Chapter 1

1367 Words
"Biko! Biko kayo diyan!" malakas na sigaw ni Aarah. Naglalakad siya sa gilid ng kalsada habang hawak-hawak ang bilao sa kaniyang ulo. Pangatlong balik na ito ni Aarah ngayong araw. Wala siyang pakialam kung pawis na pawis man siya. "Biko! Bumili na po kayo ng biko! Masarap na malinis pa!" "Aarah! Ineng!" Napangiti si Aarah nang marinig ang pamilyar na boses. Umaliwalas ang mukha ng dalaga nang makita ang mukha ng nagmamay-ari ng boses na iyon. Ito si Aling Caring. Isa sa pinakagalanteng customer ni Aarah. "Gud morning ho, Aling Caring!" nakangiting bati ni Aarah sa biyuda at singkwenta anyos niyang customer. "Gud morning sa suki kong kasing sarap ng biko ko." Kunwari siyang tinampal ni Aling Caring. "Kuh! Nambola pa ang batang ito. Huwag kang mag-alala, ineng. Bibilhin ko pa rin lahat ng natitira mong biko. May darating kasi akong bisita mamaya, eh," nakangiti ring tugon ng biyuda. Nangislap sa tuwa ang mga mata ni Aarah. "Waw! Talaga ho? Naku, maraming salamat ho, Aling Caring. Talagang hulog kayo ng langit sa'kin ngayong araw. Dahil kailangan kong umuwi ng maaga. Aattend ho kasi ako sa skul miting ng kapatid ko." "Napakasuwerte talaga ng mapapangasawa mo, Aarah," sinserong saad ni Aling Caring. Bukod sa maganda na, masipag, responsable at mapagmahal pa sa pamilya." Napakamot sa ulo si Aarah. "Naku po! Iniwan na nga ho ako ng boypren ko, eh. Ipinagpalit na ako sa babaeng magaling humalik." Nakikisimpatiyang hinawakan siya ni Aling Caring sa kamay. "Hayaan mo na 'yon, ineng. Tandaan mong siya ang nawalan at hindi ikaw. May tamang lalaki rin ang darating sa'yo balang araw. Iyong karapat-dapat sa ganda, bait at kasipagan mo." Lumapad ang pagkakangiti ni Aarah. "Maraming salamat ho, Aling Caring." Pasalamat si Aarah na kahit hindi man siya masuwerte sa pag-ibig, masuwerte naman siya dahil halos lahat ng tao rito sa barangay nila sa Quiapo ay mahal si Aarah. Maya maya'y inabot sa kaniya ni Aling Caring ang limang daang piso. "O, siya, sige na at para makauwi ka na ng maaga.." Pagkakuha ni Aarah sa pera ay mabilis niya iyong sinuklian. Limitado man ang mga salita na kayang basahin at isulat ni Aarah, magaling naman siyang magbilang, lalo na pagdating sa pera. Kahit grade one lang ang natapos ng dalaga, hindi siya maloloko pagdating sa pera. Bata pa lang kasi ay naglalako na ng mga kakanin si Aarah. Sanay na siyang humawak at bumilang ng pera. Panganay sa sampung magkakapatid si Aarah. Isa ring tindera ng mga kakanin ang kaniyang nanay at construction worker naman ang tatay niya. Dahil sa kahirapan at kailangan ng mga magulang nila ng katuwang para sa pamilya, kaya napilitan noon si Aarah na huminto sa pag-aaral nang makatapos siya ng grade one. Aminado ang dalaga na hirap siyang makahanap ng trabaho dahil sa educational status niya. Kaya bukod sa paglalako rin ng mga kakanin, na sila mismong magpapamilya ang nagluluto, kung ano-anong raket na lang ang pinapasok ni Aarah. Ngunit madalas ay hindi pa rin iyon nagiging sapat kaya nakakapag-utang sila kung kani-kanino. Nang dahil sa obligasyon sa pamilya kaya sa edad na bente siyete ay dalaga pa rin si Aarah. May mga naging boyfriend naman siya. Pero madalas siyang lokohin. Ang iba naman ay nakulangan sa oras na ibinibigay niya. "Sige ho, Aling Caring, mauna na ako. Maraming salamat po ulit," kapagkuwan ay paalam ni Aarah sa suki niya. Pagkaalis ay dumaan muna ng palengke si Aarah bago umuwi. Bumili ang dalaga ng dalawang kilong bigas at isda na pang-ulam. Ibinili rin niya ng tig-iisang balot ng puto seko ang mga kapatid niya. Bumili rin si Aarah ng dalawang balot ng pilipit na siyang paborito ng kaniyang mga magulang. Kapag ganitong nakakarami siya ng benta ay ibinibili ni Aarah ng pasalubong ang kaniyang pamilya. Isda rin ang binibili niyang ulam bilang pantanggal umay sa sardinas at noodles na ulam nila sa halos araw-araw. Namimili na ng gulay si Aarah para panlahok sa sinigang na isda, nang mamataan niya ang ina naglalako pa ng kakanin. Pagkatapos mamili ay dali-daling pinuntahan ni Aarah si Nanay Marie para siya na ang magpatuloy sa paglalako. Pero hindi pa man siya nakakalapit sa ina ay nilapitan na ito ng tiyuhin niyang si Tiyo Roman, ang isa sa pinagkakautangan nila nang malaki. Kilala rin ito sa palengke ng Quiapo dahil sa tindahan nitong halos mini grocery store na. Pero kahit kamag-anak nila ito ay daig pa ang bumbay kung magpatong ng interes. "Aba, Marie, kayo ba'y may balak pang magbayad ng utang n'yo sa'kin?" galit na bungad ni Tiyo Roman sa ina ni Aarah. Magpinsan ang dalawa pero para silang ibang tao kung ituring ni Tiyo Roman. "Isang taon na rin simula nang ma-dengue si Moira. Nilulumot na rin ang listahan n'yo sa tindahan ko." Si Moira na sinasabi ni Tiyo Roman ay ang kapatid ni Aarah na pangalawa sa bunso. Na-admit kasi ito dati dahil sa dengue. At dahil wala ng ibang malapitan, kahit malaki ang interes, napilitan silang umutang sa tiyuhin ni Aarah. Pagkain naman ang sinasabi ni Tiyo Roman na utang nila sa tindahan nito, kapag nagigipit sila. Trenta mil lang naman ang totoong utang nila. Pero dahil sa laki ng interes kaya halos dumoble na. Nagbibigay naman sila kahit paunti-unti. Kaso napupunta lang din sa interes. "Pasensiya ka na, Roman, ha," mababa ang boses na sagot ni Nanay Marie. "Gipit lang talaga kami ngayon. Pero bayaan mo at magbibigay kami sa'yo sa Enero kapag nakuha na ni Poldo ang bonus niya," tatay ni Aarah ang tinutukoy ng kaniyang ina. Sarkastikong tumawa si Tiyo Roman. "Puro pangako ka na naman, Marie. Kaya hanggang ngayon ay patay-guto pa rin kayo, eh. Kasi hindi kayo marunong magbayad ng utang." Hindi pinapatulan ni Aarah ang kasamaan ng ugali ng tiyuhin niya. Pero pumapalag siya kapag sinasaktan ng pisikal at emosyonal ang pamilya niya. "Wala naman hong ganiyanan, Tiyo Roman," hindi nakatiis na sabat ni Aarah. "Nagbibigay naman ho kami kapag nakakaluwag. At hindi ho namin tatakasan ang utang namin sa inyo. Ako mismo ang mangangako sa inyo, Tiyo Roman." "Ah, basta. Bibigyan ko kayo ng palugit hanggang katapusan. At kapag hindi n'yo naibigay, sa barangay na tayo magkikita," pagbabanta ni Tiyo Roman at tumalikod na. "Pagpasensiyahan mo na ang Tiyo Roman mo, ha." "Wala ho 'yon, inay. Sanay na ako," mabilis na sagot ni Aarah at inakbayan ang ina. "Pero kapag may sinaktan siya kahit isa man sa pamilya natin, ibang usapan na 'yon." Kinuha ni Aarah ang bilao sa ulo ng ina at inilipat sa kaniya. Habang pauwi ay naubos din ang natitirang paninda ni Nanay Marie. Bago makarating sa kanilang bahay ay nadaan nina Aarah ang amang si Tatay Poldo na may kausap na lalaki. Sa tantiya ni Aarah ay kaedad lang niya ito. At base sa tindig nito ay mukhang may kaya sa buhay. "Poldo!" malakas na tawag dito ni Nanay Marie. Daig pa ng ama ni Aarah ang nakakita ng multo nang makita silang mag-ina. At alam ni Aarah ang gan'ong reaksiyon ng ama. Mukhang guilty at may ginawang kasalanan. Siguradong tumaya na naman ito sa lotto o sa jueteng. Nagbabakasakali raw kasi ito na suwertehin. At ayaw naman nina Nanay Marie at Aarah dahil aksaya lang sa pera. Bukod sa naniniwala silang malas sa buhay ang pagsusugal. Pagkatapos magpaalam sa lalaking kausap ay sinalubong na sila ni Tatay Poldo. "Si Sir Bart 'yong kausap ko. Balik-bayang anak ng arkitek namin," kaagad na depensa ng ama ni Aarah. Halatang umiiwas na masabon ng nanay niya. "Hindi 'yon nagpapataya ng weteng, ha." "Mabuti naman kung gano'n. Dahil oras na mahuli pa kitang nagsusugal, pupukpukin na kita ng tsinelas na galing sa imburnal." Inambahan ng ina ni Clara si Tatay Poldo. Natatawa lang si Aarah. Ganito lang talaga minsan ang mga magulang niya. Pero sweet ang mga ito sa isa't isa. Paalis na sina Aarah nang mapalingon siya sa lalaking kausap ng ama niya kanina. Nagsalubong ang kilay niya nang ngumiti sa kaniya ang lalaki at nag-wave pa. May hitsura ito pero hindi niya gusto ang pagka-presko. Parang mga ex-boyfriend lang niya na sa umpisa lang pa-fall.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD