Chapter 3

1597 Words
Masaya si Aarah nang araw na iyon dahil naubos na naman ang paninda niya. Isda na naman ang maiuuwi niyang ulam para sa pamilya. Katulad ng nakagawian ni Aarah, dumaan muna siya ng palengke para mamili. Ibibili na rin niya ng pasalubong ang mga kapatid at magulang. "Mukhang ilang araw ka ng sinusuwerte sa paglalako mo, Aarah, ah," puna sa kaniya ni Aling Tasya, ang tindera ng isda na suki niya. "Maya't maya ang isda n'yo, ha. Yayamanin." "Alam n'yo naman ho ang mga tao rito sa'tin. Galante kapag ganitong December dahil kabi-kabila ang bonus," masayang katuwiran ni Aarah habang namimili ng galunggong. "Puwede ho bang wampipti na lang ang isang kilo, Aling Tasya? Bagong ligo naman ho kayo, eh." Humagikhik ang tindera. "Hindi mo naman ako kailangang bolahin, eh. Bibigyan pa rin kita ng discount. Ikaw pa ba? Eh, suki kita." "Naku, salamat ho, Aling Tasya. Nakatipid na naman ako ng sampung piso. Pamasahe rin 'yon sa dyip." "'Wag ka ng tumawad, Aarah. Ako na ang magbabayad sa kulang mo na sampung piso. Kayang-kaya ko na 'yan." Napabuntong-hininga si Aarah nang bigla siyang lapitan ni p**e. Isa ito sa mga manliligaw niya simula ng mag-break sila ng ex-boyfriend na si Frank. Sa lahat ng manliligaw ni Aarah, ito ang pinakamakulit at pinakaayaw niya. Mahirap itong kausap. Naduduwa siyang banggitin ang pangalan nito. Kaya unang letra na lang ng pangalan ni p**e ang binabanggit niya. "Salamat na lang, P, pero nabayaran ko na ang isda." Napapitik ito sa ere. "Ay, sayang naman! May sampung piso pa naman sana ako rito." "Pambihira ka naman kung manlibre ng nililigawan, p**e! Sampung piso?" sabat ni Aling Tasya na inismiran pa si p**e. "Mata lang ng isda ang mabibili niyang sampung piso mo, eh. Paano mo mapapasagot niyan ang kasingganda ni Aarah?" "Itaya mo na lang sa lotto 'yang sampung piso mo at baka manalo ka pa," dagdag ni Carrie na anak ni Aling Tasya. "'Tapos papalitan mo sa PSA 'yang pangalan mo para naman hindi mabastusan ang bawat babaeng nililigawan mo." Tatawa-tawa lang si Aarah. Habang si p**e naman ay panay ang kamot sa ulo. Kapagkuwan ay nagpaalam na ang dalaga kina Aling Tasya at Carrie. Pero sinundan pa rin siya ni p**e hanggang sa labas ng palengke. Pilit nitong inaagaw ang mga dala niya pero nakipagmatigasan ang dalaga. "Kailan mo ba ako sasagutin, Aarah?" pangungulit ni p**e habang sinasabayan siya sa paglalakad. "Isang buwan na rin akong nanliligaw sa'yo." "Isang buwan ko na ring paulit-ulit sinasabi sa'yo na hindi nga kita gusto, P." Hindi ugali ni Aarah ang magpaasa ng manliligaw kaya kaagad niyang pinaprangka ang mga ito kapag hindi niya gusto. Pero sadyang may makukulit lang talaga 'tulad ni p**e. "Kaya kung ako sa'yo, maghanap ka na lang ng iba. Huwag na lang ako." "Bakit ba kasi ayaw mo sa'kin? Lamang lang naman ng isang paligo sa'kin ang ex-boypren mo, ah. Dahil ba sa sinasabi nila na mukha akong tahong? Mariing ipinikit ni Aarah ang mga mata. Malapit na siyang mainis. Sa totoo lang, hindi gan'on kahaba ang pasensiya niya sa makukulit na 'tulad ni p**e. Pero mabait at masipag naman itong tao. Nakikita naman niya na nagsusumikap. Kaya hindi niya magawang prangkahin. Nakakaawa rin. Iba pa naman siya kapag nainis sa isang tao. Kung ano-anong mababantot na salita ang lumalabas sa bibig niya. Mahaba-haba na rin ang narating ni Aarah pero sunod pa rin nang sunod sa kaniya si p**e. Wala itong tigil kakatanong sa kaniya kung bakit hindi niya ito magustuhan. "Sige na, Aarah... Sabihin mo na sa'kin kung bakit ayaw mo sa'kin. Baka kaya ko pang baguhin," pangungulit pa rin ni p**e. "Dahil nga ba mukha akong tahong?" Nasagad na ang pasensiya ni Aarah kaya naiinis niyang hinarap ang lalaki. "Hindi ka mukhang tahong, P. Mukha kang talaba! Kaya puwede ba tigilan mo na ako. Isang buwan akong naging mabait sa'yo. Huwag mong hintaying magalit pa ako." Natigilan si p**e sa narinig. Halatang nasaktan ito sa sinabi ni Aarah. At mukhang pinanghinaan ng loob kaya tumigil na kakabuntot sa dalaga. Napabuntong-hininga na lang siya. Hindi ugali ni Aarah ang mapanglait. Natural lang siyang prangka na hirap siyang pigilan. Lalo na kung ayaw niya ang isang tao. At kapag nagagalit siya. Nakahinga nang maluwag si Aarah nang tuluyan na siyang tinigilan ni p**e. Nang lumingon siya, nakita niya ang lalaki na tila malungkot na naglalakad pabalik sa palengke. "Tol Aarah!" Napalingon ang dalaga nang biglang may tumawag sa kaniya sa tindahan. Nakita niya ang kaibigang si Erin na umiinom ng softdrinks. Kasama nito ang mga kaibigang lalaki, na parang mga kaibigan na rin ni Aarah. Tomboy ang kaibigan ni Aarah kaya kilos at bihis-lalaki. "Mukhang ang dami mong atik ngayon, ah," puna niya kay Erin nang lapitan niya ito. Salitang kalye ang "atik" na ang ibig sabihin ay pera. "Pa-sopdrinks-sopdrinks na lang tayo ngayon, ha. Painom naman. Uhaw na uhaw na ako, eh." Inabot sa kaniya ni Erin ang bote ng softdrinks. Pagkatapos niyang tumungga ay ibinalik niya iyon sa kaibigan. Napadila pa si Aarah sa gilid ng kaniyang bibig para lasahan ang natirang softdrinks. "Nagkasalisi kayo ng ermats mo," sabi ni Erin at saka itinuloy-tuloy ang pagtungga sa softdrinks. "Halos kakadaan lang niya. Ubos din daw lahat ng paninda niya." Natuwa si Aarah sa narinig. "Siguradong tuwang-tuwa si Nanay Marie. Makakabayad na kami ng tubo sa utang namin kay Tiyo Roman." "'Yong erpats mo, pards, mukhang tumama sa weteng." Katropa ni Erin na si Uging ang nagsalita. "Tinayaan daw niya ang birtdey mo." "Naku! Kahit panalo pa siya, siguradong lagot na naman siya kay Nanay Marie." Napakamot sa ulo si Aarah. "Dehins pa rin matutuwa si Nanay. Alam n'yo naman na ayaw na ayaw n'on ng kahit anong sugal. Malas daw 'yon." Tinapik siya ni Erin sa balikat. "Bayaan mo na ang erpats mo, 'tol. Gumagawa lang 'yon ng paraan para makabawas kayo ng utang n'yo kay Tiyo Roman mo. 'Buti nga hindi siya katulad ng ibang gipit diyan na kumakapit sa patalim, eh. Kung iba lang, baka nang-holdap na 'yon." "Oo nga naman, pards. Mabait ang Tatay Poldo mo kahit sugarol," pagsasang-ayon ng isa pang tropa ni Erin na si Antoy. Katatapos lang nitong mangulangot kaya umiwas siya ng umakto itong tatapikin siya sa kamay. "Kuwentuhan lang, Antoy, pero walang pahiran ng kulangot. Walastik naman, o, " biro ni Aarah na ikinatawa nilang lahat. "Hinahanap ka nga pala kanina ni p**e, ah." Nanunukso ang boses ni Uging. "Ililibre ka raw niya ng pisbol." "Ang tibay din ng manliligaw mo na 'yon, tol. 