Chapter 4
Bella's POV
Ang buong silid ay napinturahan ng kulay-puti. Tanging itong bed na kinahihigaan ko, isang maliit na table at dalawang upuan ang makikita rito sa loob.
"Nasaan ako?" mahinang tanong ko.
Naagaw ng atensiyon ko ang pintuang bahagyang nakabukas. Iniangat ko ang kalahati ng katawan nang may makita akong tao sa labas. Hindi ko makita ang mukha niya dahil nakatalikod siya mula rito.
"Hindi 'yan puwede. Kung gusto niyang makausap si Boss, dapat magpa-eschedule siya," ang narinig kong sabi ng kausap niya sa cell phone.
"Pero, Ate Lenn," agad namang apela ng babae.
"No buts, Doktora! Nakausap ko na ang Kuya mo tungkol diyan," sagot ulit ng tao sa kabilang linya.
Naka-loudspeaker yata ang cell phone niya. Naririnig ko kasi hanggang dito 'yong pinag-uusapan nila.
"Okay, I'll tell her," sabi naman ng babae na parang sumuko na sa kakukumbinsi sa kausap.
Narinig ko ang malalim niyang pagbuntong-hininga. Napakurap ako nang humarap na siya sa akin. Itinulak niya ang pintuan saka tahimik na pumasok. Maganda siya at mukhang mabait. Nakasuot siya ng puting kasuotan. Kung hindi ako nagkakamali ay isa siyang medical worker, doctor or nurse. Nakapusod ang mahaba at kulay blonde niyang buhok.
Hindi ko na naituloy ang pag-aaral ko sa kaniya nang mapansin niya ako.
"Hi! Mabuti naman gising ka na," nakangiting bungad niya sa akin. "Nahimatay ka kanina dahil sa stress at gutom. Iyon ang sabi ng Doktor."
Nahihiyang tumingin ako sa kaniya. "Ah... Uuwi na ako." Iyon lang ang nasabi ko sa rami kong gustong sabihin.
"Kaya mo ba'ng umuwi?" Nakarehistro ang pag-aalala sa maganda niyang mukha.
"Kaya ko," tipid kong sagot bago pilit na bumangon. Nahihilo pa rin ako pero hindi na katulad kanina.
"By the way, I'm Cassandra. Kapatid ko si Kael, ang taong gusto mo raw makausap. The bodyguards told me. Sakto naman na nasa building din ako kanina kaya nalaman ko ang tungkol sa 'yo," paliwanag niya.
Hindi agad ako nakaimik dahil inaalala ko pa ang nangyari kanina.
"What do you need from Kuya Kael? Is it important?"
Natulala ako sa mukha niya. "Kailangan ko siyang makausap." Hindi ko na namalayan ang mga katagang lumabas sa bibig. "Tungkol sa mga empleyadong tinanggal niya sa Demerceds."
"I knew it! I already told him about that. Magkakaroon talaga ng problema dahil sa naging desisyon niya." Inilabas niya mula sa mamahaling wallet ang isang maliit na papel. "Ito ang calling card ko. Pumunta ka ulit sa Demerceds. Kapag hinarang ka ng mga bodyguards, tawagan mo lang ako. Ako ang bahala na makikipag-usap sa kanila."
Tinaggap ko naman agad ang bigay niya. "Salamat," mahinang wika ko. "Umaasa akong makauusap ko siya. Kapatid ka naman niya, 'di ba? Please, pakiusapan mo siyang harapin ako. Dalhin mo na lang pala ako sa kaniya ngayon," suhestiyon ko.
"I can't. Kahit gusto ko, hindi talaga puwede. Wala kasi siya rito sa Manila. Kaaalis lang niya papunta ng Cebu pero babalik din naman siya agad. All you have to do is wait and try. Hindi ko kasi alam ang mga schedules ni Kuya sa work," paliwanag niya.
"Ganoon ba?" Yumuko ako nang bahagya para itago ang pagkadismayang gumuhit sa mukha. "Alam mo rin ba kung ano ang nangyari sa Demerceds? Bakit siya na ang may-ari nito?" nang-iintriga kong tanong ko.
"May utang ang dating may-ari ng Demerceds kay Daddy. I don't know about the whole story. Iyan lang ang alam ko. Hindi kasi ako nakikialam sa mga negosyo nila. I have my own business," sagot niya sa humble na tinig.
Mayayaman nga talaga ang mga Calvin. Tama ba'ng banggain ko sila? Pero nasa tama ako at kailangan ko ng pera. Si Cassandra Calvin pa lang ang kaharap ko. Paano kung kaharap ko na silang lahat? Mukha namang mabait ang babaeng kaharap ko ngayon. Inalok pa nga niya ako ng tulong. Kahit mayaman siya, hindi siya nandiring lapitan at tulungan ako.
"Dati kasi akong empleyado roon, Ma'am," pagbibigay alam ko para naman maintindihan niya kung ano ang ipinunta ko rito.
"Alam ko, sinabi mo na kanina," nakangiting balik naman niya.
Bakit ang ganda niya? Kung lalaki lang ako ay baka nagkagusto na rin ako sa kaniya. Parang siya ang tipo ng babaeng magaan kasama at madaling kausap.
"Umuwi ka na kapag kaya mo na ang sarili mo. Nandito ka lang sa clinic malapit sa Demerceds kaya hindi ka mawawala. I have to go." Ngumiti siya sa akin. "I hope, you will going to convince him. He's too cruel to everyone. You still need to try... We'll never know what you can do to him," parang may kislap sa kaniyang mga matang wika.
Wala akong maintindihan sa huling sinabi niya. Napatingin na lang ako sa calling card na bigay niya. Magkakaharap din kami ni Kael at hindi ako titigil na kumbinsihin siya sa gusto kong mangyari.
"Salamat, Ma'am Cassandra,"
"I'm not your Boss so don't call me Ma'am." Ngumiti siya nang tipid. "Bye!" paalam niya at tuluyan na siyang lumabas ng clinic.
Tulala pa rin ako habang naglalakad pauwi. Nahimatay ako dahil nalipasan ako ng gutom. Mabuti na lang mabait 'yong Doktora kanina sa clinic, pinakain niya ako nang libre. Dumaan ako sa bilihan ng mga fried chickens dito sa talipapa malapit sa amin. Uuwi muna ako sa bahay para idaan ang ulam ng mga kapatid ko bago ulit ako pupunta sa susunod kong trabaho.
Nang matanaw ko na ang bahay namin ay huminga ako nang malalim saka nagmamadaling inayos ang sarili. Dapat magmukha akong maayos para hindi sila mag-alala sa akin. Nanghihina ang katawang bumaba ang tingin ko sa supot na dala-dala ko. Pinipilit ko talagang pakainin ang mga kapatid ko ng mga masasarap na ulam. Nag-aaral sila kaya kailangan nilang kumain nang wasto.
"Ate Bella!" malakas na tawag sa akin ni Abby.
Nakita pala niya ako. Nakaupo siya sa labas ng pintuan namin. Kumaripas siya ng takbo papunta sa akin. Nang nasa harapan ko siya ay hinalikan niya ako sa kaliwang pisngi. Dinala na rin niya ang mga bitbit ko.
"Ano po ito? Ulam natin?" masayang tanong niya.
"Oo." Ngumiti ako sa kaniya saka ko siya hinaplos sa ulo. "Si Nathan?"
"Nasa loob, Ate. Gumagawa siya ng mgs assignments namin," sagot naman niya. "Pasok na tayo sa loob, Ate." Inakay na niya ako sa paglalakad.
"Bakit si Nathan ang gumagawa ng assignment mo?" tanong ko sa kaniya.
Natahimik naman siya bigla. "Kasi mas matalino siya kaysa sa akin, Ate."
Napailing na lang ako sa naging sagot niya. "Pareho kayong matalino."
"Hindi kaya, Ate." Humahaba na tuloy 'yong nguso niya.
Nang makapasok na kami rito sa sala ay agad na lumapit sa akin si Nathan.
"Ate! Mabuti naman nakauwi ka na. Gutom na ako, eh," nakasimangot niyang ani habang nakahawak sa tapat ng tiyan.
"Bigyan mo muna ng kiss si Ate tapos kumain ka na," utos ko naman.
Nakangiting lumapit siya sa akin saka ako hinalikan sa pisngi. "Ate, naman, eh... Dapat 'wag ka na kasing nagpapa-kiss sa akin. Binata na kaya ako," nakasimangot niyang reklamo. "Nakahihiya sa mga classmates ko."
"Aba! Itong binata namin, nag-iinarte na," asar ko naman pabalik sa kaniya. "Wala naman tayo sa school, ah... Nasa bahay tayo."
"Kahit na, Ate," pilit pa rin niyang sinabi.
"Ano'ng oras pa lang, ah... Gusto mo'ng kumain nang ganito kaaga?" pag-iiba ko ng usapan.
"Oo, Ate. Marami kasi akong gagawin mamaya. Gagawan ko pa si Abby ng assignments niya," tugon naman niya.
Napatingin ako kay Abby na ngayon ay nakayuko na. Bigla akong nabahala dahil parang namumutla na naman siya.
"Abby," mahinang tawag ko sa kaniya.
"Bakit, Ate?" mahinang tugon naman niya pero nanatili pa rin siyang nakayuko.
"Ayaw mo ba tulungan ang kapatid mo? Total assignments n'yo naman 'yang dalawa," ani ko.
Nag-aalangang tumingin sa akin si Nathan. Mas lalo tuloy akong hindi mapakali.
"Tapos na akong magluto!"
Napatingin kaming tatlo kay Iza. Kalalabas lang niya mula sa kusina.
"Oh! Bakit ganiyan kayo makatingin?" kunot ang noo niyang tanong sa amin. "Ate, mabuti naman nakauwi ka na. Kanina ka pa hinihintay ni Nathan. Gutom na gutom na raw siya," natatawang sabi nito.
Natawa lang ako nang mahina. "Umupo ka muna, Iza," utos ko sa kaniya.
"Bakit? May meeting tayo?" ngiting-asong tanong niya. "Ate, 'yong ipinapagawa ko pala sa 'yo? Nagawa mo ba? Pasensiya ka na talaga, ate. Naubusan kasi ako kanina ng pera."
"Oo, nasa bag. Mamaya mo na kunin. 'Wag mo na ring intindihin 'yon. Gusto ko kayong makausap," seryosong saad ko.
"Okay..." Umupo na si Iza sa tabi ko. "Tungkol saan, Ate?"
Pinipilit ko ang sarili kong huwag umiyak sa harapan nila. Napatingin ako kay Abby.
"Abby, may dapat ba kaming malaman ng Ate Iza mo?" malumanay kong tanong para hindi siya matakot na magsalita.
Tumigil naman sa pagsusulat si Nathan. Sigurado akong nagulat siya sa tanong ko.
"Bakit si Abby, Ate?" nag-aalalang singit na tanong naman ni Iza. Inilipat niya ang tingin kay Abby. "Abby, ano 'yon? Sabihin mo na sa amin," untag niya rito. "Nahihirapan ka ba sa pag-aaral? May nang-aaway ba sa 'yo? Sabihin mo sa 'kin para ako na ang bahala."
Nanatili lang siyang tahimik habang nakayuko.
"Nathan, ikaw na lang ang magsabi sa amin. Sige na... Mga ate n'yo kami kaya dapat walang lihiman," pagkukumbinsi ko sa kaniya.
"Teka, ano ba talaga ang nangyayari?" nababahalang tanong ni Iza.
"Ate, kasi..." nagpapalit-palit ang tingin ni Nathan sa amin ni Abby. "Inatake ng leukaemia si Abby," halos pabulong niyang wika. "Kaya ayaw ko siyang nagpapagod dahil baka atakihin na naman siya. Ate Abby, sorry nasabi ko na..."
"Ate, sorry... Ayaw ko talagang sabihin sa inyo 'yong nangyari sa akin dahil ayaw ko kayong mag-alala," naiiyak namang paliwanag ni Abby.
Nanghina ako sa narinig pero hindi ko iyon ipinahalata sa kanila. Napatutop lang si Iza sa bibig niya. Halatang nagulat siya sa nalaman namin. Hinawakan ko lang si Abby sa mga kamay niya saka ko siya hinila palapit sa akin. Masuyo ko siyang niyakap habang hinahaplos ko ang likod niya. Naiintindihan ko kung bakit niya inilihim ang kondisyon niya. Ayaw lang niyang makadagdag sa problema.
"Tumahan ka na. Hindi galit si ate," mahinahon kong bulong sa kaniya. "Sorry kung nakampante ako na magaling ka na. 'Wag kang mag-alala. Gagawa ako ng paraan para makapagpa-checkup ulit tayo. Bibili rin tayo ng mga gamot mo. Gagaling ka rin," matatag kong sabi.
Buo na ang desisyon ko. Pipilitin kong makausap ang bagong may-ari ng Demerceds.
Kinabukasan, nagtungo agad ako rito sa Company Demerceds. Gaya ng dati, bantay sarado pa rin ako ng dalawang bodyguards dito sa entrance ng building. Inihanda ko talaga ang sarili ko ngayong araw. Nagpaalam na rin ako sa mga Bosses para sa misyon ko ngayong araw.
Nakatingin lang ako sa dalawang bodyguards at ganoon din sila sa akin. Kanina pa ako nagmamakaawang papasukin ako pero sadyang matitigas sila.
"Sir, please po. Papasukin n'yo na po ako. Kailangan ko lang talaga'ng makausap ang Boss n'yo," makaawa ko sa kanila.
"Ang kulit mo talaga, Miss. Alam naming maganda ka pero hindi ka uubra sa amin dahil mas mahal namin ang trabaho namin," madiin na saad ni Manong bodyuard na isa.
"Miss, hindi kami basta nagpapapasok dahil kasalukuyang ginagawa ang renovation dito sa loob. Ipinagbabawal ang mga unauthorized person na pumasok at isa ka na po roon," paliwanag naman ng isa pang bodyguard.
Napangiti ako nang may bigla akong maalala. "Kilala ko ang kapatid nitong may-ari ng Demerceds. Siya si Cassandra Calvin. Ngayon, papapasukin n'yo na ba ako?" matapang kong tanong.
Napangisi naman silang dalawa sabay iling. "Miss, alam namin 'yan. Hindi mo na kailangang sabihin. Halos lahat naman ng mga tao rito ay kilala siya."
Napakagat-labi ako sa inis. Muling sumilay ang ngiti sa mga labi ko nang sumagi sa aking ulirat ang calling card na binigay niya kahapon. Agad ko itong inilabas mula sa pack bag ko saka ni-dial ang numero niya. Nakangisi lang akong nakatingin sa kanila habang hinihintay ko ang pag-ring nito.
"May number siya sa akin. Tatawagan ko siya para maniwala kayo," nanunukat ang mga matang sabi ko. "Ila-loudspeaker ko para marinig n'yo," matigas ko pang dagdag.
Napanganga ako nang mag-response ang isang babae at sinabing, the subscriber's cannot be reach. Please try again later. Napasimangot ako nang marinig kong tumawa sila Manong bodyguards. Bakit ko pa kasi naisipang ipa-loudspeaker ito? Napahiya tuloy ako.
"Miss, umuwi ka na lang sa inyo. Bumalik ka na lang kapag tapos na ang renovation," natatawang payo niya sa akin.
"Hindi n'yo ba alam na limang trabaho ko ang tinalikuran ko ngayong araw para lang dito?" may halong hinanakit kong tanong.
"Miss, trabaho lang. Wala sanang personalan."
"Lisanin mo na ang Demerceds. Ito, magbasa ka."
Nakatingin lang ako sa mukha niya pababa sa ibinigay niyang magazine.
"Aanhin ko naman iyan?" dismayadong tanong ko.
"Para may magawa ka. Hindi 'yong nanggugulo ka rito. Libre 'yan dahil 'yan ang kauna-unahang produkto ng Demerceds," paliwanag naman niya.
"Sus! Mabuti sana kung nakakain ito," pabulong kong sambit sa sarili. "Sana pinera na lang ng may-ari para naman nakatulong pa siya!" inis kong bulalas.
Nagdesisyon akong talikuran na lang sila. Pakiramdam ko ay wala naman akong mapapala sa kanila.
Tumatambay ako rito sa isang store malapit sa Demerceds. Nagbabakasakali akong makakukuha ako nang magandang tiyempo. Mas mainam sana kung makita ko ulit si Cassandra Calvin. Hanggang ngayon kasi ay cannot be reach pa rin siya. Hindi ko tuloy tiyak kung numero ba niya talaga ito o pinagloloko lang niya ako.
"Bwisit talaga!" himutok ko. Linaklak ko ang laman ng soda ko. Kung alak lang ito, baka kanina pa ako tulog.
