KABANATA 1
PROLOGUE
Sino nga ba si Alexandra Galliguez?
Mayaman, maganda, matalino, sexy, kaakit-akit at isang sikat na modelo. Almost perfect, kumbaga, ngunit bakit sa kabila ng mga katangian iyon ay hindi ko maramdaman ang totoong kaligayahan.
Sa edad kong bente siete ay waring may kulang pa rin sa aking pagkatao, hindi ko makapa ang nararapat na kaligayahang dapat kong maramdaman mula sa aking pamilya.
Buong buhay ko wala akong ibang ginawa kundi sundin ang aking mga mga magulang.
Hindi ganito, hindi ganyan.
Dapat ganito, dapat ganyan.
Lumaki akong halos iyon at iyon lang ang aking naririnig, namulat ako sa mundong ito na animoy isang de-remote na laruan, sunod-sunuran sa lahat ng gusto nila.
Namulat ako sa isang pananaw na dapat ay susundin ang kagustuhan ng iba, kung kaya't pati sarili ko'y napapaikot ko na rin sa gano'ng pananaw.
Sinunod ko ang sinasabi ng aking isip at puso, kinonsente ko ang aking sariling sumugal sa isang pagmamahal na wala akong kasiguraduhan.
Subalit sa ginawa kong iyon ay nagdulot lamang ng matinding sakit sa aking puso, dahil ang lalaking buong buhay kong minahal ay iba naman ang s'yang may hawak at nagmamay-ari ng puso nito, na kahit sa kabila ng aking mga katangian iyon ay hindi pa rin ako magawang magustuhan o kahit ang mapansin man lang ng lalaking lihim kong minamahal, ang aking kababata at matalik na kaibigang si Jhon Markuz Morrison.
Unang pag-ibig, at una ring pagkabigo. At ang pagkabigong iyon ang naglagay sa aking sarili sa isang sitwasyong hindi ko inasahan.
Isang gabi sa piling ng lalaking hindi ko kilala, na kahit minsan ay hindi ko inasam o pinangarap, ngunit nagawa nitong kunin ang lahat-lahat sa akin.
Isang gabing naranasan ko ang kakaibang damdamin at ang kakaibang karanasang minsan kong hinangad na maranasan mula kay Jhon, ngunit sa katauhan ng ibang lalaki ko naranasan, ibang lalaki ang nagpuno ng mga bagay at damdaming hindi ko pa nararanasan.
Lumayo ako at nagtago, hindi dahil sa galit o napupuot sa ginawa ng lalaking iyon, kundi dahil sa takot akong baka pati ang estrangherong lalaking iyon ay makarinig ako ng salitang maaaring makadagdag sa aking kahinaan at pagkatalo sa buhay.
Subalit sa paglayo kong iyon ay dinaya ko lamang ang aking sarili, dahil sa bawat araw na lumilipas ay wari bang mas lalo kong iniiangatan ang damdaming umpisa pa lang ay naramdaman ko na sa estrangherong lalaking iyon.
Ano nga ba ang dapat gawin ng isang Alexandra Galliguez? Ang babaeng walang ginawa kundi sumunod sa sinabi ng iba, at ang babaeng takot gumawa ng sariling desisyon para sa kanyang buhay.