'Buti natatagalan mo ang pagbait-baitan sa kaniya." Ngumisi si Erin. "Kung babae lang ako at niligawan niya, pakikitaan ko kaagad siya ng pangil ko. Sa pangalan pa lang, nakakabastos na, eh." "Mabait naman kasi si P, eh. Kaya hindi ko magawang laitin." Itinaas niya ang hawak na plastik ng aktong aabutin iyon ng pusa. "Pero sa tingin ko titigil na siya sa kakakulit sa'kin. Natigagal sa sinabi ko, eh." "Ano ba ang sinabi mo?" sabay-sabay na tanong nina Erin. "Panay kasi ang tanong niya kung hindi ko raw ba siya nagustuhan dahil mukha siyang tahong. Kaya sinabihan ko siya na mukhang talaba!" Sabay-sabay na humagalpak ng tawa sina Erin. "Hayup ka talaga, 'tol! Mas malufet ka pa sa'min. Pero ayos na rin 'yon. Siguradong mahihiya na 'yon na kulitin ka. 'Di ba, mga repa?" Nakipag-apir si Erin sa mga tropa nito. "Konting-konti na lang kasi parang pipikutin ka na niya, eh." Napailing si Aarah. "Pero naaawa pa rin ako sa kaniya. Kitang-kita ko ang pagkapahiya niya, eh." "Huwag mo sabihing si p**e na ang isusunod mo kay Frank?" biro sa kaniya ni Totong, isa pang katropa ni Erin. Binatukan niya ito. "Gago! Dukutin ko tutchang mo, eh." Tinawanan lang siya ng mga kaibigan. "Gusto mo ba, pards, na resbakan namin ang Frank na 'yon? Sabihin mo lang." Tiningnan siya ni Antoy na tila humihingi ng permiso. "Mamarkahan lang namin ang mukha niya para wala na siyang maipagmayabang." "Iyon ang huwag na huwag n'yong gagawin," mariing saad ni Aarah. "Ayokong dungisan n'yo ang mga kamay n'yo dahil sa walang kuwentang tao." "Pero kung sakaling tinarantado ka niya ulit, 'tol, sabihin mo lang sa'min, ha?" Walang bakas na biro ang boses ni Erin. "Alam mong ayaw na ayaw kong may tumatarantado sa mga kaibigan ko, eh." Tumango lang si Aarah. Sabay-sabay silang nahawi sa harapan ng tindahan nang biglang may bumili. "Pabili nga pong yosi," narinig nilang sabi ng lalaki. Hindi nagtagal ay nagpaalam na si Aarah kina Erin. "Sige na, 'tol, mauna na ako sa inyo. Kailangan ko ng umuwi para maluto ko na itong galunggong. Mauna na ako sa inyo." "Sige, 'tol." Tinapik siya ni Erin sa balikat. "Mamaya na ako pupunta sa inyo. Aabangan ko lang si Mikai. Makasulyap man lang bago umuwi." Ang crush nitong teacher ang tinutukoy ni Erin na si Mikai. "Sige, mga pards, mauna na ako sa inyo," paalam din ni Aarah sa mga tropang lalaki ni Erin. "Ikumusta mo ako kay Clara, pards, ha, kapag nakita mo," pahabol naman ni Totong. Ito ang isa sa mga tropa ni Erin na patay na patay sa bestfriend niya. Kaso natotorpe. "'I mis yow' kamo." Tinawanan lang niya si Totong. Pati sina Erin ay nakitawa rin. Inasar pa ng mga ito ang lalaki. "Sabihin lang sa'yo ni utol Clara, 'utot mo blue'." Humagalpak ulit ng tawa si Erin. "Pa-'I miss you', 'I miss you' ka pang nalalaman, torpe ka naman." Tatawa-tawa na iniwanan ni Aarah ang mga kaibigan. Malayo na siya ay naririnig pa rin niya ang asaran ng mga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD