Sa paggala-gala ng kaniyang paningin, naramdaman niyang may dumantay na kamay sa kaniyang balikat. Si tenyente Guevarra, na sumunod sa kaniya upang paalalahanan na mag-ingat din sapagkat nangangamba siyang bakâ matulad siya (si Ibarra) sa sinapit ng kaniyang ama. Nakiusap si Ibarra na isalaysay ng tenyente ang tungkol sa búhay ng kaniyang ama sapagkat tunay na wala siyang nalalaman dito.
Sinabi ni Ibarra na sumulat ang kaniyang ama sa kaniya may isang taon na ang nakakalipas. Nagbilin si Don Rafael (ama ni Ibarra) na huwag nitong ikagugulat kung sakali mang hindi siya makasulat sapagkat lubha siyang abala sa kaniyang mga gawain.
Ganito ang salaysay ng tenyente: Si Don Rafael ay siyang pinakamayaman sa buong lalawigan. Bagama't siya ay iginagalang, may ilan din namang naiinggit. Ang mga nuno nila ay mga Kastila. Ang mga Kastila dahil sa kasawian ay hindi gumagawa ng mga nararapat. Ang masasamâ sa Espanya ay nakakarating sa Pilipinas. Si Don Rafael ay maraming mga kagalit na mga Kastila at pari. Ilang buwan pa lámang nakakaalis sa Pilpinas si Ibarra, si Don Rafael at Padre Damaso ay nagkasira. Di-umano, 'di nangungumpisal si Don Rafael.
Nabilanggo si Don Rafael dahil sa pagkakaroon ng mga lihim na kaaway. Pinagbintangan pa siya ang pumatay sa isang mangmang at malupit na artilyerong naniningil ng buwis ng mga sasakyan. Ngunit hindi naman totoo.
Isang araw may isang grupo ng mga bata na sinigawan ang artilyero ng "ba, be, bi, bo, bu" na labis na ikinagalit nito. Pinukol ng kaniyang tungkod ng artilyero ang mga bata. Isa ang sinampal na tinamaan at nabuwal. Pinagsisipa niya ito. Napatiyempo namang nagdaraan si Don Rafael. Kinagalitan niya ang artilyero. Ngunit, ito ay lalong nagpuyos sa gálit at si Don Rafael ang kaniyang hinarap. Walang nagawa si Don Rafael kung hindi ipagtanggol ang sarili.
Sa hindi malamang dahilan, bigla na lámang sumuray-suray ang artilyero at dahan-dahang nabuwal. Malala ang kaniyang pagkakabuwal sapagkat ang kaniyang ulo ay tumama sa isang tipak na bato. Nagduduwal ito at hindi nagkamalay hanggang sa tuluyang mapugto ang hininga.
Dahil dito, nabilanggo si Don Rafael. Pinagbintangan siyang erehe at pilibustero. Masakit sa kaniya ang ganito sapagkat iyon ang itinuturing na pinakamabigat na parusa.
Ngunit lalong nadagdagan ang dagan sa kaniyang dibdib. Pinaratangan din siyang nagbabasá ng mga ipinagbabawal na aklat (El Correo de Ultramar) at diyaryo, nagtatago ng larawan ng paring binitay, isinakdal sa salang pangangamkam ng lupain at nagbibigay ng tulong sa mga tulisan.
Gumawa siya (tenyente) ng paraan upang tulungan si Don Rafael at sumumpang ito ay marangal na tao. Katunayan, siya ay kumuha ng isang abogadong Pilipino na si G.A at G.M. Ito ay pagkaraang lumitaw sa pagsusuri na ang ikinamatay ng artilyero ay nag pamumuo ng dugo sa ulo nito.
Nang lumaon, ang katwiran ay nagtagumpay din. Nang si Don Rafael ay malápit nang lumaya dahil sa tapos nang lahat ang mga kasong ibinintang sa kaniya. Ang sapin-saping kahirapan ng kalooban na kaniyang dinanas ay hindi nakayanan ng kaniyang pisikal na katawan.
Hindi na niya natamasa ang malayang búhay. Sa mismong loob ng bilangguan, nalagutan ng hininga si Don Rafael.
Huminto sa pagsasalaysay ang tenyente. Inabot nito ang kaniyang kamay kay Ibarra at sinabing si Kapitan Tiyago na lámang ang bahalang magsalaysay ng iba pang pangyayari. Nasa tapat sila ng kuwartel nang maghiwalay. Sumakay sa kalesa si Ibarra.