalabas mula roon. Oras na ng pagkain ng lahat para sa kanilang agahan, pero ni anino ng binata ay walang lumitaw rito.   “Speed!” medyo may kalakasan ang boses ni Leonora matapos iyon. Si Speed naman ay mabilis na napatayo nang marinig iyon.   “Bakit po?” nangingiting wika nito sa matanda.   “Nasaan si Beazt?” seryosong tanong ng matanda sa kanya. Naisip niyang alam nito dahil ang dalawang ito ang madalas na magkasama. Pilit namang ngumiti si Speed. Inaasahan na rin niya iyon. Na siya ang tatanungin ni Leonora.   “K-kinatok ko po siya kaninang madaling-araw, ngunit hindi po siya sumasagot,” sagot ni Speed na biglang nakaramdam ng pag-aalala sa kaibigan. Kanina kasi’y inisip niyang nagsasanay lang ito sa kagubatang malapit sa kanilang dormitoryo. Pero, kilala niya ito, kapag oras na ng pagkain ay imposibleng mawala ito. Lalo na nga’t masasarap ang inihahain sa kanila rito.   Pinapasok na rin naman ni Leonora ang isang maliit niyang ahas sa silid ng binata at wala talaga ito roon. Ang nais lang niyang malaman ay baka may nakakaalam sa mga narito kung saan ito tumungo.   “Isa pa po, kilala ko po si Beazt. Hindi siya mawawala kapag oras na ng pagkain,” dagdag pa nito habang nakatingin sa mga mata ng matanda na seryosong nakatingin naman sa kanya.   “May nakakita ba sa inyo sa ginawang paglabas ni Beazt mula sa silid nito?” tanong matanda sa lahat at ang mga first years na nasa kanyang mesa ay agad na sumagot ng “Hindi raw nila ito nakita.”   Si Freya naman, biglang naalala ang nakitang ginagawang pag-eensayo ng binata sa gubat nitong nakaraan. Pero narinig din niya ang huling sinabi ng kaibigan nito tungkol sa oras ng pagkain. Palaging nauuna si Beazt kapag sila ay kakain na. Isa pa, ito ang pinakamaganang kumain sa kanilang lahat. Parang pakiramdam tuloy niya ay may nangyari sa binata o ‘di kaya, biglang umalis ito at hindi na nagawang magpaalam.   “Madam Leonora, baka nais mong gamitin ko ang isa sa mga abilidad ko bilang lobo upang mahanap natin ang walang aura na iyon?” Si Kiba naman na bihirang magsalita ay biglang nagbigay ng suhestyon sa kanilang bantay na si Leonora.   “Gagamitin ko ang matalas kong pang-amoy upang makita ang hinahanap natin,” sabi pa ni Kiba sa matanda at si Leonora ay mabilis na sinang-ayunan ito. Dito na nga pumikit ang binata. Pinatahimik ng kanyang isip ang paligid at ang ibang amoy na malapit sa kanya ay kanyang iwinaglit. Dito ay inalala rin niya ang itsura ni Beazt. Sa sandaling iyon, dito’y may kung anong halimuyak mula sa hangin ang nanuot patungo sa kanyang ilong. Lumipas ang sampung segundo at muling iminulat ni Kiba ang kanyang mga mata.   “Nasaan si Beazt? Naamoy mo ba kung nasaan siya?” seryosong tanong Leonora rito.   “Paparating na po siya, nasa harapan na siya ng pinto ng dormitoryo,” sagot ni Kiba at doon ay may ilang katok na narinig mula sa labas, mula sa pinto ng lugar kung nasaan sila.   Si Speed, nang marinig iyon ay awtomatikong tumayo mula sa kinauupuan at tumakbo upang pagbuksan ang kanyang kaibigan. Binuksan niya ang pinto at sa pagbukas niya noon ay tumambad sa kanya ang nakabulagta’t nakadapang katawan ni Beazt. Wala na itong kahit anong suot na damit at makikitang may mga sugat at galos din ang katawan nito.   “Beazt!” bulalas ni Speed na mababakas ang pag-aalala sa mukha na agad nilapitan ang kaibigan. Inihiga niya ito at pinagmasdan ang mukha nito upang malaman kung ito ba ay humihinga pa. Inihiga niya ito sa kanyang bisig at nagsidatingan na rin nga ang mga kasamahan niya sa dormitoryo dahil narinig nila ang sigaw ni Speed.   “A-ano’ng nangyari sa kanya!?” wika agad ni Leonora na mabilis na umupo sa tabi ng walang malay na binata. Mabilis niyang hinawakan ang ilalim ng palad nito. Pinulsuhan niya kaagad si Beazt.   “A-ano’ng nangyari kay Beazt?” wika naman nina Claude na nagkaroon din ng kaunting pag-aalala rito.   Ang mga kasamahan naman nilang may asul na aura ay seryoso lamang na pinagmamasdan ang nangyayari. Si Freya, napakuyom naman ng kamao dahil sa nakikita.   “Buhay pa po ba si Beazt?” alalang tanong ni Speed kay Leonora.   Nagdilim ang paningin ng matanda at kalmadong tumayo. Sa pagbitaw niya sa kamay ni Beazt ay siya namang pagbagsak noon sa sahig. Napailing ang matanda at kasabay noon ay ang seryoso niyang pagtingin sa mga mata Speed.   “Nakarating pa siya rito... Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa kaibigan mo. Pero wala na siyang pulso. Ni wala na akong nararamdamang init na lumalabas sa kanyang katawan...”   Habang pinapakinggan ni Speed ang mga salitang iyon ay tila may bumabalon ng luha patungo sa gilid ng kanyang mga mata. Ayaw niyang maniwala. Padalawang araw pa lang nila sa paaralan at ito na kaagad ang mangyayari. Kaha-kahapon lang ay kasama pa niya ito. Ayaw niyang tanggapin ang kanyang maririnig. Para sa kanya, buhay pa si Beazt at natutulog lang ito.   Wala pang napapatunayan si Beazt sa lahat. Ni hindi pa nga nito nalalaman ang tunay na kapangyarihang mayroon ito.   “Patay na ang kaibigan mo Speed...” wika ni Leonora at naglakad na ito patungo sa loob upang tumawag sa nakakataas ukol sa nangyari. Napapaisip din ang matanda sa kung ano ang nangyari sa binata. Hindi ito maganda, at magkakaroon ng masamang imahe ang paaralan kung makakarating ito sa labas.   Ang mga may aura ng asul ay sumabay na rin sa matanda sa pagpasok sa loob. Tila wala silang pakialam sa nangyari kay Beazt. Si Enma, seryoso munang pinagmasdan ang wala ng buhay na kasamahan. Parang kahapon lang ay gusto niya itong maging kaibigan. Gusto rin niya itong makalaban, pero ngayon, heto at wala na itong buhay. Tila kaybilis ng mga pangyayari.   Sandali ring pinagmasdan ng magkapatid ang mga sugat sa katawan nito. Napansin ni Enma na tila ba may ilang bahagi sa katawan nito ang nasunog dahil nangingitim ang ilang balat ng binata. Bago siya umalis ay sandali siyang napaisip sa kung ano ang nangyari sa binata? Kung napalaban man daw ito sa isang malakas na indibidwal at napatay, tila kapalaran na raw nito iyon dahil wala itong taglay na aura.   “Sa loob ng Purif School? May gagawa nito?” sabi ni Enma sa sarili na pagkatapos tapikin sa balikat si Speed ay umalis na ito at bumalik sa loob kasama si Mirai.   Bumalik na sila sa loob upang kumain dahil kailangan na nilang pumasok.   Si Speed, pinipilit pa ring magising si Beazt. Iginagalaw niya ang ulo nito. Inuuga rin nito ang katawan ng kaibigan habang tinatawag ito sa pangalan. Sina Claude, Shilva at Odessa, nanatiling kasama si Speed. Si Beazt ang dahilan kaya sila nakapasok sa paaralang ito. Kung hindi dahil dito ay baka nasa labas sila at nagpapatuloy sa tipikal na pamumuhay ng isang indibidwal na may mababang kulay ng aura. Hindi sila magkakaroon ng lakas ng loob na subukang gawin ang kagustuhan nilang maging bayani kung hindi dahil dito.   “Beazt! Gumising ka! Magiging hero pa ako!” sambit ni Speed na nagsimula nang pumatak ang luha. Bumabalik kasi sa ala-ala niya ang mga pinagsamahan nilang dalawa.   “Katulad mo, wala na rin akong pamilyang kinagisnan...”   “Nakatira lang ako sa isang bahay na ni minsan ay hindi ako itinuring na pamilya...”   “Ikaw ang unang kaibigan ko. Ikaw ang unang nagligtas sa akin...”   “Gusto kong maging Hero dahil gusto kong iligtas ang kahit sino. Pati ikaw Beazt... Gusto rin kitang iligtas kapag kinailangan mo ako.”   “Kung kinakailangang ako ang maging mata mo, gagawin ko. Sa oras na maging magkakampi tayo... Malakas ang loob ko na hindi tayo matatalo.”   “Malakas ang tandem natin Beazt, ang lakas mo... at ang prediksyon ko. Hindi ba astig iyon?”   *****   “UMALIS ka riyan Speed!”   Napalingon ang apat sa pinagmulan ng boses na iyon. Naroon pa pala si Freya at hindi pa ito pumapasok sa loob.   “A-ano’ng gagawin mo?” tanong ni Speed na kasalukuyan pa ring may mga luhang lumalabas mula sa mga mata nito.   Umupo si Freya sa tabi ng dalawa. Dito’y biglang nagliwanag ang katawan nito. Lumabas ang asul na aura mula sa katawan nito.   “Susubukan ko siyang gisingin gamit ang apoy ko. Hindi ko alam kung eepekto ito...pero...”   Sandaling nagdilim ang paningin ng dalaga. Biglang bumalik sa alaala niya ang nangyari kahapon. Iniligtas siya ng lalaking ito at may utang na loob siya rito. Kahit na ang nasa isip lang niya ay ang kagustuhang mas lalo pang maging malakas... Naalala pa rin naman niya ang mga itinuro sa kanya ng kanyang ama.   “Ang pagliligtas ay isa ring kapangyarihang taglay ng bawat isa Freya.”   “Darating ang pagkakataon na susubukan nating gawin ang imposible...”   Ang aura ni Freya ay dumaloy papunta sa dalawa niyang kamay. Naipon ito roon at ang asul na apoy nito ay biglang kumawala mula sa mga palad nito.   “May kakayahan ang Blue Flame ko na maghilom ng sugat. Sa loob man o sa labas. Isa itong special ability ng apoy ko,” wika ni Freya at ang apat pa na naroon ay hindi maiwasang humanga sa ginagawa ng dalaga. Sa kabila ng tila palaban nitong imahe noong pagsasala, nakikita pa rin nila sa dalaga ang ugali ng isang Hero... ang ugaling kagaya ng ama nitong si Sir Kuro Manchester.   Si Speed ay binitawan na si Beazt at maingat na inihiga. Napatingin pa siya sa loob ng dormitoryo, pero tanging si Freya lang ang narito na may Blue Aura. Sadyang sa kabila ng mga sinabi ni Sir Shin ay tila hindi na magbabago ang paniniwala ng mga ito.   “May tiwala ako sa iyo... Binibining Freya. Kapag muling nagising si Beazt... Pangako! Paglilingkuran kita!” seryosong sinabi ni Speed pero sinamaan siya ng tingin ng dalaga.   “Hindi ako naghihintay ng anumang kapalit sa iyo. Isa pa, hindi ko alam kung epektibo ito.”   “Kung sakali mang magising ang lalaking ito. Ibig-sabihin patas na kami,” sabi ni Freya na hinawakan na ang dibdib ni Beazt. Kahit na wala itong saplot ay hindi man lang nakakitaan ng pagkahiya ang dalaga nang oras na iyon. Dahil hindi ito ang oras upang maasiwa siya rito! Si Odessa nga ay napatalikod na lamang habang nangyayari iyon.   