( Chapter 3 - Ang muling pagkikita )
Red's POV
Kasado na ang lahat para sa pagpasok ko sa college, kaya lang ay isang mabigat na problema ang tumama sa pamilya namin. Habang nag-aayos ng bubong ng bahay namin ang papa ko ay aksidente itong nahulog at tinamaan ng bakal ang binti niya. Dahil sa nangyari ay nabali ang buto nito sa kaliwang binti niya kaya kinailangan nitong operahan sa lalong madaling panahon. Ang perang inipon ng mama ko para sa pang-college ko ay nagamit tuloy sa pagpapa-opera sa kaniya.
Naawa pa nga ako kay papa dahil sobra siyang humihingi ng tawad para sa akin. Paulit-ulit niyang sinasabi sa akin ang salitang “patawad.” Sorry siya nang sorry dahil imbis na makakapag-aral ako ng college ay nauntol pa tuloy iyon dahil sa nangyari sa kanya. Wala kasi kaming malaking pera na naitatabi pa. Karpintero lang si papa, ang sinasahod niya ay tama lang sa pangkain namin sa araw-araw. Ang inipon ni mama na pang-college ko ay kulang pa sa binayaran sa bill ni papa sa hospital. Napilitan pa tuloy kaming magbenta ng mga gamit namin sa bahay. At dahil hindi pa rin sapat ang pagbebenta namin ng mga gamit sa bahay ay nangutang na rin ng pera si mama sa mga kakilala namin. May mga kamag-anak naman kami, kaya lang ay alam na namin ang mangyayari kapag sa kanila kami lumapit. Mapapahiya lang kami dahil alam naming wala kaming mapapala sa kanila. Mabuti pa ang ibang tao, malaki ang naitulong sa amin. Kahit pa paano kasi ay may mga kapitbahay kaming naaawa sa amin. Nagbibigay naman sila sa amin kahit kaunting pera pandagdag sa bill ni papa sa hospital.
Bakit kaya ganoon ang buhay? Mainam pa ang ibang tao kaysa sa mga sarili mong kadugo. Doon tuloy tuluyang nawalan ng gana si mama sa mga kapatid niya na palagi niyang tinutulungan kapag may okasyon sa bahay nila. Halos, alilain nila si mama kapag may birthday sa kanila. Kahit singko, hindi nila mabigyan ang mama ko, pamalit manlang sa pag-absent nito sa work niya. Kahit nga tirang ulam ay wala silang padala eh. Sumakit ang loob ko dahil tinaboy lang nila kami nang lumapit kami ngayon sa kanila. Nag-iisang kapatid na lang ni mama si Tita Tessie. Mainit daw ang ulo ito ngayon kaya huwag daw kaming sumabay.
Malayo naman ang pamilya ni papa. Ang ilan nga ay hindi na namin alam kung nasaan na.
Pero si Ben ang may pinakamalaki na naibigay sa amin. The best talaga siya. Sa sobrang tuwa ko nga sa kanya ay nahalikan ko ulit siya sa pisngi. Sa ganoong paraan kasi ay mapapasaya ko na ang gagang iyon.
Sa kabila naman nang hirap na pinagdaanan namin ay nakaraos kami. Nauwi na namin sa bahay si papa. Ayos na rin siya. Magpapagaling na lang ito at malaki pa rin naman ang chance na makalakad ito ulit. Dahil sa nangyari ay hindi na ako tuluyang nakapag-aral ng college. Sinabi ko na lang na tutulong na lang ako sa kanila para makabayad ng utang sa mga inutangan namin ni mama.
Umikot ako sa buong street namin. Naghanap ako ng puwede kong maging trabaho. Nang makahanap ako ng work na bagay sa akin ay doon na ako nagsimulang magtrabaho sa isang beauty salon. Sa una, taga-walis lang ako dahil wala pa akong alam sa mga gawain doon. Ako ang naglilinis ng mga buhok na tinatabas sa mga taong ginugupitan doon. Pero, habang naglilinis ako ay nanunuod ako sa mga ginagawa ng mga bakla roon. Lahat ng mga nakikita ko sa kanila ay ginagawa ko kay Pinky para matuto ako. Palipat-lipat ako ng pinagta-trabahuhan kong beauty salon para mas marami akong matutunan.
Hanggang sa mag-stay na ako sa isang bigating beauty salon. Sa dami nang pinasukan kong beauty salon ay talaga namang nahasa na ako. Lahat ay kaya ko na ring gawin.
Natutuwa ako dahil kahit pa paano ay nakakatulong na ako sa bahay namin. Unti-unti na rin naming nabayaran ang mga utang namin. Isa pa, nakapag-open na ulit si mama ng restaurant sa palengke sa tulong nang pagta-trabaho ko sa beauty salon. Malaki na kasi ang kinikita ko dahil ako ang may pinakamaraming nagagawa sa mga customer namin, kaya ako ang palaging may malaking sahod.
Sa ilang taon na pagta-trabaho ko sa beauty salon ay malaki na ang pinagbago ko. Ang dating buhok ko na gupit lalaki ay mahaba na ngayon na abot na sa puw*t ko. Hindi lang ito itim, kung hindi blonde pa. Madalas na rin akong mag-suot ng makeup sa mukha. Ang damitan ko ay palagi na ring dress na siyang lalong nagpapaganda sa akin.
Tuwang-tuwa ako dahil ang daming mga poging lalaki na nagkakagusto sa akin. Pero dahil nahuhumaling ako sa pagta-trabaho sa beauty parlor ay hindi ko sila masyadong pinagtutuunan nang pansin. Kung pumatol man ako sa isang lalaki ay hanggang halik lang dahil takot akong mapalo ng papa ko. Nangako kasi ako sa kanya na ipapagawa ko muna ang bahay namin bago ako mag-asawa ng lalaki.
“Ate Red, need kita bukas,” sabi ni Pinky nang puntahan niya ako sa kuwarto ko. Nasa harap ako ngayon ng salamin habang nag-aayos ng kilay ko.
“Bakit? May pageant na naman ba sa school niyo?” tanong ko.
“Nope, may pictorial kasi ako bukas. Nakuha kasi akong model ng school namin dahil ako ang nanalo sa pageant namin. Ayon, kailangan ko raw ayusan bukas para makuhanan ako ng litrato,” sabi niya habang pinapanuod pa ako.
“Sige, go ako riyan. Mabuti na lang at day off ko bukas. Push na natin ‘yan,” sagot ko sa kanya kaya napangiti na siya. Ang akala ko ay aalis na siya dahil um-oo na ako pero, hindi pa siya umalis dahil mukhang may kailangan pa siya sa akin.
“Ano pa? Sabihin mo na at kilala na kita, Pinky. Ano pang kailangan mo?” tanong ko sa kanya kaya nakita kong nag-puppy-eyes na siya sa tabi ko.
“Eh, gusto ko kasing bumili ng bagong damit bukas. Baka naman puwedeng bigyan mo ako ng pera?” wika niya habang nagbabata-bataan pa ng boses. Bilang ate niya, hindi naman ako tumanggi. Saka, nasanay na rin siyang humihingi ng pera sa akin dahil simula nang magkatrabaho ako ay ganoon na ang ginagawa ko sa kanya. Sinabi ko rin kasi sa kanya na kapag may need siya ay magsabi siya at bibigyan ko naman siya ng pera.
“Sabi na, e.” Hindi naman ako madamot, lalo na sa pamilya ko. Ang ginawa sa amin ni Tita Tessie ay hinding-hindi ko gagayahin. Gusto ko kasing happy lang sila palagi. Pinangako ko sa sarili ko na habang nabubuhay ako ay pasasayahin ko silang lahat.
Tumayo ako at saka ko kinuha ang wallet sa table ko.
“Gusto ko kasing may bago akong dress bukas. Sakto at nag-aya ang mga kaklase ko na mag-mall kami ngayon. Nahihiya man ako ay kinapalan ko na ang mukha ko. Alam ko kasi na kakahingi ko lang ng pera noong nakaraang araw. Pasensya na Ate Red, alam mo namang hindi ako bibigyan ng pera ni mama,” sabi pa niya kaya tumango na lang ako. Good girl naman siya dahil siya ang nag-aalaga kay papa kapag wala kami ni mama sa bahay. Nakakalakad naman na si papa. Kaya lang, simula nang mahulog ito sa bubong ay unti-unti na siyang nanghina. Para bang nasira na ang balakang niya.
Dumukot ako ng tatlong libong piso sa wallet ko. Nang iabot ko iyon sa kanya ay halos kuminang ang mga mata niya. “Teka po, seryoso po ba ito, Ate Red? Tatlong libo?” tanong niya na tila hindi pa makapaniwala.
“Hindi, joke lang ‘yan. Akin na ulit at niloloko lang talaga kita!” pagbibiro ko pero inilayo na niya ang pera sa akin.
“Salamat po dito. The best ka po talaga! I love you, Ate Red. Ba-bye!” anito at saka nagtatakbo palabas sa kuwarto ko.
Sobrang kulit niya talaga. Ganoon pa man ay mahal na mahal ko ang kapatid kong babae na iyan. Prinsesa ko iyang si Pinky. Alagang-alaga siya sa akin dahil pangarap kong maging isang sikat siya na beauty queen balang-araw. Gusto kong mag-ala Catriona Gray siya pagdating ng araw.
Pagkatapos kong gumayak ay lumabas na rin ako. Nag-abang ako ng tricycle na masasakyan ko dahil patungo ako ngayon sa birthday ng kaibigan kong beki na si Ayah.
Nakapayong ako habang nag-aabang ng tricycle nang biglang may rumaragasang sasakyan ang papunta sa kinatatayuan ko. Natulala ako nang oras na iyon kaya hindi agad ako naka-iwas sa sasakyan. Ang buong akala ko noon ay katapusan ko na pero pagdilat ng mata ko ay kaunting pagitan na lang pala ay masasagasaan na niya ako. Mabuti na lang at napahinto niya ang sasakyan niya.
Dahil sobra akong natakot ay tinalakan ko talaga ang may-ari ng sasakyan na iyon. Hinampas ko nang malakas ang harap ng sasakyan at saka ko siya pinababa.
“Muntik mo na akong patayin, ha! Bumaba ka riyan!” sigaw ko sa kanya habang patuloy kong hinahampas ang sasakyan niya.
Nanghintay ako ng ilang segundo, pero wala pa ring bumababa sa sasakyan. Nakakaloka siya. Nakaka-haggard ang ginawa niya sa akin. Pinagpawisan tuloy ko ng malagkit.
“Ano?! Hindi ka pa ba bababa diyan?! Patay malisya? Wala manlang sorry?!” Dahil hindi pa rin siya lumalabas, doon na ako napilitang buksan ang pinto ng sasakyan niya.
Pagbukas ko ay nagulat ako nang makita kong wala siyang malay-tao na nakayuko sa driver seat niya. Ang putla ng itsura niya na tila ba mayroo itong sakit.
Hindi ko siya kilala, pero mukhang guwapo ito. Napilitan akong dukutin ang wallet niya para makilala ko siya. Sigurado kasi akong naroon ang I.D niya.
Nang makapa ko ang wallet niya sa bulsa ng pantalon niya ay agad ko iyong kinuha. Dali-dali kong binuksan ang wallet niya at doon ko na nabasa ang pangalan niya.
"Blue Barry."