'Bakit ako? Bakit ako?'
Paulit-ulit na tanong ni Emel sa sarili habang nakatungo sa marmol na sahig ng mansion na kinaroroonan niya ngayon.
Ilang beses na niyang mariing nakagat ang pang-ibabang labi. Ang mga daliri na pinagsalikop niya sa kanyang likuran ay halos mamuti na sa marahas na pagkakakusot.
Naiiyak na naman siya. Ang mugtong mga mata ay patunay nang walang humpay na pagluha sa nakaraang gabi hanggang ngayon. Nahihirapan siyang tanggapin ang kapalarang meron siya. Kapalaran na hinanda ng iba at hindi ng tadhana. Ang sikip-sikip na ng kanyang dibdib. Pinangangapusan siya ng hininga. Nilulukob siya ng takot. Ang utak ay umuulap sa walang kasiguruhang kahihinatnan ng buhay niya.
"Huwag kang umaktong pinagsakluban ng langit at lupa. Ang swerte mo nga at ikaw ang napili. Kung ako lang, si Eloise ang mas gugustuhin kong pumalit sa posisyon mo. Mayaman ang mga Del Castillo, magbubuhay prinsesa ka."
Wala ni isa mang salita ng kanyang Tita Laura ang makapagpapagaang ng kanyang kalooban. Kahit kailan naman talaga, puro mabibigat na salita ang natatanggap niya mula rito. Di siya nito itinuring na pamilya.
Not until today.
Ngayong araw, ngayong araw siya tuluyang isinuko ng Tatay at Tita Lulu sa mga del Castillo. Pamilyang estranghero sa kanya.
Sino ba sila? Bakit kailangang siya pa?
Sana nga si Eloise na lang. Total naman, yon ang nangarap na yumaman. Kuntento naman n siya sa simpleng buhay. Sa paggagapas ng mga palay, sa pagtitinda ng maruya kada sabado at linggo. Wala siyang problema sa kahirapan. Sanay siya roon. Simula at sapol yon na ang nakagisnan niyang buhay. Gusto niyang magtampo sa Itay niya. Ni hindi man lang siya pinigilan. Isinuko siyang parang tuta ay ang Tita Lulu pa talaga ang pinasama sa kanya.
Ang mabigat na pakiramdam ay mas lalong nadagdagan. Ang sakit ay gumapang mula sa puso hanggang sa kanyang mukha at tuluyan nang namuo ang mainit na mga likido sa magkabilang gilid ng kanyang mga mata. Namamangha siya. Hindi maubus-ubos ang kanyang mga luha.
Likas siyang masayahin at tahimik pero ang tanging nagagawa na lang niya ngayon ay ang lumuha.
"Umayos ka," mariing sawata ni Lulu habang mas malakas na pinisil ang palad niya. Kung nasa kanila lang siguro siya, siguro ay nabatukan na siya o di kaya ay binato ng masasakit na mga salita.
"Tiyang, iuwi na ho ninyo ako. Si Eloise na lang ho sa pwesto ko." Sa wakas ay nagkatinig siya.
Maliban sa mga hikbi at singhot ay ngayon lang nagkahugis ang konkretong mga salita. Nagmamakaawa siyang tinitigan ang mukha nitong napupuno ng kolorete. Sinadya pa talagang magpaganda at itago ang kulubot sa mukha ng gamit nitong mumurahing cosmetics. Naalala niyang sabi nito kanina sa jeep na naghatid sa kanila rito.
"Simula na ito ng pagbubuhay Reyna ko."
At the expense of her. 'Di niya matatanggap ito. Sobrang nakakasama ng loob. Bubuka pa sana ang bibig niya pero siyang pag-agaw ng atensyon ng baritonong boses na nagmula sa malaking pintuan ng library na kinaroroonan.
"Emil."
Si Sir Jaime ang nakakahon ngayon sa pintuan. Nakatitig sa kanya ang kulay asul nitong mga mata nito. Nakatitig ito sa kanya ng may simpatiya.
"Come here, child."
Bahagyang nabawasan ang kaba niya sa malumanay na pagtawag ni Sir jaime sa kanya. Kahit paano ay napapalagay ang puso niya. Ganito naman si Sir Jaime. Parang ama kung ituring siya. Ang Tatay niya, kailanman ay hindi siya tinatrato ng may pagsuyo. Malamig ang pakikitungo sa kanya, 'di gaya ng asul na pares ng mga matang nakatitig sa kanya ngayon, may nakatagong aliw.
"You really have your mother's eyes." Kilala nito ang Nanay niya? Umulap ang mga mata nito nang banggitin ang pangalan ng ina niya. Isa pang bakit? Buong akala niya ay ang Tatay ang may kuneksyon sa makapangyarihang pamilyang ito. Binalingan nito si Tita Lulu. "Salamat sa pagdadala mo sa kanya rito. Tinatanaw kong malaking bagay ito sa iyo."
Ang Tita niya na laging nakasimangot sa kanya ay abot hanggang tenga ang ngiti. "Salamat din sa pagsundo sa amin, Sir Jaime." Ang bait ng pakikitungo ng tiyahin niya. Palibahasa, mayaman ang kaharap." Ang napag-usapan ho natin, Sir?"
Bakit ba may pakiwari siya na pera ang tinutukoy ng tiyahin?
"Marissa," baling ni Sir Jaime sa babaeng mukhang nakaantabay lang sa anumang iuutos nito. Isang kumpas lang at lumapit kaagad ang babae sa don at iniabot sa nakangising si Tita Lulu .
Cheque ang hawak ngayon ng ina-inahan. Kung magkano ang halaga ay di niya alam. Iisa lang ang pumamapasok sa isipan niya- ipinagbibili siya ng madrasta.Ang bahagyang nabawasang bigat ng kalooban ay muling nabalot ng pait.
"Ipinagbibili ninyo ba ako, Tita?" tahasan niyang tanong.
"Hindi sa ganoon, hija."
Binalewala niya ang sinabi niya ni Sir Jaime. Nasentro ang utak niya sa kanyang ina-inahan.Pero parang binging nagpatuloy lang ito sa paghakbang. Hinabol niya ito ngunit bago pa man maabutan ay natigil ang kanyang paghakbang.
Isang bulto ng katawan ang ngayon ay humarang sa kanyang paghakbang. Pinahid niya ang nahihilam na mga mata at sinino ang kaharap. Malapad na balikat, bumabakat sa suot na abuhing t-shirt ang matipunong dibdib. Matangkad ito. Nauunano na nga siyang nakatingala rito.
Tinitigan niyang maigi ang gwapong mukha ng kaharap. Sa tanang buhay niya ngayon lang siya literal na humanga sa isang Adan. Na kahit ang hinanakit sa tiyahin ay pansamantalang nakalimutan. At bakit binubundol ng kaba ang dibdib niya habang tinitingala ang magandang pares ng mga matang iyon? Mga mata na nababahiran nang 'di mawaring emosyon.
Galit kaya ito? Sino ito? Mga katanungan sa kanyang isip.
"Adam, anak, I'm glad dumating ka na rin sa wakas."
Adam, ang gandang pangalan.
"So, this is she," sa baritonong boses ay wika nito. 'Di inaalis sa kanya ang mga titig.
Siya man ay di nagawang putulin ang kanina pa nakasaradong tingin sa mga matang iyon. Na para bang may mahika na bumbalot sa paligid at humihigop siya upang titigan ito at ang gusto niya lang ay ang tunghayan ito.
Bahagya siyang napaatras nang bigla na lang ay gumuhit ang nakakalokong ngiti nito. Mula ulo hanggang paa, pabalik-balik siyang sinisuri nito. Ang bawat pagdantay ng mga titig nito sa kanyang kabuuan ay kakatawang naghahatid sa kanya ng libu-libong estrangherong pakiramdam.
Ang dibdib ay kinukubkob na naman ng kaba. Kabang hindi sa natatakot siya kundi ng tila pananabik at antisipasyon. Para saan? Naguguluhan ang mura niyang kaisipan at ang nasasamyo niyang amoy ng alak na nagmumula sa tumatamang hininga nito sa kanyang mukha ay tila nagpapaantok sa kanya.
"So, it's her." Hindi iyon tanong na nakadirekta sa ama.
"Yes," ang maikling sagot ni Sir Jaime. Nag-uusap ang magkaugnay na mga titig ng mga ito.
Ilang sandali ang lumipas, nang-aarok ang mga titig na siya ay tinunghayan at bago pa man niya maiiwas ang kanyang mga mata, narinig niyang sabi nito, "So, this is Emelia, my child bride."