"Mga bok, kinakalawang na itong armalite ko. Nasaan na ba ang mga NPA na 'yan? Dapat bakbakana na 'to, eh," mayabang na sabi ni Hilmar na lumapit sa mga kasamahang sundalo. Palibhasa ay kaka-graduate pa lang niya sa Philippine Military Academy (PMA) at ngayon lang nadestino sa isang tunay na labanan ng mga sundalo laban sa mga bandido kaya excited silang sa bakbakan.
Naiiling na lang ang lahat dahil alam naman nila kung gaano kakulit si Hilmar Pingol. Ang totoo ay hindi nga nila alam kung bakit nakapasa itong sundalo, eh. Kengkoy kasi si Hilmar at palabiro pa. Kung titingnan ay wala sa hitsura nito ang pagiging sundalo talaga.
"Halika kain na lang tayo ng sardinas, Pingol," nakatawang yaya ni Dhoy kay Hilmar. Abala ito sa pagkain ng de lata.
Anim silang magkakaklase sa PMA ang suwerteng sila rin ang magkakasama sa kauna-unahan nilang gyera.
"Sardinas na naman? Wala na bang iba riyan?" kamot sa ulong biro ulit ni Hilmar.
"Meron 555," sagot ni Vhon na nakatawa rin.
"Kapag nakauwi ako sa Maynila, kakain ako nang kakain talaga ng masasarap. Lintik na buhay 'to purga sa sardinas,” kunwari ay reklamo naman ni Hilmar na nakiupo na rin sa kumpolan nilang anim.
"Oh, akala ko ba labanan ang gusto mo? Eh, bakit uwi agad ang nasa isip mo?” biro ni Jake. Abala naman ito sa paglilinis ng mahaba nitong baril.
"Isigarilyo niyo na lang 'yan," alok naman ni Darwyn sa kanila ng isang kahang sigarilyo. "Baka kapag nandiyan na ang mga kalaban, eh, mawala 'yang mga tapang niyo."
"Basta ako magtatago ako sa likod ni Pingol," birong tapik sa batok ni Jake kay Hilmar.
"Ako rin." Nakisali na rin si Kear.
"Ewan ko sa inyo," angal ni Hilmar sa dalawa.
At nagtawanan silang lahat.
Nang hindi magtagal ay may narinig silang putukan. Agad silang naalarma at nagsipagtago sa ginawa nilang sandbag bunker o patong-patong na sako ng buhangin.
"Ano 'yon?!" tanong ni Hilmar.
Nakahanda na lahat ang baril nila.
"Ano pa? Eh, di kalaban! Sige sugod na, Pingol! Ito na ang inaantay mo!" nagawa pang ibiro ni Jake kay Hilmar. Kunwa'y tinulak pa nito ang kasama.
"Oy! Biro ko lang 'yon!" sabi ni Hilmar na natatakot na.
Sa kabila ng barilan ay nagawa nilang tumawa sa kakulitan ni Hilmar Pingol.
"Mamaya na 'yang biruan! Labanan na 'to!" sita sa kanila ni Vhon sabay kasa ng baril at pasilip-silip kung anong na ang nangyayari.
Nag-concentrate na nga sila sa pakikipaglaban lalo na nang nagbigay ng command ang kanilang komander. Nakipagpalitan na rin sila ng putok. Tila ba hayok na hayok sila dahil aaminin nilang lahat na iyon na ang pinakaaasam nila mula pumasok sila sa pagsusundalo. Ang totoong bakbakan!
"Parang hindi sila nauubos!" hingal at kabadong ani Kear nang hindi magtagal at habang nagpapalit ito ng bala.
"Tang *na! Mga zombie 'ata mga 'to!" wika naman ni Jake na kinagat ang pin ng granada at inihagis sa banda ng mga kalaban.
Medyo nakakaramdam na sila ng panganib.
"Nakakainis ka na, ha?!" sabi naman ni Hilmar. Kanina pa kasi ito pinapaputukan ng isang rebelde. Kinuha ni Hilmar ang kutsilyo na nakasuksok sa combat shoes nito at pinunterya iyon. "Bull’s eye! Ayaw mong mamatay sa baril 'yan sa kutsilyo ka tuloy namatay!" Tuwang-tuwa si Hilmar. Mas magaling kasi talaga ito sa kutsilyo kaysa sa baril. Mas sharp shooter ito sa mga patalim.
Nakita iyon ni Dhoy at sinaluduhan siya. "Galing, ah!"
Nagyayabang na kinindatan naman ito ni Hilmar.
Mayamaya pa ay may mga kasamahan na silang nagsisigaw ng, "Atras! Atras!"
Naalarma silang anim. Ibig kasing sabihin niyon ay hindi na nila kaya ang mga kalaban. Siguro dahil sa sobrang dami ng mga rebelde.
"Tara na! Tara na!" command sa kanila ni Vhon.
Nagpapaputok sila kasabay nang pagtakas nila.
"Pingol, tara na!" kalabit ni Darwyn kay Hilmar.
"Sige na! Mauna na kayo! Bilisan niyo!" sa pagkakataong iyon ay seryoso na si Hilmar.
"Ano pang ginagawa niyo riyan?! Let's go!" sigaw sa kanila ni Jake na patuloy pa rin sa pakikipagpalitan ng putok para makalayo na rin sila. Bina-back-up-an nito ang dalawa.
"Sige na, bok! Mauna ka na!" pero sabi pa rin ni Hilmar kay Darwyn. Talagang seryoso itong magpaiwan.
"Hindi puwede! Halika na!" Hinila ni Darwyn ang kamay ni Hilmar. Doon nito napansin ang dugo sa kamay ni Hilmar. Nanlaki ang mga mata nito. "May tama ka, bok?"
"Dito sa paa, bok," pag-amin na ni Hilmar kaya pala nagpapaiwan na ito.
"Malayo 'yan sa bituka! Kaya mo 'yan! Halika na! Mas mahihirapan ka 'pag mahuli kang buhay ng mga 'yan! To-torture-n ka nila kaya halika na, bok!"
Sa sinabing iyon ni Darwyn ay mas natakot si Hilmar. Kumapit na ito sa balikat ni Darwyn. Ayaw niyang maranasan ang tatanggalan isa-isa ng mga kuko sa paa.
"Cover us!" sigaw ni Darwyn sa apat na kasamahan.