Prologue
San Martin
Year 2010
Nagising ang batang sampung taong gulang na si Kenneth sa malalakas na yugyug sa kaniyang mga balikat nang umagang iyon. Pagdilat ng kaniyang mga mata ay bumungad ang mukha ng kaniyang ama, si Kenneth Casiño Sr. Kapangalan niya ang kaniyang ama kaya naman ang palayaw niya ay Ken.
"Ken, tumayo ka na at bumaba roon. Hinihintay ka ni Kyline," saad ng kaniyang ama.
Kaagad namang nawala ang antok niya nang marinig ang pangalan ng kaibigan. Nagtaka rin siya na naroon si Kyline ng ganoong kaaga.
"Bakit po, Papa? May nangyari po ba kay Kyline?" ang kinakabahan niyang tanong.
"Ang mabuti pa ay halika na," tanging sagot ni Kenneth sa anak.
Mabilis na lang nga siyang sumunod sa ama. Pababa pa lang sila sa hagdanan ay natanaw na niya si Kyline na nakaupo sa mahabang sofa nila sa sala katabi ang kaniyang mama na buntis. Base sa natatanaw niya ay mukhang umiiyak ang kaibigan.
"Kyline!" tumakbo na siya palapit kay Kyline nang tuluyan na siyang makababa.
"Ken..." ang may pagsinok namang sambit ni Kyline sa pangalan niya.
"Anong nangyari sa 'yo?" tanong niya nang makaupo na rin sa tabi ni Kyline.
"Diyan na muna kayo at igagawa ko lang kayo ng juice at tinapay," sambit naman ni Fatima, ang mama niya. Dahan-dahan lang sa pagtayo ang kaniyang mama mula sa pagkakaupo habang nakahawak sa malaki na nitong tiyan. Kaagad naman itong inalalayan ng kaniyang ama.
"Ken... S-si t-tatay..." muling napasinghot si Kyline nang sabihin iyon.
"Bakit? Anong nangyari sa tatay mo?" kinabahan naman niyang tanong.
"I-iiwan n-niya n-na k-kami..." paputol-putol at sinisinok na sagot ni Kyline sa kaniya.
Napakunot noo naman siya. Hindi niya naman kasi masyadong maintindihan ang ibig sabihin ni Kyline.
"I-iiwan n-niya n-na k-kami, Ken. M-may b-babae si t-tatay!" hirap na hirap ang kaloobang sambit ni Kyline at muli itong napaiyak.
Doon na niya naintindihan ang ibig sabihin ni Kyline. Ngunit nagulat din siya dahil hindi niya inaasahan iyon. Matagal na kasi silang magkakilala ni Kyline dahil nga pareho silang doon na ipinanganak. Pareho rin silang nag-iisang anak maliban na lang ngayon na magkakaroon na siya ng kapatid. Naging close rin sila higit sa ibang mga batang nakakasalamuha nila. At sa mga panahon ngang iyon ay nakita niya kung anong klaseng pamilya mayroon si Kyline. Masaya ang pamilya ng mga ito na nakikita niya.
"Tama na, Kyline..." naaawang niyakap niya ang kaibigan. Kung may magagawa lang sana siya para mapagaan ang pakiramdam ng kaibigan.
"A-ayaw ko munang umuwi roon, Ken..." paghikbi ni Kyline.
"Sasabihin ko kina papa na dito ka na lang muna matutulog ngayon," mabilis naman niyang sagot. Kung minsan kasi ay natutulog talaga roon si Kyline lalo na kapag walang pasok ng kinabukasan. Magkasing edad sila at pareho silang grade four sa pareho ring paaralan.
Maya-maya ay nagulat silang dalawa ni Kyline nang marinig ang malakas na sigaw ng kaniyang mama na nanggaling sa kusina. Kasunod niyon ay nakita nila ang kaniyang papa na humahangos palabas ng kusina habang buhat-buhat ang kaniyang mama.
