PART 6

1975 Words
"Ano 'yan, hah?" Muntik nang mahablot ni Gerlie ang papel kung saan niya isinulat ang recipe ng gayuma na itinuro sa kanya ni Tatang. "Wala. Tara uwi na tayo." Mauti na lang at naitago niya agad iyon sa bulsa ng kanyang pantalon. Ayaw niyang ipaalam sa kaibigan ang gagawin niyang kababalaghan o sa tamang salita ay kalokohan mahulog lamang ang loob sa kanya ni Aron. Desperada na kung desperada pero ika nga niya wala namang mawawala kung susubukan niya. "Ano nga 'yon? Para saan ang papel?" Tingin si Gerlie sa bulsa niya. "Wala nga. Halika na. Magligpit na tayo para makauwi na tayo. Pagod na ako." "Sige na nga," napilitang ani Gerlie. Curious talaga ito sa papel pero hindi na nagpilit pa na makita iyon. PAGDATING SA KANILANG BAHAY ay muling napatitig sa papel na iyon si Diane. Nakahiga na siya sa kanyang kama, at gabi na pero hanggang sa sandaling ay iniisip pa rin niya kung saan siya kukuha ng balat ng butiki, buntot ng tuko, at apdo ng ahas. 'Yung oregano at pabango ay madali lang 'yon hanapin. Iyong tatlo lang talaga ang pinuproblema niya. "Anak, kumain na tayo," tawag na ng Nanay niya sa kanya. "Opo, 'Nay," tugon niya saka mabilis na isiniksik sa isang libro ang maliit na papel. Walang dapat na makakita niyon dahil nakakahiya. Pagkatapos masigurong hindi mahahalata iyon ay nagkukumahog na siyang bumaba derecho sa kusina. Naroon na ang Tatay at Kuya niya. "Napagod ka yata, Anak?" puna ng Tatay niya sa kanya habang nilalagyan ng kanin ang plato niya. Driver ng isang jeep si Mang Diego pero hindi nila pag-aari ang jeep. At sa totoo lang ay ayaw talaga nitong magtinda ang anak ng palamig sa plaza. Nagpilit lang talaga si Diane dahil kulang na kulang talaga ang kinikita ng Tatay niya para mapag-aral sila ng kanyang Kuya Dennis. Gusto niya talagang matulungan ang mga magulang sa mga gastusin lalo na at patapos na sa kolehiyo ang Kuya Dennis niya. Ayaw niya itong mahinto sa pag-aaral kaya gusto niyang tumulong sa mga gastusin, kahit sa pang-enroll lang. "Ang kulit kasi. Sabing huwag nang magtrabaho, eh," si Kuya niya. Ito man ay self supporting student. Crew ito sa magandang fast food chain. "Hayaan niyo na nang matuto rin sa buhay 'yang si Diane. Mabuti nga't alam nilang tumulong ni Gerlie sa kanilang pamilya. Hindi katulad ng ibang kabataan ngayon na walang ginawa kundi mag-cellphone at gumala," pagtatanggol ng Nanay niya sa kanya. Ito ang tumulong sa kanya para payagan siya ng Tatay niya na magtinda ng palamig sa plaza. "Oo nga po. Okay lang naman ako. Ngayon nga, eh, naiintindihan ko ang kahalagahan ng pera. Ang hirap palang kumita," proud siya sa sarili na sabi. Nagkatinginan sa isa't isa ang Kuya Dennis at Tatay niya. Pagkuwa'y nagkibit-balikat na lamang ang mga ito.Kahit ganito ang buhay nila na mahirap lamang ay magkakasundo naman silang pamilya. Masaya sila kahit isang kahig isang tuka lamang sila. Wala silang nililihim na problema. Tulungan sila. Maliban nga lang sa lovelife niya. Ayaw niya namang maglihim pero nahihiya kasi siya. Sobrang tiwala sa kanya ng Nanay at Tatay niya kaya hindi puwede na malaman nilang naglalandi siya kay Aron. Ayaw niya iyong malaman ng mga magulang niya lalo na sa Kuya Dennis niya dahil siguradong pagagalitan siya ng mga ito. Si Kuya Dennis nga niya, eh, wala pa itong nagiging syota. Ipinangako yata sa sarili na hindi magnunobya hangga't hindi ito nakakatapos ng pag-aaral. At gusto sana niya sana itong tularan. Ang kaso nga tumibok agad ang puso niya kay Aron kaya wala na siyang magagawa. "Tay, Nay, Kuya, kapag may nakita kayong butiki dito sa bahay hulihin niyo, ha?" hindi niya talaga natiis na sabihin nang kumakain na sila. Nagtaka ang tatlo sa kaniya. Natigil ang mga ito sa pagkain at kunot-noo na napatingin sa kanya. "Aanhin mo naman ang butiki, Anak?" tanong sa kanya ng Nanay niya. Napangiwi siya. Aanhin nga ba niya? Hindi pwede na sabihin niyang pang-gagayuma niya. "Oo nga?" Ang Kuya niya na ang sama ng tingin sa kanya. "Ano, uhm..." Wala siyang maisagot. "Ay, oo nga, mailangan ko rin pala ng butiki," buti na lang ay sabad ng Tatay niya. Siya man ay napatingin sa Tatay niya na nagtataka. Luh, gagawa rin ito ng gayuma? "At saan mo rin gagamitin?" takang tanong ng Nanay niya sa Tatay niya. "Iyong anak kasi ni kumpareng Ernesto ay grabe ang hika niya. Eh, sinabi ko na butiki lang ang gamot doon," paliwanag ng Tatay niya. Agad na nagliwanag ang mukha niya. Animo'y may bombilya kasing biglang nagliwanag sa kanyang tuktok. "Eh, ikaw, Diane? Saan mo gagamitin ang butiki?" balik atensyon sa kanya ng kanyang Nanay. "Ah, eh, iyon din po ang dahilan ko kasi 'yung isang kaklase ko naman po nagpatulong sa amin ni Gerlie na baka raw madaming butiki rito sa bahay," sabi na niya. "Suss, nagpapaniwala kayo riyan. Ang kailangan sa mga kanila ay ipa-ospital nang mabigyan ng tamang gamot sa hika," kaso ay pagbabasag trip ng Kuya Dennis niya sa kanila. Though, may tama naman ito. "Susubukan lang naman at baka gumana. Madami ang nagsasabi na mabisa raw ang butiki o tuko na pang gamot sa mga hika," pagdadahilan ng Tatay nila. Hindi na umimik pa si Kuya Dennis niya. Nagkibit-balikat na lang saka itinuloy ang paglamon. Si Diane ang muling napatingin sa Tatay nila. Tama ba ang narinig niya na pati tuko ay mabisa sa hika? "O siya, sige, kapag may nakita ako riyan sa kisame ay huhuliin ko para sa inyo. Maganda rin 'yang tumutulong sa kapwa natin," nakangiti nang sabi na ng Nanay niya. "Pero kung tuko ang ipapahuli niyo, ay naku, huwag niyo akong aasahan diyan!" "Huwag na 'yung tuko. Okay na 'yung butiki," sabi ng tatay niya. "Eh, 'Tay, sa'n nga ba makukuha ng tuko sa panahon ngayon?" singit niya. Sinamantala na niya ang usapan. "Bakit mo naman naitanong?" Napalabi siya. "Eh, kasi po mas malaki 'yung tuko keysa sa butiki, 'di ba? Naisip ko po na baka mas mabisa 'yon kaysa sa butiki," at gawa-gawang sagot niya. "Oo nga, noh?" sang-ayon ng Tatay niya. "Kaso ay hindi ko alam kung saan makukuha ng tuko dito sa Maynila. Ang alam ko lang ay sa mga probinsya nakakahuli ang tuko." Nalungkot naman siya. Sayang. "Diyan sa mga poste ng kuryente sa mga labas. Minsan may mag naririnig ako 'pag nagtatambay ako," hanggang sa sabad ng Kuya Dennis niya na panay ang paglamon. "Talaga, Kuya? Meron diyan sa labas?" "Oo, pero huwag mong sasabihing huhuli ka nga ng tuko?" "Hindi, ah. Sasabihin ko lang sa kaklase ko baka gusto nilang manghulo," mabilis niyang sagot pero ang totoo ay naiisip na niyang subukang tumingin nga roon. "Mabuti naman dahil baka makuryente ka sa mga kawad." "Ay naku, tama na nga ang usapan na 'yan. Kumain na tayo at malamig na ang mga pagkain," awat na ng Nanay nila sa usapan nilang iyon. Saglit lang ay natapos na sila sa pagkain at balik ulit sa kanyang silid si Diane. Masaya na siya dahil wala ng problema sa butiki at tuko, ang problema na lang niya ay kung saan kukuha ng ahas. Pero saka na niya 'yon puproblemahin, ang dapat niyang pag-isipan muna ngayon ay kung paano makakakuha ng isang tuko sa mga poste ng kuryente. Aakyat siya? Baka naman mahulog siya ang tataas ng mga poste, eh. Nagulo-gulo niya ang buhok sa frustration. Ang hirap talaga kunin ang mga sangkap ng gayuma. Pero hindi dapat siya susuko, kaya niya ito! Siguro ay hihintayin na lang niyang makatulog ang mga magulang niya at Kuya Dennis niya at ngayong gabi rin niya susubukang kumuha ng tuko. Bahala na kung paano! Sumapit nga ang kalagitnaan ng gabi ay naghanda na siya. Alam niyang madami pang magdaraan sa labas pero okay lang kahit makita siya ng ibang tao na humuhuli ng tuko sa mga poste, huwag lang pamilya niya ang makakita sa kanya. Dahan-dahan na siyang lumabas ng bahay, wala siyang ginawang ingay. Ilang sandali pa'y nasa labas na siya at pasilip-silip sa mga poste, kaso wala siyang makita. Tingin siya sa mga kabilang poste, wala pa rin siyang makitang tuko. Nangangawit lang ang leeg niya kakatingala. Hanggang sa hindi na niya namalayan na napalayo na siya sa bahay nila. Nakarating na siya sa ibang kanto. Ang hindi niya alam ay may nakapansin na sa kanya na isang lalaki na sakay ng kotse. Tumigil ang kotse na iyon at tinitigan siya ng taong nagda-drive niyon. Si Rj Montevista. "Siya nga. Si Diane. But what the hell she's doing?" tanong ni Rj sa sarili nang masiguro na si Diane nga ang babae. Takang-taka siya dahil parang tanga ang dalaga na sisilip-silip sa mga poste ng mga kuryente sa gilid ng kalsada. Parang may hinahanap doon. Lihim na binantayan ng binata si Diane dahil nakakalayo na ito kakasilip sa mga poste. Nag-alala rin siya sa dalaga dahil kanina ay may mga tambay na nakatingin na. Saka lang niya nilapitan ang dalaga nang hindi nakatiis. Kakamot-kamot ulo siya. "Miss?" agaw pansin ni Rj sa dalaga. Ni ang paglapit niya ay hindi man lang kasi nito napansin. "Yes?" yamot na takang-tingin si Diane sa nagsalita. Istorbo naman, eh. "Hi. Ako 'yung Tito ni Aron. Anong ginagawa mo?" *Biglang namilog ang mga mata ni Diane sa sinabing iyon ng lalaki. Bigla siyang na-concious sa kanyang hitsura. Tito raw ito ni Aron? Hala ka! "Teka, hindi po ba ikaw rin 'yung nagtanong sa akin noon kung nasaan iyong street na pupuntahan mo kasi kamo parang naliligaw ka? Nahanap mo?" Pero nang maalala niya kung sino rin ito ay medyo kumalma siya. "Ako nga 'yon. And yeah, nahanap ko. Thanks to you." Ngumiti na siya. Tingnan mo nga naman. Tito pala ni Aron ang tinulungan niya noon. Destiny talaga sila ng crush niya. Ayiee! "Eh, anong ginagawa mo rito? At ano 'yung sinisilip mo sa mga taas ng mga poste sa ganitong oras?" Tiningnan ni Rj ang pambisig nitong relo. "Alas onse na ng gabi, ah." "Ah, eh..." Biglang nahiya siya. "Ano, may hinahanap kasi ako. "Anong hinahanap mo?" Napangiwi siya. Ang dami namang tanong nito? "Behave, Diane. Uncle 'yan ni Aron," paalala sa kanya ng sarili. "Hinahanap ko po yung pusa ko po. Opo 'yung pusa ko. Nakatakas kasi sa, bahay," pagsisinungaling niya. Mas nakakahiya naman sa uncle ni Aron kung aaminin niyang TUKO ang hinahanap niya. Ew! "Gano'n ba? Gusto mo tulungan kita?" "Naku, huwag na po. Gabi na po. Okay na po ako rito. Yakang-yaka." "No. I insist, I will help you. Delikado na mag-isa ka lang na maghahanap sa pusa mo. Dalaga ka at maganda pa. Baka mapag-trip-an ka ng mga gagong tambay." Kiming nagyuko siya ng ulo. Sarap naman, tinutulungan siya ng tito ni Aron. Kakilig! "Anyway ako nga pala si Rj," pagkuwa'y lahad ng binatang may edad na sa kamay nito sa harap niya. Nakikipagkilala ito ng pormal sa kanya. Muli siyang kinilig. Sa wakas may kamag-anak na si Aron na kakilala niya. "Ako naman po si Diane Mae Varilla." Nahihiyang inabot niya ang kamay ni Tito Rj. Makiki-Tito na rin siya. Bakit ba? Nagngitian sila. In fairness, ang lambot ng kamay ni Tito Rj. "Nice meeting you, Diane." Tipid na tipid na ngumiti ulit siya rito. Dalagang Pilipina dapat ang kilos para magustohan siya balang araw kapag ipapakilala na siya ni Aron dito na girlfriend niya. At napansin niyang hawig sila na magtiyuhin. Siguro noong bata pa si Tito Rj ay guwapo rin ito noon tulad ni Aron, kasi ngayon nga ang guwapo pa rin niya, eh. Makinis ang mukha at matipono ang pangangatawan. Kung sabagay nasa mid thirties pa palang yata ito. "So, tara hanapin na natin ang pusa mo?" Unti-unti ay nawala ang ngiti niya sa labi. Seryoso? Hahanapin talaga nila ang pusa niya? Paano na 'to? Mapapagod lang sila sa paghahanap ng pusa na wala naman talaga. Paktay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD