Chapter 18: Mga Pangako at Pag-asa

3064 Words
Nakatulala lamang si Daniel sa harapan ng kanyang typewriter, ilang minute na rin siyang nakatigil na animo’y naglalaro sa kawalan. Isang ibon ang muling dumapo sa sanga ng puno sa labas ng bintana. Napatingin siya rito at pagkatapos ay titingin sa sunflower na nasa vase. “Danilo?” Isang bulong ang kanyang narinig. Tinatawag ng babaeng iyon ang karakter na kanyang ginawa sa kanyang nobela. “Christine?” bulong naman ni Daniel. Kinuha niya ang isang pakete ng yosi sa kanyang drawer, malapit na iyong maubos. Inilagay niya ang isang stick sa kanyang bibig at sinindihan iyon gamit ang gintong lighter. Ipinatong niya iyon sa gilid ng mesa pagkatapos. Humithit muna siya bago iyon ibuga. Sinimulan niyang muli na magsulat gamit ang typewriter. ____________________________           “Danilo?” isang boses ang aking narinig mula sa aking likuran. Itinigil ko ang pagsusulat sa typewriter sa loob ng opisinang iyon. “Ch-Christine?” wika ko. Hindi ako makapaniwala sa aking nakikita. Si Christine nga iyon. Dali-dali akong nagtungo sa pinto at binigyan siya ng isang mainit na yakap. “Anong ginagawa mo rito?” tanong ko. “Malapit na naman ang alas-singko. May binili lamang ako riyan sa merkado. Mainam na daanan ka na lamang upang sabay na tayong umuwi.” “Pero ang mga bantay…ang mga sundalo. Alam mong binabantayan na rin nila ako rito dahil sa aking tiyo?” may pag-aalala kong sagot. “Hindi ka nila gagalawin. Alam nilang inosente ka, Danilo. Wala ka namang ginagawang masama. Kung tutuusin ay wala ka namang opinyon sa mga nangyayari.” Napakunot na lamang ako nang sabihin niya iyon. Napapangisi siya…alam kong nagbibiro na naman siya. “Hindi sa wala akong opinyon. Mas maigi na sigurong ‘wag makialam sa kanilang ipinaglalaban. Ang gusto ko lang naman ay tahimik na buhay,” sagot ko habang hinahaplos ang kanyang mukha. “Tingnan mo sila ina at ang mga kapatid ko. Nasa probinsiya na. Hindi na kami ligtas dito,” dagdag ko. Tumingin naman ako sa bintana ng opisina upang magmasid. “Sshh…huwag ka nang mag-alala, andito ako. Malalagpasan natin ‘to,” wika ni Christine. Ngumiti lamang siya habang nakatingin sa aking mga mata. Binigyan ko na lamang siya ng isang halik sa kanyang labi at sunod ay sa kanyang noon. “Makapaghihintay ka ba? Tatapusin ko lang ang mga ginagawa ko at ihahatid na kita,” sagot ko. “Ikaw lang ang hihintayin ko,” matamis niyang sambit. __________________________ May kung anong kaguluhang nangyayari sa labas. May mga tao sa paligid at tila may mga dalang plaka na ginuhitan lamang ng pintura. Lahat kami ay nakatingin lamang sa kanila habang sila ay sinisita ng mga sundalo. Niyakap ko na lamang si Christine upang hindi siya makaramdam ng takot. “Halika na,” bulong ko. “Patalsikin ang mapang-aping rehimen!” “Wakasan ang mga p*****n! Itigil ang karahasan!” “Patalsikin ang rehimeng Marcos!” Iyon ang sinisigaw ng mga tao. Ang lahat ay patungo sa iisang direksyon. Mayroon namang mga empleyado mula sa pagawaan ng sapatos ang bigla na lamang sumama sa mga taong iyon, itinataas ang kanilang mga kamao at nakisigaw na rin sa kanila. Hindi ko na hiniling pa na makita ang mga susunod na mangyayari. Mula pa lamang sa mga bulong-bulungan ng mga tao at mga nakakalipad na mga balita ay sigurado akong hindi maganda ang mangyayari sa kanila. “Tara na…bilisan natin, baka mapagkamalan pa tayo,” wika ko. Hindi naman makapagsalita si Christine. Hindi rin siya makatingin nang diretso sa aming dinaraanan. Alam kong nakakaramdam na siya ng takot. _________________________  Naihatid ko siya sa kanilang tahanan nang mapayapa at ligtas. Nakaupo lamang sa garahe ang kanilang mga magulang, tila naghihintay sa kanilang mga anak kung makakauwi ba sila ng ligtas. Isang mahigpit na yakap agad ang ibinigay ng kanyang ama kay Christine ganoon din ang kanyang ina. “Salamat sa Diyos at ligtas kayo,” sambit ng kanyang naluluhang ina. “May mga tao po sa labas, mukhang binabalak na nilang lumaban,” sagot ko. “Hindi mo sila masisisii. Marami ang nawawala…marami ang namamatay ngayon sa di malamang kadahilanan. Minsan nga iniisip kong ginagawa na lang dahilan ito ng mga sundalo para gumawa ng masama,” wika ng ama ni Christine. “Hindi na ligtas dito, Danilo,” dagdag pa niya. “Nasa probinsiya na nga po sila ina atang mga kapatid ko. Kahit ako nag-aalala na sa mga nangyayari,” sagot ko. “Nabalitaan ko nga. Kayo lang ng iyong ama ang natira…tama ba?” tanong niya. “Opo. Kami lang po,” matipid kong sagot. “Grabe ang panahon na ito. Eh, paano. Dito ka ba muna magpapalipas ng gabi o uuwi ka?” wika ng ina ni Christine. “Uuwi po ako. Mahirap kapag nag-iisa si ama sa bahay. Baka kung anong mangyari,” sagot ko. “Sige na…magmadali ka at baka abutan ka pa ng curfew,” pag-aalalang tugon naman niya. ______________________         Naabutan ko si ama sa bahay na nag-iimpake. Agad akong nagtaka. Ibinaba ko ang aking bag at lumapit sa kanya. “Ama? Bakit?” tanong ko. “Mag-impake ka na rin. Aalis tayo sa lugar na ito. Mawawala muna tayo nang ilang araw,” sagot niya. “Pero paano ang mga trabaho natin?” “Nagkakagulo na sa siyudad. Nagsisimula nang mag-rally ang mga tao. Siguradong mas magiging mahigpit sa mga daraanan natin kapag hindi pa tayo nagmadali. Kapag naabutan tayo dito…siguradong hindi na natin madadalaw ang iyong ina at mga kapatid,” aligaga niyang sambit. Pilit niyang pinagkakasya ang mga damit na iyon sa maleta. Nagkagusto-gusto na ang mga damit dahil sa pagmamadali. Hindi naman ako nakapagsalita. Iniisip ko si Christine. Paano siya? Paano kami? “Bilisan mo na!” utos ng aking ama. “S-sandali lamang…may tatawagan lang ako,” wika ko. Dahan-dahan akong nagtungo sa pinaglalagyan ng telepono sa maliit na mesa sa sulok. Bagsak ang mga balikat…nanghihina. Kinuha ko ang telepono ngunit laking gulat ko nang wala akong marinig na tunog mula dito. “Putol ang linya,” sambit ko. Napatingin lamang sa akin si ama, napalunok ng kaunting laway at umiling. “Kontrolado na ng goyerno ang lahat. Sigurado akong mas ko-kontrolin pa nila ‘yan dahil sa katigasan ng mga ulo ng mga tao.” “May balita na ba tungkol kay Tiyo Garry?” tanong ko. Nagpunta rin ako sa kanyang puwesto at tinulungan siya sa pag-eempake. “Wala…nawawala pa rin siya. Wala ring magawa ang kapatiran sa pagbabagong ito. Nahati na ang kapatiran dahil ang iba sa amin ay mga sundalo rin. Wala silang magawa kundi ipatupad ang nais ng malakanyang,” paliwanag niya. “Sulatan mo na ang dapat mong sulatan,” sambit ni ama. Alam ko ang kanyang ibig sabihin. Agad akong tumayo, kinuha ang typewriter at sinimulang magsulat. Mahal kong Christine, Wala akong masyadong oras para isulat ito. Masyado nang nag-aalala si ama sa aming kaligtasan at kasalukuyan siyang nagmamadali sa pag-eempake. Putol ang telepono, nais sana kitang tawagan ngunit mukhang imposible. Bagay na lalo pang nakadagdag sa aking pag-aalala para sa ating kaligtasan. Ayoko mang gawin ito, ayokong iwan ka. Nais kong makapiling ka sa aking buhay ngunti kailangan ko muna itong gawin. Masyado nang mainit dito sa lugar natin. Kung maaari lamang ay isama ka…ngunit hindi ko alam kung ano ang iisipin ng iyong pamilya sa aking magiging desisyon. Hindi pa man tayo kasal ay sigurado akong doon rin ang punta noon. Sa ngayon ay gusto kong malaman mo na mahal na mahal kita. Ang tangi kong hiling ay maging ligtas ka sa mga ganitong panahon. Sa Bicol kami pupunta ni ama kung saan naroon si ina at ang aking mga kapatid. Sa Daet, Camarines Norte ay magpapalamig muna kami mula sa miinit na mata ng awtoridad. Huwag mo akong kalilimutan mahal ko. Ikaw ang laging nasa puso at isipan ko. Nagmamahal, Danilo. Agad ko iyong itinupi, kinuha ang aking bag mula sa kwarto at naglagay na rin ng aking mga damit, importanteng papeles at ilang mga gamit. Nagmadali kami sa aming mga kilos. Tinakpan naman ni ama ng puting tela ang mga sofa, mesa at mga malalaking kagamitan upang iyon ay hindi alikabukin. “Tara na, Danilo. Bilis! Sigurado akong naghihintay na si Meong” sambit ni ama. Halata ang takot sa kanyang mga mata. Pumikit muna si Daniel matapos iyong isulat. Tila mabigat ang kanyang pakiramdam matapos noon. Tumayo muna siya, kumuha ng isa pang stick ng yosi at sinindihan iyon. Nagpalakad-lakad siya sa kwarto habang kinakamot ang kanyang ulo. Tumingin siya sa maliit na salamin sa tabi ng pinto at napansin niya na humahaba na ang kanyang buhok. Napangisi na lamang siya at umiling. Humithit siyang muli ng kanyang yosi at muling napasimangot. Tila nakakaramdam siya ng pagkalumbay para sa arakter na kanyang isinusulat. Muli siyang umupo sa harap ng typewriter pagkatapos. Tinitigan niya muna ang malawak na karagatan sa di kalayuan bago muling magsulat. Dumaan ang ilang mga araw, linggo at buwan. Wala kaming nasasagap na balita tungkol sa mga kaganapan sa Maynila. Ni hindi ko nga alam kung nakaabot nga ba ang sulat na iyon kay Christine na inabot ko kay tiyo Meong. Umaasa na lamang ako na maayos ang kanyang kalagayan. Nagsasawa na rin ako sa kakatitig sa malawak na karagatang ito na nasa aking harapan. Iniisip ko rin minsan na dalhin dito si Christine. Sigurado akong magugustuhan niya ang lugar na ito. Napatigil muli si Daniel. Tumitig muli sa malawak na dagat sa labas. Kumikinang ang dagat na iyon dahil sa pagtama ng hapong araw. Napangiti siyang muli, humithit ng yosi at muling nagsulat. “Danilo?” Hindi ko makakalimutan ang boses na iyon. Agad akong lumingon sa aking likuran…hindi ako nagkakamali. Ang pinakamamahal ko. Narito siya at malambing na sinasalubong ang aking presensya. “Christine?!” sambit ko. Maluha-luha akong lumapit sa kanya at dinama ang kanyang mainit na yakap. “Oh, Danilo. Na-miss kita,” sambit niya habang napapaluha rin. “Narito ako. Narito ako mahal ko,” bulong ko na lamang. “Hindi ako makapaniwala. Paano?” ang tangi kong naitanong sa kanya nang kami ay kumalas sa pagkakayakap. “Si kuya at ang kaibigan niya. Sila ang naghatid sa akin,” wika ni Christine. Tumingin ako sa kanyang likuran at nakita ko roon ang kanyang nakatatandang kapatid. Napakunot naman ako ng noon ang makita ko ang kaibigan ng kanyang kapatid. Nakangiti sa amin ngunit napaiwas siya nang aking titigan. Nakasuot pa sila ng uniporme ng sundalo. Dahilan kung bakit ang mga tao ay nakatingin lamang sa kanila mula sa malayo. “Masaya ako Christine. Masaya akong naririto ka,” wika ko. “Ganoon din ako,” sambit niya habang napapaluha. “Hindi ka na sumusulat sa akin. Hindi ba nakakarating ang mga sulat ko sa’yo?” tanong niya. Napakunot naman ako ng noo at nagtaka. “H-hindi…walang dumarating na sulat sa akin. Miski ako ay nagsusulat sa ‘yo. Hindi rin ba ‘yon nakakarating?” tanong ko. “Hindi rin…” matipid niyang sagot. “Pambihira…kontrolado na talaga nila lahat,” wika ko. Napapansin ko naman na umiilag na ang mga tao sa kanyang kapatid at sa kanilang kasama dahil sa suot nilang uniporme. “Halika…sa bahay muna tayo mag-usap. Mukhang hindi kumportable ang mga tao dahil sa mga suot ng kasama mo,” wika ko. _________________________  Humihigop ng kape ang kanyang nakatatandang kapatid at ang kanyang kasama. Kami naman ni Christine ay magkahawak-kamay sa isang parte ng sofa sa loob ng may kalakihan ring bahay na iyon. “Pagpasensyahan niyo na ang aming bahay. Mas Malaki ang bahay namin sa Maynila, kinailangan lang munang iwan dahil sa mga nangyayari,” paliwanag ng akign ama. Bitbit niya ang isang lyanera na naglalaman ng keso at tinapay at inilapag iyon sa mesa sa aming harapan. “Kumain muna kayo,” pag-aanyaya ko. “Wala hong ano man ‘yon. Pinagbigyan ko lang talaga ang kapatid ko. Nag-aalala na rin kasi sila mama at baka kung ano na ang nangyari sa inyo. “Ay, maayos naman kami dito. Kayo pa nga lang ang sundalong dumalaw dito, eh,” pagbibiro ng aking ama. “Nako, huwag po kayong mag-alala. Hindi po namin sasabihin ang lugar na ito sa kanila,” pagbibiro rin ng kapatid ni Christine na si Albert. “Kumusta naman sa Maynila ngayon?” tanong ng aking ina. Humigop si Albert ng kaunting kape at muling nagwika. “Masyado nang magulo roon. Nahahati na ang bawat kampo. Maging sa mga sundalo at pulis…nahahati na sila,” sagot ni Albert. “Anong ibig mong sabihin?” tanong ng aking ama. Tila napatutok naman sa pakikinig ang buong pamilya sa sasabihin ni Albert. “May sabi-sabi na magkakaroon ng kudeta at pag-aaklas laban sa gobyerno. Hindi pa man napapatunayan kung totoo ito ay sinasala na rin kaming mga sundalo. Inaalam na rin ng gobyerno ang tungkol sa amin,” wika ni Albert. “Diyos kong maawain…bakit ba kasi hindi na lang itigil itong martial law na ito. Hindi naman ito nakakatulong sa atin. Tingnan mo. Ang pinagtatrabahuhan ko…nagsara rin,” kwento ni ama. “Pati ang pagawaan ng mga sapatos…nabalitaan kong ipinasara na rin nila. Marami sa mga katrabaho kong naroon ang sumama sa rally. Lahat sila ngayon ay nawawala,” kuwento ko. “Mas mainam nga po na umalis kayo bago pa pumutok ang gulo. Sa ganoong paraan ay magiging ligtas kayo sa kanilang mga mata,” wika ni Albert. “Hindi rin tama ang ginagawa naming ito kung tutuusin, eh. Nagtatago kami…kung tutuusin wala naman kaming masamang ginagawa, nagtatago lang kami dahil ayaw naming mapagbintangan dahil sa…ginawa ni Garry,” wika ng aking ama. “Huwag na po kayong mag-alala, tito. Sinusubukan ko pa rin siyang hanapin. Pero sa tagal…mukhang malapit na rin kaming sumuko. Kung buhay man siya…” “Buhay siya, sigurado akong buhay siya. Hindi lang nila pinapalabas ng kulungan pero umaasa akong buhay siya,” wika ng aking ama na tila tensyonado na. Natahimik na lamang ang lahat. Mababakas sa kanilang mukha ang labis na pag-aalala. “Nga pala. Uuwi pa ba kayo niyan? Ilang araw ba kayong mamamalagi rito?” tanong ng aking ina. “Ninais lamang po naming alamin kung nasa maayos kayong kalagayan. Nasasabik na rin kasing makita ni Christine itong si Danilo. Panay ang iyak sa bahay at nagpupumilit na sumama,” natatawan kuwento ni Albert. Isang halik naman sa noo ni Christine ang aking ibinigay. “Abay talagang kasal na lang ang kulang sa mga ito, eh. Danilo…kailan mo ba kami bibigyan ng apo?” pagbibiro ni papa. Sinusubukang gawing magaan ang awra sa paligid. “Kung mapapadali kong asikasuhin ang kasal ay kinabukasan rin…siguradong may apo na kayo,” pagbibiro ko. Nagtawanan na lamang ang lahat. “Masaya akong nagkita kayong muli, Danilo. Pero ikinalulungkot ko…hindi kami puwedeng magtagal. Nakadestino ako ngayon sa Malakanyang. Sa biyernes ay kinailangan na naming umuwi upang makapagbanta na roon,” sagot ni Albert. Bahagya namang lumitaw ang kalungkutan sa aming mukha. Tumingin sa akin si Christine, tanging ang malamlam niyang mata ang dumudurog sa aking puso. “Maikli na lamang pala ang oras natin,” bulong ko. Muling natahimik ang lahat. ___________________________             Magdidilim na noon, naglalakad lamang kami ni Christine sa dalampasigan. Malungkot at bagsak ang aming mga balikat. Ang kaunting say ana ipinaparanas sa amin ay may taning rin. Maya’t-maya lamang siyang napapabuntong hininga at titingin sa malawak na karagatan. Yumuko na lamang ako at binasa siya ng tubig dagat. “Hoy! Ano ba Daniel?” wika niya habang hinaharang ang kanyang mga kamay. “Tama na ‘yan…’wag ka nang malungkot. Magkikita naman tayo ulit…sigurado ako. Kung gusto mo ay ako naman ang dadalaw sa ‘yo,” wika ko. “Imposible, Daniel. Nakalusot nga lang kami sa mga bantay dahil sa kuya ko,” paliwanag niya. “Eh ‘di sige…aawayin ko na lang ang mga bantay para makalusot ako,” sagot ko. “Ikaw talaga!” sambit niya habang napapangisi. Maya-maya pa ay yumuko rin siya at sumandok ng tubig sa kanyang palad upang ako ay basain. Nagbasaan kami sa baybayin, naghabulan hanggang sa mga batuhan kami mapadpad. Nabasa ang aming mga damit at halos kami ay maligo na sa dagat. Napadapa naman siya sa batuhan…tila ako ay inaakit. Gamit ang kanyang daliri ay tinatawag niya ako, tila nag-iimbita naman sa aking paningin ang hubog ng kanyang katawan dahil sa nabasa na niyang puting damit. Isang mainit na halik ang agad kong ibinigay sa kanya kasabay ng paghaplos sa kanyang makinis na hita. “Ipangako mo sa akin, mahal ko. Ako lang ang iyong mamahalin. Huwag mo akong kalilimutan,” wika ko. “Ikaw lang…Danilo. Ikaw lang ang minamahal ko bawat minuto,” sambit naman niya. Nagpatuloy ang mainit na tagpong iyon. Halos mahubaran ko na ang kanyang katawan at makita ang kanyang puting kutis dahil sa mainit naming halikan. Hindi niya iyon alintana. Mas lalo pa niyang idinidiin ang kanyang katawan sa akin at hinahalikan ang aking leeg. “Ikaw na ang nais ko habang buhay…Christine,” bulong ko. Kinapa niya naman sa batuhan ang isang shell at iniabot iyon sa aking kamay. “Gusto kong iukit mo dito ang pangako nating dalawa. Tayo lamang, Danilo. Ikaw lang at ako,” wika niya. Kinuha ko ang kanyang hawak at sa kanyang likuran ay inukit ko ang letra ng aking pangalan. Nilagyan ko ito ng markang x at sunod naman ay ang kanyang pangalan. Idiniin ko iyon upang hindi mabura. Nilagyan ko pa iyon ng korteng puso. Pinagmasdan niya naman ang ginagawa kong pag-ukit sa batuhan. Nakangiti lamang siya habang ako ay pinagmamasdan sa aking ginagawa. Tuluyan namang nagdilim nang matapos kong iukit ang aming mga pangalan. Nang matapos iyon ay muli niya akong hinalikan, muling nag-alab ang aking pakiramdam hanggang sa tuluyan ko nang mahubaran at mapagmasdan ang ganda ng kanyang p********e. Sinulit ko ang bawat segundo, minuto at oras na siya ay aking kapiling. Alam kong may hangganan ang lahat kaya’t ipinaramdam ko sa kanya ang sidhi ng aking pagmamahal. _______________________       Tumigil si Daniel sa pagsusulat. Tila nanginginig ang kanyang mga mata at ang kabog ng kanyang dibdib ay umuugong hanggang sa kanyang mga tenga. Napangiti na lamang siya at tuluyang ipinahinga at inilapat ang kanyang likuran sa kanyang upuan. Huminga na lamang siya nang malalim at kinapa nang dahan-dahan ang kanyang mga labi gamit ang kanyang mga daliri. Ngumiti siya habang nakatitig nang matalim sa kanyang sinusulat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD