Chapter 1
Ravena
Malamig ang simoy ng hangin na umiihip mula sa labas ng bintana kung saan ako nakaupo at nakatunghay sa boyfriend kong si Jack. Dalawang linggo na itong walang malay. At hindi ko alam kung kailan siya magkakaroon ng malay?
Halos wala na rin akong tulog sa kababantay sa kaniya. Umaasa na paggising niya ako ang una niyang makikita.
Hindi ko sukat akalain na ang masaya naming pamamasyal ay mauwi ito sa aksidente na siyang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring malay si Jack.
Masaya kami nakasakay sa motor bike, patungo sa Pililia sa Rizal, upang mamasyal sa windmill. Subalit hindi inaasahan naaksidente kaming dalawa ni Jack. Nabangga kami ng malaking truck. Mabuti at galos lang ang natamo ko subalit si Jack, grabe ang natamo niyang sugat sa ulo na siyang dahilan ng pagka-comatose niya.
Hawak-hawak ko ang kaniyang kamay, habang patuloy na pumapatak ang aking mga luha. "Babe, gumising ka na," umiiyak kong sabi sa kaniya. Hinalikan ko ang kaniyang kamay.
Hindi ko na alam kung saan ako kukuha ng lakas para magpatuloy sa buhay? Sunod-sunod ang kamalasan na nangyari sa akin. Ito na siguro ang karma ko sa pagtalikod ko sa aking mga magulang?
Pinapili nila ako si Jack o sila? Subalit si Jack, ang pinili ko. Gusto nila Mommy at Daddy ikasal ako sa iba. Subalit si Jack ang mahal ko, kaya siya ang pinili ko kaysa mga magulang ko.
Isang buwan na ako namumuhay kasama ang kaibigan kong si Mandy. Kung wala si Mandy, hindi ko alam kung saan ako pupunta. Kasalukuyan sa apartment niya ako nakatira. At para hindi naman ako maging pabigat sa kaniya nagtrabaho ako sa isang store sa Baclaran. Para kahit paano makatulong din ako sa gastusan namin ni Mandy.
Naubos na rin kasi ang savings ko noong umalis ako sa bahay. At pinutol na rin nila Mommy at Daddy, ang mga card ko. Ayaw nila kay Jack, para sa akin dahil isa lamang empleyado si Jack sa isang construction company.
Mababa ang tingin nila kay Jack dahil hindi raw ako nito mabubuhay.
Sa ganoon akong sitwasyon nang dumating si Mandy. May mga dala itong plastic bag.
"Dinalhan na kita ng panghapunan mo. Kumusta si Jack? Hindi pa rin ba siya nagigising?" tanong ni Mandy sa akin.
Binitiwan ko muna ang kamay ni Jack at tumayo ako para tingnan kung ano ang mga dala ni Mandy.
"Hindi pa rin siya nagigising, Mandy. Sabi ng doctor kapag nagising siya, baka hindi na siya makalakad. Maliban na lang kapag na operahan siya subalit mahabang proseso at gamutan daw iyon bago siya makalakad ulit," malungkot kong sabi kay Mandy.
Isa-isa niyang binuksan ang dala niya. Mayroon siyang prutas na pinamili at dalawang styro na may lamang kanin at ulam.
"Hindi mo pa rin ba ma-contact ang mga magulang niya?" muling tanong sa akin ni Mandy.
Umiling-iling ako sa kaniya. "Paano ko naman ma-contact ang mga magulang niya kung wala naman silang number or information man lang. Hindi ko nga makita ang contact number nila kay Jack. Saka wala namang ibang naka-phonebook sa cellphone ni Jack, kundi ako lang. Ang alam ko isang magsasaka ang kaniyang mga magulang at sa probinsya pa. Mandy, hindi ko na alam kung anong gagawin ko? Hindi ko kaya kapag mawala si Jack sa akin." Muli na naman nagtutubig ang mga mata ko habang sinasabi ko iyon kay Mandy.
"Huwag mong isipin iyan, Ravena. Mabubuhay si Jack. Magtulungan tayo," sabi sa akin ni Mandy.
Siya na lang talaga ang nagbibigay sa akin ng lakas ng loob. Siya ang nagpapalakas sa akin at nagsasabi na huwag akong sumuko. Mabuti may kaibigan akong katulad niya.
"Alam mo kumain ka na muna para may lakas ka na alagaan siya," alok sa akin ni Mandy.
"Salamat talaga, Mandy. Paano na lang kung wala ka?" mangiyak-ngiyak kong tanong sa kaniya.
"Ano pa at naging magkaibigan tayo kung hindi kita tutulungan? Siguro kung ako rin ang nasa sitwasyon mo tutulungan mo rin ako, hindi ba? Kaya huwag ka ng mag-alala. Bukas day off ko kaya pwede akong magbantay kay Jack ng buong araw para naman makapagpahinga ka at makatulog ng maayos," wika naman sa akin ni Mandy.
Hindi ko na alam kung paano siya pasasalamatan. Ang dami ko ng utang na loob sa kaniya.
Sabay na kaming kumaing dalawa. Subalit hindi ko man lang malasahan ang pagkain. Wala akong ibang inisip kundi si Jack, na sana magising na siya.
Salitan kami ni Mandy, na nagbantay kay Jack, kung minsan.
Kinabukasan naman maaga akong umuwi sa apartment. Naligo na muna ako, at hindi ako pwedeng magpahinga. Lahat gagawin ko para kay Jack.
Kapalan ko na talaga ang pagmumukha ko subalit kailangan kong mag makaawa kay Mommy at Daddy, na tulungan nila ako. Kahit kaunting halaga lang, hanggang mairaos ko lang ang hospital bill ni Jack at ang mga gamot niya.
Pagkatapos kong maligo umuwi ako sa Forbes Park. Nagba-baka sakali ako na baka pakinggan ako ni Mommy at Daddy.
Sumakay ako ng taxi at nagpahatid sa bahay. Kinakabahan man ako, subalit kailangan kong magpakatatag.
Pagdating ko sa harap ng gate namin agad akong nag-doorbell. Si Yaya Magdalena ang nagbukas sa akin ng gate.
"Ravena, mabuti bumalik ka. Kumusta ka na? Saan ang mga gamit mo? Saan ka nakatira? Bakit hindi mo dala ang mga gamit mo?" Sunod-sunod na tanong ni Yaya Magdalena sa akin.
"Yaya, hindi po ako babalik dito. Nariyan ba sina Mommy at Daddy?"
Hindi pa nga nakasagot si Yaya sa tanong ko ay lumabas si Mommy sa pintuan.
"Manang Magdalena, sino 'yan?" tanong ni Mommy kay Yaya.
Sa totoo lang na-miss ko na rin ang mga magulang ko. Subalit para sa akin wala silang karapatan na pigilin ang relasyon namin ni Jack.
Nang makita ako ni Mommy, sumilay ang galit sa kaniyang mga mata.
"Anong ginagawa mo rito, Ravena? Huwag mong sabihin na nagsisi ka sa lalaking pinili mo?" galit na tanong ni Mommy sa akin.
Ilang saglit pa lumabas din si Daddy sa pintuan.
"Papasukin mo iyan dito, Yaya" utos ni Daddy kay Yaya.
Pumasok naman ako at dahan-dahan na lumapit sa kanila sa pintuan.
"Mommy, Daddy, patawarin niyo po ako?" Sabay ng pagpatak ng aking mga luha lumuhod ako sa harapan nila.
"Mommy, Daddy, kailangan ko ang tulong ninyo. Nasa hospital si Jack. Comatose siya hanggang ngayon. Mommy, Daddy, kailangan ko ng pera. Wala na akong ibang malalapitan pa kung, hindi kayo na lang," pagmamakaawa ko sa mga magulang ko.
"Tumayo ka riyan, Ravena. Wala kang tulong na matatanggap sa amin ng Mommy mo. Pinili mo ang lalaking iyon,.kaya magtiis ka!" sabi ni Daddy. Kung dati kahit ano ang hilingin ko sa kanila binibigay nila, subalit ngayon kaya na nila akong tiisin.
"Kung pumunta ka rito para humingi ng tulong sa amin ng Daddy, mo wala kang mapapala sa amin Ravena. Hangga't hindi mo iniiwan ang lalaking iyon!" pagmamatigas ni Mommy.
"Mom, nakikiusap p ako sa inyo. Tulungan niyo ako. Kahit ano gagawin ko, basta, tulungan niyo lang si Jack," patuloy kong pagmamakaawa sa kanila.
"Ipapagamot namin ang boyfriend mo sa isang kondisyon, iwanan mo siya!" mariin na sabi sa akin ni Mommy.
Umiling-iling ako sa gusto niyang mangyari. Iyon lang naman ang kapalit ng pagtulong nila kay Jack, huwag na lang.
"Hindi ko iiwan si Jack. Lalo na at kailangan niya ako ngayon," umiiyak kong sabi sa kanila.