Ang asul na apoy ni Freya ay dumaloy sa katawan ni Beazt. Ipinikit pa ng dalaga ang kanyang mga mata at pinakiramdaman ang daloy ng kanyang apoy sa katawan ng lalaki. Dito ay unti-unting naghilom ang mga sugat sa katawan ng binata.   “Gumising ka Beazt! Gusto kitang makalaban. Alam kong malakas ka! Hindi ko nakikitang natatakot ka sa akin o kung kanino man. Bibihira akong makakita ng tulad mo. Isa pa...”   “Sa kabila ng hindi mo pagkakaroon ng aura. Nagawa mo pa ring magpalakas gamit ang pisikalidad. Hindi ka nawalan ng kompyansa...”   Napanood ni Freya ang ginawa nito noong pagsasala. Nalaman na rin niya mula sa ama niya kung paano ito nakapasok sa paaralan. Hindi pangkaraniwan ang lalaking ito at gustong makita ni Freya kung hanggang saan ang itatagal ng lalaking ito. Hindi niya ito minamaliit, bagkus, para sa kanya, si Beazt ang magiging kakompetensya niya sa mga kasama niya rito.   “Gumising ka Beazt!” bulalas ni Freya at kumawala ang malakas na hangin mula sa kinatatayuan niya. Ang kanyang apoy ay pumasok sa katawan ng binata at naglaho iyon matapos ang ilang segundo. Hiningal naman siya nang bahagya matapos iyon. Seryoso rin niyang pinagmasdan ang mukha ng binata na nanatili pa ring nakapikit ang mga mata.   Silang lima ay naghintay sa mga mangyayari, ngunit wala pa rin.   Tumayo na si Freya at napatingin kay Speed.   “Ikinalulungkot ko... Wala na ang kaibigan mo...”   Pagkasabi noon ni Freya ay napakuyom na lang ng kamao si Speed. Nilabanan niya ang kanyang luha sa paglabas nito. Ni hindi man lang niya nakitang ngumiti ang kaibigan. Ni hindi man lang niya nakitang nalulungkot o nagagalit ito. Alam niyang walang emosyon ito. At nasisiguro rin niya na kahit siguro sa bingit ng kamatayan nito ay wala itong naramdamang takot.   “Ang daya mo Beazt...” sambit ni Speed at matapos ang luha ay ngumiti ito nang pagkalapad.   “A-ang daya mo... Hindi mo man lang makikita na magiging Hero ako. N-napakadaya mo...”   Si Freya, naglakad na paloob ngunit bago pa man siya makapasok sa loob ay may naramdaman siyang isang pamilyar na presensya na paparating. Si Leonora, biglang lumabas na rin at kasunod na nito ang mga kapwa niya estudyante na tila pupunta na sa Normal Area.   Dalawang lalaki ang biglang lumapag mula sa harapan ng dormitoryo.   “Magandang umaga sir Kuro!” bati ng lahat. Kasama nito ang anak na si Hellio na seryosong nakatingin sa kapatid na si Freya.   “Nasaan si Beazt, Leonora?” Ito kaagad ang lumabas na salita mula bibig ni sir Kuro. Mabilis namang lumapit si Leonora at sinabi ang nalalaman.   Si Hellio, seryosong naglakad papalapit sa bangkay ni Beazt. Pinagmasdan niya ang katawan nito at sandaling natahimik. May kung ano ang bumabagabag sa kanya nang mga sandaling iyon pero iwinaglit niya iyon at dumiretso na ng lakad palapit sa kapatid na si Freya.   “Kumusta ka na Freya?” sabi ni Hellio na nasa likuran ni Freya na nakakuyom ang kamao at nagdidilim ang paningin.   “Masaya akong makita kang mabuti,” sabi pa ni Hellio at ipinatong ang isang kamay sa buhok ng kapatid.   Si Freya, napapitlag matapos iyon. Tila nanginig ang labi ng dalaga. Napansin din iyon ng mga kasamahan nila. Tila ba, nawala ang pagiging amazona ng bunsong anak ni Sir Kuro dahil sa kuya nito.   Si Luke nga ay pasimpleng napangisi nang makita ang itsura ni Freya sa harapan ni Hellio. Natutuwa talaga siya kapag nakikita ang dalaga na natatakot. Isa rin siya sa hindi gustong ang pinsang babae ang nagtaglay ng asul ni sir Kuro. Para sa kanya, mas karapat-dapat si Hellio para rito.   “Freya...”   “Sinubukan mo bang buhayin ang katawan ng mahinang lalaking iyon?”   Ang bulong na iyon ang biglang nagpadilim sa isip ni Freya. Naalala niya ang mga pagpapahirap sa kanya ni Hellio nang siya ay bata pa. Hindi ito alam ng kanyang ama, at hindi niya ito magawang sabihin dahil sa takot. Sa kabila ng kagustuhan niyang lumakas, isang indibidwal lang ang kinatatakutan niya. Ito ay si Hellio!   “Freya...”   “Pumunta ka mamaya sa opisina ko... Matagal na rin nang huli kitang nakita, pinakamamahal kong bunso...” bulong muli ni Hellio sa may tainga ni Freya.   Napapapikit si Freya sapagkat naaalala niya ang ginagawa sa kanya ng kanyang kuya. Ginagawa siya nitong sanayan ng apoy. Sinusunog siya nito gamit ang puti nitong apoy. Naaalala ni Freya ang init at sakit na dulot noon. Kahit nagagawa niyang pagalingin ang mga sugat niya, ang hapdi at kirot ng apoy ng kanyang kapatid ay patuloy na nagmamarka sa madilim na bahagi ng kanyang pagkatao.   Hinaplos-haplos pa ni Hellio ang buhok ng kapatid. Nang mga sandaling iyon, walang kamalay-malay ang binata na isa palang kamao ang biglang tatama sa mukha niya. Napangiwi na lang ni Hellio na may kung anong matigas na bagay ang tumama kanang pisngi niya. Sinubukan pa niya itong labanan ngunit mas nanaig ang pwersa noon.   Bumagsak si Hellio dahil sa pwersa ng kung anong tumamang iyon sa kanya.   Sina Kuro at Leonora, nagulat sa nasaksihan. Ang mga nasa dormitoryo, napamulagat na lang dahil sa mga nangyari at si Speed... Unti-unting bumukas at lumapad ang labi dahil sa nasaksihan.   “Gutom na ako!” bulalas ng lalaking sumuntok kay Hellio.   Si Freya, hindi alam kung paano magre-react sa nangyari. Ni minsan ay walang sumuntok sa kanyang kuya Hellio.   “Gutom na ako!” bulalas muli ng lalaking iyon na walang pakialam sa mga nangyayari sa paligid. Ni hindi na nga nito pinansin si Hellio na nakaupo sa gilid. Gulat na gulat ang number 1 sa Purif 8 nang makita ang lalaking iyon.   “Buhay ka Beazt! Yesss!” masayang bulalas ni Speed na napatakbo sa kaibigan.   Ang kaba at takot naman ni Freya dahil kay Hellio ay mabilis namang naglaho nang oras na iyon. Hindi na nga napigilan ng dalaga at mapabuntong-hininga. Ang mga labi ni Freya, biglang gumalaw at isang munting ngiti ang palihim na sumilay rito habang pinagmamasdan ang lalaking sumuntok sa kanyang kuya.   Hindi niya maipaliwanag, ngunit nang makita niyang buhay ang binatang walang aura at ang ginawa nitong pagsuntok sa mukha ng kanyang kuya... hindi na niya napigilang mapangiti sapagkat may ilang tinik sa dibdib niya ang sandaling nabunot matapos iyon.   Si Beazt, mabilis na binigyan ni Speed ng kasuotan at dumiretso sa hapag-kainan.   Hindi makapaniwala ang lahat sa mga nangyari. Sapagkat ang kaninang sinasabing wala ng buhay na si Beazt... ngayon ay kasalukuyan nang kumakain nang napakagana ng agahan nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD