(Chapter 9 - CCTV Footage sa visitor room)
Tamara's POV
Anong nangyari? Tanong ko sa sarili ko nang pagbangon ko sa kama ko ay narito na agad ako sa kuwarto ko. Ang natatandaan ko kasi ay kinuha ako ng mga lalaking nakaitim kagabi sa harap ng bahay nila Ashley. Nang takpan ng panyo ng isang lalaki ang bibig at ilong ko ay doon na ako nawalan ng malay-tao. Hanggang doon na lang ang naaalala ko.
May naglitas kaya sa akin kagabi? Kung oo, sino siya?
Nakita kong bumukas ang pintuan ng kuwarto ko. Niluwa nito ang mama ko. Bumangon na agad ako nang makita ko siya.
"Tell me? Anong nangyari at muntikan ka na namang madukot kagabi?" bungad niyang tanong sa akin. Naupo ito sa kama ko at saka ako inabutan ng baso na may malamig na tubig. Alam siguro niya na may hang-over ako.
"Actually, pauwi na talaga ako kagabi dahil malapit nang mag-eleven ng gabi. Nang palabas na ako sa bahay nila Ashley ay nakita ko na lang bigla na nasa labas ang lalaking gustong dumukot sa akin. Akala ko ay siya lang ang naroon kaya tatakbo na sana ako, kaya lang ay may dalawa pa palang na nasa gilid ng gate kaya agad nila akong nadakip. May panyo silang inilagay sa bibig ko at ilog ko kaya nawalan ako nang malay nang isakay na nila ako sa van. Hindi ko na alam kung sino ang nagligtas sa akin. Ang mga tauhan po ba ni papa?"
Ipinatong ko ang baso sa maliit kong table pagkatapos kong ubusin ang tubig na malamig.
"Hindi," agad niyang sagot.
"Kung ganoon ay sino po? Paano ako nakauwi rito sa bahay?"
"Ang nagligtas sa iyo ay ang anak ng kaibigan ng papa mo. Mabuti na lang at nakita ka nila nang kasalukuyan kang dinudukot ng mga lalaking kagabi," sagot niya.
"Ganoon po ba? Kung sino man siya ay maraming salamat sa kanya. Utang ko ang buhay sa kanya. Pakisabi na lang kay papa na sabihin sa anak ng kaibigan niya na nagpapasalamat po ako," sabi ko.
"Makakarating sa kanya," sagot ni mama at saka niya hinagod ang ulo ko. "Anyway, wala bang masakit sa iyo? Hindi ka ba nila sinaktan?" tanong pa niya.
"Hindi naman po. Masakit lang ang ulo ko dahil nakainom po kami ng kaunti kagabi," sagot ko. "Cold water lang ang katapat nito ay mawawala na rin. Anyway, ano nang nangyari sa mga lalaki kagabi? Nahuli na ba sila ng mga pulis?" tanong ko pa.
"Oo, agad na nag-report sa police station ang anak ng kaibigan ng papa mo kaya nahuli na ang mga iyon," sagot niya kaya natuwa ako. Ang sayang malaman na wala na ang mga tinik sa buhay ko. Sa tingin ko ay matatahimik na ang buhay ko.
Tumayo na si mama. "Mag-ready ka na at kakausapin na natin si Cyd. Gising na siya at nag-aalmusal na sa baba," sabi niya.
"Okay po," maikling sagot at saka na siya lumabas sa kuwarto ko.
Pag-alis niya ay tumuloy na ako sa banyo para maghilamos at mag-toothbrush. Ayoko kasi sa umaga ang amoy ng hininga ko na lasang alak pa. Parang masusuka ako kapag naamoy ko kapag naghihikab ako.
Kinakabahan ako. Magagalit kaya si Cyd sa akin?
Pagdating ko sa kusina ay nakita kong sinusubuan pa siya ng private nurse niya. Napanganga ako dahil ang pagkakaalam ko ay balikat ang nabaril sa kanya at maari pa rin naman niyang magamit ang isang kamay niya para kumain siya, kaya ano itong kaartehan na naman kaya ang ina-acting niya?
"Maayos ka na ba?" tanong ko sa kanya nang maupo na rin ako sa hapagkainan. Agad namang nagpaawa ang mukha niya.
"Ang sakit! Pakiramdam ko ay hindi ko magalaw ang braso ko. Grabe ang ginawa mo sa akin, Tarama," sabi niya na ang boses ay tila paiyak na. Ang OA talaga.
"Sige na, Tamara, humingi ka na ng sorry sa kanya," sabi ni papa.
Gusto kong irapan si Cyd. Sa nakikita ko kasi sa kanya ay mukhang maayos naman na siya. Sa tinagal-tagal nang pinagsamahan namin ay kilalang-kilala ko na siya. Kapag ganiyan siya ay nagpapaawa na lang ito. Pero dahil alam kong hindi rin biro ang mabaril ay hihingi na lang ako ng tawad. Hindi rin naman kasi talaga biro ang nagawa ko. Kung sa dibdib ko siya nabaril ay baka napatay ko na nga siya. Malaking pasasalamat ko na lang talaga na sa balikat lang siya tinamaan ng baril.
"Sorry na! Hindi ko naman sinasadya ang nangyari. Nakalabit ko na lang kasi bigla ang gatilyo ng baril. Hindi ko inaasahan na mabilis lang pa lang mapindot ang baril ng bodyguard ni papa, kaya sorry, sana mapatawad mo ako," sabi ko habang seryoso ang mukha ko.
"Tatanggapin ko lang ang sorry mo kapag binalikan mo na ako," sabi niya kaya biglang nanlaki ang mata ko. Pati tuloy sina papa at mama ay nagulat din.
"Teka, hindi naman ata tama iyon," sabi ni papa na agad namang umalma.
"Oo nga, hindi madali ang hinihingi mong kapalit sa nangyari sa iyo, Cyd. Kasalanan mo rin naman kung bakit nangyari sa iyo iyan. Kung hindi ka nanggulo ay hindi ka dapat mababaril ng anak ko," sabi na rin ni mama.
Ang saya lang sa pakiramdam na kakampi ko ang papa at mama ko.
"Alam ko naman pong mali ang nagawa ko. Mali na nambabae ako kahit may Tamara na ako. Kaya lang, sana maisip ninyo na kaya ko pilit na binabalikan si Tamara ay dahil mahal na mahal ko siya at ayokong mawala siya sa buhay ko," sabi niya kaya halos mapailing ako habang nagmamakaawa ang mukha niya sa parents ko.
"Fine! Makikipagbalikan ako sa iyo, pero hinding-hindi na ako makikipaghalikan sa iyo. Never na mangyayari iyon. Kadiri ka na para sa akin," sabi ko kaya nakita kong napanganga ang private nurse dahil sa sinabi ko.
Speaking of kiss. Bigla ko tuloy naalala ang nangyari sa banyo nila Ashley. Hindi ko inaasahan na hahalikan ako ni Denver doon. Kung tutuusin ay mas okay pa iyon kaysa kay Cyd. Guwapo naman siya at hot. Bigla ko tuloy naalala ang pagpapaligo ko sa kanya. Halos nahawakan ko na ata ang lahat ng abs niya dahil doon napunta lahat ang vomit ko. Pati ang mga bycep niyang matitigas ay nahaplos ko rin dahil mayroong vomit din doon na napunta. Kung tutuusin ay pasok na rin siya sa panlasa ko. Kung hindi ko lang talaga naisip si Kinn ramirez kagabi ay baka bumigay na ako sa kanya. Hindi bale, kapag hindi natuloy ang plano kong akitin at mapalapit kay Kinn ay babalikan ko siya.
"Para saan pa ang pakikipagbalikan ko sa iyo kung hindi mo naman na pala ako iki-kiss? Hindi ata maganda iyon," sabi pa ni Cyd.
"Kaya, huwag na! Itigil mo ang gusto mong mangyari, Cyd. Maging magkaibigan na lang kayo ni Tamara," sabi ni papa kaya lalo nang sumibangot ang mukha ni Cyd.
"Oo nga, anak, ang mahalaga ay tanggap ka pa rin namin dito. Iyon na lang muna ang tignan mo," sabi pa ni mama sa kanya.
Pinu-push na talaga nilang mapalayo ito sa akin. Pakiramdam ko ay may kung anong mali silang natuklasan kay Cyd. Tila pati sila ay sukang-suka na sa kanya.
"Hindi ko po alam kung kakayanin ko. Parang hindi ko kayang makita na sa ibang lalaki na mapupunta ang Tamara ko. Mamatay ako sa lungkot," sabi pa niya kaya natatawa na lang ako.
Hindi ko tuloy lubos maisip na ganitong lalaki ang minahal ko. Dati, tanggap ko ang ganiyang pag-uugali niya. Noon, cute pa sa akin ang mga ginagawa niya. Pero, ngayon ay nakakasuklam na. Ang sarap niyang barilin pa sa kabilang balikat niya.
"Masakit ang ulo ko, sa tingin ko ay sa kuwarto na lang ako kakain ng breakfast. Paki-padala na lang ako roon ng food ko," sabi ko. Bago ako tuluyang umalis doon ay lumapit pa ako kay Cyd.
"Don't worry, marami pa namang babae diyan na puwede mong landiin. Hindi ba't iyon ang gusto mo? Ngayon ay malaya ka na, malaya ka na rin makakahanap ng iba't ibang babae na gusto mong pag-trip-an. Enjoy ka naman sa ganoon kaya ipagpatuloy mo na lang ang naumpisahan mo na," sabi ko at saka ko siya nginitian.
Pag-alis ko sa hapagkainan ay nakita ko pang napangiti sina papa at mama sa akin. Tila natuwa pa sila sa mga huli kong sinabi kay Cyd. Nang lingunin ko pa si Cyd ay nakabayukyok na ito sa lamesa na para bang umiiyak na. Acting na acting ang gag*!
Nakita kong hinahagod pa ang likod niya ng private nurse niya. Mukhang may tinatago ring kalandian ang nurse na iyon. Tamang-tama, baka siya na ang hinahanap ni Cyd. Bagay naman sila. Maganda naman din ang nurse na iyon. Diyan na lang siya.
Pagbalik ko sa kuwarto ko ay nag-cellphone muna ako habang ginagayak pa ang food ko. May mga message sa akin sina Scarlet at Ashley.
Una kong binasa ang kay Scarlet.
Ang sabi nito sa akin ay sobrang sakit daw ng ulo niya ngayon. Ang dami raw niyang nainom kagabi. Kotang-kota raw siya sa mga nalandi niyang boys. Pakiramdam nga raw niya ay magang-maga ang labi niya ngayon. Pero. kiss lang naman daw ang nangyari. Walang s*x dahil bawal pa raw. Hanggang ganoon lang daw muna ang kaya niya.
Nakakatawa siya dahil palaging ganoon ang sinasabi niya tuwing galing kami sa party kinagabihan. Palagi na lang siyang kota sa mga lalaki. Hindi ko nga alam kung bakit naging kaibigan ko iyan. Ang wild paglasing, pero okay naman siya kapag normal.
Sunod kong binasa ang message ni Ashley. Nagulat ako sa sinabi niya. Hindi ko inaasahan na magsasabi sa kanya si Denver sa kung ano ang nangyari sa amin kagabi. Sabi ni Ashley ay pinagalitan niya at ni-report ang waiter na nambastos sa akin kagabi. Tapos, nalaman din nito na hinalikan ako kagabi ni Denver. Sinabi rin daw iyon ni Denver sa kanya at ngayon ay nagpapatulong pa tuloy itong manligaw sa akin. Na-in-love na raw nang tuluyan sa akin si Denver.
Wala muna akong reply sa mga message nila. Na-stress ako bigla sa ginawa ni Denver. Hindi ko alam kung bakit kailangan pa niyang sabihi iyon kay Ashley? Anong mukha na lang tuloy ang maihaharap ko sa kanya? Nakakahiyang isipin na nalaman niyang nag-kiss kami ng pinsan niya.
Mayamaya ay pumasok na ulit si mama sa kuwarto ko. Dala-dala niya ang isang tray na may lamang mga pagkain.
"I'm so proud of you, Tamara," sabi niya sa akin.
"Ha? Para saan po?" tanong ko naman agad.
"Sa sinabi mo kay Cyd. Tama lang iyon. Dapat lang na huwag mo na siyang balikan dahil sadyang dirty na nga ang lalaking iyon. Panuorin mo ito, anak," sabi niya at saka niya binigay sa akin ang phone niya.
Nanlaki ang mata ko nang makita ko ang video na iyon na kuha sa CCTV footage sa visitor room na pinagtulugan ni Cyd Kagabi. Nakakadiri dahil nag-s*x sila ng private nurse niya kagabi.
Parehas kaming napapailing ni mama habang tinitignan namin iyon. Mas lalo na tuloy akong nandiri kay Cyd. Yuck na talaga ito para sa akin.