(Chapter 8 - Love triangle)
Kinn's POV
Pilit kong itinatago ang nararamdaman ko, pero natutuwa talaga akong kasama ko si Latina ngayon. Kaytagal kong hinintay na makasama siyang muli.
Kanina, sinubukan kong magalit sa kanya kapag binabanggit niya ang mga gawain namin nang kami pa. Tinitignan ko kasi kung ganoon pa rin ba ang ugali niya ngunit tila nagbago na rin siya. Sa nakikita ko ay tila bumababa na ang pride niya. Hindi lang iyon, pakiramdam ko ay parang gusto pa rin niya ako.
Inaamin kong mahal ko pa rin siya. Inaamin kong gusto ko pa rin siya. Sinabi ko lang sa kanya na nagmo-move on na ako para hindi niya isipin na mahina pa rin ako. Ayoko na iyong dating ako. Iyong under na under niya.
Tila, natupad ang gusto kong mangyari. Kaya ako napunta sa kung ano man ang kinalalagyan ko ngayon ay dahil sa kanya. Ginawa kong inspirasyon ang pang-iiwan niya sa akin. Ipinangako ko sa sarili ko na babaguhin ko ang sarili ko.
Nang hindi pa ako successful at patay na patay pa lang ako sa kanya ay halos lahat ng gusto niya ay sinusunod ko. Mas marami akong time sa kanya kaysa sa mga gusto kong gawin.
Wala akong kaalam-alam noon na unti-unti na pala siyang nanlalamig sa akin. Hindi ko alam na may iba siyang nilalanding lalaki na gaya naming werewolf din. Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang alam na napatay ko sa galit ang lalaking iyon. Ang akala lang nila ay nawawala ito pero pinatay ko ito sa gitna ng gubat at doon na siya binaon hanggang sa tuluyan na siyang mawala. Nagawa ko iyon dahil kay Latina. Naging magulo ang buhay ko dahil sa kanya.
Doon ko lang din nalaman na mas gusto pala niya iyong may pera, maganda ang katawan at gaya niyang model kaya sinubukan kong pasukin ang pagmo-model. Nang una ay minamaliit pa niya ako dahil hindi raw ako tatagal sa pagmo-model dahil hindi ko naman daw iyon kaya. Wala raw akong alam. Ang pangliliit niya sa aking iyon ang lalong nagpagaling sa akin.
Nagpayaman ako, nagpaganda ng katawan at nagpakilala sa buong Pilipinas. Ngayon ay mas kilala pa tuloy ako kaysa sa kanya.
Nang maging kami ay naisip kong pinaglalaruan niya lang ako. Hindi niya talaga ako mahal dahil hindi pala ako kamahal-mahal dahil sa itsura at estado ng buhay ko noon. Nasa tabi ko lang siya kapag malungkot at kailangan niya nang kalambingan. Ginagawa niya akong pampalipas oras lang. Ibig sabihin ay palagi akong second option niya lang. Hindi niya ako inuuna dahil wala nga akong silbi noon.
Kung sa tutuusin ay ako nga lang pala ang taong-lobo noon na patpatin at walang kaarte-arte sa katawan. Ganoon kasi kami nagkakilala. Naging mataas na lang siya nang pasukin na niya ang mundo ng pagmo-model. Naiwan akong mababa, habang siya ay unti-unting tumataas. Dahil nasanay na siya sa mga sosyal na mga taong nakakasama niya ay unti-unti na niya akong pinandidirihan. Ang masakit lang sa akin ay hindi pa niya agad ako hiniwalayan. On and off kami. Hanggang sa ako na ang sumuko. Natuwa pa nga ako noon dahil one day, lasing siyang pumunta sa bahay namin. Gusto niyang makipagbalikan, pero hindi ko na iyon tinanggap. Sumabog ang tinatago kong galit sa kanya. Sinabi ko sa kanya ang mga masasakit na salita na gustong-gusto kong sabihin sa kanya noon pa man. Hindi ako nagdalawang-isip na sabihin sa kanya iyon dahil sagad na ang galit ko. Saka, sinabi ko na iyon sa kanya para hindi na niya ako guluhin pa dahil nang araw na iyon ay napagdesisyunan ko nang ayusin na ang buhay ko.
I was the boy she didn't want, so, I became the man she couldnt have.
Ngayong malayo na ang narating ko ay heto na siya. Unti-unti nang lumalapit at bumubuntot sa akin. Oo, inaamin kong mahal ko pa siya. Oo, inaamin kong gusto ko pa rin siya, pero hinding-hindi ko na hahayaan pang mapunta pa ako sa kanya ulit dahil alam kong hindi kami compatible na sa isa't isa. Nakilala ko na siyang mahilig sa mga lalaki kaya alam kong kapag nakipagbalikan ako ulit sa kanya ay gagawin at gagawin pa rin niya ang sakit niyang iyon kapag nalalasing siya. Siyempre, hindi naman sa lahat ng oras ay makakasama ko siya, kaya may chance pa rin na makagawa pa rin siya ng kalokohan kapag kami na ulit.
Kaya ngayong natuto na ako ay hahayaan ko na lang siya na tumulo ang laway sa akin. Bumuntot siya nang bumuntot sa akin hanggang gusto niya, pero hinding-hindi ko na mamahalin ang babaeng gaya niya. Never.
"Ang sarap nga pala ng mga food nila rito. Totoo nga ang mga review ng mga vlogger sa Youtube," sabi niya habang pabalik na kami sa sasakyan ko. "Anyway, salamat sa free dinner. Hindi ko inaakalang sasagutin mo na rin ang akin kahit wala naman nang tayo," sabi pa niya.
"Ayos lang iyon, puwede naman tayong maging magkaibigan na lang," sagot ko. Alam kong masasaktan na naman siya sa sinabi ko. Part ito na pagiging cool ko sa kanya. Ipapalabas ko sa kanya na wala na akong nararamdaman sa kanya para lalo siyang manghinayang. Titignan ko kung hanggang saan aabot ang pagtitimpi niya.
Ganoon pala talaga. Kapag alam mong mataas na ang isang tao ay nag-iiba na ang tingin nila sa iyo. Kaya na nilang magtimpi at kaya na nilang magbaba ng pride para lang sa ikakayos ng lahat.
Hindi siya sumagot sa sinabi ko. Nanahimik na lang siya. Alam kong kapag natatahimik siya ay napopoot ito. Kilalang-kilala ko na siya.
Habang nagmamaneho na ako ay tahimik pa rin siya. Tila, tuluyan na siyang nainis nang sabihin kong kaibigan na lang ang turing ko sa kanya. Mukhang sa inaasta niya ngayon ay may balak nga siyang balikan ako.
Bigla kong naisip na tama ba itong ginagawa ko? Ikakasaya ko ba ang ngayon ay paglaruan na lang din ang feelings niya?
"By the way, soon, ipapakilala ko na sa iyo ang boyfriend ko. Tiyak na magugulat ka dahil kilala mo ito," sabi niya na siyang kinagulat ko.
Napangisi ako. Hindi rin nagtagal ay lumabas na rin agad ang totoong kulay niya. Mukhang hindi nga niya nagustuhan ang pagsabi ko sa kaniya ng kaibigan na lang kami, kaya heto, agad siyang bumawi para hindi ko isiping patay na patay na siya ngayon sa akin.
"Sure, no problem," sagot ko agad. Balak ko na sanang suyuin siya at lambingin, kaya lang ay umandar na naman ang sakit niya. Mukhang tama lang ang ginagawa ko.
Hindi ko alam kung totoo ang sinasabi niya o gawa-gawa lang niya. Updated din naman ako sa buhay niya kaya wala akong nababalitaan na jowa niya na gaya kong model din. Malakas ang kutob ko na sinabi niya lang iyon para makaganti sa akin.
"Saan ka na nga ba nakatira? Hindi ko na tanda, eh?" tanong ko. Kunyari ay nakalimutan ko na ang address niya para maisip niya na wala na talaga akong pakelam sa kanya. Iinisin ko na lang siya nang iinisin.
Nakita ko tuloy na napatingin siya sa akin na tila gulat na gulat. "Seryoso ka ba, Kinn?" tanong niya na ang tono nang pananalita ay papunta na sa pagiging irita.
"Sorry, matagal-tagal na kasi tayong walang communication. Malay ko ba na lumipat ka na? Sa phase 1 pa rin ba ng Luna village?" tanong ko pa.
"Oo, doon nga. Hindi naman kami lumilipat pa sa ibang lugar," sagot niya at saka siya umirap. Natatawa ako. Inis na inis na talaga siya ngayon sa akin.
"Sorry, sige, ihahatid na kita," sabi ko.
"Hindi na rin nga pala kami ang may-ari ng Luna Village," bigla niyang sabi.
"What?! Bakit?" tanong ko agad. Nakakagulat. Alam kong hindi iyon puwedeng ipagbili dahil balak ng mga taong lobo na doon na kami manirahan lahat kapag nagtipon-tipon na ang mga kapwa naming taong-lobo. Balita ko kasi ay mag-uuwian na rito sa Pilipinas ang mga taong-lobo na naninirahan sa ibang bansa.
"No choice e, nabaon sa utang si papa. Natalo nang natalo ang pera niya sa casino. Pati tuloy ang mga naipon ko na pambili ko ng lupa at bahay ay nawala rin nang parang bula. Nasira ang mga pangarap ko dahil sa kanya," sagot niya.
Habang poot na poot siya sa pagkukuwento ay napunta ang paningin ko sa isang grupo ng mga lalaki na may buhat-buhat na babaeng sinasakay saputing van.
"Sh*t! may dinudukot na naman ang mga hayop na iyon!" sabi na rin ni Latina na agad namang umaksyon. Sapilitan niyang binuksan ang sasakyan ko at agad siyang naging asong lobo at sinugod ang mga lalaking iyon.
Hindi naman ako nagpahuli. Bumaba na rin ako sa sasakyan para sundan siya. Nakita kong pinagbabaril si Latina kaya alam kong mapapahamak na rin siya.
Agad akong naging asong lobo nang bumaba ako sa sasakyan ko. Nang sugurin ko ang mga lalaking iyon ay isa-isa ko silang kinagat sa mga kamay nila para mabitawan nila ang mga baril nila.
Nang wala na silang armas ay isa-isa ko na rin silang pinagtatadyakan sa mukha para mapatulog ko na sila. Sunud-sunod na nabuwal sa kalsada ang mga lalaking iyon.
Nang tignan ko si Latina ay duguan na rin ito. Bago ko siya isakay sa sasakyan ko ay nauna na muna ako roon para muling maging tao. Nang maging tao na ako ay hubo't hubad na ako kaya agad na akong nagbihis para mapuntahan na ang dalawang babae roon. Mabuti na lang at palagi akong may mga extrang damit sa sasakyan ko. Tuwing magiging asong lobo kasi ako ay kusa nang nasisira ang suot kong damit.
Pagbalik ko roon ay una kong kinuha ang babaeng balak na dukutin ng mga lalaki. Una ko itong sinakay sa sasakyan bago ko binalikan si Latina. Pagbalik ko sa kanya ay tao na rin ito. Nakatakip ang mga kamay niya sa maselang bahagi ng katawan niya.
Nakunot ang noo niya nang lapitan ko siya.
"Inuna mo pa talaga iyong walang sugat!" iritado niyang sabi kaya napailing ako. Hindi na lang ako nagsalita dahil baka humaba pa ang bagayan namin. Naawa na rin naman kasi ako sa kanya dahil duguan na siya.
Pagpasok ko sa kanya sa loob ng sasakyan ko ay agad ko siyang inabutan ng damit dahil hubo't hubad na rin kasi ito nang bumalik siya sa pagiging tao.
Habang ginagamot ko ang sugat ni Latina sa braso niya ay napalingon ito sa likuran namin.
"Hala! Si Tamara Galvez pala ang balak nilang dukitin!" dinig kong sabi niya kaya napatingin na rin ako sa likod ng sasakyan ko.
Nang makita ko ang mukha niya ay nagulat ako. Natatandaan ko siya. Ito iyong babaeng nasagasaan ko nang hinahabol ko ang magnanakaw.
"Siya ba iyong sinasabi ng babae kanina sa counter na gusto ako?" tanong ko sa kanya kaya napairap agad siya sa akin.
"Asa kang magustuhan ka niyan. Mayamang tao iyan kaya mayamang tao rin ang gugustuhin niyang maging asawa," sabi niya. Nag-uumpisa na naman siyang maliitin ako. Lumalabas na ulit ang tunay niyang kulay.
Hindi niya ata alam na may billion na akong ipon. Ibig sabihin ay mayaman na talaga ako. Pero, hindi dapat iyon ipagmayabang. Kapag mayaman ka kasi ay hindi mo iyon dapat ipagkalandakan sa mga tao dahil walang mayaman tao na sinabing mayaman sila sa kapwa nila. Sila na ang bahalang kumilatis sa iyo.
Tinignan ko ulit si Tamara. Ewan ko ba, parang na-cute-an ako sa kanya. Madalang akong makakita ng babaeng maganda pa rin kahit natutulog. Napapangiti tuloy ako habang nakatingin sa kanya.
"Tama na nga iyan! Ako na ang maglilinis sa sugat ko. Titigan mo na lang ang babaeng iyan hangga't gusto mo!" inis niyang sabi at saka ako dinunggol.
Napapailing na lang tuloy ako. Sadista talaga siya kapag nagseselos. Pero, seryoso, ang cute nitong si Tamara.