"Kung hindi mo maiwan ang lalaking iyon, puwes kalimutan mo na kami. Walang magandang maidulot sa'yo ang lalaking iyon. Sisirain niya lang ang buhay mo," sabi pa ni Daddy sa akin.
"Huwag mo ng sayangin ang luha mo, Ravena! Kung ang lalaking iyon pa rin ang pinipili mo at hindi mo siya maiwan-iwan. Mas mabuti pa umalis ka na dahil wala kang mapapalang tulong sa amin ng Daddy mo!" sabi ni Mommy na puno ng galit ang kaniyang mga mata.
Pakiramdam ko para akong pulubi na nagpapakalimos sa kanila. Natitiis na nga talaga nila ako. Dahan-dahan akong tumayo at tumalikod sa kanila.
Inihanda ko na rin ang aking sarili kung sakaling hindi nila ako tulungan. Nagba-baka sakali lang ako na baka pagbibigyan nila ang kahilingan ko? Subalit bigo ako umalis sa bahay.
Naglakad ako mula sa bahay hanggang sa entrance ng Forbes.
Walang tigil ang pag-agos ang aking mga luha.
Hindi ko alam kung saan manghiram ng pera, para sa gastusin ni Jack sa hospital?
Pagdating ko sa labas ng Forbes, nagpara ako ng taxi. Umuwi na lang muna ako sa apartment ni Mandy sa Las Piñas. Mamayang gabi na lang ako babalik sa hospital. Ilang araw na rin akong hindi nakapasok sa trabaho dahil tatlong araw din akong na-confine sa Hospital dahil sa mga galos na natamo ko.
Hindi ko rin pwedeng iwanan si Jack na mag-isa na walang bantay sa Hospital.
Pagdating ko sa apartment para akong lutang. Parang hindi ko na nga alam kung paano nakauwi? Ang bigat-bigat ng dibdib ko. Parang gusto kong humagulgol, subalit parang pagod na rin akong umiyak.
Hindi man lang ako matulungan nila Mommy at Daddy. Kung tutulong man sila may kondisyon pa. Subalit hindi ko kaya ang hinihingi nila.
Mas maigi pa sa iba ako humingi ng tulong, kaysa kanila ng mga magulang ko. Kaya nila akong itakwil, kakalimutan ko na rin na may mga magulang pa ako.
Hindi nila alam kung ano ang nararamdaman ko?
Ilang sandali pa may kumatok sa pintuan. Pinunasan ko muna ang aking mga lupa na tahimik lang na dumadaloy sa aking mga mata.
"Ravena, nakita kita na dumating. Heto, dinalhan kita ng chocolate. Galing iyan sa anak kong si Chloe. Kapababa niya lang kasi sa cruise ship," sabi sa akin ni Aling Lenny; ang nakatira sa kabilang apartment.
Inabot niya sa akin ang ilang pirasong chocolate.
"Salamat, Aling Lenny. Pakisabi rin po sa anak ninyo," wika ko sa kaniya at tinanggap ang ibinigay niya sa akin.
"Walang ano man, Ravena. Kumusta naman ang boyfriend mo? Maayos na ba siya?" tanong ni Aling Lenny sa akin.
Sa tuwing pumupunta kasi rito si Jack, para bisitahin ako may mga pasalubong siyang dala at binibigyan ko rin si Aling Lenny at ang pamangkin niya na kasama niya sa kabilang apartment.
"Ayon nga po at hindi pa rin siya nagigising. Aling Lenny, may pakiusap sana ako sa'yo," wika ko sa kaniya.
Kapalan ko na talaga ang mukha ko para lang makahiram ng pera. Kailangan ko kasi iyon sa mga gastusin ni Jack sa hospital.
"Ano iyon, iha?" tanong niya sa akin.
"Aling Lenny, nakakahiya man subalit kailangan ko talagang kapalan ang aking pagmumukha. Baka pwede naman na makahiram ako sa inyo kahit magkano. Wala na kasi talaga akong mahihiraman," sabi ko sa kaniya. Baka sakali lang pahiramin niya rin ako kahit magkano lang?
"Wala naman akong pera, iha. At umaasa lang ako sa anak ko. Kung gusto mo, subukan kong sabihin sa anak ko baka meron siyang extrang pera na ipahiram sa'yo?"
Nahihiya man ako subalit kailangan kong alisin ang aking hiya. "Salamat talaga Aling Lenny. Wala na po talaga akong matatakbuhan pa," wika ko sa kaniya.
"Siya, sige. Magpahinga ka muna. Mukhang wala ka pang tulog. Tatawagin na lang kita mamaya kapag nakausap ko ang anak ko," sabi nito sa akin.
"Maraming salamat, ulit. Pati rito sa chocolate, pakisabi na rin sa anak mo salamat."
Tumango-tango lang si Aling Lenny, sa sinabi ko. Tumalikod na ito at pumasok naman ako sa loob.
Inilapag ko ang chocolates sa lamesa at nahiga na lang ako sa sofa. Iidlip lang muna ako sandali para naman magkaroon ako ng lakas. Ilang araw na wala akong masyadong tulog dahil sa pagpupuyat kay Jack.
Ilang saglit lang ay nakaidlip ako sa sofa. Hindi lang pala idlip iyon kundi nakatulog ako ng limang oras sa sofa. Nagising ako bandang alas-kwatro ng hapon.
Nagpahinga lang ako ng kaunti pagkatapos ay naligo. Para mamayang gabi pupunta na lang ako sa hospital. Pagkatapos ko naman magligo nagsaing na ako. Naglaga lang ako ng itlog dahil iyon lang naman ang alam kong lutuin. Magbabaon ako ng kanin sa hospital at dalhan ko na rin si Mandy dahil siya ang nagbabantay ngayon kay Jack.
Habang nakasalang ang sinaing ko tinawag naman ako ni Aling Lenny.
"Ravena, hali ka sa bahay. Nakausap ko na ang anak kong si Chloe. May kaunting extra siyang pera ipapahiram niya raw sa'yo. Subalit may offer siya sa'yo baka magugustuhan mo, kaya mabuti na 'yong kayong dalawa ang mag-usap," wika niya sa akin.
"Talaga po? Sige po, Aling Lenny. Hinaan ko lang muna ang sinaing ko susunod po ako sa inyo," wika ko sa kaniya.
"Sige, hintayin kita sa bahay," aniya at lumabas na ito ng gate.
Muli naman akong bumalik sa harap ng kalan at hininaan ang apoy ng sinaing ko. Baka kasi masunog ito. Sana ngayon ma perfect ko na ang pagkasaing. Palagi na lang kasi na parang sabaw ang sinasaing ko.
Pagkatapos kong hinaan ang kalan nagtungo na ako sa apartment nila Aling Lenny.
Nang nasa pintuan na ako ng kanilang apartment malawak naman ngumiti sa akin ang anak niyang si Chloe.
"Pasok ka, Ravena!" saad sa akin ni Aling Lenny.
Pumasok ako sa loob ng apartment nila. "Maupo ka," alok naman ng anak ni Aling Lenny sa akin, na kung hindi ako magkakamali ito si Chloe.
"Siya nga pala ang anak ko, Ravena si Chloe. Anak siya naman si Ravena, ang kapitbahay natin kasama ni Mandy," pakilala naman ni aling Lenny, sa akin sa kaniyang anak.
"Hi kumusta?" bati nito sa akin at nakipag-biso-biso pa ito sa akin. Pagkatapos namin magbiso-biso umupo ako sa isahang sofa, sa harap nila ni Aling Lenny.
"Sabi ni Mama, nasa ospital daw ang boyfriend mo at kailangan mo ng pera?" tanong sa akin ni Chloe.
Kasing bait rin ito ng kaniyang ina.
"Oo, nasa hospital ang boyfriend ko. Wala rin kasi siyang pamilya rito. Kung mayroon sana hihiram ako?" nahihiya ko pang sabi kay Chloe.
"May extra pera ako dito 10,000 pesos. Sana makatulong ito sa'yo. Bayaran mo na lang kapag nakapera ka."
Hindi ko inaasahan na pagkakatiwalaan niya ako sa ganoon kalaking halaga. Malaking halaga na ang 10,000 pesos.
"Salamat talaga, Chloe. Hayaan mo kapag nakaraos ako babayaran kita kaagad," wika ko sa kaniya.
"Walang ano man, Ravena. Siya nga pala baka gusto mong mag-apply sa cruise ship na pinagta-trabahuhan ko. Malaki ang pera na kikitain mo. Anim na na buwan o isang taon ka lang naman sa barko. Pero malaki na ang pera na mauuwi mo," sabi sa akin ni Chloe.
Bahagya akong nag-isip sa offer niyang iyon sa akin.
"May isang linggo ka pa namang mag-isip. Kung gusto mo lang naman mag-apply, sayang din kasi ang pera nakikitain mo? Lalo na at nasa hospital ang boyfriend mo. Makakatulong iyon sa kaniya. Minsan lang naman maghanap ang cruise ship na pinagta-trabahuhan ko ng tauhan. Saka malaking barko iyon, kaya hindi ka mabo-boring" sabi ba sa akin ni Chloe.
"Sige, pag-iisipan ko. Salamat ulit," sabi ko sa kaniya.
Ibinigay sa akin ni Chloe, ang pera na hinihiram ko. Kahit paano may pambayad na rin ako sa ibang gamot ni Jack. Hindi ko na nga alam kung ilan ang bill niya sa hospital? Itong pera na ito pang-emergency lang kapag may mga gamot na bibilhin para sa kaniya.
Nang maluto na ang sinaing ko nilagay ko na iyon sa tupperware. Natuwa ako dahil hindi gaanong basa ang sinaing ko pwede na rin pagtiyagaan.
Bumalik ako sa hospital kung saan na confine si Jack.
"Mabuti bumalik ka na na. Alam mo bang nag- seizure kanina si Jack? Kinabahan nga ako. Akala ko malalagutan na siya ng hininga," agad na balita sa akin ni Mandy.
Agad kong inilapag ang dala ko at nag-spray ng alcohol pagkatapos ay hinawakan ko ang mga kamay ni Jack.
"Ano ang sabi ng doctor?" Nag-aalala kong tanong kay Mandy. May tubong nakakabit sa bunganga ni Jack. Supporter niya iyon para makahinga siya.
"May gamot na kailangan bilhin at kailangan iturok na iyon sa kaniya mamaya," sabi ni Mandy sa akin.
"Nakahiram ako ng pera sa anak ni Aling Lenny. Mabuti pa nga ang ibang tao maaasahan ko kaysa sarili kong pamilya." Nagtutubig na naman ang mga mata ko habang sinasabi ko iyon kay Mandy.
"Nanghiram ka ng pera kay Chloe?"
Tumango-tango ako sa tanong na iyon ni Mandy sa akin.
"Pinuntahan ko kanina sina Mommy at Daddy, nagba-baka sakali ako na matulungan nila ako sa gastusin ni Jack. Pero walang kwenta ang paglapit ko sa kanila, Mandy. Tutulong nga sila, pero may kondisyon pa; ang layuan ko si Jack." Tuluyan na ngang tumulo ang aking mga luha sa mata habang sinasabi ko iyon kay Mandy.
Lumapit naman ito sa akin at hinagod-hagod ang aking likod, habang hawak-hawak ko naman ang kabilang kamay ni Jack.
"Tahan, na. Huwag ka ng umiyak. Itinakwil ka na nga ng mga magulang mo lumapit ka pa rin sa kanila. Sino ba namang magulang ang tutulong sa'yo, eh si Jack 'yong pinili mo? Alam ko malalampasan niyo ito ni Jack, Ravena. Huwag kang mawalan ng pag-asa," pagpapalakas sa akin ng loob ni Mandy.
Suminghot-singhot ako at pinunasan ang aking mga luha. "May offer na trabaho si Chloe sa akin. Nangangailangan sila ng tauhan sa cruise ship na pinagta-trabahuhan niya. Kung gusto ko raw mag-apply tutulungan niya ako. Anim na buwan o isang taon lang naman dadaong ulit ang barko. Malaki raw ang sahod at makakatulong iyon sa gastusin ni Jack sa hospital. Tatanggapin ko kaya ang offer niya?" tanong ko kay Mandy.
"Sa hirap ng buhay ngayon, mahirap makahanap ng malaking halaga dito sa pilipinas. Magkano lang naman ang sahod natin bilang isang empleyado? Ang mamahal pa ng mga bilihin? Ikaw, ano ba ang plano mo? Kung ako ang tatanungin mo tatanggapin ko ang offer ni Chloe. Anim na buwan lang naman o isang taon mabilis lang iyon. Magkasama nga kayo ni Jack, wala ka namang pantustos sa hospital niya at kailangan niya pang operahan sa paa para muli siyang makalakad. Kung magiging praktikal ka huwag mong palampasin ang opportunity na dumarating sa iyo. Dahil baka sa susunod wala ng opportunidad na dadaan sa buhay mo. Pero kung ayaw mong mawalay kay Jack at kaya mo siyang tiisin na hindi makalakad at mababaon ka lang sa utang, ikaw ang bahala, Ravena. Pero kung ako sa'yo doon ka na lang sa praktikal, pero ang desisyon mo pa rin ang masusunod," mahabang sabi ni Mandy sa akin.
Ang hirap mamili, pero hindi ko naman kaya na habang buhay maging imbalido si Jack. Sabagay mabilis lang ang anim na buwan o isang taon. Alang-alang kay Jack, gagawin ko ang lahat para sa kaniya. Sana magising na siya.