"Stay here, Ken! Dadalhin ko lang sa ospital ang mama mo," ang malakas at natatarantang saad ni Kenneth sa kanila.
Bahagya naman siyang natulala sa nakitang dugo sa binti ng kaniyang mama. Alam niyang manganganak na ito.
***************
Halos papagabi na nang makabalik si Kenneth sa bahay nila. Kaagad itong sinalubong ni Ken nasa pintuan pa lamang ito.
"Papa, kumusta po si Mama?" ang excited na tanong ni Ken. Excited na rin kasi siyang makita ang magiging kapatid.
Sa likuran ni Ken ay nandoon din na nakatayo si Kyline. Sinamahan siya ni Kyline buong araw lalo na at ayaw pa rin nitong umuwi sa kanila dahil nga sa nangyari sa kaniyang mga magulang.
"Papa?" nagtaka siya sa reaksiyon ng kaniyang ama. Tila malungkot ito at nagpakaba iyon sa kaniya.
Ilang sandali pa ay napahagulgol na ang kaniyang ama. Inalalayan nila ni Kyline ang ama na makaupo sa sofa. Utal-utal ang pagsasalita ng kaniyang papa ngunit malinaw iyong naririnig ng kaniyang mga tainga. Halos mawalan siya ng hininga sa mga naririnig. Kulang na lang ay bumalik siya sa pagtulog upang maging masamang panaginip na lang ang lahat ng nangyari nang araw na iyon kasama na ang nangyari sa mga magulang ni Kyline. Hinding-hindi niya makakalimutan ang gabing iyon nang sabihin ng kaniyang papa na wala na ang kaniyang mama. Namatay sa panganganak ang mama niya maging ang magiging kapatid niya rin sana...
**************
2012
Two years later...
"Yeheyyy!!!" sabay na sigaw nina Ken at Kyline habang nakadipa ang dalawa nilang mga kamay.
Masayang nakatayo sa tuktok ng malaking bato si Ken kasama si Kyline. Parehas silang naka-uniform at may mga nakasabit ding medal sa leeg nila. Graduate na sila ng elementary. Si Ken ay second honor habang si Kyline naman ang first honor.
"Welcome to high school life na tayo," masayang sambit ni Ken bago ito naupo sa kinatatayuan nilang bato. Mula sa kinaroroonan nila ay tanaw nila ang dalampasigan 'di kalayuan sa kanila.
"Ang bilis, 'noh? Twelve years old na tayo. Ang tanda na natin!" palatak ni Kyline.
"Ha? Matanda kaagad? Matanda na ba iyong twelve years old?" napangiwi pa siya sa sinabi ni Kyline.
"Ano ka ba, Ken, life is short," pairap namang sabi ni Kyline.
"Yeah..." muli siyang napatanaw sa dalampasigan. "I miss mama."
Natigilan din si Kyline. Pero kaagad itong umusod para mapadikit kay Ken. Pagkatapos ay bahagya niya itong siniko.
"Huy, huwag kang mag-emote! Palubog na ang araw, baka mamaya bigla uling umakyat 'yan para lang mapasaya ka," pagbibiro ni Kyline.
"Here we go again with your corny jokes," natatawa na lang na reaksiyon niya sa kaibigan.
"You're gonna miss my mais jokes someday!" angal naman ni Kyline.
"There it is!" pagturo na ni Ken sa kalangitan.
At mula nga sa mataas at malaking bato na kinauupuan nila, tahimik at masaya nilang tinatanaw ang papalubog na araw. Walong taong gulang lang sila noong magsimula silang magkainteres na panoorin ang paglubog ng araw mula roon sa mataas na bato.
Si Kyline naman ng mga sandaling iyon ay pasimpleng nilingon si Ken sa kaniyang tabi na nakatanaw pa rin sa paglubog ng araw. Lihim niyang hinihiling na makasama hanggang pagtanda ang kababata. Sa kaibuturan ng kaniyang puso, umaasa siya at naniniwalang silang dalawa ang nakatadhana para sa isa't-isa...