BANGS | MAKALIPAS ANG ISANG BUWAN
Halos magkasabay kaming umalis ni Nanay ngayong umaga sa bahay. S'ya ay papuntang palengke at magtitinda ng kakanin habang ako naman ay papunta sa law office na s'yang pinapasukan ko. Isa akong sekretarya at malapit na akong mag-isang taon dito sa trabaho. Pinalad akong matanggap dito pagkatapos ng graduation. Huli man akong nakatapos kumpara sa aking mga kamag-aral ay balewala sa akin 'yon. Hindi naman isang karera ang pag-aaral. Ang mahalaga ay makatapos at magkaroon ng trabaho na marangal.
Sa edad na twenty-five ay may ibubuga na rin naman ako sa trabaho. Mabilis akong kumilos at kahit anong iutos sa akin ay kaagad kong natatapos. Kaya palagi akong napupuri ni Mr. De Leon. Kaya lang, nang magretiro s'ya ay ang kanyang anak ang pumalit at ibang iba ang ugali nito sa kanyang ama. Si Sir Rod ay thirty five years old na pero wala pang asawa pero may babaeng pumupunta sa opisina n'ya -- si Glenda. Kaklase ko s'ya noong high school at hindi s'ya mabait sa akin noon, ano pa kaya ngayon na palagi kong kasama ang boyfriend n'ya sa trabaho. Sa tuwing bibisita s'ya ay halos tadtarin ako ng pino sa kanyang mga nanlilisik na tingin.
Nagtimpla ako ng kape pagdating sa opisina. Ang pasok ni Sir Rod ay alas nuwebe pa pero bakit parang may naririnig akong kaluskos at mga ungol? Wala pang alas-otso. Medyo kawang ang pinto ng opisina n'ya na dati ay palaging nakalapat. Hindi kaya napasok na kami ng magnanakaw? Gayon na lang ang gulat ko nang pagsilip ko sa siwang ay nakita ko ang isang babaeng nakapatong sa boss ko.
"Ahh! Ang sarap mo talaga!" sambit ng babae na nagbababa-taas sa ibabaw ni Sir Rod. Kusa pa nitong kinabig ang ulo ng boss ko at inilapit sa mga dibdib n'ya.
Parang isang sanggol na uhaw na uhaw si Sir Rod nang lumapat ang mga labi nito sa dunggot ng babae. Hindi 'yon si Glenda kung hindi si Raquel -- ang kapatid ni Glenda!
Dali-dali akong lumayo sa pinto at tinungo ang banyo. Napasuka ako sa kaalaman na tinuhog n'ya ang magkapatid. Diyos ko! Hindi man lang nahiya sa mga sarili nila. Naubos na ba ang mga lalake sa mundo at kailangan nilang pagsaluhan ang isa? Kahit pa sabihin na may kaya ang mga De Leon ay hindi lang naman sila ang respetadong pamilya dito sa Mindoro. Marami pang iba at sa ganda ng magkapatid ay hindi sila mauubusan.
Nang makalabas ako ay dulo na lang ng buhok ni Raquel ang nakita ko habang si Sir Rod naman ay nag-aayos ng necktie n'ya.
"Kanina ka pa ba d'yan?" tanong n'ya sa akin.
"Ah, ngayon-ngayon lang po. Nagtimpla po ako ng kape bago nagtungo sa banyo."
"Okay. Pakidalhan mo ako ng kape at ibigay mo sa akin ang schedule ko ngayong araw na ito."
"Sige po."
Bago s'ya bumalik sa loob ng kwarto n'ya ay nilingon pa ako. "Sigurado ka bang wala kang nakita kanina?"
Umiling ako ng sunod-sunod. "Wala po, Sir."
"Good. Keep it that way at magkakasundo tayo. Kapag dumating si Lucinda ay ipa-check mo ang kaso ni Mrs. Arevalo."
Si Lucinda Cabral ay isang partner dito sa office at ang pagkakaalam ko ay kaklase n'ya noong high school. Minsan ay naisip kong bakit kaya hindi na lang sila ang maging magkasintahan tutal pareho naman ang propesyon nila at palagi pang nagkikita at nagkakasama. Siguro ay hindi 'yon para sa lahat.
***
Malapit ng mag-alas dos ng hapon nang makatanggap ako ng tawag mula sa isang ospital.
"Hello, pwede po bang makausap si Miss Ivanka Llarena?" tanong ng nasa kabilang linya.
"Ako po iyon, ano pong kailangan nila?"
"Ma'am, isinugod po dito si Ida Llarena kanina lang. Biktima po s'ya ng hit and run at may nagmagandang loob na nagdala sa kanya dito sa hospital. Kailangan po namin kayo dito para maisagawa ang operasyon n'ya."
Halos mabitawan ko ang telepono sa panginginig ng mga kamay ko. Diyos ko, huwag pong pati si Nanay ay kunin n'yo sa akin. Iligtas n'yo po s'ya sa kapahamakan.
Kinuha ko ang aking bag at kinatok si Sir Rod. "Sir, pasens'ya na po. Emergency lang. Kailangan ko na pong umalis."
"Hindi pwe --"
Hindi ko na s'ya pinatapos ng sasabihin at tumakbo na ako palabas ng opisina. Lakad-takbo ang ginawa ko para makakita ng bakanteng tricycle. Dalawang libo na lang ang hawak kong pera at a-singko pa lang ngayon. Malayo pa ang akinse. Saan ako kukuha ng pambayad sa hospital at sa operasyon ni Nanay?
Nang may dumaan na bakanteng tricycle ay kaagad akong nagpahatid sa hospital kung saan naroon si Nanay. Pumirma ako ng mga papeles para maisagawa ang operasyon na kailangan n'ya. May waiver din doon na kung sakaling hindi makaligtas ang pasyente ay wala silang pananagutan.
Maputlang maputla si Nanay at walang malay. Ang sabi sa akin ng doktor kanina ay may internal injuries daw ito at kung hindi maaagapan ay maaaring ikamatay. Hinalikan ko ng mariin si Nanay sa pisngi at ibinulong na mahal na mahal ko s'ya. Sinabi ko rin na huwag n'ya akong iiwan kaya bawal sumuko.
Singkwenta mil ang kailangan kong halaga sa operasyon at pikit mata akong pumirma ng promissory note. Susubukan kong manghiram sa mga kamag-anak nina Nanay. May kaya sila at malaki ang mga bahay. Kung tutuusin ay barya lamang sa kanila ang halagang 'yon dahil si Myla ay bumili pa ng LV bag na nagkakahalaga ng otsenta mil.
Dinala ako ng mga paa ko sa chapel habang nasa operating room si Nanay. Abot-abot ang dasal ko na sana ay makaligtas s'ya at saka ko na iisipin ang pambayad. Ang sabi lagi ni Nanay sa akin ay God will provide. Iyon ang pinili kong paniwalaan dahil kapag walang wala ay paniniwala lang ang mayroon ang isang tao.
Lumabas ako ng chapel at bumalik sa may operating room makalipag ang kinse minutos at doon naghintay. Hindi ko alintana ang gutom, pagod at pag-aalala. Ang mahalaga sa akin ay si Nanay lang. Nang makalabas ang doktor ay nabuhayan ako ng loob.
"Naampat na namin ang pagdurugo pero hindi iisang beses na nagflat-line ang iyong ina habang nasa operating table. Mas makabubuti kung titigil muna s'ya sa ICU para mamonitor ng ayos."
"Ligtas na po s'ya?"
"Hindi pa. She can go into coma anytime or get into a fatal cardiac arrest. Let's hope and pray for your mother's fast recovery."
Nakakapanglumo ang narinig ko pero kaya ni Nanay ito. Makakaligtas s'ya. Hindi n'ya ako iiwan.