Mayamaya pa ay dumagsa na lang bigla ang napakaraming tao sa harapan ng Demerceds. Napansin ko ang isang magarang sasakyan na tumigil sa harapan ng building. Napatayo agad ako para alamin kung ano ang nangyayari. Natanaw ko ang isang babae at isang lalaki na lumabas mula sa sasakyan. Mga ulo lang kasi nila ang nakikita ko sa dami ng mga taong nakapalibot sa kanila.
Dumagsa na rin ang ilan sa mga representatives ng mga medias. Unti-unti naman silang nababawasan nang pilit silang inilalayo ng mga bodyguards at bouncers. Para tuloy silang mga artista na pinagpe-fiestahan. Nais ko sana ang lumapit pero baka maipit lang ako sa mga tao. Hindi na rin magkamayaw ang ingay roon.
"Dumating na ang hari."
Napatingin ako sa nagsalita. Nakita ko ang isang matandang lalaki na abala sa pagbabasa ng diyaryo.
"Hari po?" kunot na kunot ang noo kong tanong.
Nakangiting tumingin naman siya sa akin. "Ang bagong may-ari ng Demerceds."
Nanlaki naman bigla ang mga mata ko sa sinabi niya. Humigpit ang pagkakahawak ko sa magazine sa kamay at sa can soda. Pakiramdam ko may pumalo ng malaking gong sa tapat ng tainga ko. Nabuhay ang inis at galit sa loob ko. Dapat mga empleyadong nagwewelga ang nandito ngayon, hindi mga medias at mga fans! Bakit parang sinasanto pa sila ng mga tao?
"Salamat, Lolo," wala sa sariling pasasalamat ko habang nakatanaw pa rin sa kumpulan ng tao sa malayo.
"Huh," narinig kong sambit ni Lolo pero hindi ko na siya pinansin pa.
Nagtuloy-tuloy na ako sa paglalakad papunta sa building. Wala akong pakialam kahit ilang mga tao pa ang nandoon. Ang mahalaga ay makausap ko ang Kael na iyon! Agad akong nakisingit sa kumpulan ng mga tao. Pagkakataon ko na kasing makapasok nang hindi nahahalata.
"Sir Kael, kailan po magbubukas ang tanggapan ng Demerceds?"
"We heard that you did a project together with your Dad. Is that true, Sir?"
"How is working with your Dad?"
"Are you going to continue modelling again, Sir?"
Ang kabi-kabilang tanong ng mga medias sa kaniya. Para silang mga manok na panay ang putak.
Binilisan ko ang pagpasok sa loob ng building para hindi nila ako mahuli. Mas naunahan ko pa sila Kael. Agad akong nagtago sa sulok habang nakalagay ang mga braso sa tapat ng dibdib. Hiningal ako nang todo.
Napangiti ako nang mapansin ang lalaking naka-shades na pumasok. Sumunod naman ang isang babaeng naka-shades din. Naiwan ang mga medias sa labas kaya iilan lang ang nandito ngayon sa loob.
Agad kong itinakip sa mukha ko ang magazine na hawak ko habang minamanmanan ko sila. Iilan na lang ang nakasunod sa kanila kaya nagpasya akong sundan sila.
Nang makalapit na ako sa kaniya ay agad ko siyang hinawakan sa braso.
"Sir," mahinang anas ko.
Natigilan naman siya sa paglalakad. Kinabahan ako nang humarap siya sa akin. Hindi ko kasi alam kung paano ko idudulog ang mga hinaing ko. Napalunok ako nang mapatingin ako sa mga labi niyang pamilyar. Hindi ko pa alam kung ano ang itsura niya dahil na rin sa shades niyang suot. Siguro nagtataka na siya ngayon, hindi lang presensiya ko kundi pati na rin sa isiping paano ako nakapasok dito.
"Hey, Girl! Stay away from him!" matinis na sita sa akin ng babaeng kasama niya. "Guards! Guard!" galit niyang tawag sa mga ito. "Why did you let her in?" iritadong tanong niya. "Come on, Kael! Let's go!"
Hinila na niya ang lalaki pero hinila ko rin ito pabalik sa kamay kaya napaharap ulit siya sa akin.
"Saglit lang, Ma'am! May importante lang akong sasabihin sa kaniya," mahinahon kong pakiusap sabay tingala sa lalaki.
"What?" Tumaas na ang boses niya. "You're not even look like an important person, b***h. Are you gonna deal millions or billions with him? I don't think so!" Bakas sa boses ang pang-uuyam.
End of Bella's POV